Ang Kinabukasan ng Relihiyon sa Liwanag ng Kahapon Nito
Bahagi 6—1513 B. C. E. Patuloy—Ang Pinakamabiling mga Aklat ng Relihiyon
“Ang ating relihiyon ay nasa isang aklat.” Samuel Johnson, ika-18 siglong manunulat ng sanaysay at makatang Ingles
ANG lahat ng pangunahing relihiyon ay may sariling aklat o mga aklat. Samantalang ang mga ito ay maaaring “lubhang nagkakaiba sa anyo, dami, gulang, at antas ng kabanalan,” sabi ng The New Encyclopædia Britannica, “ang kanilang panlahat na katangian ay na ang kanilang mga salita ay itinuturing ng mga deboto na sagrado.” Ang pag-iral mismo ng napakaraming sagradong aklat ay nagpapatunay sa ganang sarili na ang tao ay talagang relihiyoso.
Ang Bibliya (ng Kristiyanismo), ang Koran (ng Islam), ang Talmud (ng Judaismo), ang Vedas (ng Hinduismo), at ang Tripitaka (ng Budismo) ang opisyal na sagradong mga kasulatan ng pangunahing mga relihiyon.a
Ang iba pang mga aklat, bagaman hindi kinikilala ng anumang organisadong relihiyon bilang kanilang opisyal na sagradong mga aklat, ay relihiyoso rin. Totoo ito kung tungkol sa Kojiki at sa Nihongi, mga aklat na sa loob ng mga dantaon ay may malakas na impluwensiya sa buhay ng mga Haponés at sa Shinto. Ang buhay ng mga Intsik ay naimpluwensiyahan din ng 13 Klasiko ni Confucius. Ang huling banggit ay batay sa mga turo ni Confucius, isang pantas na Intsik na hindi pa nga isang tin-edyer nang ang Babilonya ay bumagsak sa Medo-Persia noong 539 B.C.E. Ang pangunahing aklat-aralin ng Confucianismo, ang Analects (Lun yü), ay sinasabing naglalaman sa 496 na mga kabanata nito ng mga salita ni Confucius mismo.
Ang mas bagong relihiyosong mga katha ay nakaabot din sa sagradong katayuan. Ang ilan ay itinuturing na mahahalagang karagdagan sa tinatanggap na mga kasulatan. Ang mga miyembro ng Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, halimbawa, ay naniniwala na ang Book of Mormon ay isinulat sa mga klitseng ginto ng isang propetang nagngangalang Mormon; na ito pagkatapos ay ibinaon ng kaniyang anak na si Moroni; at na pagkalipas ng 1,400 taon, noong unang hati ng ika-19 na siglo, ay nasumpungan ng isang anghel at ibinigay kay Joseph Smith, na siyang nagsalin nito.
Ang aklat na Science and Health With Key to the Scriptures, ni Mary Baker Eddy, unang inilathala noong 1875 bilang Science and Health, ay itinuturing na gayon din. Sa loob ng mga taon siya ay tutol na ang kaniyang aklat ay isalin sa ibang mga wika subalit sa wakas siya ay pumayag, sa isang kasunduan: “Ang bagong edisyong ito ay ililimbag na may salit-salit na mga pahinang Ingles at Aleman, ang isang panig ay maglalaman ng kinasihan ng Diyos na bersiyon sa Ingles na siyang pamantayan, at ang iba pa ay maglalaman ng tekstong Aleman na magiging isang salin.”—Amin ang italiko.
Kahit na ang di-relihiyosong mga aklat ay itinaas tungo sa katayuan ng sagradong kasulatan. Kabilang sa kategoryang ito ang mga katha ng mga lalaki noong ika-19 at ika-20 siglo na gaya nina Charles Darwin, Karl Marx, at Mao Tse-tung, na ang mga ideya tungkol sa ebolusyon at komunismo ay relihiyosong itinataguyod ng angaw-angaw na mga tao.
