Aids sa Aprika—Hanggang Saan ang Pananagutan ng Sangkakristiyanuhan?
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Aprika
Gaya ng ginamit sa artikulong ito, ang katagang “Sangkakristiyanuhan” ay tumutukoy sa nag-aangking Kristiyanismo, kabaligtaran ng Kristiyanismo sa Bibliya.
Sangkakristiyanuhan
“Yaong mga bahagi ng sanlibutan kung saan karamihan ng mga naninirahan ay nag-aangkin ng Kristiyanong pananampalataya.”—Webster’s New World Dictionary.
AIDS
“Isang kalagayan ng acquired immunological deficiency na nauugnay sa impeksyon ng mga selula ng sistema ng imyunidad dahil sa retrovirus.”—Webster’s Ninth New Collegiate Dictionary.
ANG AIDS ay isang pandaigdig na epidemya. Tinatayang 17 milyon katao ang nahawahan na ng HIV, ang virus na sanhi ng AIDS. At mabilis itong kumakalat.
Bagaman labis ang pagbibigay-pansin sa medikal, pulitikal, at emosyonal na mga problema na nauugnay sa epidemyang ito, kakaunti ang nasabi tungkol sa relihiyosong problema na kasangkot nito. Ngayon ang idea ng pagiging nasasangkot ng relihiyon sa paglaganap ng AIDS ay wari bang pinag-aalinlanganan ng ilang mambabasa. Subalit makatuwiran naman kung isasaalang-alang mo ang kalagayang umiral sa kontinente ng Aprika.
Ang Aprika ang lalo nang matinding sinalot ng AIDS.a Sinasabi pa nga ng iba na ang kontinente ang pinamumugaran ng 67 porsiyento ng mga kaso ng AIDS sa daigdig. Sa Chad ang dami ng iniulat na mga kaso sa loob ng mahigit na limang taon ay dumami ng 100 ulit. Subalit, tinataya na sangkatlo lamang ng lahat ng kaso ang naiulat. Ayon sa ulat ng World Bank, ang AIDS ang naging pinakakaraniwang sanhi ng kamatayan sa gitna ng mga nasa hustong gulang sa maraming mataong lungsod sa Aprika.
Relihiyon—Ano ang Ginagampanang Bahagi Nito?
Tiyak, ang Kristiyanismo—ang relihiyon na itinuro ni Jesu-Kristo—ay hindi maaaring managot sa malaking kapahamakang ito. Gayunman, gaya ng ipinakita sa ibaba, ang salitang “Sangkakristiyanuhan” ay sumasaklaw sa mga bansa kung saan ang mga tao ay nag-aangking mga Kristiyano. At ang Sangkakristiyanuhan ay maliwanag na nadadawit. Hindi dahil ang mga simbahan ay alin sa nagpangyari o tuwirang nagpalaganap ng virus ng AIDS. Subalit ang AIDS ay pangunahin nang lumaganap sa Aprika dahil sa walang pinipiling pakikipagtalik sa di-kasekso.b Kaya ang AIDS ay maaaring taguriang moral na problema at, dahil sa gayon nga, nagiging sanhi ng ilang nakababahalang relihiyosong problema. Sa paano man, ang “Kristiyanismo” sa Aprika ay tuwirang nailipat mula sa mga bansa sa Kanluran. Isinagawa ng mga lider ng simbahan ang pangungumberte ng mga Aprikano sa kani-kanilang uri ng relihiyon, nagsasabing ito’y nag-aalok ng isang paraan ng pamumuhay na nakahihigit sa tradisyunal na paraan ng Aprikano. Ang impluwensiya ba ng Sangkakristiyanuhan ay tunay na nakapagpabuti sa moralidad ng bagong mga tagasunod nito? Ang krisis sa AIDS ay tuwirang nagpapakita na ang kabaligtaran mismo ang naganap.
