Galit—Ano ang Dako Nito sa Buhay ng mga Lingkod ng Diyos
SA Bibliya iba’t ibang salitang Hebreo at Griego ang ginagamit upang mangahulugang galit. Ang pinakakaraniwang salitang Hebreo para sa galit ay ’aph, nangangahulugang “ilong; butas ng ilong” ngunit madalas na makasagisag na ginagamit para sa “galit” dahil sa malakas na paghinga o pagsingasing ng isang taong galít. (Ihambing ang Awit 18:7; Ezekiel 38:18.) Kaugnay ng ’aph ang ’a·naphʹ, nangangahulugang “maging galít na galít.” Ang galit ay madalas ding iniuugnay sa Hebreong Kasulatan sa init at sa gayo’y sinasabing nag-aalab. Ang iba pang salitang Hebreo ay isinasaling “pagngangalit,” “mainit na galit,” at “pagkagalit.” Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ang or·geʹ ay karaniwang isinasaling “poot,” samantalang ang thy·mosʹ ay karaniwang isinasaling “galit.”
Ang galit ay maaaring matuwid o di-matuwid. Sa bahagi ng Diyos, ang kaniyang galit ay laging matuwid, nasasalig sa simulaing idinidikta ng kaniyang karapatan para sa bukod-tanging debosyon at ng kaniyang palaging panghahawakan sa katotohanan; ito’y inuugitan ng kaniyang pag-ibig sa katuwiran at sa mga nagsasagawa ng katuwiran. Ang galit ng Diyos ay hindi nanggagaling sa panandaliang kapritso, upang pagsisihan sa dakong huli. Nakikita ni Jehova ang lahat ng usaping nasasangkot sa isang bagay at mayroon siyang lubusan, ganap na kaalaman tungkol sa isang kalagayan. (Hebreo 4:13) Binabasa niya ang puso; nakikita niya ang antas ng kawalang-alam, kapabayaan, o kusang pagkakasala; at siya’y kumikilos nang walang pagtatangi.—Deuteronomio 10:17, 18; 1 Samuel 16:7; Gawa 10:34, 35.
Ang kapahayagan ng galit ng tao ay maaaring tama kung ito ay salig sa simulain. Maaaring makatuwirang ipahayag ng isa ang matuwid na pagkagalit. Tayo’y inuutusang “kamuhian ang balakyot.” (Roma 12:9) Ang Bibliya ay nagbibigay ng maraming halimbawa ng matuwid na pagkagalit.—Exodo 11:8; 32:19; Bilang 16:12-15; 1 Samuel 20:34; Nehemias 5:6; Esther 7:7; tingnan din ang 2 Samuel 12:1-6.
Gayunman, ang galit ng tao ay kadalasang di-matuwid at maraming ulit na di-mapigil. Ito’y kadalasang salig sa di-sapat na dahilan at ipinahahayag nang hindi isinasaalang-alang ang mga kahihinatnan. Pagkatapos na patawarin ni Jehova ang Nineve, si Jonas ay nayamot, “at siya’y nag-init sa galit.” Si Jonas ay nagkulang ng awa at kailangang ituwid ni Jehova. (Jonas 4:1-11) Si Haring Uzzias ng Juda ay nagngalit nang siya’y ituwid ng mga saserdote ni Jehova at nagpatuloy sa kaniyang mapangahas na landasin, na dahil dito siya’y pinarusahan. (2 Cronica 26:16-21) Ang pagmamataas ni Naaman ang nagbuyo sa kaniya sa pagkagalit at pagngangalit, na halos nagbunga ng pagkawala niya ng pagpapala mula sa Diyos.—2 Hari 5:10-14.
