“Hindi Namin Sinisisi ang Diyos”
NANG ang flight 103 ng Pan American ay pinasabog sa himpapawid ng mga terorista noong nakaraang Disyembre sakay ang 259 katao, ang Romano Katolikong obispo sa Galloway, na si Maurice Taylor, ay bumigkas ng mapapait na salita sa Diyos:
“Ama, kung Ikaw ay Diyos ng pag-ibig, bakit Mo hinayaang mangyari ito? Bakit Mo pinayagang masawi ang daan-daang walang-malay na mga buhay? Ang 10 na mga mamamayan ng Lockerbie? At ang marami pang iba na hindi kailanman nakarinig tungkol sa Lockerbie, subalit ang mga buhay ay lubhang nakapanlulumong nagwakas sa mga lansangan at mga parang ng bahaging ito ng Scotland? At bakit Mo ipinahintulot na magdusa ang napakaraming tao ng malupit at kalunus-lunos na pasakit ng pangungulila?”
Kabilang sa mga biktima ang maraming estudyante mula sa Syracuse University sa Estados Unidos. Si Mildred Sachuck, katiwala sa isa sa mga fraternity nito, ang nagsabi tungkol sa mga teroristang naglagay ng bombang iyon: “Dapat natin silang pasabugin sa impierno.”
Isang ulat sa pahayagan ang nagsabi: “Ang flight attendant na si Paul Garrett, 41, ay nagplanong magbukas ng isang tindahan sa Paris pagkaraan ng 15 taóng pagtatrabaho sa airline. ‘Ang kalunus-lunos na pangyayari ay na ito na ang kaniyang huling paglipad,’ sabi ni Jan MacMichael, isang kaibigan sa Millbrae, Calif[ornia].”
Ang reaksiyon ng mga magulang ni Paul, sina Ernest at Nadine Garrett, mga Saksi ni Jehova na nakatira sa Millbrae, ay kabaligtaran ng mga reaksiyon ng obispo sa Galloway at ng katiwala sa Syracuse. Ang reaksiyon ng mga magulang ni Paul ay mababanaag sa isang liham na ipinadala nila bilang pagtugon sa mga pakikiramay na tinanggap nila mula sa isang kapuwa Saksi sa New York City:
Isang Pandaigdig na Kapatiran
“Napakabait mo, Karl, upang maglaan ng panahon mula sa iyong abalang iskedyul upang padalhan kami na gayong nakaaaliw na liham. Isa ito sa maraming liham. Nakatanggap kami mula sa mga Saksi sa Norway, Italya, Pransiya, Inglatera, at Cameroon—halos 600 kard, mga telegrama, at mga liham, at mahigit na 250 mga tawag sa telepono mula sa buong daigdig. Napakaraming kakilala ni Paul, palibhasa siya’y isang flight attendant sa loob ng maraming taon sa Pan American airlines. Ang mga paglilingkod sa libing ay ginanap sa Paris, San Francisco, at Jacksonville, Florida, na may kabuuang bilang ng dumalo na 1,385.
“Ang lokal na mga Saksi sa aming kongregasyon at sa kalapit na mga kongregasyon ay tumulong sa amin sa bahay at sa pamimili ng pagkain, sa pagluto at paghahanda nito, nilinis ang aming bahay, naghalinhinan ng pagtulog sa aming tahanan, hindi kami iniiwan na mag-isa sa loob ng dalawang linggo upang tiyakin na ayos ang aming kalagayan. Totoo, ang mga Saksi ni Jehova ay may pandaigdig na ‘pag-ibig sa gitna nila.’—Juan 13:35.
“Ang kinatawan ng Pan American na naatasang umaliw at makiramay sa aming pamilya ay nagkomento: ‘Ako’y naparito upang aliwin kayo, subalit ako sa halip ang naaliw. May isang bagay na kakaiba sa mga taong ito sa ibang tao na naobserbahan ko sa mga okasyong gaya nito.’ Nang tanungin kung ano ang ibig niyang tukuyin, sabi niya: ‘Ang mga taong ito ay talagang nagmamalasakit sa isa’t isa.’
“Nagpapasalamat kami na nauunawaan namin ang Bibliya at nalalaman namin na ang ‘panahon at di inaasahang pangyayari’ ay nangyayari. (Eclesiastes 9:11) Palibhasa’y nauunawaan mo ito, Karl, kailanman ay hindi namin walang-katarungang sisisihin ang Diyos o lalapastanganin man siya dahil sa trahedyang ito, gaya ng ginawa ng Katolikong obispo ng Galloway. Hindi, hindi namin sinisisi ang Diyos sa pagkamatay ng aming anak. Sa katunayan, parang bang sinasabi ng obispo na si Jehova ay hindi isang Diyos ng pag-ibig.—1 Juan 4:8.
“Ni naghahangad man kaming maghiganti laban sa mga terorista, gaya ng katiwala sa isang fraternity sa Syracuse na namatayan ng isang miyembro sa pagsabog ng eruplano, na nagsabi: ‘Dapat natin silang pasabugin sa impierno.’ Ipinauubaya namin ang mga bagay na iyon sa Diyos, na nagsasabi: ‘Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti.’—Roma 12:19.
