Sagradong Ganga ng India—Bakit Sinasamba ng Angaw-angaw?
Ng kabalitaan ng “Gumising!” sa India
Ang Ilog Ganges, o Ganga gaya ng pagkakilala rito sa India, ay sinasamba ng mga Hindu sa buong kasaysayan bilang ang pinakasagradong ilog sa daigdig. Sa loob ng mga dantaon angaw-angaw na mga mananamba ang nagdagsaan sa mga pampang nito. Bakit nagtutungo roon ang mga tao? Ano ang hinahanap nila? Ang saglit na pagmamasid sa ilog sa artikulong ito ay tutulong sa iyo na masumpungan ang kasagutan.
SA BANAL na lungsod ng Hardwar, malapit sa paanan ng mga buról ng Himalaya, isang kumikinang na puting Mercedes-Benz ang lumiliko sa makitid na mga daan. Maingat, nilampasan nito ang mga ricksha na bisikleta, mga kalesa, iskuter, at mga taong naglalakad. Sa wakas, malapit sa dulo ng lungsod, ang sasakyan ay huminto sa isang dako na nakapanunghay sa Ganga.
Bagaman ang ilog ay napakarumi sa dinadaluyang sapa, dito sa Hardwar, ang asul-berdeng mga tubig, sariwang mula sa bundok, ay nagbibigay ng kaaya-ayang tanawin sa mga mata. Subalit hindi lamang upang magmasid kung kaya ang kotse ay nakarating dito.
Ang pinto ng kotse ay nagbubukas at lumabas ang isang may pinag-aralan, makabagong pamilyang Indyan. Habang inaayos ng ina ang kaniyang iskarlatang sari, ang kaniyang gintong pulseras at kuwintas na tinatamaan ng sikat ng araw ay kumikinang. Ikinakandado ng ama ang kaniyang kotse at tinitipon ang mga bata, pawang nakasuot ng usong jeans at kasuotang panlaro. Mula sa kanilang hitsura, makikita ang kasaganaan at maliwanag na malaya sila sa mga kabalisahan na sumasalot sa mga dukha. Gayunman, gaya niyaong mga galing sa mas karaniwang pamilya, sila ay pumaroon upang sambahin ang diyosang si Ganga, umaasang makikinabang sa kaniyang mga kapangyarihan.
Malapit sa sagradong paliguang hagdan ng Hari Ki Pauri, hinuhubad nila ang kanilang mga sapatos at saka bumababa patungo sa ilog. Sa isang sandali, sila ay nawala sa gitna ng pulutong ng makulay na mga sari at iba pang kasuotang pangrehiyon. Dito, anumang araw, ang mga tao sa India, mayaman at mahirap, ay nagtutungo sa mga pampang ng Ganga. Sila’y naaakit ng isang pangunahing pangangailangan sa espiritu, isa na may katulad sa buong daigdig.
Sagradong mga Ritwal at Walang-takot na Debosyon
Sa dakong paliguan, ang mga pari ay buong pananabik na naghihintay upang tulungan ang mga peregrino sa pagsasagawa ng mga ritwal ng puja (pagsamba sa) Ganga. Sila’y nag-aalay ng mga bulaklak at bumibigkas ng mga panalangin. Pagkatapos nilalagyan ng pari ng tanda, o tilak, na pula o dilaw sa noo ang mga mananamba. Pagkatapos ay ang kapansin-pansing pagtatanghal ng walang-takot na debosyon.
