Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g89 4/8 p. 4-8
  • Ang Holocaust—Oo, Talagang Nangyari Ito!

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Holocaust—Oo, Talagang Nangyari Ito!
  • Gumising!—1989
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pandarayuhan o Paglipol?
  • Umamin ang Komandante
  • Kamatayan sa Pamamagitan ng Paglunod
  • Ang Holocaust—Ang Limot Nang mga Biktima
    Gumising!—1989
  • “Ibinilanggo Dahil sa Kanilang Pananampalataya”
    Gumising!—2006
  • Ang Holocaust—Mga Biktima o mga Martir?
    Gumising!—1989
  • Nakikitang Katibayan ng Holocaust
    Gumising!—1993
Iba Pa
Gumising!—1989
g89 4/8 p. 4-8

Ang Holocaust​—Oo, Talagang Nangyari Ito!

KATAKA-TAKA, may maliit na minoridad ng mga tao na nagsasabing ang Holocaust ay hindi nangyari gaya ng pagkakalarawan dito ng modernong kasaysayan. Sa kaniyang publikasyong Did Six Million Really Die? The Truth at Last, si Richard Harwood ay nagsabi: “Ang sinasabi na 6 na milyong Judio ang namatay noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, na tuwirang bunga ng opisyal na patakarang Aleman na paglipol, ay lubos na walang batayan.”

Kaya mga tanong ay ibinangon: Ipinag-utos ba ng mga Nazi ang paglipol sa mga Judio noong Digmaang Pandaigdig II? Talaga bang apat hanggang anim na milyong Judio ang namatay sa mga concentration camp? Mayroon nga bang mga bagay na gaya ng gas chambers (mga silid kung saan ang mga bilanggo ay pinapatay sa pamamagitan ng nakalalasong gas)? O ang mga ito ba ay pagpapasamâ sa kasaysayang Aleman?

Sinasabi ng ilang tagapagrebistang mga mananalaysay na ang mga pangyayaring ito ay hindi naganap. Ikinakatuwiran nila na, sa pinakamarami, iilang libo lamang mga Judio ang namatay at na ang karamihan ay inilikas sa ibang bansa.

Itinampok ng isang kaso sa hukuman sa Canada kamakailan ang pagtatalong ito. Isang mandarayuhang Aleman sa Canada ang ipinagsakdal dahil sa “may kabatirang paglalathala ng maling impormasyon na malamang na lumikha ng pinsala sa pagpaparayang panlipunan at panlahi” sa pagkakaila na ang Holocaust ay nangyari, ulat ng The Globe and Mail ng Toronto, Canada. Ang resulta ay 15-buwang pagkapiit at pagbabawal sa paglalathala ng kaniyang binagong mga palagay tungkol sa Holocaust.

Sa Kanlurang Alemanya isang batas laban sa paninirang-puri ang sinusugan noong 1985 upang payagan ang mga di-Judio na magsampa ng reklamo laban sa “sinuman na nag-iinsulto, naninirang-puri, humahamak sa mga taong ‘namatay bilang mga biktima ng National Socialist o ng iba pang anyo ng malupit o mapaniil na pamamahala.’” Ang epekto ng batas na ito ay na ito “ay gumagawa sa pagtatatuwâ sa pagpatay sa mga Judio sa mga concentration camp noong diktadura ng Nazi na isang pagkakasalang may kaparusahan,” sabi ng Hamburger Abendblatt.

Ang pagtatatuwâ sa Holocaust ay karaniwang tinatawag na “kasinungalingan Auschwitz.” Ang Auschwitz (ngayo’y Oświȩcim) ang napakasamang concentration camp sa Poland kung saan isinagawa ng mga Nazi ang lansakang pagpatay. Sang-ayon sa media sa Kanlurang Alemanya, sinikap itago o ikaila ng panig-kanan na mga ekstremista ang mga pangyayaring ito kaya ang katagang “kasinungalingang Auschwitz.”

