Mas Malalâ sa AIDS
“Ang pagsubok ay positibo. Ikaw ay may AIDS.” Ang mga salitang iyon ng aking doktor ay umalingawngaw sa aking ulo habang ibinababa ko ang telepono isang araw noong nakaraang taon. Kung nakinig lamang sana ako sa payo ng Diyos at ikinapit ito, sana’y naiwasan ko ito!
AKO’Y pinalaki bilang isa sa mga Saksi ni Jehova sa estado ng Washington, at tiniyak ng aking mga magulang na alam ko kung ano ang mga kahilingan ng Diyos. Kaya ipinagtaka ng maraming tao nang ako’y mamuhay na lubhang salungat sa pagsasanay na tinanggap ko noong aking kabataan.
Pinakamimithi kong ako’y maibigan ng ibang mga bata sa paaralan. Sinubok ko ang lahat ng uri ng bagay upang ako’y tanggapin. Bueno, walang nangyari, at nang ako’y 15 anyos, napagwari ko na ang lahat ay walang pag-asa. Sinubok ko pa nga, hindi nga lang matagumpay, na magpakamatay.
Palibhasa’y iniisip kong gagawin nitong mas mabuti ang mga bagay, nagsimula akong manigarilyo at humitit ng marijuana. Bueno, hindi bumuti ang mga bagay. Pagkalipas ng ilang panahon, nagpasiya akong umalis sa organisasyon ni Jehova upang hanapin ang kaligayahan sa ibang dako. Ipinahayag ko sa aking mga kaibigan sa paaralan na hindi na ako isa sa mga Saksi ni Jehova, at para bang naibigan nila iyon.
Isang Imoral, Pabagu-bagong Buhay
Sa wakas nakasumpong ako ng trabaho at ng isang apartment din sa skid row, kung saan nag-iistambay ang mga lasenggo at mga patutot. Sinabi nila sa akin kung gaano kadaling kumita ng pera. Sa tulong nila, hindi nagtagal ay natutuhan ko ang gawain nila. Ako’y nagbago mula sa isang tao na nagnanais na maibigan ng lahat at maging maligaya tungo sa isa na ginamit ng lahat at lubhang di-maligaya.
Nais kong magbago, umuwi at magbagong-buhay. Hinahanap-hanap ko ang aking mga magulang at ang buhay ko noon. Kaya ako’y humingi ng tulong kay Jehova sa panalangin. Ang pinakamahirap na bahagi ay ang lumapit sa aking mga magulang at hingin ang kanilang patawad. Salamat naman, nasumpungan nila sa kanilang puso na patawarin ako.
Ang Kristiyanong matatanda ay nakipagkita sa akin, at ipinahayag ko ang aking pagnanais na makabalik sa kongregasyon. Hindi ito naging madali para sa kanila o para sa akin. Hindi lamang ako nagkaroon ng problema sa mga masamang epekto ng pag-abuso sa droga kundi nagkaroon din ako ng isang grabeng sakit benereo. Sinabi sa akin ng aking doktor na kung naghintay pa ako ng isang buwan, malamang na namatay na ako. Anong laking gulo itong pinasok ko!
Nang maglaon, ako’y naibalik-muli sa kongregasyon, at napangasawa ko pa nga ang isang dalaga sa kalapit na kongregasyon. Ang mga bagay ay bumubuti. Gayunman, hindi ko pa rin pinahahalagahan ang pag-ibig ni Jehova. Sinisikap kong gawin ang mga bagay sa sarili kong lakas sa halip na umasa sa kaniya para sa lakas.
Pagkalipas ng wala pang dalawang taon, ako’y nagdiborsiyo at muling natiwalag dahil sa imoralidad. Ako’y nasangkot sa ilang makasanlibutang tao. Para bang hindi masama sa simula, subalit ang maka-Kasulatang babala ay walang pagbabagong tama: “Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga ugali.”—1 Corinto 15:33.
Paglubog na Muli sa Kasamaan
Sa pagpapakalayu-layo, akala ko’y hindi ko gaanong nasasaktan ang aking pamilya. Wala akong problema sa paghanap ng trabaho at lugar na matutuluyan sa San Francisco, California. Isang negosyante ng droga ang nag-alok sa akin ng trabaho na pamamahagi ng mga droga. Kabilang din ako sa piling pangkat niya na sumusubok, nang libre, sa lahat ng bagong ‘designer drugs’ na dumarating. Mayroon ako ngayong isang bagong uri ng popularidad. Ang lahat ng nakakakilala sa akin (at may ilan) ang nakakaalam na ako ay may droga. Nilalapitan nila ako sa kalye, sa mga bar, at kahit na sa trabaho, na nagnanais makabili sa akin.