Ang malamig, mabilis na umaagos na tubig kung araw ng Nobyembre ay hindi nakahahadlang sa mga peregrino. Buong tapang, nilulusong ng bata’t matanda ang napakalamig na tubig. Nilalasap ang marahil ay minsan-sa-buong-buhay na pagkakataong ito, hinahayaan nilang gawing manhid ng tubig ng Ganga ang kanilang mga katawan. Kahit na ang mga bata, na nasa bisig ng maingat na mga magulang, ay sandaling inilulubog sa tubig. Nanginginig subalit nasisiyahan, ang mga naliligo ay umaahon upang magpainit sa harap ni Surya, ang diyos-araw. Sa dakong huli, dadalaw sila sa ilan sa maraming templo sa Hardwar o marahil ay magtutungo sila sa dako pa roon mga 26 na kilometro sa Rishikesh. Doon, dose-dosenang mga ashram ang nakalinya sa pampang ng Ganga, at ang mga dayuhan ay nagkakalipumpon doon para sa meditasyon at sa mga pag-aaral ng Yoga.
Sa gabi, ang mga peregrino ay nagbabalik sa dakong paliguan para sa isang panahon ng pantanging pagsamba. Pami-pamilya at mga mag-asawa ay dumarating na may matitibay na munting bangka na yari sa luntiang dahon. Ang mga ito ay punô ng makulay na bulaklak ng marigold, mabangong mga talulot ng rosas, at isang munting puswelong luwad na may mitsa. Isang may kabataang mag-asawa ang naghubad ng kanilang mga sapin sa paa, magkasamang nanalangin, sinindihan ang mitsa, at marahang inilagay ang kanilang bangka sa umaagos na tubig. Tulad ng maraming bagong kasal, maaaring hiniling nila ang pagpapala ng Ganga sa isang malusog na anak na lalaki. Pagkatapos sabihin ang mga kahilingan, ibinubunsod rin ng iba ang kanilang munting mga bangka. Hindi magtatagal isang plotilya ng taas-babang mga ilaw ang pumupuno sa tubig at mabilis na tinatangay pababa ng malakas na agos.
Walang anu-ano, ang katahimikan ng gabi ay binabasag ng maingay na pagkalembang ng mga kampana sa templo. Ang malakas na ingay ay nagpapatuloy ng mga ilang minuto habang iwinawagayway ng mga pari ang nag-aapoy na mga lampara sa tabi ng ilog at umaawit ng papuri sa Ganga. Gayon natatapos ang isa na namang araw ng pagsamba at debosyon.
“Pagsuso sa Iyong Ina”
Walang alinlangan, ang Ganga ay natatangi sa iba pang mga ilog subalit hindi dahil sa pisikal na mga katangian nito. Halos 30 ilog sa daigdig ay mas mahaba, at sa India mismo, ang mga ilog ng Brahmaputra at Indus ay mas malaki. Gayunman, mula sa hamak na pinagmulan nitong niyebe sa bundok tungo sa matulin nitong paglabas sa Bay ng Bengal, ang Ganga ay sinasamba sa kahabaan nito na 2,700 kilometro. Ikatlong bahagi ng 800 milyong tao ng bansa ang nakatira sa lunas ng ilog Ganga at materyal na dumidepende sa ilog para sa pagkain, tubig, at patubig. Higit kaysa anumang ibang ilog, ang Ganga ay sumasagisag sa India.
Kaya sa mga sumasampalatayang Hindu, ang Ganga ay Ganga Ma, o Inang Ganges. Ang ilog ay minamalas bilang isang tapat na ina na nagpapakain at nililinis ang kaniyang mga anak, kapuwa sa espirituwal at pisikal na paraan. Kaya, inilarawan ng isang makatang Indyan na si Tulsidas ang Ganga bilang bhukti mukti dayini, ibig sabihin, ang tagapagbigay kapuwa ng kaligtasan at materyal na kasiyahan. Ang pag-inom sa kaniya, ay “gaya ng pagsuso sa iyong ina,” sabi ng isang deboto. Ang gayong mga damdamin ay nagpapabanaag ng malapit na kaugnayan sa pagitan ng ilog at ng mga mananamba nito. Gayon na lamang kalakas ang buklod na ito anupa’t ang mga peregrino noong mga nakalipas na taon ay walang pag-aatubiling ibinigay ang kanilang ‘sakripisyong buhay’ sa pamamagitan ng kusang pagpapakalunod ng kanilang mga sarili sa mga tubig nito.