Pandarayuhan o Paglipol?

Ang pag-iral ngayon ng angaw-angaw na mga Judio na may Europeong pinagmulan ay nagpapatunay na ang mga Nazi ay hindi nagtagumpay sa pagpuksa sa Europeong pagka-Judio. Na maraming Judio ang nakaligtas sa binalak na paglipol sa mga concentration camp ay pinatutunayan ng mananalaysay na si William L. Shirer, na sumulat sa kaniyang aklat na 20th Century Journey​—The Nightmare Years 1930-1940: “Hindi lahat ng mga Judiong Austriano ay naglaho sa mga kampong Nazi at mga piitan. Maraming Judio ang pinayagang bilhin ang kanilang paglaya at mangibang bansa. Karaniwan na, ito’y nagkahalaga sa kanila ng malaking salapi. . . . Marahil halos kalahati ng 180,000 Judio sa Vienna ang nabili ang kanilang kalayaan bago nagsimula ang Holocaust.” Ang patakarang ito ay nagkabisa noong 1930’s.

Gayumpaman, sinabi ni Shirer na bagaman itinatag ang Tanggapan para sa Pandarayuhang Judio, sa ilalim ni Reinhard Heydrich, “nang dakong huli ito ay magiging isang ahensiya hindi ng pandarayuhan kundi ng paglipol, at aayusin ang sistematikong pagpatay sa mahigit na apat na milyong mga Judio.” Ang “pangwakas na lunas” na ito ay pinangasiwaan ni Karl Adolf Eichmann, na sa wakas ay binitay sa Israel dahil sa kaniyang mga kasalanan sa digmaan.

Ang mga concentration camp ay hindi ang tanging paraan ng pag-aalis sa kung ano ang ipinalalagay ng mga Nazi na mababa-sa-tao at mababa-uring lahi. Nariyan din ang kinatatakutang Einsatzgruppen (Pantanging Grupo ng Pagkilos), mga pangkat na tagalipol na nasa likuran ng sumasalakay na hukbo “at na ang tanging layunin ay ang lansakang pagpatay sa mga Judio. . . . Nasa likuran ng umaabanteng hanay sa unahan upang ilan lamang ang makaiwas sa kanilang lambat, malupit na binaril, binayoneta, sinunog, pinahirapan, ginarote sa kamatayan o inilibing na buháy ng Einsatzgruppen ang halos kalahating milyong mga Judio sa unang anim na buwan ng kampaniya.”​—Hitler’s Samurai​—The Waffen-SS in Action, ni Bruce Quarrie.

Mahirap bang paniwalaan ang bilang na iyan? Iyan ay katumbas sa katamtaman ng wala pang isang pagpatay araw-araw sa bawat miyembro ng 3,000 miyembrong pangkat. Nang marating ng pantanging grupo ng pagkilos na ito ang mga teritoryong Sobyet, bahagi ng bilang ng mga namatay ay “mahigit na 900,000, katumbas lamang ng halos dalawang-katlo ng kabuuang bilang ng mga biktimang Judio sa kumikilos na kampaniya laban sa mga Judio.”​—The Destruction of the European Jews, ni Raul Hilberg.

Umamin ang Komandante

Anong patotoo mula sa mga nagsibahagi mismo sa mga pagpatay sa mga concentration camp? Si Rudolf Höss, dating komandante ng kampo sa Auschwitz ay nagreklamo: ‘Maniwala ka sa akin, hindi nakasisiyang makita sa tuwina ang mga bundok na iyon ng mga bangkay at maamoy ang walang katapusang pagsunog.’ Siya rin ay nagpahayag ng “di pagsang-ayon na ang Jewish Special Detachments (Sonderkommandos) ay handa, kapalit ng maikling paglawig ng kanila mismong buhay, na tumulong sa paglason sa pamamagitan ng gas sa mga miyembro ng kanila mismong lahi.” (The Face of the Third Reich, ni Joachim C. Fest, pahina 285) Ganito pa ang susog ng autor na Aleman na si Fest: “Lumilitaw ang ilang isahang-panig na perpeksiyunistang pagmamalaki ng eksperto sa pananalita ni Höss: ‘Sa pamamagitan ng utos ng Reichsführer ng SS [si Heinrich Himmler], ang Auschwitz ay naging ang pinakamalaking sentro sa paglipol ng tao sa lahat ng panahon,’ o nang ituro niya nang may kasiyahan ang matagumpay na plano na ang mga gas chamber ng kaniya mismong kampo ay sampung beses na nakahihigit sa kapasidad kaysa yaong sa Treblinka.”

