Mula sa Aming mga Mambabasa
Pamamahala sa Salapi Maraming salamat sa inyong artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Ko Mapamamahalaan ang Aking Salapi?” (Disyembre 22, 1988) Hanggang ngayon ako ay laging naghahanap ng paraan ng mabilis na paggasta ng pera. Bunga nito, ako ay walang-wala sa katapusan ng bawat buwan at kailangan kong mangutang. Lubhang nakatulong sa akin ang kaisipan na ang responsableng mga bata at mga kabataan ay nag-iipon ng ilan sa kanilang pera. Ngayon ako’y nagpasiya na mag-iipon ng malilit na halaga sa isang kahon ng pera at ako’y maghuhulog ng mas malaking halaga sa bangko.
T.B., Pederal na Republika ng Alemanya
Binugbog na mga Asawa Ako’y may-asawa sa loob ng 24 na taon at naabot ko na ang sukdulan ng pisikal at mental na hangganan ng karahasan ng aking mister. Sa lahat ng pagpapakita, ang aking mister ay isang mahusay na manggagawa at waring iginagalang bilang isang maunawain at huwarang tao. Ang artikulo (Nobyembre 22, 1988) ay isang pampatibay-loob, at inaakala kong pakikilusin nito ang mambabasa na magkaroon ng positibong pangmalas.
A. T., Hapón
Kami ay tirahan ng mga biktima ng karahasan sa pamilya sa gawing hilaga ng Michigan at naglalaan ng mga paglilingkod sa mga babae at mga bata. Ang inyong pahayag na ang pambubugbog sa asawang babae ay bumabagtas sa bawat hangganan ng edukasyon, lipunan, at ekonomiya ay totoong-totoo. Inaakala ng karamihan ng mga tao na ito ay hindi nangyayari at hindi maaaring mangyari sa kanilang pamilya, purok, o pamayanan.
B. S., Volunteer Program Coordinator River House Shelter, Estados Unidos
Masturbasyon Salamat, salamat, salamat sa napakaprangka at marangal na mga serye ng artikulo tungkol sa masturbasyon. (Setyembre 8, 1987; Nobyembre 8, 1987; Marso 8, 1988) Kabilang sa nakatutulong na mga mungkahi na pinakinabangan ko ay yaong pagbabasa ng dalawang kabanata ng Bibliya araw-araw. Ang resulta ay kamangha-mangha!
D. T., Estados Unidos
AIDS Ako’y nagtatrabaho sa isang AIDS help-group. Ang medikal na impormasyon (Oktubre 8, 1988) ay sinipi mula sa kilalang mga pinagmulan at iniharap sa paraang mauunawaan. Subalit ang inyong mga komento tungkol sa moralidad ng kalagayan ay nakapangingilabot!
Kung baga itinuturing ninyo ang homoseksuwalidad na isang hilig o isang kasalanan, bilang mga Kristiyano dapat nating ibigin ang ating mga kapuwa na gaya ng ating mga sarili. Hinipo ni Jesus ang mga ketongin at hindi niya nilayuan ang mga mangangalunya at ang iba pang mga makasalanan. Siya ang dapat nating tularan.
H. S. (ina na may tatlong anak), Pederal na Republika ng Alemanya
Si Jesus ay nahabag sa mga makasalanan. Ginugol niya ang kaniyang panahon sa pagsasabi sa kanila ng mabuting balita tungkol sa Kaharian ng Diyos, anupa’t siya’y tinawag ng kaniyang mga kaaway na ‘isang kaibigan ng mga makasalanan.’ (Lucas 5:30-32; 7:34) Hinimok din niya ang kaniyang mga tagapakinig na talikdan ang kanilang lisyang gawa. (Mateo 5:27-30) Kami rin nama’y nahahabag sa mga dinapuan ng nakatatakot na sakit na ito at kami’y nakadarama ng pananagutan na babalaan ang aming mga mambabasa hindi lamang tungkol sa medikal na mga kahihinatnan ng AIDS kundi ang mas mahalaga rin namang moral na implikasyon nito. Tunay, ang AIDS ay maraming walang malay na mga biktima, subalit ang karamihan, sa paano man, niyaong maysakit nito ay nagkaroon nito bilang resulta ng kanila mismong gawi o niyaon sa kanilang matalik na kasama. Alinman sa mga kasong ito, ito’y paggawing hinahatulan ng Diyos. (1 Corinto 6:9, 10; Gawa 15:29) Ang pagkilala sa katotohanang ito ay nagsisilbi, hindi upang hatulan ang mga indibiduwal, kundi upang itampok ang mga pakinabang ng panghahawakan sa maka-Diyos na mga pamantayan sa moralidad.—ED.