Mahalagang Pangangailangan Para sa Pagpipigil
Ang di-matuwid at di-mapigil na galit ay umakay sa maraming tao sa mas malaking kasalanan, sa mga gawa pa nga ng karahasan. “Si Cain ay nag-init sa matinding galit” at pinaslang si Abel. (Genesis 4:5, 8) Nais patayin ni Esau si Jacob, na tumanggap ng pagpapala ng kanilang ama. (Genesis 27:41-45) Sa pagngangalit ni Saul ay sinibat niya si David at si Jonathan. (1 Samuel 18:11; 19:10; 20:30-34) Yaong mga dumalo sa sinagoga sa Nazareth, palibhasa’y napukaw sa galit dahil sa pangangaral ni Jesus, ay nagsikap na ihagis siya mula sa gilid ng isang bundok. (Lucas 4:28, 29) Ang galít na mga lider ng relihiyon ay “nagkakaisang dumagsa sa kaniya [kay Esteban]” at pinagbabato siya hanggang sa kamatayan.—Gawa 7:54-60.
Ang galit, kahit na kung ito’y matuwid, kung hindi pipigilin, ay maaaring maging mapanganib, nagbubunga ng masasamang resulta. Sina Simeon at Levi ay may dahilang magalit kay Sichem dahil sa paghalay sa kanilang kapatid na si Dina, bagaman masisisi rin si Dina. Subalit ang walang-taros na pagpaslang sa mga taga-Sichem ay isang labis-labis na parusa. Kaya ang kanilang amang si Jacob ay nagsalita nang laban sa kanilang di-mapigil na galit, isinusumpa ito. (Genesis 34:1-31; 49:5-7) Kapag nasa ilalim ng matinding pagkapukaw na magalit dapat na pigilin ng isang tao ang kaniyang galit. Ang reklamo at pagkamapaghimagsik ng mga Israelita ay pumukaw sa galit ni Moises, ang pinakamaamong tao sa lupa, sa isang di-mapigil na pagkilos dahil sa galit kung saan hindi niya napabanal si Jehova, at dahil dito siya’y pinarusahan.—Bilang 12:3; 20:10-12; Awit 106:32, 33.
Ang mga silakbo ng galit ay inuuri kasama ng iba pang kasuklam-suklam na mga gawa ng laman, gaya ng mahalay na paggawi, idolatriya, pagsasagawa ng espiritismo, at mga paglalasingan. Ang gayong mga gawa ay hahadlang sa isa mula sa pagmamana ng Kaharian ng Diyos. (Galacia 5:19-21) Ang galít na pag-uusap ay hindi dapat sa loob ng kongregasyon. Ang mga lalaking kumakatawan sa kongregasyon sa panalangin ay dapat na malaya mula sa mga damdamin ng galit at masamang kalooban. (1 Timoteo 2:8) Ang mga Kristiyano ay inuutusang maging mabagal sa pagkapoot, sinasabihang ang poot ng tao ay hindi nagsasagawa ng katuwiran ng Diyos. (Santiago 1:19, 20) Sila’y pinayuhang “bigyan ninyo ng dako ang poot” at na ipaubaya ang paghihiganti kay Jehova. (Roma 12:19) Ang isang lalaki ay hindi maaaring gamitin bilang isang tagapangasiwa sa kongregasyon ng Diyos kung siya ay magagalitin.—Tito 1:7.
Bagaman ang isang tao ay may pagkakataong maaaring magalit at kung minsan ay may katuwirang magalit, hindi niya dapat hayaan itong maging kasalanan para sa kaniya sa pamamagitan ng pagkikimkim nito o pananatiling galít. Hindi niya dapat hayaang lumubog ang araw na siya ay nasa gayong kalagayan, sapagkat kung gayon ay hahayaan niyang madaig siya ng Diyablo. (Efeso 4:26, 27) Lalo na kung ito ay isang kaso ng galit sa pagitan ng Kristiyanong mga kapatid, dapat siyang kumuha ng tamang mga hakbang upang makipagpayapaan o lutasin ang bagay na ito sa paraang inilaan ng Diyos. (Levitico 19:17, 18; Mateo 5:23, 24; 18:15; Lucas 17:3, 4) Ang mga Kasulatan ay nagpapayo na dapat nating bantayan ang ating mga pakikisama may kinalaman dito, hindi nakikisama sa sinumang magagalitin o sa mga silakbo ng galit, sa gayo’y iniiwasan ang silo para sa ating mga kaluluwa.—Kawikaan 22:24, 25.
