Karahasan—Maiingatan Mo ang Iyong Sarili
ANG Home Office ng Britaniya ay nanguna kamakailan sa isang bagong anyo ng pagsasanay para sa paglilingkod sa bilangguan, tinatawag na “pagpipigil at pagbabawal.” Ang pagsasanay ay nahahati sa tatlong pamagat:
◼ Pagpipigil at pagbabawal sa isang tao sa pamamagitan ng pagtutulungan ng magkakasama
◼ Breakaway techniques para sa kawani na nagsosolo
◼ Pakikitungo sa sama-samang pagsalakay, gaya ng mga riot
Ang kurso ay “hindi nilayon bilang isang agresibong anyo ng walang-sandatang paglalaban,” sabi ng tagapagsalita ng Home Office. “Ang iba pang mapagpipilian at paraan ng pagpipigil at pagpapahinahon sa isang kalagayan ay dapat subukin muna.” Sa ibang salita: Iwasan ang Komprontasyon! Gaano kabisa ang gayong ideya?
Kumusta Naman ang Tungkol sa Pagtatanggol-sa-Sarili?
Bagaman ang martial arts ay kadalasang iminumungkahi, ang gamit nito sa pagtatanggol-sa-sarili laban sa mga kriminal ay hindi sinasang-ayunan bilang isang mapagpipilian para sa karamihan ng tao. Ang publikasyong Violence—A Guide for the Caring Professions ay nagsasabi:
“Karaniwan nang may kaunting pagtangkilik sa pagtuturo ng masalimuot na mga kasanayan sa pagtatanggol sa sarili, hindi lamang sapagkat ang pangunahing layunin ng pagsasanay ay nakikita bilang isang panghadlang kundi rin naman dahil sa kanilang madalas na pagiging di-praktikal. . . . Higit pa riyan ang gayong mga paraan ay maaaring natatakdaan sa mapaggagamitan nito sa mga tagpo na gaya ng kulong, kalat-kalat na espasyo at kadalasa’y magsasangkot sa sinasanay ng mas maraming panganib at pinsala sa panahon ng pagsasanay kaysa mararanasan sa propesyonal na haba ng panahon ng panganib na pagsalakay.”
Ganito pa ang sabi ni Robert Clark, pambansang tagasanay ng Britanong Samahan ng Jiu Jitsu, sa Self Defence in Action: “Gaya ng lahat ng bagay na natututuhan sa unang pagkakataon, hihilingin nito [ng martial arts] ang maraming panimulang pagsisikap bago ang kanilang pagtatanghal ay nagiging natural at maaaring isagawa nang hindi na iniisip pa. Kapag ikaw ay sinalakay, wala ka nang panahon upang mag-isip kung anong pagkilos ang susunod.”
Ang Suzy Lamplugh Trust, isang kawanggawa na itinatag sa alaala ng 25-anyos na babae na misteryosong nawala noong panahon ng kaniyang sekular na pagtatrabaho sa London noong 1986, ang nagrirekomenda rin sa pagtatanggol-sa-sarili bilang huling paraan.
Kung ang martial arts ay hindi siyang lunas upang labanan ang isang di-inaasahang gawa ng karahasan, ano ang lunas?
Pakikitungo sa mga Mang-aagaw
Ang susi sa pakikitungo sa mga mang-aagaw ay iwasan na gawin ang iyong sarili na madaling salakayin. Gaya ng sabi ng isang inspektor ng pulis sa Leeds, Inglatera: “Ang pang-aagaw ay isang negosyo ng mapagsamantala, iyan ang dapat na tandaan.” Kaya kung pinipilit ka ng mga kalagayan na ikaw ay mapasa isang di-ligtas na lugar, manatiling alisto. Huwag mong bigyan ng pagkakataon ang mga mang-aagaw. Kumilos ka kasuwato ng simulain sa Bibliya: “Nakikita ng matinong tao ang panganib, at nagkukubli rito; ngunit dinaraanan ng musmos, at naparurusahan.”—Kawikaan 22:3, An American Translation.