Halimbawa, isaalang-alang ang bansa ng Chad. Sa apat na pangunahing lungsod nito, tatlo ang may malalaking populasyon ng “Kristiyano.” Ang isa ay pinangingibabawan ng Muslim. Subalit, nasa tatlong “Kristiyanong” lungsod nagngangalit ngayon ang virus! Ang gayunding pangyayari ay naulit sa buong kontinente. Ang gitna at timog Aprika, na Kristiyano sa pangalan, ay mayroong mas mataas na bilang ng nahawahan kaysa sa Hilagang Aprika, na ang karamihan ay Muslim.
Kung Paano Naging “Kristiyano” ang Aprika
Bakit ang virus na ito ay gayon na lamang kabilis kumalat sa mga tao na nag-aangking mga tagasunod ni Kristo? Sa totoo, bagaman maraming Aprikano ang tumatawag sa kanilang sarili na mga Kristiyano, kakaunti ang talagang nangungunyapit sa mga pamantayang moral ng Kristiyanismo, na itinakda ng Bibliya. Waring ito’y tuwirang bunga ng paggawi na isinagawa ng mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan sa kanilang “pangungumberte” sa mga tao sa Aprika.
Noong ika-18 at ika-19 na siglo, ang tradisyunal na paniniwala ng Sangkakristiyanuhan ay binatikos. Ang higher criticism ay naging popular, pinababa ang Bibliya sa harap ng mga tao hanggang sa ito’y maging isang akda na lamang ng sinaunang literatura. Ang teorya ng ebolusyon ay itinaguyod din, maging sa gitna ng klero. Ang binhi ng pag-aalinlangan ay naitanim. Ang paniniwala sa Banal na Kasulatan ay pinag-alinlanganan. Sa kalagayang ito hindi kataka-taka na ang pagsisikap ng Sangkakristiyanuhan na “mangumberte” ng mga Aprikano ay natuon nang husto sa sekular na mga bagay. Ipinangangaral ng mga misyonero ng simbahan ang Kristiyanong simulain na kapit sa panlipunang suliranin, nagdiriin nang husto sa paggawa ng makataong mga gawa sa halip na tulungan ang mga nakumberte na sumunod sa mga pamantayan ng Bibliya sa moralidad. Marahil hindi naman sinasadya, talagang nakatulong ang mga misyonero sa pagpapahina ng umiiral nang pamantayan sa moral.
Halimbawa, ang poligamya ay matagal nang kaugalian sa maraming sibilisasyon sa Aprika. Gayunman, ang pagkagahaman sa sekso ay bihira yamang may mahihigpit na batas ang karamihan ng mga tribo hinggil sa pangangalunya. Si Joseph Darnas, isang retiradong guro, na kilalang-kilala sa Chad, ay nagsabi sa Gumising! na bago dumating ang mga misyonero ng simbahan, “ipinalalagay noon na ang pangangalunya ay nagdudulot ng kamalasan.” Bilang resulta, “ang nagkakasala ay mahigpit na pinarurusahan dahil sa paglalagay sa pamayanan sa panganib—kalimitan sa pamamagitan ng kamatayan.” Pamahiin? Oo, subalit ang gayong paniniwala ay totoong sumugpo sa pagkagahaman sa sekso.
Pagkatapos ay dumating ang mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan. Nangaral sila laban sa poligamya subalit wala namang gaanong ginawa upang ipatupad ang mga pamantayan ng Bibliya sa moralidad. Bagaman sinasabi ng Bibliya na ang di-nagsisising mga mapakiapid at mangangalunya ay dapat alisin sa Kristiyanong kongregasyon, bihirang gumawa ng pagdidisiplina ang mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan laban sa mga nagkasala. (1 Corinto 5:11-13) Hanggang sa ngayon, maraming kilalang pulitiko sa Aprika ang bantog sa kasamaan dahil sa kanilang imoral na gawain, subalit sila’y nananatiling mga miyembro ng simbahan na may mabuting katayuan. Ang katapatan sa pag-aasawa ay bihira sa mga Kristiyano sa pangalan lamang sa Aprika.