Si Jesu-Kristo, nang isang tao sa lupa, ay nagbigay sa atin ng sakdal na halimbawa. Walang ulat ni minsan man sa mga ulat tungkol sa kaniyang buhay kung saan siya ay nagkaroon ng silakbo ng di-mapigil na galit o kung saan hinayaan niya ang katampalasanan, pagkamapaghimagsik, at panliligalig ng mga kaaway ng Diyos ay makabalisa sa kaniyang espiritu at magpangyari sa kaniya na ipabanaag ang gayong bagay sa kaniyang mga tagasunod o sa iba. Noong minsan siya ay “lubusang napipighati” dahil sa pagkamanhid ng mga puso ng mga Fariseo at tiningnan sila na may pagkagalit. Ang susunod niyang pagkilos ay isang pagkilos ng pagpapagaling. (Marcos 3:5) Sa isa pang pagkakataon, nang itinataboy niya ang mga nagpaparumi sa templo ng Diyos at lumalabag din sa Batas ni Moises sa paggawa sa bahay ni Jehova na isang bahay ng kalakal, ito’y hindi walang-pagpipigil, di-matuwid na silakbo ng galit. Bagkus, ipinakikita ng Kasulatan na ito’y wastong patungkol sa sigasig sa bahay ni Jehova.—Juan 2:13-17.
Pag-iwas sa Nakapipinsalang mga Epekto
Hindi lamang may masamang epekto ang galit sa ating espirituwal na kalusugan kundi nagbubunga rin ito ng matinding mga epekto sa ating pisikal na katawan. Maaari itong pagmulan ng pagtaas ng presyon ng dugo, mga pagbabago sa arteriya, problema sa palahingahan, sakit sa atay, mga pagbabago sa inilalabas ng apdo, mga epekto sa lapay. Ang galit at pagngangalit, bilang matitinding damdamin, ay itinala ng mga manggagamot bilang sanhi, nagpapalala, o nagpapangyari pa nga ng mga sakit na gaya ng hika, mga sakit sa mata, sakit sa balat, pamamantal, ulser, at mga problema sa ngipin at panunaw. Ang pagngangalit at mainit na galit ay maaaring makabalisa sa proseso ng pag-iisip anupat ang isa ay hindi makabuo ng makatuwirang mga konklusyon o makagawa ng matinong hatol. Ang resulta ng isang silakbo ng galit ay kadalasang isang yugto ng matinding panlulumo ng isip. Kaya makabubuti hindi lamang sa relihiyosong diwa kundi sa pisikal na diwa na pigilin ang galit at itaguyod ang kapayapaan at pag-ibig.—Kawikaan 14:29, 30; Roma 14:19; Santiago 3:17; 1 Pedro 3:11.
Ayon sa Kasulatan, ang panahon ng kawakasan ay isang panahon ng pagngangalit at mainit na galit, na ang mga bansa ay nagagalit sa pagkuha ni Jehova ng kaniyang kapangyarihan upang maghari, at palibhasa’y naihagis na ang Diyablo sa lupa, “na may malaking galit, sa pagkaalam na maikli na ang kaniyang yugto ng panahon.” (Apocalipsis 11:17, 18; 12:10-12) Dahil sa mahirap na mga kalagayang iyon, makabubuting pigilin ng Kristiyano ang kaniyang espiritu, iniiwasan ang mapangwasak na damdamin ng galit.—Kawikaan 14:29; Eclesiastes 7:9.