Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g89 5/22 p. 26-27
  • Bang! Bang! Patay Ka Na!

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Bang! Bang! Patay Ka Na!
  • Gumising!—1989
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Larong Digmaan​—Ito ba’y para sa mga Kristiyano?
  • Nanganganib ba ang mga Naglalaro?
    Gumising!—2002
  • Ang Nagbabagong Daigdig ng mga Elektronikong Laro
    Gumising!—2002
  • Dapat ba Akong Maglaro ng mga Laro sa Computer o Video?
    Gumising!—1996
  • Puwede ba Akong Maglaro ng mga Video Game?
    Gumising!—2008
Iba Pa
Gumising!—1989
g89 5/22 p. 26-27

Bang! Bang! Patay Ka Na!

NAPAKALAMIG ng hangin sa madaling-araw. Ang mga punungkahoy sa masukal na kagubatan ay walang kakilus-kilos​—walang kahangin-hangin. Ang sarisaring ibon na dati’y humahapon at nanganganlong sa madahong mga sanga ay biglang naglaho. Ang maiilap na usa at iba pang mga hayop na mga ilang oras lamang ay nanganlong sa mayabong na mga dahon ang nagsitakas. Isang diwa ng salagimsim ang nasa kapaligiran. Dahan-dahan kang gumagapang. May putik at burak sa ilalim. Ang iyong gula-gulanit na camouflage na kasuotan ay basang-basa. Ang kaligtasan ay nagsasabing ikaw ay dapat na dumapa rito.

Walang anu-ano ang katahimikan ay binasag na nakatutulig, tulad-digmaang sigaw. Isa pang tao ang lumulukso mula sa maliliit na punungkahoy na wala pang 6 na metro ang layo. Taglay ang walang tarós na pagpapabaya siya ay nagpapaputok nang malapit. Ang kaniyang sandata ay nagbara at hindi pumutok. Dinig na dinig ang kaniyang pagmumura. Natural na ikaw ay gugulong sa gilid, kasabay nito’y pipisilin mo ang gatilyo ng iyong sandata. Sa isang kisap-mata, ang kulay pula ay tumatakip sa dibdib ng kaaway at dumadaloy sa harap ng kaniyang uniporme. Nakasagupa mo ang kaaway at siya’y iyo!

Ito ba’y malungkot na mga alaala ng isang beterano ng Digmaang Pandaigdig I o II, o Korea, o Vietnam? Hindi, ito ang tagpo at tanawin ng libu-libong “dulo-ng-sanlinggong mga mandirigma,” mga lalaki’t babae, na lingguhang nakikibahagi sa isa sa nauusong isports sa Estados Unidos at Canada, gayundin sa Inglatera, Pransiya, Kanlurang Alemanya, at Hapón. Nahahati sa dalawang pangkat ng 12, 15, o 20 mga kalaban sa bawat panig, ang layunin ng laro ay bihagin ang bandera ng kalabang pangkat.

Ito ay nilalaro ng mga lalaki’t babae mula sa lahat ng antas ng buhay​—mga doktor, abugado, nars, sekretarya, inhinyero, negosyante, at yaong may mataas at mababang katayuan sa korporasyon. Nakasuot ng mga camouflage fatigues, na ang mga mukha ay kinulapulan ng putik o pangulay na kayumanggi, itim, at berde, ang mga manlalaro ay iisa ang hitsura​—kakatuwang mga adulto na naglalaro sa laro ng digmaan.

Nasasangkapan ng pantanging idinisenyong mga baril at riple na makababaril ng mga kapsulang gelatin na punô ng pula, natutunaw-tubig na pintura, humahagibis sa bilis na 76 metro sa bawat segundo, sumasabog pagtama nito, ang bawat manlalaro ay nagmumukhang sanay na beterano ng labanan sa Vietnam. Ang tanda ng pula na animo’y dumadaloy sa bawat butas ay isang paunawa kapuwa sa kaibigan at kalaban na ito ay patay na. Minsang ang sinumang manlalaro ay nabaril ng isang kalaban, siya ay “patay” sa natitirang bahagi ng laro. Walang kinukuhang bilanggo!