Nariyan din ang di-mabuting halimbawang ipinakikita ng mga miyembro ng klero mismo. Sa maka-pamilyang kulturang ito, likas lamang na mag-asawa at magkaanak nang marami. Marahil ito ang dahilan ng nakagugulat na dami ng mga paring Katoliko na nangangatuwiran sa pagwawalang-bahala sa kanilang sinumpaang kalinisan at hindi pag-aasawa. Ganito ang ulat ng The New York Times noong Mayo 3, 1980: “Sa maraming lugar ng kagubatan, . . . ang mga pari at obispo ay maraming asawa.”
Natural, ang gayong mga pag-aasawa ay hindi legal, at ang “mga asawang babae,” sa totoong kalagayan, ay mga kalunya lamang. Ang gayong mahalay na paggawi ay hindi dapat ipagwalang-bahala. Ayon sa Times, “isang kilalang Katolikong klerigo” ang umamin na “ang paring Aprikano ay isang sagisag ng awtoridad, isang tauhan ng kapangyarihan kaysa lingkod ni Jesu-Kristo.” Ang mensahe mula sa mga “tauhan ng awtoridad” na ito ay waring, “Gawin mo ang sinasabi ko ngunit huwag mong gawin ang ginagawa ko.”
Ang Pagdaluhong ng Libangan ng Kanluran
Hindi rin naman dapat kaligtaan ang pagdagsa ng libangang may seksuwal na imoralidad na dumagsa sa Aprika nitong huling mga taon. Sa Chad ang di-nasusubaybayang mga pampublikong tindahan ng video na nag-aalok ng gayong libangan ay nagsulputan saanman—sa sariling mga tahanan, sa mga garahe, at kalimitan, sa mga bakuran kung gabi. Ang mga palabas na ito ay mura lamang, nagkakahalaga ng kasimbaba ng 25 francs (5 centimo, U.S.). Pinupuntahan ito ng maliliit na bata. Saan nagmula ang mga materyal na ito? Ang karamihan nito ay nagmula sa Estados Unidos—isang bansa na nag-aangking pangunahin nang Kristiyano!
Subalit ang pagdaluhong ba na ito ng kultura ng Kanluran ay may anumang totoong epekto sa mga manonood? Isang misyonerong Saksi ni Jehova, na may 14 na taon nang karanasan sa Gitnang Aprika, ay nagsabi: “Ang mga tao roon ay halos walang pakikipag-ugnayan sa Kanluraning daigdig maliban sa nakikita nila sa mga videocassette. Ibig nilang maging gaya ng mga taga-Kanluran na napapanood nila sa mga pelikula. Wala pa akong natutuklasang anumang dokumentadong pagsusuri upang patunayan ito, subalit waring kitang-kita sa karamihan ng mga tao rito na ang gayong libangan ay talagang humihimok sa seksuwal na imoralidad.”
Anong laking kabalintunaan nga na samantalang puspusang nagsisikap ang mga opisyal ng kalusugan na masugpo ang paglaganap ng nakamamatay na sakit na naililipat ng pagtatalik, naglalabas naman ang tinaguriang Kristiyanong mga bansa ng propaganda na nagtataguyod ng imoral, napakapanganib na paggawi! Bagaman ang mga simbahan ay walang gaanong ginagawa sa pagsugpo sa daluyong na ito alinman sa tahanan o sa ibang bansa, ang ilang pamahalaan sa Aprika, gaya ng Chad at Cameroon, ay nagsikap na ipagbawal o sa paano man limitahan ang pagpasok ng pornograpikong materyal sa kanilang bansa. Subalit ang kanilang pagsisikap ay kalimitang hindi nagtatagumpay.