Sa kaniyang talambuhay si Höss ay sumulat: “Walang kamalay-malay, ako ay naging bahagi ng isang kawing ng malaking makinang panlipol ng Third Reich.” “Ang Reichsführer SS [si Himmler] ay nagpadala ng iba’t ibang matataas-ranggo na mga lider ng Partido at mga opisyal ng SS sa Auschwitz upang makita nila mismo ang paraan ng pagpatay sa mga Judio. Silang lahat ay lubhang humanga sa nakita nila.”a

Gayunman, maliwanag na sila ay apektado ng pagkakaiba sa pagitan ng pariralang “ang pangwakas na lunas sa suliraning Judio” at sa kalagim-lagim na katotohanan sa mga gas chamber. Nang tanungin kung paano niya nakayanan ito, si Höss ay sumagot: “Ang di nagbabagong sagot ko ay na ang matatag na determinasyon na dapat naming isakatuparan ang mga utos ni Hitler ay matatamo lamang sa pamamagitan ng pagsugpô sa lahat ng damdamin ng tao.”

Kaya, malayang inamin ni Höss, ang sadistang papet, na ang Holocaust ay totoo at na siya ang isa sa mga nagsagawa ng paglipol bilang komandante ng kampo sa Auschwitz.

Sa Values and Violence in Auschwitz, isang aklat na unang inilathala sa wikang Polako, binanggit ng tagasalin, si Catherine Leach, na 3,200,000 Judiong Polako ang namatay dahil sa lansakang pagpatay, pagpapahirap, at pagbubusabos sa mga concentration camp. Sabi niya: “Ang holocaust ng mga Judio sa Europa ay naganap sa teritoryong Polako.”

Kamatayan sa Pamamagitan ng Paglunod

Ang kamatayan ay maaaring dumating sa maraming paraan sa mga kampo​—gutom, sakit, isang bala sa leeg, gas chamber, paghampas, pagbitay, gilotina, at paglunod. Ang paglunod ay isang pantanging paraan.

Ang manunulat na si Terrence Des Pres ay nagsasabi: “Ang katotohanan ay na ang mga bilanggo ay sistematikong ipinailalim sa napakaruming kalagayan. Sila ang sadyang tudlaan ng pagsalakay ng mga dumi. . . . Ang mga bilanggo sa mga kampo ng Nazi ay talagang nalulunod sa kanila mismong dumi, at sa katunayan ang kamatayan sa pamamagitan ng dumi ay pangkaraniwan. Sa Buchenwald, halimbawa, ang mga kasilyas ay bukás na mga hukay na walong metro ang haba, apat na metro ang lalim at apat na metro ang lawak. . . . Ang mga hukay ring ito, na laging umaapaw, ay inaalisan ng laman sa gabi ng mga bilanggo na nagtatrabaho na walang ibang gamit kundi maliliit na timba.” Ganito ang kuwento ng isang nakasaksi mismo: “Ang lugar ay madulas at walang ilaw. Sa tatlumpong mga lalaki na nasa atas na ito, isang katamtamang bilang na sampu ang nahuhulog sa hukay sa bawat pagtrabaho sa gabi. Ang iba ay hindi pinapayagang iahon ang mga biktima. Kapag natapos na ang trabaho at wala nang laman ang hukay, saka lamang sila pinahihintulutang alisin ang mga bangkay.”

