Pagmamasid sa Daigdig
RELIHIYOSONG KALAYAAN SA MOZAMBIQUE
Ang Africa News ay nag-uulat na ang mga Saksi ni Jehova sa Mozambique ay pinagkalooban ng bahagyang relihiyosong kalayaan noong 1988. Noong 1975 ipinatapon ng gobyerno ang libu-libo sa kanila sa isang malayong distrito sa gawing hilaga ng bansa dahil sa pagtanggi nilang ulitin ang pulitikal na mga sawikain, isang pagkilos na lumalabag sa kanilang sinanay-Bibliyang budhi. Sila’y namuhay roon nang bukod hanggang noong 1986, nang sila’y salakayin ng mga rebelde laban sa pamahalaan ng Mozambique, ang mga babae ay kinidnap at inalipin at pinagpapatay ang marami sa kanila sa pamamagitan ng death squad. Sila’y nagsitakas tungo sa kalapit na bansa ng Malawi, na iginiit naman sa United Nations na paalisin sila sa bansa. Pagkatapos inalis ng pamahalaan ng Mozambique ang mga pagbabawal nito na nagpatapon sa mga Saksi, pinahihintulutan silang magbalik sa mga tahanang iniwan nila 14 na taon ang nakalipas. Nanghahawakan pa rin silang matapat sa kanilang Kristiyanong neutralidad. Kapuri-puri, kasalukuyang pinahihintulutan sila ng pamahalaan na mamuhay at sumamba nang mapayapa.
IDINEMANDANG BANGKO NG DUGO
Sa kauna-unahang pagkakataon, isang bangko ng dugo sa E.U. ang matagumpay na idinemanda dahil sa pagbibigay ng dugo na nakahawa sa isang tumanggap ng pagsasalin ng dugo ng nakamamatay na virus ng AIDS. Ang biktima, isang limang-taóng-gulang na batang lalaki, ay binigyan ng pagsasalin noong panahon ng operasyon sa puso isang buwan lamang pagkasilang nito. Ikinatuwiran ng abugado ng pamilya ng bata sa korte na ang bangko ng dugo ay hindi lamang pabayâ sa pagsubok at pagsuri nito sa dugo kundi magdaraya rin naman sa bagay na, udyok ng pagnanais na tumubo, hindi ipinahintulot ng bangko ng dugo na ang pamilya mismo ay magkaloob ng dugo. Sang-ayon sa The New York Times, ang hurado ay nagpasiya na ang bangko ng dugo ay naging pabayâ at ipinagkaloob ang $750,000 na bayad-pinsala sa bata at sa kaniyang mga magulang.
ANG PULUMPON NG SEGURIDAD
Ang mga organisasyong sa Estados Unidos na palaisip-sa-seguridad, gaya ng CIA, ang militar, at ang NASA, ay bumaling sa isang matandang ideya sa pangangalaga sa kanilang mga bakuran: ang pulumpon. Karaniwang ginagamit mga isang daang taon na ang nakalipas upang kulungin ang mga hayop sa bukid, ang partikular na pulumpong ito ay maaaring magtinging di-nakapipinsala sa malayo, subalit ang mga dahon nito ay nagkukubli ng natatagong mga sandata—sampung-centimetrong mga tinik, sintalim ng labaha. At, iniuulat ng magasing Discover na “kapag maygulang na, ang kalabang halamang-bakod ay napakakapal anupa’t maaari nitong pahintuin ang isang jeep.” Ang halaga nito ay maliit lamang kung ihahambing sa halaga ng bakod na alambre, gayunman ito ay tumatagal nang tatlong ulit. Ang wastong pangalan para sa nagbabantang pulumpon na ito ay trifoliate orange. Ang palayaw nito ay P.T., maikli para sa “Pain and Terror” (Kirot at Kilabot).
