Ang Bagong Kabisera ng Australia ay Sumapit Na sa Hustong Gulang
KUNG ihahambing sa maraming bansa, ang Australia mismo ay isa lamang bagong bansa. Yaon ay, kung ang pag-uusapan ay ang Europeong paninirahan sa kontinente. Ang kaniyang unang dalawang siglo ng Europeong pagkanaroroon ay nakompleto kamakailan lamang, na may pambuong-bansang pagdiriwang ng ikalawang sentenaryo sa buong 1988 bilang tanda ng mahalagang pangyayaring ito.
Subalit kung ang dalawang daang taon ay hindi nga isang napakahabang panahon, kaya kung ihahambing, ang kabiserang lungsod ng Australia, ang Canberra, ay “kaaalis lamang ng pugad,” sapagkat ang lugar nito ay opisyal na pinanganlan noon lamang Marso 1913. Gayunman, sa kabila ng batang gulang nito na 76 na taon, inaakala ng marami na ang magandang pambansang kabisera sa wakas ay sumapit na sa hustong gulang. Noong 1901 isang panukalang batas ang ipinasa na nagtatakda na ang luklukan ng gobyerno sa hinaharap “ay dapat na nasa Estado ng New South Wales, at hindi lalayo ng 160 kilometro mula sa Sydney.” Pagkalipas ng anim na taon, isang bahagi ng pastulang lupain na halos 600 metro sa ibabaw ng antas ng dagat at sumusukat ng 2,360 kilometro kuwadrado ay kinuha mula sa distrito ng Monaro sa New South Wales, ngayo’y kilala bilang ang Australian Capital Territory.
Sa wakas ang pangalan na napagpasiyahan para sa pambansang kabiserang lungsod ay Canberra (binibigkas na Canʹbra, ang diin ay nasa unang pantig). Inaakala ng marami na angkop na ang pangalang ito ay nakakahawig ng salitang Katutubo para sa “tipunang dako,” yamang ito ang magiging dako kung saan ang pambansang mga parlamento at mga dignitaryo ng daigdig ay magtitipon sa hinaharap.
Lungsod na May Natatanging Disenyo
Ang bagong pambansang kabisera ay naiisip bilang isang naiibang lungsod. Mula sa 137 mga kalahok na isinumite mula sa buong daigdig, isang nagwaging disenyo ang napili na nangailangan ng isang sistema ng mga abenida na nagmumula sa gitna na tatawaging Capital Hill. Nangailangan din ito ng pagtatayo ng isang malaking gawang-taong lawa upang makaragdag pa sa kagandahan ng lungsod. Ito ay aagos sa gitna ng lungsod at sa mga arabal sa hinaharap, na maglalaan ng mga parkeng lupa, pagpapaganda sa tabi ng lawa, mga isport sa tubig, at iba pang akuwatikong mga pasilidad.
Ang kaakit-akit na ideyang ito ay walang alinlangang udyok ng paliku-likong Ilog Molonglo, na umaagos na mabuti sa mataas na mga kapatagan ng pastulang dako na iyon at madaling mapiprinsahan. Pagkalipas ng kalahating siglo, isang kaaya-ayang siyam na kilometrong lawa ang ginawa at pinanganlang Lake Burley Griffin, ipinangalan sa binatang arkitekto na taga-Chicago na ang disenyo para sa Canberra ay nagwagi sa pandaigdig na paligsahan noong 1911.
Ngayong ang disenyong iyon ay sinang-ayunan na, mabilis na sinimulan ang paggawa sa kabisera na Canberra na pagsasamahin ang kagandahan ng lalawigan at ng lungsod sa isang magandang punong-lungsod. Ang mga resulta ay lubhang matagumpay anupa’t ang pinagagagandang lungsod ay may pagmamahal na binansagang “Bush Capital” ng Australia.