Pagtatatag ng Isang Canon
Karamihan ng sagradong mga kasulatan ay ipinasa nang bibigan, kung minsan sa loob ng mga dantaon. Subalit sa pangkalahatan, sa ilang punto, ipinalalagay na mahalagang tiyakin kung anong mga bahagi ng natipong materyal—alin sa bibigan o nasusulat—ang magsisilbing opisyal na canon ng isang partikular na relihiyon. Ang salitang “canon” ay binibigyan-kahulugan bilang “isang kalipunan o autoritibong talaan ng mga aklat na tinatanggap bilang sagradong kasulatan.”
Ang pagtatatag ng pare-parehong canon ay hindi madali, kung minsan hindi pa nga posible. Halimbawa, tinatawag ng The Encyclopedia of Religion ang literaturang Budista na natatangi sa gitna ng relihiyosong mga kasulatan sapagkat napakaraming mga canon. Sabi nito: “Ang kalipunan ng mga kasulatan ay nagkakaiba sa isa’t isa sa mahalagang mga paraan, at may ilan pang mga teksto na masusumpungan sa bawat tradisyon.” Ang kalituhang ito ay nagbunga ng pagkatatag ng pangkat ng mga sekta at ng tinatawag ng kasaysayan na “Labingwalong Paaralan” ng kaisipang Budista.
Sa kabilang dako, sa Hinduismo naman ay may pagkakaiba sa pagitan ng isang tinatanggap na canon at ng ibang pang akda na pinagkalooban ng katayuang medyo sagrado. Ang uring iyon ng sagradong kasulatang Hindu ay tinatawag na Sruti, na ang ibig sabihin ay “pagkatuto sa pamamagitan ng pakikinig,” na tumutukoy sa panimulang mga kapahayagan at kasali rito ang Vedas at ang Upanishads. Ang Smrti, ibig-sabihin ay “rekoleksiyon,” karagdagan sa Sruti, ay nagpapaliwanag at pinalalawak ito. Kaya ang Smrti ay itinuturing na pangalawahin, semicanonico, bagaman sa katunayan dito nakukuha ng mga Hindu ang karamihan ng nalalaman nila tungkol sa kanilang relihiyon.
Nahihirapan din ang nag-aangking mga Kristiyano sa pagtatatag ng isang canon para sa Bibliya. Ang Iglesya Katolika Romana at ang karamihan ng mga relihiyong Eastern at Oriental Orthodox ay minamalas ang ilan o ang lahat ng 13 karagdagang mga kasulatan bilang deuterocanonico, ang ibig sabihin ay “ng ikalawang (o nang dakong huli) canon.” Tinatawag ito ng mga Protestante na apokripos, na orihinal na nangangahulugang “maingat na itinago” sapagkat ang mga ito ay hindi binabasa sa madla at ngayon ay nagpapahiwatig na ang pagiging totoo nito ay hindi kapani-paniwala. Si James H. Charlesworth ng Princeton Theological Seminary ay nagsasabi: “Nang ang mga canon ng kasulatan ay isara, una ng mga autoridad na Judio at pagkatapos ng mga Kristiyano, ang mga sulat na ito ay hindi kasali, at mabilis na naiwala nito ang kanilang impluwensiya at halaga.” Noon lamang 1546 na ipinahayag ng Konseho sa Trent ang mga ito na bahagi ng canon ng Bibliya.
“Wat schrifft, blifft”
Ang may rimang kawikaang ito na Mababang Aleman, na nangangahulugang “kung ano ang naisulat ay mananatili,” ay bumabanggit sa mga patibong ng paghahatid ng impormasyon nang bibigan. Ang importanteng mga detalye ay maaaring makalimutan; ang kaunting mga pagbabago ay maaaring magdagdag ng pagkakaiba na dati’y hindi nilalayon. Kaya, mahalaga na kung tungkol sa sagradong mga aklat, ang Bibliya ay isa sa kauna-unahang naisulat. Sa katunayan, tinapos ni Moises ang unang bahagi nito noong 1513 B.C.E.