Laging tumingin sa kalye sa unahan mo at paminsan-minsa’y lumingon. Magmasid ka bago ka pumasok sa isang bloke—alamin mo antimano ang panganib. Iwasan ang maglakbay na mag-isa pagkagat ng dilim. Kung ikaw ay nasa tagpuang dako, maghintay at makisabay sa isang kaibigan pauwi. Kapag nagmamaneho ng iyong kotse, tiyaking ang lahat ng pinto ay nakakandado. Kung hindi, madaling makapasok ang isang kriminal kapag ikaw ay huminto sa hudyat ng trapiko.
Ngunit kumusta naman kung, sa kabila ng iyong mga pag-iingat, bigla mong nakaharap ang isa na may patalim o baril? Tandaan: Ang iyong buhay ang pangunahing bagay. Walang ari-arian ang nakahihigit sa halaga nito. Kaya kung nais ng sumasalakay sa iyo ng pera, ibigay mo ito sa kaniya. Ang ibang taong naninirahan sa mapanganib na mga lugar ay nagdadala ng ‘pera para sa mang-aagaw’—kaunting salapi sa pitaka o sa portamoneda upang makasiya sa isang mang-aagaw.
Tandaan din: Kumilos nang mahinahon. Magsalita nang matatag at sa inyong normal na tinig. Titigan ang tao sa mata, at manatiling nakatitig sa kaniya. Huwag tugunin sa gayunding paraan ang mga insulto o banta. Ikapit ang payo ng Bibliya: “Ang sagot, kapag malumanay, ay pumapawi ng poot.” “Maging maamo sa lahat.” (Kawikaan 15:1; 2 Timoteo 2:24) Maging handang humingi ng paumanhin kahit na wala namang sukat ihingi ng paumanhin.
Paggahasa at Seguridad sa Tahanan
“Maraming manggagahasa ang nagugulat kung gaano kadaling dahasin ang isang babae,” sulat ni Ray Wyre sa Women, Men and Rape. “Ang kaniyang pagkasindak ay binibigyan-kahulugan bilang isang kakulangan ng pagtutol na karaniwang nagiging dahilan upang ipagpatuloy ng sumasalakay ang pagsalakay.” Kaya, huwag magsawalang-imik! Ipakita mo na ikaw ay tutol. Maaari mong gamitin ang anumang paraang magagamit mo upang iwasan ang pagtatalik. Kahit na kung hindi ka malakas na manlalaban, mayroon kang makapangyarihang sandata—ang iyong tinig.
Sumigaw ka nang malakas hanggang sa magagawa mo. Kasuwato iyan ng payo sa Bibliya. (Deuteronomio 22:23-27) Isang tin-edyer, na kinaladkad sa isang liblib na dako ng parke, ay nagsisigaw nang malakas at nanlaban. Ikinagulat ito ng sumasalakay sa kaniya anupa’t ang lalaki ay tumakbo. Ang pagsigaw ay maaaring makasira ng loob ng sumasalakay sa iyo at sa gayo’y magbigay sa iyo ng pagkakataon na tumakas, o maghuhudyat ito sa iba na sumaklolo sa iyo.a
Sa Britaniya, karamihan ng kaso ng panggagahasa ay nangyayari sa loob ng bahay, kadalasa’y sa tahanan ng babaing sinasalakay. Parami nang paraming bilang ng mga pagsalakay na ito ay nangyayari sa panahon ng panloloob. Samakatuwid, makabubuting tiyakin na ang iyong tahanan ay ligtas hangga’t maaari. Sa bagay na ito, ano ang magagawa mo?
Dapat mong siguruhin ang lahat ng posibleng pasukan sa paggamit ng matibay na mga trangka sa bintana at mga kandado para sa mga pinto. Ang gayong mga kandado ay nangangailangan ng susi na bubukas at sasara sa kandado kapag ikaw ay umaalis at kapag ikaw ay nasa loob. Karagdagan pa, baka makabubuting kumuha ng isang kadena para sa pinto. Subalit tandaan, ang gayong mga gamit ay kasintatag lamang ng hamba ng pinto at ng mga kandado na sumisiguro sa kadena.