Bukod pa riyan, wala akong inaksayang panahon na masangkot sa imoralidad; ito ang paraan ko upang ako’y maibigan. At ako’y labis na naibigan. Natutuhan kong gamitin ang ibang tao sa pamamagitan ng sekso upang makuha ang mga bagay na gusto ko. Namuhay ako nang ganito sa loob ng maraming taon.
Nagugunita ko pa na noong minsan ako’y inaapoy ng lagnat at napakahina ko. Hindi alam ng doktor kung ano ang sakit ko. Nang maglaon ito ay lumipas. Hindi ko alam kung saan ako nalantad hanggang makalipas ang tatlong taon.
Noong panahong ito, nagkakaproblema rin ako sa mga demonyo, minsan aktuwal na sinalakay ako ng mga demonyo. Nadarama ko na sinisikap ng isang demonyo na pumasok sa aking katawan. Isang pagpupungyagi ang magsalita. Paulit-ulit kong sinikap magsalita hanggang sa wakas ay nakasigaw ako, “Tulungan mo po ako Jehova!” Kaagad umalis ang demonyo.
Isip-isipin ang nadama ko! Narito ako’y namumuhay ng isang lubhang imoral na buhay at iniisip lamang ang aking sarili, gayunma’y mayroon pa akong lakas ng loob na humingi ng tulong kay Jehova! Hiyang-hiya ako. Bakit ko aakalaing tutulungan ako ni Jehova? Labis akong nanlumo. Sadya kong isinasapanganib ang aking buhay, nais kong may pumatay sa akin.
Isang Pagnanais na Magbago
Isang araw, samantalang nakikipagparti na kasama ng ilang kaibigan, napag-usapan namin ang tungkol sa mga pangyayari sa daigdig. Nang tanungin nila ako kung ano ang palagay ko tungkol sa hinaharap, nasumpungan ko ang aking sarili na sinasabi sa kanila ang tungkol sa layunin ng Diyos para sa lupa at sa tao. Namangha sila. Datapuwat isang tao ang lubhang nabalisa sa akin at tinawag akong isang mapagpaimbabaw! Tama siya. Ako ay namumuhay ng dalawang uri ng buhay. Gayunman, sa kaibuturan ng aking puso, alam ko na si Jehova ang ating tanging kaligtasan at na ang kaniyang organisasyon ang tanging dako na dapat karoonan.
Nang panahong ito ang buhay ko at yaong buhay ng mga nasa paligid ko ay nagbago. Marami sa aking mga kaibigan ang nagkaroon ng AIDS. Napakahirap masdan ang mga taong dati-rati’y malulusog na dahan-dahang natutuyo at namamatay. Nadama kong ako’y lubhang walang kaya upang aliwin sila. Lalo pang nakasisira ng loob yamang nalalaman ko ang isang mas mabuting paraan ng buhay. Noon pa man alam ko na nais kong magbalik sa pag-ibig ni Jehova. Subalit paano?
Sinimulan kong humingi ng tulong kay Jehova sa panalangin. Napakahirap nitong gawin. Hiyang-hiya ako at inaakala kong napakarumi ko. Isang araw tumanggap ako ng tawag sa telepono. Ito’y mula sa aking tiya, na hindi ko nakita sa loob ng siyam na taon. Nais niyang dumalaw at makita ako. Bagaman hindi siya nakikibahagi sa pananampalataya ng aking mga magulang, sinabi ko sa kaniya na nais kong baguhin ang aking buhay at magbalik sa pagiging isa sa mga Saksi ni Jehova. Nakita niya ang aking kataimtiman at nais niyang tumulong.
Ang Mahabang Daan Pabalik
Inanyayahan ako ng aking tiya na tumira sa kaniya hanggang sa ako’y maging matatag. Nang tanungin niya kung makatutulong iyon, basta ako tumayo roon at umiyak. Alam ko na ito na ang daan palabas na kailangan ko, kaya iniwan ko ang dati kong mga kasama. Ang sumunod na mga ilang buwan ay hindi madali, subalit ako’y nagtitiwala na tutulungan ako ni Jehova na makaraos sa mga ito. Sa palagay ko kapit dito ang Malakias 3:7: “‘Manumbalik kayo sa akin, at ako’y manunumbalik sa inyo,’ sabi ni Jehova ng mga hukbo.”