Ang idealistikong larawang ito ay may bagong katangian at kulay ngayon. Paliku-liko sa maunlad na mga lungsod, tinatanggap ng Ganga ang patuloy na pagsalakay ng imburnal at mga kemikal. Isang inhinyerong sibil, na idinaraing ang kalagayan, ay nagkomento: “Ang mahihirap ay basta dumudumi sa ilog, itinatapon ng mayayaman ang mga dumi ng industriya at inihahagis ng mga relihiyoso ang kanilang mga bangkay rito.” Tinatayang hindi kukulangin sa sampung libong bangkay ang inihahagis sa ilog sa bawat araw. Gayunman, araw-araw sa lungsod ng Varanasi (Banaras), ang tuwang-tuwang mga naliligo ay ritwal na naliligo sa ngayo’y maitim, maruming tubig, hindi iniintindi ang lumulutang na labí mula sa kalapit na dakong pinagsusunugan ng bangkay. Buong pagtitiwala, isinasagawa nila ang achaman, ang paglulon ng kaunting tubig mula sa Ganga bilang bahagi ng pagsamba sa araw.
“Patuloy kong isasagawa ang sagradong paglulubog sa tubig hanggang ako’y mamatay,” sabi ng isang siyentipiko na ngayo’y nakatira malapit sa Ganga. “Subalit sa tuwing ginagawa ko ang achaman . . . , may katakut-takot na pagbabaka sa loob ko.” Nagkukomento tungkol sa pahayag na ito, isang magasin sa India ang nagsabi: “Bilang isang siyentipiko, nalalaman ni Propesor Mishra na ang tubig na nilululon niya ay marumi. Subalit walang magawa si Mahant Veerbhadra Mishra kundi inumin ang sagradong tubig ng Ganga at marahil, wala nang iba pang mas mabuting halimbawa ng damdamin ng mga Hindu sa Ganga kaysa rito.”
Bakit gayon na lamang ang pagsamba ng mga mananambang Hindu sa Ganga? Ang gayong debosyon ay maaaring makalito roon sa walang kabatiran sa alamat ng pinagmulan nito at ang mga kapangyarihan na pinaniniwalaang mula sa mga tubig nito. Dito nasasalalay ang mga sekreto ng mistikong kapangyarihan ng Ganga sa mga tao nito.
Pagbaba Mula sa Langit—Bakit?
Ang alamat ng Ganga ay masalimuot na hinabi na gaya ng anumang kuwento tungkol sa mga diyos at mga diyosa ng Hindu. Ang eksaktong mga detalye ay sarisari, ngunit, sa maikli, ganito ang kuwento:
Si Haring Sagara ay may 60,000 mga anak na lalaki, na pinatay ng isang pantas na si Kapila. Ang kanilang mga kaluluwa ay hinatulang gumala-gala sa lupa magpakailanman malibang ang diyosang si Ganga ay mananaog mula sa langit upang linisin sila at palayain sila mula sa sumpa. Dahil sa pagpapakasakit na ginawa ng isa pang hari, si Bhagirathi, si Ganga ay nanaog sa lupa at nasabit sa buhok ng diyos na si Shiva—ang mga niyebe sa tuktok ng Himalaya. Mula roon, siya ay umagos sa dagat, at nilinis ng kaniyang mga tubig ang mga kaluluwa ng 60,000 mga anak na lalaki ni Haring Sagara at isinauli sila sa paraiso.