Sa kabaligtaran, sang-ayon sa The Encylopedia of Religion, ang Upanishads, isang karagdagan sa Vedas na mula pa noong ikawalo hanggang ikaapat na siglo B.C.E. at isinulat sa wikang Sanskrit, ay “unang naisulat noong 1656 CE.” Subalit hindi ito isang kaso ng kapabayaan. Ito ay sinadya. Ang mananalaysay na si Will Durant ay nagpapaliwanag: “Ang Vedas at ang mga epiko ay mga awit na lumago na kasama ng mga salinlahi na bumibigkas nito; ito ay nilalayon hindi upang basahin kundi upang pakinggan.”
Sinasabi pa rin ng ilang Hindu at Budista na tanging ang pagbigkas nang bibigan sa mga kasulatan ang nagbibigay rito ng lubos na kahulugan at halaga. Labis nilang idiniriin ang mga mantra, mga salita o pormula na ipinalalagay na may likas na kapangyarihan ng kaligtasan. Ang The New Encyclopædia Britannica ay nagsasabi na “sa pagbigkas ng isang mantra sa wastong paraan inaakalang maaaring mahikayat o mapilit pa nga ng isa ang mga diyos na pagkalooban ang deboto ng mahiko at espirituwal na mga kapangyarihan na hindi niya makukuha sa ibang paraan.”
Kaninong Salita, at Para sa Ilan?
Hindi lahat ng sagradong mga kasulatan ay nag-aangking isinulat ng Diyos o humihiling na ito ay malawakang ipamahagi at maaaring makuha ng lahat ng tao. Halimbawa, ang Upanishads ng Hindu (ibig sabihin ay “nakaupong malapit”) ay tinawag na gayon sapagkat nakagawian ng mga guro ng relihiyon na sabihin ang sekretong mga doktrina sa kanilang pinakamagaling at paboritong mga mag-aaral, doon sa “nakaupong malapit.” “Ang katagang upaniṣad sa gayon ay nagpapahiwatig ng isang elemento ng esotericismo,” sabi ng The Encyclopedia of Religion, sabi pa nito: “Sa katunayan, maliwanag na sinasabi ng Upaniṣads na ang gayong mga leksiyon ay hindi nilalayon para sa lahat . . . [kundi] upang mapakinggan lamang ng piling mga tainga.”
Sa gayunding paraan, ang Arabeng Koran ay ipinalalagay ni Muhammad na maging isang aklat para lamang sa mga Arabe. Ito’y sa kabila ng bagay na ang isa na kinakatawan na nagsasalita ay halos natatanging ang Diyos mismo, ang Maylikha ng lahat ng tao. Ang pagsasalin ng Koran sa iba pang mga wika ay ipinalalagay na hindi angkop; samakatuwid, tanging ang tekstong Arabe lamang ang maaaring bigkasin at gamitin sa mga ritwal. Maaaring ipagunita nito sa ilang Katoliko na bago ang Ikalawang Konsehong Vaticano, na ginanap noong 1960’s, Latin lamang ang maaaring gamitin sa liturhiyang Romano Katoliko.
Sa kabilang dako, nililinaw ng Bibliya na ang mensahe nito ay hindi natatakdaan sa anumang isang grupo. Ito’y kasuwato ng pag-aangkin nito na ito ay hindi “salita ng mga tao, kundi . . . ang salita ng Diyos.” (1 Tesalonica 2:13) Sinikap na malawakang ipamahagi ito ng mga tagapagtaguyod nito, ikinakatuwiran na ang lahat ng tao ay may pantay-pantay na karapatan na makinabang mula sa mga salita ng karunungan ng kaniyang Maylikha. Kaya sa pagtatapos ng 1987, ito ay naisalin na, sa paano man sa bahagi, sa 1,884 na mga wika o mga dialekto. Noong 1977 tinataya ng The Book of Lists na ang sirkulasyon ng Bibliya ay 2,458 milyong kopya, gayunman, sinasabi nito na malamang na mas tama ang 3,000 milyon.