Kaagad akong nakipagkita sa mga matatanda pagkatapos kong lumipat. Sinabi ko sa kanila ang lahat tungkol sa akin at na talagang nais kong maglingkod kay Jehova. Alam nila at alam ko na ang ako’y maibalik-muli sa kongregasyon ay hindi mangyayari sa magdamag sa anumang paraan. Mayroon akong masamang rekord. Gayunman, determinado ako ngayon. Araw-araw at gabi-gabi ako ay laging humihingi ng tulong kay Jehova sa panalangin. Naisip ko na ako’y mahinang tao. Marahil sa ganang akin ako ay mahina. Subalit kung may tulong ka ni Jehova, kataka-taka kung gaano ka lumalakas.
Gumamit ako ng droga sa loob ng maraming taon upang pakitunguhan ang pang-araw-araw na buhay. Ngayon pinakikitunguhan ko ang buhay nang wala nito. Natatakot ako. Takot ako sa maraming tao, at literal na nagkakasakit ako kapag kasama ko sila nang matagal. Kasabay nito, sinisikap ko ring ihinto ang paninigarilyo pagkatapos masanay magsigarilyo ng halos apat na kaha isang araw. Ang tanging bagay na nakatulong sa akin na makaraos sa lahat ng ito ay ang panalangin at patuloy na pagpapaalaala sa aking sarili na ang mga pagtutuwid ay nakalulugod kay Jehova. Nakasumpong din ako ng ginhawa at kapayapaan sa regular na pagdalo sa mga pulong. Kahit na hindi ako maaaring makipag-usap sa sinuman sapagkat ako ay tiwalag, nadarama ko pa rin ang pag-ibig at sigla ng aking magiging espirituwal na mga kapatid na lalaki at babae roon.
Sa wakas, pagkatapos na baguhin ang aking buhay ng halos isang taon, pinakilos ni Jehova ang kaniyang mga lingkod na ibalik akong muli sa kaniyang organisasyon. Alam niya ang eksaktong panahon upang tanggapin akong muli. Hindi niya hahayaang masubok ka nang higit sa iyong makakaya. Pagkaraan ng sandaling panahon, tinanggap ko ang tawag mula sa doktor na nagsasabing ako ay may AIDS. Tunay, ang sinasabi ng Galacia 6:7 ay totoo: “Huwag kayong padaya: ang Diyos ay hindi napabibiro. Sapagkat anuman ang inihahasik ng tao, ito rin ang aanihin niya.”
Sa simula ako ay umiyak. Lahat ng uri ng kaisipan ay pumasok sa aking isipan. Mga pangitain ng lumipas ay mabilis na nagdaan sa harap ng aking mga mata. Nakita ko mismo kung ano ang ginagawa ng sakit na ito sa isang tao, gayundin kung ano ang reaksiyon ng iba sa mga biktima. Anong mangmang ko nga na isipin na ang daigdig ay may maibibigay! At anong laking pag-aaksaya ng mahalagang panahon!
Kapanatagan sa Kabila ng Pagkakaroon ng AIDS
Alam kong may mga kabataang nasa katulad kong kalagayan, nagnanais tanggapin ng makasanlibutang mga kasama. Pakisuyo, huwag kayong palinlang na maniwala na ang nangyari sa akin sa sanlibutan ay hindi rin mangyayari sa inyo kung wawaling-bahala ninyo ang payo ng Diyos. Ang mga pang-akit ni Satanas ay maaaring iba-iba, subalit ang mga resulta ay iisa sa tuwina.
Gayunman, natutuhan ko rin na gaano ka man kasama o anumang kasalanan ang nagawa mo, tutulungan ka pa rin ng Diyos na Jehova at patatawarin ka kung taimtim na nais mong palugdan siya at ikaw ay lumalapit sa kaniya sa masigasig na panalangin.
Talagang hindi na ako nababahala anuman ang mangyari sa akin. Tiyak, nalulungkot din ako paminsan-minsan, subalit agad ko itong nalilimutan. Ang tanging bagay na nakababahala sa akin ngayon ay ang palugdan si Jehova. Siya ang aking tunay na pinagmumulan ng kagalakan at kaaliwan. Batid ko na kung ginagawa ko ang lahat ng bagay na magagawa ko upang palugdan siya, ako’y kaniyang pangangalagaan at mamahalin.
Ako’y labis na nagpapasalamat na ako’y kabilang na muli sa bayan ni Jehova sapagkat mamatay man ako kahit na bago pa niya maipagbangong-puri ang kaniyang sarili sa Armagedon, taglay ko ang pag-asa ng pagkabuhay-muli. Maniwala kayo sa akin, ang mabuhay na wala ang pag-ibig at pabor ni Jehova ay mas malalâ sa pagkakaroon ng AIDS.—Isinulat.
[Blurb sa pahina 13]
Pinakamimithi kong ako’y maibigan ng ibang mga bata