Ang katapusang bunga ng lahat ng ito ay ang laganap na pagbaba ng moral sa gitna ng “mga Kristiyanong” Aprikano. Ang mahirap na kalagayan sa kabuhayan ay may mapaminsalang epekto rin. Dahil sa kakaunti ang trabaho, ang kalalakihan ay kalimitang napipilitang iwan ang kani-kanilang pamilya sa loob ng sunud-sunod na mga buwan upang maghanap ng trabaho. Ang gayong mga lalaki ay maliwanag na puntirya ng lokal na babaing nagbibili ng laman. Ang mga babaing nagbibili ng laman ay karaniwang mga biktima rin naman ng karukhaan mismo. Ang mga magulang na humihiling ng napakataas na dote ay isa ring salik. Maraming lalaki ang hindi nag-aasawa dahil sa hindi sila makaipon ng salaping kailangan upang ibayad sa dote. Kaya ang ilan ay bumabagsak sa buhay na may hindi nagtatagal na mga relasyon. Sa gayong kalagayan ng moral at kabuhayan, ang AIDS ay mabilis na lumaganap.
Ang Solusyon sa Problema
Maliwanag, hindi lahat ay maisisisi sa Sangkakristiyanuhan dahil sa problema ng AIDS sa Aprika. Subalit masakit man, maliwanag na malaki ang pananagutan nito. Ito’y may seryosong implikasyon para sa mga taong nagnanais na makabilang sa tinatawag ni Jesus na “mga tunay na mananamba.”—Juan 4:23.
Sa kabila ng paninisi, ano ang maaaring gawin upang masugpo ang epidemya ng AIDS? Isinagawa ng mga pamahalaan ng Aprika ang mga kampanya sa pag-iingat sa AIDS, itinataguyod ang paggamit ng mga kondom. Subalit ganito ang tahasang pag-amin ni Dr. Samuel Brew-Graves, kinatawan ng World Health Organization para sa Nigeria: “Dapat sundin ng indibiduwal ang malusog na istilo ng buhay . . . , samantalang ang pamilya ay dapat na . . . umiwas sa pagkagahaman sa sekso.”
Matagal na bago pa man naging karaniwan ang salitang AIDS, hinatulan na ng Bibliya ang pagkagahaman sa sekso at itinaguyod ang kalinisan, pagpipigil-sa-sarili, at katapatan sa pag-aasawa. (Kawikaan 5:18-20; 1 Corinto 6:18) Daan-daang libong Saksi ni Jehova sa Aprika ang makapagpapatotoo mismo na ang pagsunod sa mga simulaing ito ay nagbibigay ng malaking proteksiyon mula sa AIDS at iba pang sakit na naililipat ng pagtatalik. Ang kanilang pagsunod sa mga pamantayan ng Bibliya ay tunay na pagsasakdal sa Sangkakristiyanuhan. Ang tunay na mga Kristiyanong ito ay naglalagak din ng kanilang pag-asa sa dumarating na bagong sanlibutan kung saan “tatahan ang katuwiran.” (2 Pedro 3:13) Para sa mga taong nananampalataya, ito sa wakas ang solusyon sa problema sa AIDS.
[Mga talababa]
a Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang serye ng “AIDS sa Aprika—Paano Ito Magwawakas?” sa aming labas ng Agosto 8, 1992.
b Ang sakit ay maaari ring lumaganap sa pamamagitan ng pagsasalin ng dugo at paggamit ng heringgilya ng iba na ginamit sa pag-iniksiyon ng droga. Ang ilang walang malay na mga Kristiyano ay nahawahan ng sakit mula sa mga asawang nakagawa ng seksuwal na imoralidad o gumamit ng droga.
[Blurb sa pahina 20]
“Sa maraming lugar ng kagubatan, . . . ang mga pari at obispo ay maraming asawa.”—The New York Times
[Larawan sa pahina 20]
Ang di-mabuting halimbawa ng klero ng Sangkakristiyanuhan ang gumatong sa epidemya ng pagkagahaman sa sekso sa Aprika
[Larawan sa pahina 21]
Nakahantad ang mga kabataan sa imoral na libangan na iniluluwas ng mga bansang “Kristiyano”