Mga Relihiyon—Hinahatulan Ayon sa Kanilang mga Aklat
Noong 1933 ang pilosopong Ingles na si Alfred Whitehead ay sumulat: “Walang relihiyon ang maituturing na hiwalay sa mga tagasunod nito.” Kasuwato nito, batay sa mga uri ng tao na ibinubunga nito, ang isang relihiyon ay maaaring hatulan bilang tunay o huwad, mabuti o masama. At, mangyari pa, ang sagradong kasulatan na sinasabing sinusunod nito—sa lawak na ang kanilang mga turo ay ikinakapit—ay malaki ang nagagawa sa paghubog sa mga mananampalataya nito sa kung ano sila.
Ang sagradong kasulatan ay dapat na maglaan ng wastong patnubay. Ito ay dapat na—gaya ng pagkakasabi rito ng Bibliya—“mapapakinabangan sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay, sa pagdisiplina ayon sa katuwiran,” tinutulungan ang mga tao na maging “ganap ang kakayahan, lubusang nasasangkapan para sa bawat mabuting gawa.”—2 Timoteo 3:16, 17.
Paano nakatutugon ang pinakamabiling mga aklat ng relihiyon? Sa anong lawak, halimbawa, nasangkapan ng sagradong mga kasulatang Hindu at Budista ang kanilang mga mambabasa na makayanan ang mga problema sa buhay? Upang malaman, dapat tayong bumaling sa India, kung saan sinasabi ng mananalaysay na si Durant: “Walang ibang bansa kung saan ang relihiyon ay napakalakas, o napakahalaga.” Sa aming mga labas sa Abril, dalawang artikulo na tatalakay sa kahali-halinang paksang ito ang lalabas, ang una ay pinamagatang “Hinduismo—Ang Ngalan Mo’y Pagpaparaya.”
[Talababa]
a Tatalakayin ng artikulong ito ang mga aklat lamang; detalyadong tatalakayin ng mga artikulo sa hinaharap ang mga relihiyon na gumagamit nito.
[Kahon sa pahina 12]
Kung Ano ang Kahulugan ng Kanilang mga Pangalan
BUDISMO: Tripitaka, mula sa Sanskrit para sa “tatlong basket [koleksiyon]”
KRISTIYANISMO: Bibliya, mula sa Griego para sa “maliliit na aklat”
CONFUCIANISMO: Lun yü, Intsik para sa “mga pag-uusap”
HINDUISMO: Veda, mula sa Sanskrit para sa “kaalaman”
ISLAM: Koran, mula sa Arabe para sa “pagbasa, pagbigkas”
JUDAISMO: Talmud, mula sa Hebreo para sa “pag-aaral, pagkatuto”
SHINTŌ: Kojiki at Nihongi, Hapones para sa “mga rekord ng sinaunang mga bagay” at “kasaysayan ng Hapón”
TAOISMO: Tao-te-Ching, Intsik para sa “klasiko ng daan ng kapangyarihan”
ZOROASTRIANISMO: Avesta, ipinangalan sa Avestan, patay na wikang Iranian kung saan ito ay naisulat
[Kahon sa pahina 13]
Kung Paano Maihahambing ang Laki ng mga Ito
Ang ibang pinakamabiling mga aklat ng relihiyon ay lubhang napakahaba. Isang eksepsiyon ang Koran, na halos sangkapat ng laki ng Bibliya. Ang isa lamang koleksiyon ng sagradong mga akdang Hindu, tinatawag na mga Samhita, ay tinatayang naglalaman ng hanggang isang milyong mga taludtod. Kung ihahambing, ang King James Version ay naglalaman lamang ng 31,173 mga talata. At samantalang ang King James ay may 773,746 na mga salita, ang Talmud Babiloniko ay may mga 2.5 milyong salita. Mas makapal pa rito, ang Budistang canon ng Intsik ay sinasabing sumasaklaw ng halos isang daang libong inilimbag na mga pahina.
[Larawan sa pahina 11]
Ang Bibliya at ang Koran ay kabilang sa pinakamabiling mga aklat ng relihiyon