Ang orihinal na disenyo para sa isang kabiserang hardin ay naging mga tumpok ng katutubo at eksotikong mga punungkahoy at mga palumpon, makahoy na tanawin na nagpapalamuti sa maluluwang na arabal at mga bayan. Ang populasyon nito ngayon ay halos 270,000, at inaangkin nito ang halos walang-polusyong atmospera sa gitna ng mahigit na anim na milyong animo’y walang katapusang pagkasarisari ng mga punungkahoy. Ang mga parke at mga dakong libangan ay sagana sa tanawing halamanan, pinagaganda ang mga gusali at mga abenida na may mga korona o tuktok ng mga punungkahoy na patuloy na nagpapalit ng kulay mula sa tagsibol hanggang sa taglagas.
Ang tanawing tulad-iláng ay nakaakit sa di-mabilang na katutubo at eksotikong mga ibon at mga hayop. May 250 uri ng ibon sa teritoryo, at mahigit na 90 nito ang nakatira mga isang kilometro sa gitna ng lungsod. Masasayang kulay na mga loro at cockatoo ang nagpupugad at kumakain sa mga punungkahoy doon mismo sa sentro ng kalakalan. Ang katutubong mga hayop, gaya ng mga kangaroo at wallabies, ay nakatira na malapit sa lungsod. Sa katunayan, isang pamilya ng mga kangaroo ang nakatira sa bakuran ng tirahan ng gobernador-heneral.
Isa pa, ang Lake Burley Griffin ay naglalaan ng isang likas na tirahan hindi lamang para sa sarisaring ibon sa tubig kundi gayundin naman sa pambihirang platypus ng Australia, ang munting may balahibong hayop na ang paa’y webbed at may malaking tuka ay parang pato.
“Sumapit Na sa Hustong Gulang”
Sa isip ng marami, ang paggulang ng bagong kabiserang ito ay tuwirang nauugnay sa Bahay ng Parlamento nito, na sa makasagisag na paraan ay siyang talagang dahilan ng pag-iral ng lungsod. Noong 1914 isang internasyonal na paligsahan ang inilunsad para sa disenyo ng isang pambansang bahay ng parlamento, subalit kinansela ng Digmaang Pandaigdig I ang lahat ng pakikipagsapalarang ito. Pagkatapos, maaga noong matapos ang mga taon ng digmaan, ipinasiya na magtayo ng isang pansamantalang bahay ng parlamento upang magsilbi hanggang sa maitayo ang isang mas permanenteng gusali. Ang pansamantalang bahay ng parlamento ay opisyal na binuksan noong Mayo 1927 ng Duke ng York ng Britaniya (na nang maglao’y naging Haring George VI).
Gayunman, noong 1965, isang piling komite ang binuo upang iplano ang isang bagong permanenteng bahay ng parlamento. Halos sampung taon ang lumipas, at sa wakas isang pasiya ang narating na gumagawa sa Capital Hill na siyang maging dako. Pagkalipas ng ilang taon, noong 1980, ito ay pinasinayahan ng punong ministro, at sinimulan ang pagtatayo. Mula noon, walong taon pa ang mabilis na lumipas. Subalit ngayon, sa wakas at taglay ang maraming tokada, isang kitang-kitang Bahay ng Parlamento sa Capital Hill ang opisyal na binuksan noong Mayo 9, 1988, ng anak ng yumaong Haring George VI, si Reyna Elizabeth II.
Ang bagong Bahay ng Parlamento ay pinapurihan bilang isang namumukod-tanging tagumpay sa arkitekto. Ang paligsahan sa disenyo na inilunsad noong 1979 ay umakit ng mga kalahok mula sa 28 mga bansa. Ang gusali ay natatanging idinisenyo upang maghusto ang plano sa Canberra ni Walter Burley Griffin. Mangyari pa, ang gayong kahanga-hangang mga gusali ay hindi dumarating nang walang gayunding kahanga-hangang gastos na salapi. Ang halaga lamang ng palo ng bandera ay tinatayang 4.4 milyong dolyar sa Australia.
Batay sa lahat ng panlabas na hitsura, masasabi ngayon na ang bagong ilang na kabisera ng Australia—ang magandang Canberra—sa wakas ay sumapit na sa hustong gulang.
[Mga larawan sa pahina 16, 17]
Ang bagong Bahay ng Parlamento—ang pansamantala ay nasa gawing kanan
Toreng pangmasid
[Larawan sa pahina 17]
Lake Burley Griffin, nasa likuran ang mataas na hukuman