Higit pang mga patotoo ang maaaring sipiin upang patunayan na ang paglipol ay naging bahagi ng patakaran ng Nazi habang parami nang paraming bansa sa Europa ang nasasakop. Ang bibliograpiya tungkol sa paksang ito ay walang katapusan, at ang patotoo ng mga nakasaksi, pati na ang potograpikong katibayan, ay kakila-kilabot. Subalit ang Holocaust ba ay isa lamang karanasang Judio? Nang sakupin ng mga Nazi ang Poland, ang mga Judio ba lamang ang nais nilang iligpit?

[Talababa]

a Dahil sa kaniyang mga kasalanan sa digmaan, si Rudolf Höss, ang mataas at maingat na tagapag-organisa ng kampo at bulag na sunud-sunurang burukrata, ay binitay sa Auschwitz noong April 1947.

[Blurb sa pahina 5]

“Hindi na sana dinanas ng mga bilanggo [na inilipat sa mga kampo ng paggawa] ang katakut-takot na hirap kung sila ay dinala na agad sa mga gas chamber sa Auschwitz.”​—Rudolf Höss, komandante ng Auschwitz

[Blurb sa pahina 6]

‘Maniwala ka sa akin, hindi nakasisiyang makita sa tuwina ang mga bundok na iyon ng mga bangkay at ang amoy ng walang katapusang pagsunog.’​—Rudolf Höss

[Blurb sa pahina 8]

“Mas maraming tao ang patuloy na dumarating, sa tuwina’y mas marami, anupa’t wala na kaming mga pasilidad upang patayin ang mga ito. . . . Hindi na kaya ng mga gas chamber ang trabaho.”​—Franz Suchomel, opisyal na SS

[Kahon sa pahina 6]

Kabayaran para sa Patotoo

“Isang $50,000 na gantimpala ang iniaalok para sa ‘patotoo’ na nilason ng mga Nazi sa pamamagitan gas ang mga biktimang Judio sa mga concentration camp ay dapat na ibayad sa isang nakaligtas sa Auschwitz sa ilalim ng mga termino ng isang kasunduan sa hukuman, sabi ngayon ng abugado ng nakaligtas.

“Sinang-ayunan ni Hukom Robert Wenke ng [Los Angeles] Superior Court ang kasunduan na humihiling sa Institute for Historical Review na bayaran si Mel Mermelstein, ang nakaligtas sa Auschwitz. . . .

“Ang institute, na nagsabing ang Holocaust ay hindi nangyari, ay dapat ding magbayad kay Mr. Mermelstein ng $100,000 para sa kirot at pagdurusa na dala ng alok na gantimpala, sabi ng abugado. . . .

“‘Ang tagumpay ni Mr. Mermelstein sa kasong ito’ [sabi ng abugado, si Gloria Allred], ‘ay maghahatid ngayon ng isang maliwanag na mensahe sa lahat sa buong daigdig na nagsisikap na pilipitin ang kasaysaysan at nagnanais magdulot ng paghihirap at pagdurusa sa mga Judio na ang mga nakaligtas sa Holocaust ay lalaban sa mga hukuman upang pangalagaan ang kanilang mga sarili at ipagbangong-puri ang katotohanan tungkol sa kani-kanilang buhay.’”​—The New York Times, Hulyo 25, 1985.

[Kahon sa pahina 7]

Sachsenhausen​—“Ligtas na Kampong Bilangguan”?

Ang Sachsenhausen nga ba ay isang kampong lipulan? O ito ba ay isa lamang “ligtas na kampong bilangguan”?

Ganito ang sagot ni Max Liebster, biktimang Judio na nakaligtas sa Holocaust.

