Limot Na ba ang Alaala sa Kanila?
NAKADALAW ka na ba sa isang lumang libingan, gaya ng isang ito sa Tewkesbury, Inglatera, at napansin mo ba ang gumuguhong mga lapida na ang mga pangalan ay halos burado na? Para bang ang mga patay ng nakalipas na tatlong salinlahi o higit pa, mga ninuno at kanunununuan pa, ay nakalimutan na. Sa katunayan, binabanggit ng Bibliya: “Sapagkat nalalaman ng mga buháy na sila’y mamamatay; ngunit hindi nalalaman ng mga patay ang anuman, ni mayroon pa man silang kagantihan, sapagkat ang alaala sa kanila ay nakalimutan.” Nangangahulugan ba iyan na maging ang Diyos ay nakalimot na sa kanila?—Eclesiastes 9:5.
Ipinakita ni Jesus na hindi ganito ang kalagayan nang kaniyang sabihin: “Huwag ninyong ipanggilalas ito, sapagkat dumarating ang oras na lahat ng nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng kaniyang tinig at magsisilabas, ang mga nagsigawa ng mabuti ay sa pagkabuhay-muli sa buhay, ang mga namihasa sa paggawa ng masama ay sa pagkabuhay-muli sa paghatol.” Kaya, ang mga patay ay babalik sa isang pagkabuhay-muli tungo sa pagkakataon na mabuhay magpakailanman sa isang nilinis na lupang paraiso.—Juan 5:28, 29; Apocalipsis 21:3, 4.
Tiyak, ang Diyos na Jehova, ang Bukal ng dinamikong lakas, na nakikilala ang bilyun-bilyong mga planeta, bituin, at mga galaksi sa pangalan, ay hindi magkakaproblema sa pag-alaala sa personalidad at huwaran sa buhay ng bilyun-bilyong mga taong namatay sa buong kasaysayan ng tao. Samakatuwid, ang mga patay, bagaman marahil ay nakalimutan ng kanilang mga inapo, ay hindi nakalimutan ng Diyos.—Isaias 40:26.