“At, kahulihan, ay ang kahanga-hangang pag-asa ng pagkabuhay-muli na aalalay sa amin sa bawat araw hanggang sa makita naming muli ang aming mahal na anak. ‘Kung ang tao’y mamatay, mabubuhay ba siyang muli?’ tanong ng taong si Job noong una. Bueno, sinasagot ng Bibliya ang tanong na iyan sa Isaias 26:19: ‘Ang iyong mga patay ay mabubuhay . . . Sila’y magsisibangon.’ Kami’y may kaaliwan na ang aming anak ay namatay nang tapat bilang isa sa mga Saksi ni Jehova, may mabuting pangalan sa Diyos, isang pangalan na aalalahanin Niya sa panahon ng pagkabuhay-muli. (Eclesiastes 7:1, talababa; Juan 5:28) Totoong nalulungkot kami sa pagkamatay na aming anak, subalit dahil sa pagkakaroon namin ng pag-asa sa pagkabuhay-muli, ‘hindi kami nalulumbay na gaya ng iba na walang pag-asa.’—1 Tesalonica 4:13.
Ang naulilang asawa ni Paul ay si Dominique. Siya’y nakatira sa Paris, Pransiya, isang Saksi ni Jehova, at gayundin ang nadarama niya na gaya ng mga magulang ni Paul. Hindi rin niya sinisisi ang Diyos sa kalunus-lunos na pagkamatay ng kaniyang asawa at hinaharap niya ang kinabukasan na may tibay-loob at pag-asa.
Talaga bang Nais ng Tao na Itigil ng Diyos ang Pagpapahintulot sa Kabalakyutan?
Noong sinaunang panahon isang lalaking nagngangalang Job ang dumaranas ng mga sakuna na hindi kagagawan ni Jehova, gayunman kaniyang sinisi si Jehova ng tanong na ito: “Mabuti ba sa iyo na ikaw ay gumawa ng masama?” Sinagot siya ni Jehova ng isa ring tanong: “Iyo bang hahatulan akong balakyot upang ikaw ay ariing tama?” (Job 10:3, 40:8) Upang turuan si Job, nirepaso ng Diyos ang marami sa Kaniyang mga paglalang sa langit at sa lupa na nagpapabanaag ng Kaniyang mga katangian ng katarungan, karunungan, kapangyarihan, at pag-ibig. (Job, mga kabanatang 38-41) Natanto ni Job ang kaniyang pagkakamali at ang kaniyang pagkabahala-sa-sarili, na ang sabi: “Binabawi ko ang aking sinabi, at ako’y nagsisisi sa alabok at abo.”—Job 42:6.
Dahil sa pagkakasala mismo ng mga tao, sila ay nagdadala ng maraming kasakunaan sa kanilang sarili at sa iba. Nagsasalita sila laban sa pagpapahintulot ng Diyos ng kabalakyutan samantalang pinapayagan at ginagawa nila ito. (Ihambing ang Roma 2:1, 21-24.) Ang kanilang kabalakyutan ay maraming anyo—pagsisinungaling, pandaraya, pagnanakaw, pang-aapi, pakikiapid, pangangalunya, pagsasagawa ng sodomiya, pagpatay, paggawa ng mga baril at bomba, pagtataguyod ng mga digmaan at mga himagsikan, pawang winisikan ng pagbibigay-matuwid sa sarili, mga pagkukunwari, at mga paglapastangan. Ang ibang siyentipiko ng lipunan ay nakipaglaban pa nga sa mga lipunan, na sa pamamagitan ng kanilang pagtatangi at pang-aapi sa ilang grupo, ay lumikha ng isang lupain na doon bumangon ang mga paghihimagsik, at ang mga desperado ay maaaring maging mapusok na mga terorista, na pumapatay ng walang kaugnayan at walang malay na mga tao. (Ihambing ang Exodo 1:13, 14; 1 Hari 12:12-14, 16, 19; Mikas 7:3, 4; Mateo 7:12.) Tiyak na ang Eclesiastes 8:9 ay nagsasabi ng totoo nang sabihin nito: “Pinangibabawan ng tao ang tao sa kaniyang ikapapahamak.”
Kung hindi ipinahintulot ng Diyos ang kanilang kabalakyutan, kung puwersahang nakialam siya upang hadlangan ito, ang kanilang sama-samang sigaw ng pagprotesta na ang kanilang kalayaan ay pinanghihimasukan ay aabot hanggang langit! Sa katunayan gusto nilang ipahintulot ng Diyos ang kanilang personal na kabalakyutan, ngunit gusto nilang maihasik ito nang hindi inaani ang mga bunga nito.—Galacia 6:7, 8.
Wala sa kanila ang katapatan at kapakumbabaan ni Job, na nagsisi nang maunawaan niya na hindi kay Jehova nagmumula ang kaniyang mga kasakunaan. Ang lipunan ngayon ay hindi lumalakad na kasama ng Diyos sa gayo’y inaani ang mga kasakunaan ng landasin nito, yamang “hindi para sa taong lumalakad ang magtuwid kahit ng kaniyang hakbang.” (Jeremias 10:23) Pinatotohanan ito ng mga milenyo ng kasaysayan ng tao.
Datapuwat ito ay magbabago bago magwakas ang salinlahing ito, kapag hinalinhan ng Kaharian ni Kristo ang satanikong sistemang ito ng mga bagay. (Daniel 2:44; Mateo 24:34; 2 Corinto 4:4; 1 Juan 5:19) Sa panahong iyon, ‘wala nang dalamhati, wala nang luha, wala nang hirap, wala nang kamatayan,’ sapagkat sabi ng Diyos na Jehova: “Narito! Ginagawa kong bago ang lahat ng bagay.”—Apocalipsis 21:1, 4, 5; 2 Pedro 3:13.
[Larawan sa pahina 15]
Ang flight attendant na si Paul Garrett