Ang isa pang matalinong pag-iingat ay siyasatin ang mga kredensiyal ng lahat ng dumadalaw. Hingin ang kanilang mga ID card.
Ang karahasan ay hindi umuunti. Oo, ipinakikita ng mga estadistika sa buong daigdig na ito ay lumalago. Ang paggawa ng kung ano ang magagawa natin ngayon upang pangalagaan ang ating sarili at ang ating mga mahal sa buhay ang matinong gawin, subalit hindi nito lubusang nilulutas ang problema. Ano nga ba ang lunas?
[Talababa]
a Para sa detalyadong pagtalakay ng paksa tungkol sa panggagahasa, tingnan ang mga labas ng Gumising! ng Setyembre 22, 1986, Hulyo 22, 1984, at Disyembre 8, 1980.
[Kahon sa pahina 7]
Kung Ano ang Magagawa Mo
◼ Iplano ang iyong paglalakbay, lalo na sa gabi, upang maiwasan ang mga daan na walang ilaw at mga kalyeng walang tao. Tandaan din, na mas mabilis kang makatatakbo sa sapatos na walang takóng kaysa sapatos na matataas ang takóng.
◼ Huwag na huwag makikisakay sa taong di-kilala. Huwag kang palinlang na lumabas sa iyong sasakyan sa anumang pagdadahilan. Ang anumang pagkumpuni ay pinakamabuting ipagawa sa isa na kilala mo at sa isang ligtas na dako, hindi sa isang estranghero sa tabi ng daan.
◼ Lumakad malapit sa gilid ng bangketa, malayo sa mga gusali kung saan maaaring nagkukubli ang isang potensiyal na mananalakay sa isang pintuan o eskinita.
◼ Kung makita mo ang isang pangkat ng kahina-hinalang mga tao sa unahan, tumawid ka ng kalye upang iwasan sila, o magbago ka ng direksiyon. Kung ikaw ay sinusundan, lumakad ka sa kalye. Kung ang panganib ay waring nalalapit, tumakbo ka o sumigaw ka ng saklolo.
◼ Magdala ka ng isang alarmang tumutunog sa iyong kamay, huwag sa loob ng iyong pitaka. Ang ingay ay kadalasang nagpapalayas sa maaaring sumalakay.
◼ Iwasang pumasok sa isang elebeytor kung nakadarama ka ng panganib sa mga nasa loob nito. Kapag nasa loob ng elebeytor, tumayong malapit sa control panel. Kapag isang kahina-hinalang tao ang pumasok, baka makabubuting lumabas.
◼ Ilagay ang mga credit card at iba pang mahahalagang bagay sa ibang lukbutan. Sa ganitong paraan, kahit na kung madukot ang iyong pitaka, hindi gaanong malaki ang mawawala sa iyo.
[Kahon sa pahina 10]
Maging Alisto sa “Steaming”
Sa Britaniya, ang “steaming” ay isang bagong salita upang ilarawan ang gawain ng mga tin-edyer na sama-samang nagkukulumpulan sa isang tindahan, isang bus, o isang tren, tinatakot yaong mga nakakasalubong nila. Dumidepende sila sa dami nila upang manakot at magnakaw, kung minsan ay may kasamang karahasan. Kaya, matalino, huwag magsuot ng mga alahas o ibang mahahalagang bagay na madaling makita at maagaw. Magdala ng walet o pitaka na naglalaman ng kaunting pera—itago ang mahahalagang papeles at mga credit card sa ibang lukbutan—at maging handang ibigay ito. Kung agad mong ibibigay sa “steamers” ang isang bagay, maaari ka nilang iwan at mabilis na aalis.
[Larawan sa pahina 8]
Makikipaglaban ka ba upang ingatan ang iyong salapi at marahil ay maiwala ang iyong buhay?
[Larawan sa pahina 8]
Kapag seksuwal na sinalakay, ang pinakamabuting magagawa ng isang babae ay SUMIGAW
[Larawan sa pahina 9]
Ang mahusay na mga kandado ay mahalaga upang siguruhing ligtas ang iyong tahanan
[Larawan sa pahina 9]
Siyasatin ang mga kredensiyal bago papasukin