“Ang sagot ko ay salig sa aking personal na karanasan at kung ano ang nasaksihan ko sa kampong ito. Hindi ko na kailangan ang isang klasipikasyon mula sa isang tagalabas upang alamin kung ano ang katulad ng Sachsenhausen. Oo, sinasabi ng media at ng pamahalaang Nazi na ito ay isang Schutzhaftlager, na isang ‘ligtas na kampong bilangguan.’ Ang sumusunod na karanasan ay nagpapatunay sa ganang sarili:

“Noong Enero 1940, ako’y dinala ng Gestapo (lihim na pulis ng estado) mula sa Pforzheim tungo sa bilangguan ng Karlsruhe, sinabihan ako ng Gestapo na ako’y patungo sa isang kampong lipulan. Nilait-lait ako ng Gestapo, na ang sabi: ‘Du stinkjude wirst dort verecken, kommst nicht mehr zurück!’ (Ikaw na walang silbing Judio. Mamamatay kang parang hayop. Hinding-hindi ka na babalik!)

“Ang masamang pagtrato pagdating namin sa Sachsenhausen ay hindi maubos maisip ng tao. Ang mga Judio ay ipinadadala sa isang bukod na kampo sa loob ng pangunahing kampo. Mas masama ang kalagayan nila kaysa iba. Halimbawa, ang mga Judio ay walang higaan, mga sako ng dayami lamang sa sahig. Ang kuwartel ay siksikan anupa’t kinakailangang mahigang parang sardinas, na ang paa ng isa ay katabi ng ulo ng isang tao. Sa umaga, ang mga patay na tao ay nasusumpungang nakahigang katabi ng buháy. Walang medikal na pangangalaga para sa mga Judio.

“Nabalitaan ko na ang tatay ko ay tatlong kuwartel ang layo. Nasumpungan ko siyang nakahiga sa talaksan ng mga sako ng dayani, ang kaniyang paa ay magâ sa tubig at ang kaniyang mga kamay ay naninigas sa lamig. Pagkamatay niya, ipinasan ko ang kaniyang bangkay patungo sa sunugan ng mga bangkay. Doon ay nakita ko ang maraming nakatalaksang patay na higit pa kaysa kaya nilang sunugin.

“Libu-libo ang namatay sa Sachsenhausen dahil sa di makataong pagtrato. Para sa maraming biktima mas masahol pa ang mamatay sa Sachsenhausen kaysa mamatay sa mga gas chamber sa Auschwitz.”

[Kahon sa pahina 8]

“Walang Bakas ang Dapat na Maiwan sa Kanila”

“Nang ang huling pangkat ng mga libingan ay buksan, nakilala ko ang aking buong pamilya. Si Inay at ang aking mga kapatid na babae. Tatlong kapatid na babae kasama ang kani-kanilang mga anak. Naroroon silang lahat. Apat na buwan na silang nakalibing, at taglamig noon.” “Kami’y sinabihan ng hepe ng Vilna Gestapo: ‘May mga siyamnapung libong tao ang nakalibing diyan, at tiyak na walang bakas ang dapat na maiwan sa kanila.’”​—Patotoo ng mga nakaligtas na Judio, Motke Zaïdl at Itzhak Dugin.

“Nang kami’y mapadaan, binubuksan nila ang mga pinto ng gas-chamber, at ang mga tao ay nahulog na parang patatas. . . . Araw-araw isang daang Judio ang pinipili upang kaladkarin ang mga bangkay sa pangkat ng mga libingan. Sa gabi itinataboy ng mga Ukrainiano ang mga Judiong iyon sa mga gas chamber o sila’y binabaril. Araw-araw! . . . Mas maraming tao ang patuloy na dumarating, sa tuwina’y mas marami, anupa’t wala na kaming mga pasilidad upang patayin ang mga ito. . . . Hindi na kaya ng mga gas chamber ang trabaho.”​—Franz Suchomel, opisyal na SS (Unterscharfürer), tungkol sa kaniyang unang mga impresyon sa kampong lipulan sa Treblinka.

(Ang mga siniping ito ay hango sa mga panayam sa dokumentaryong pelikula na Shoah.)

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share