Ang larangan ng digmaan ay maaaring ang alinmang makahoy na lugar, karaniwang inaarkila, inuupahan, o pag-aari ng prangkisya. Maraming gayong malawak na lupa ay may mga sapa at masukal na maliliit na punungkahoy, na may lusak at putikan na binabanggit sa simula. Ang mas detalyadong mga lugar ay mayroon pang pantanging itinayong mga kubo na kahawig ng mga nayon sa Vietnam para sa bahay-bahay na labanan. Ang marami ay binigyan ng mga pangalan sa Vietnam. Ang iba pa nga ay maaaring may mga tangke ng army upang makaragdag sa pagiging totoo o mga kuweba at mga hukay para pagtaguan o tambangan. Maaaring gumawa ng mga plataporma sa mga sanga ng punungkahoy, na mula roon maaaring subaybayan ng mga sniper ang kanilang biktima at saka sasalakay. Kung hindi makuha ang bandera ng kalabang pangkat, kung gayon ang pangkat na may pinakamaraming “napatay” ang panalo.

Mga Larong Digmaan​—Ito ba’y para sa mga Kristiyano?

Halos 20 miyembro ng dalawang simbahan sa lugar ng Sacramento, sa California, ang nagbayad ng halos $35 ang bawat isa upang “lumahok sa nagiging popular na labas ng bahay na isports,” sulat ng isang reporter. “Simbahan kontra sa simbahan, naglalaban sila sa baku-bakong kalupaan sa loob halos ng anim na oras​—nagtatago sa likod ng mga punungkahoy at 200-litrong mga dram, nagpapaputok ng mga baril na ang bala ay carbon dioxide at sinisikap na kunin ang bandera ng kabilang pangkat.” Nang tanungin kung nababagay ba sa isang lider ng simbahan na makilahok sa gayong isport, isang predikador ng isa sa mga simbahan ang nagsabi: “Dahil lamang sa ikaw ay Kristiyano ay hindi nangangahulugan na hindi ka maaaring maging tao at magkaroon ng kasiyahan.” Ang kaniyang katapat, pastor ng kalabang pangkat ng simbahan, ay iniulat na “walang anumang pag-aalinlangan tungkol sa paglalaro ng mga larong digmaan nang regular.” Gayunman, dapat bang magkaroon ng pag-aalinlangan ang isa na nag-aangking Kristiyano tungkol sa paglalaro ng mga larong lumuluwalhati sa digmaan?

Isang manlalaro ay nagsabi: “Pangarap ng bawat isa na magpasubuk-subok at mapasalikuran ng iyong biktima at pasabugin siya. Iyan ang ultimong pagpatay. Hindi niya nalalaman kung ano ang tumama sa kaniya at siya’y patay na.” Sabi pa ng isa: “Nagustuhan ko ito noong una akong maglaro nito. Para kang nagiging sugapa. Babalik at babalik ka linggu-linggo dahil sa katuwaan na nakukuha mo.”

Binabatikos ng maraming eksperto sa paggawi ang mga larong digmaan na nakasásamâ at nakatitisod sa iba, tinatawag itong isang “nakatatakot na palatandaan.” Ang sarisaring reaksiyon ay:

“Ang aktong pagtutok ng baril sa isa, mga bala ay pintura o hindi, at pagkalabit sa gatilyo ay maaaring humantong sa pagiging manhid pagdating sa tunay na karahasan.” “Ang katuwaan sa pagbaril ng mga tao ay lubhang di-kanais-nais.” “Ito’y higit na nakapipinsala kaysa nakabubuti,” sabi ng isang propesor ng sikolohiya sa University of Wisconsin (E.U.A.) at isang espesyalista sa pananalakay. “Ang katibayan ay maliwanag na ito’y hindi kapaki-pakinabang at na maaaring magkaroon ng pagbawas ng pagpipigil laban sa karahasan.” “Tinawag ng ilang kritiko ang kinahuhumalingang mga larong digmaan na nakasusuyang bersiyon ng mga taong humahanap at ginagaya ang pagpatay,” sabi ng magasing New Orleans. “Sinabi pa nga ng isa . . . na ang mga kalahok sa mga larong digmaan ay aktuwal na nangangailangan ng isang mahusay na terapis.”

Bukod sa masama sa moral na kalikasan ng mga laro, ito ay punô ng panganib, na nagbubunga ng maraming pinsala.

Ang digmaan ay isang kasuklam-suklam na bagay. Iyan ang dahilan kung bakit ang isang Kristiyano ay hindi natutuwa o nasisiyahan sa paggaya o pagpapanatili nito, sa pagsasadula nito. Sa halip na masiyahan sa pakikibahagi sa gayong agresibong mga kilos, ang tunay na Kristiyano ay nasisiyahan sa bagay na ang Dakilang Maylikha, ang Diyos na Jehova, ay malapit nang “patigilin ang mga digmaan hanggang sa kadulu-duluhan ng lupa.”​—Awit 46:9; Isaias 2:4.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share