“MALAYONG MANGYARI”
Ang mga siyentipiko ay nalilito pa rin tungkol sa pinagmulan ng buhay. Ang pahayagang Pranses na Le Figaro ay nagkomento pagkatapos iulat ang tungkol sa isang kombensiyon ng mga biyologo na ginanap sa Paris: “Saan galing ang buhay? . . . Pakikialam mula sa panlabas na kalawakan sa anyo ng mga extraterrestrial o mga asteroid? Pakikialam ng Diyos? Walang sinuman ang may siyentipikong paliwanag.” Sabi pa ng artikulo: “Mayroon nang malaking pagkakaiba sa pagitan ng pinakamasalimuot na mineral na mga sistema at ng pinakapayak na mga selula anupa’t walang nakauunawa kung paano nangyari ang transisyon. Ang paglitaw ng buhay sa lupa ay ang pagtitipon ng gayong serye ng mga malayong mangyari anupa’t ito sa ganang sarili ay naging malayong mangyari.” Gayunman ang buhay ay umiiral. Hindi maipaliwanag ng mga ebolusyunista kung paano ito napunta rito, subalit ipinaliliwanag ito ng Bibliya.
SINISIRA NG KASAKIMAN ANG MGA PUNO
Ang estado ng Uttar Pradesh ng India ay nawalan ng halos kalahati ng mahalagang kagubatan nito sapol noong 1952—subalit hindi lamang dahil sa pagtotroso. Iniuulat ng magasing India Today na ang ilegal na pagtatapyas sa mga puno ng pino upang makuha ang dagta ang siyang dahilan ng malaking pinsala. Ang Kagawaran ng Kagubatan ay naglabas ng mga kautusan tungkol sa kung paano tatapyasin ang mga puno nang hindi pinipinsala ang mga ito subalit hanggang sa ngayon ay hindi pa rin naipatutupad ang kautusan. Samantala, may kasakimang tinatapyas ng mga tao ang mga puno sa paraan na hindi lamang nagiging walang silbi ang mga ito sa paggawa ng dagta sa darating ng mga taon kundi ang mga ito rin naman ay mas madaling bumagsak sa mga bagyo. Sinusunog pa nga ng ilan ang mga punungkahoy na kanilang tinapyas nang husto upang itago ang katibayan ng kanilang ilegal na gawain. Ito naman ang pinagmumulan ng mga sunog sa kagubatan. “Isa itong kaso ng pagiging mukhang-salapi,” sabi ng India Today, “pagpatay sa gansa na nangingitlog ng gintong mga itlog.”
MGA DIGMAAN NG 1988
Ang digmaan ay patuloy na umaani ng nakatatakot na ani nito ng mga bangkay. Ang taóng 1988 ay nakasaksi ng 22 mga digmaan na ipinakipagbaka sa buong daigdig, pumapatay ng kasindami ng 416,000 tao sang-ayon sa isang tantiya. Ayon sa direktor ng Lentz Peace Research Lab sa St. Louis, Missouri, E.U.A., ang nangungunang sanhi ng mga digmaan ay alitang etniko, na siyang sanhi ng pitong digmaan. Ang iba pang sanhi ay mga paghihimagsik mula sa kanan o kaliwang panig ng pulitika, labanan sa kapangyarihan sa pagitan ng magkaribal na mga grupo ng relihiyon, hidwaan tungkol sa teritoryo, at ang pagpupunyagi sa “kasarinlan.” Karamihan ng mga patay, gayunman, ay hindi mga sundalo. Sila’y mga sibilyan.
SINAUNANG MGA SEKRETO SA PAGSASAKA
Natutuhan ng mga arkeologo na ang isang sinaunang paraan ng pagsasaka ng mga Peruviano, na nawala na sa loob ng mga dantaon, ay maaaring mas mabisa kaysa modernong mga paraan. Ang karaniwang kaugalian sa mga kapatagan sa palibot ng Lawa Titicaca hanggang nitong mga ilang siglong nakalipas ay simple: Ang mga bukid ay yari sa itinaas na lupa na 4 hanggang 10 metro ang lapad, mga 1 metro ang taas, at mula 10 hanggang 100 metro ang haba, na may mga kanal na kasinlapad at kasinlalim sa pagitan nito. Kung tag-araw, ang mga lumot sa kanal ay pinapala at inilalagay sa mga nakaangat na lupa upang magsilbing pinaka-pagkain ng mga pananim. Yamang ang tubig ay nagpapanatili ng init, ang mga kanal ay nagsisilbi rin upang panatilihing mainit ang mga pananim sa panahon ng taglamig. Ang nakaangat ng lupa ay waring nakaliligtas kapuwa sa baha at tagtuyot na mas mahusay kaysa kinaugaliang mga bukid. Sa modernong mga eksperimento, ang sinaunang paraan ay sampung ulit na mas marami ang ani kaysa kinaugaliang pagsasaka—at wala pang gastos sa makinarya at abono.