Diyan nasasalalay ang kasagutan sa kung bakit angaw-angaw ang dumadalaw at sumasamba sa Ganga sa loob ng mga dantaon. Ang Ganga, sang-ayon sa kaniyang mga mananamba, ay may kapangyarihang magpalaya, dumalisay, maglinis, at magpagaling. Isang sinaunang sulat na Hindu, ang The Brahmandapurana, ay nagsasabi: “Yaong matapat na naliligo na minsan sa dalisay na mga agos ng Ganga, ang kanilang tribo ay Kaniyang ipagtatanggol mula sa daan-daang libong mga panganib. Ang mga kasamaan na natipon sa loob ng mga salinlahi ay nalilipol. Sa paliligo lamang sa Ganga ang isa ay agad na nadadalisay.” Isa pa, sa pag-inom sa tubig ng Ganga, sinasabing, nakakamit ang kawalang-kamatayan. Ang pagkamatay sa Ganga, ang sunugin ang bangkay sa pampang nito, at ang paghahagis ng abo ng isang sinunog na bangkay sa ilog ay inaakalang aakay sa walang-hanggang kaligayahan. Ang kaluluwa—na pinaniniwalan ng marami na walang-kamatayan—ay sinasabing napapalaya mula sa siklo ng mga muling-pagsilang, anupa’t ito sa wakas ay nakapagpapahinga, lumalakip sa pinakadiwa mismo ng diyos.
Malapit Na ang Pagpapagaling sa Lahat ng mga Bansa
Ang pagnanais para sa espirituwal na paglilinis at pagpapalaya mula sa paghihirap ay waring pangunahin sa mga tao sa lahat ng dako. Sa ibang dako ng daigdig, ang gayong kaligtasan, o mukti, ay hinahanap sa ibang paraan. Maaaring ipagtapat ng iba ang kanilang mga kasalanan sa isang tagapamagitan, gaya ng isang pari, upang tumanggap ng kapatawaran at saka gagawa ng hinihiling na pagpapakasakit. Inaakala naman ng iba na sa pamamagitan ng mga panalangin, pagbasa ng sagradong kasulatan, pagsasakripisyo, pagbibigay ng mga kaloob at limos, o pagkakait-sa-sarili ang isang tao ay malilinis mula sa kaniyang mga kasalanan at tatanggap ng mga pagpapala pagkamatay niya. Subalit taglay ang gayong nagkakasalungatang mga ideya, mayroon bang tiyak na paraan upang makasumpong ng paglaya mula sa kasalanan at kamatayan?
Kawili-wili, isang sinaunang aklat ng banal na mga sulat, ang Bibliya, ay bumabanggit din tungkol sa espirituwal na paglilinis at pagpapagaling ng mga tao may kaugnayan sa isang ilog. Nakita ng propeta at manunulat na si Juan ang isang pangitain ng “isang ilog ng tubig ng buhay” na umaagos mula sa trono ng Diyos. Sa halip ng mga naliligo, sa kahabaan ng pampang nito ay saganang mga punungkahoy na namumunga “na pampagaling sa mga bansa.”—Apocalipsis 22:1, 2.
Sa makasagisag na paraan, binabanggit dito ng Bibliya ang tungkol sa kahanga-hangang paglalaan ng Diyos upang palayain magpakailanman ang sangkatauhan mula sa kasalanan at kamatayan at maglaan ng buhay na walang-hanggan. Sa ilalim ng paglalaang ito, ang mga pulutong na naligo sa tubig ng Ganga—pati na ang angaw-angaw na hindi man lamang nakakita sa Ganga—ay magkakaroon ng pagkakataon na malinis buhat sa kasalanan at mapalaya mula sa kamatayan sa napakalapit na hinaharap.a
[Talababa]
a Tingnan ang pulyetong Victory Over Death—Is It Possible for You? na makukuha mula sa mga tagapaglathala ng magasing ito.
[Larawan sa pahina 15]
Sa gitna ng napakaraming templo at dambana, mga tao ng lahat ng uri ay nagtutungo sa Ganga upang maligo
[Larawan sa pahina 15]
Sa tabi ng ilog, tinutulungan ng isang pari ang isang babae sa mga ritwal ng pagsamba sa Ganga
[Larawan sa pahina 16]
Isang panteon ng mga diyos at diyosang Hindu sa isa sa maraming templo sa Hardwar
[Larawan sa pahina 17]
Isang dalagang naghahandang ibunsod ang kaniyang bangkang dahon sa Ganga