BASURA SA KALAWAKAN
Ang pighati ng polusyon ng tao ay patuloy na lumalaganap—kahit na sa panlabas na kalawakan. Ang mga taon ng pagpapadala ng makinarya sa orbita nang hindi isinasaalang-alang ang naiiwang basura ay nagsisimulang maningil. Ang mga siyentipikong nagbabalak maglunsad ng bagong sasakyang pangkalawakan ay dapat ngayong gumawa ng mga paraan ng pag-iingat sa mga ito mula sa mga basura sa kalawakan na sasalpok dito sa bilis na halos labindalawang kilometro sa isang segundo. Sa gayong bilis, ang isang ga-holen na piraso ng basura ay “maaaring maging kasinlakas ng isang granada,” sabi ng The New York Times. Ang isang inhinyero ay nagdisenyo pa nga ng isang umiikot sa orbita na robot na tagalinis sa kalawakan upang kalasin at iligpit ang mga basura sa kalawakan. Gayunman, ang paglilinis sa kalawakan ng mga basura ay hindi madali. Daan-daang libong piraso ay napakaliit upang mapansin mula sa lupa; gayunman ay sapat ang laki upang makamatay. Gaya ng sabi ng isang siyentipiko sa Times: “Nariyan ang kabiguan at pagkasiphayo sa kung ano sana’y isang malinis na kapaligiran ay napakagulo at wari bang lumulubha pa.”
PROSTITUSYON NG MGA BATA SA PILIPINAS
Ang prostitusyon ng mga bata ay naging palasak sa isang maliit na bayan sa Pilipinas, ulat ng The New York Times. Noong 1988, 22 banyagang mga lalaki ang inaresto dahil sa pamamahala sa mga pangkat ng prostitusyon. Isa sa kanila ay may daan-daang pornograpikong larawan ng mga batang lalaki, na nakatala ang mga pangalan at mga rekord. Isang lokal na organisasyon na tinatawag na Council of Citizens for the Protection of Children ay gumawa ng mga pagsisikap upang ihinto ang kasuklam-suklam na negosyo. Gayunman, nakaharap nila ang mahigpit na pagsalansang—pati na ng mga magulang ng mga bata! Maliwanag na pinauulanan ng mayayamang banyagang parokyano ang mga batang lalaki at ang kani-kanilang pamilya ng mamahaling mga regalo. Tinataya ng organisasyon na isang katlo ng mga bata sa bayan ang nakibahagi sa negosyong ito. Kapansin-pansin, ang Times ay nagkukomento na “ang malakas na Iglesya Katolika Romana ay walang gaanong sinasabi tungkol sa paksang prostitusyon . . . kung ihahambing sa agresibong paninindigan nito laban sa artipisyal na pagkontrol sa panganganak.”
ESPIRITUWAL NA PATAY?
Ang munting bayang Italyano ng Manerba sa tabi ng lawa ay may pambihirang paunawa ng kamatayan na inilagay sa mga paskilan nito kamakailan. Ang malungkot na karatulang may itim na pagilid ay kababasahan, sa bahagi: “Malungkot na ipinatatalastas ng Parokya ang espirituwal na kamatayan ng bayan ng Manerba pagkaraan ng matagal at unti-unting karamdaman na dala ng turismo, pagkabagot, at pagliban. Ang libing ay hindi gaganapin sapagkat ang patay ay nakatayo pa sa kanilang paa. Nais pasalamatan ng isa ang maliit na bilang niyaong nagtutungo sa Misa kung Linggo at sinumang nag-iisip na magsimba sa hinaharap.” Ang awtor ng paunawa, ang lokal na kura parokong si Mario Filippi, ay nagsabi sa pahayagang Il Giornale di Brescia: “Sa pagtatapos ng bawat tag-araw, ang bilang ng mga tapat ay umuunti, at taun-taon, ang pagguho ng asamblea ay nakababalisang palatandaan.” Sabi pa niya: “Alam kong ang ibang bayan sa [Lawa] Garda ay nasa katulad ding kalagayan. At marahil ang kalagayan ay laganap.”