Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 4/22 p. 12-18
  • Ginabayan ng Pananampalataya sa Diyos sa Isang Lupaing Komunista

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ginabayan ng Pananampalataya sa Diyos sa Isang Lupaing Komunista
  • Gumising!—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagiging Isa na Naniniwala sa Diyos
  • Ginantimpalaan ang Aking Paghahanap
  • Mga Pagpapasiyang Nakaharap Ko
  • Binago ng Isang Siyentipiko ang Kaniyang Pangmalas
  • Pangangaral sa Ilalim ng Pagbabawal
  • Pagpapasakop sa Disiplina
  • Kahanga-hangang mga Pagpapala
  • Mahigit na 40 Taon sa Ilalim ng Komunistang Pagbabawal
    Gumising!—1995
  • Kung Paano Natupad ang Aking Pangarap
    Gumising!—2002
  • ‘Maging ang Dila ng mga Utal ay Magsasalita’
    Gumising!—1996
  • Sila’y Nagsasaya sa Silangang Europa
    Gumising!—1991
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 4/22 p. 12-18

Ginabayan ng Pananampalataya sa Diyos sa Isang Lupaing Komunista

GAYA NG INILAHAD NI ONDREJ KADLEC

NOONG tag-araw ng 1966, ako ang naging giya sa pamamasyal sa aking bayan​—Prague, Czechoslovakia. Masigasig sa aking bagong tuklas na pananampalataya, ipinakikipag-usap ko ang tungkol sa Diyos habang ipinakikita ko sa grupo ang maringal na mga simbahan at mga templo ng aming lungsod.

“Isa ka ba sa mga Saksi ni Jehova?” tanong ng isang Amerikanong propesor ng ekonomiks.

“Hindi po,” tugon ko. “Kailanma’y hindi ko pa narinig ang tungkol sa mga Saksi ni Jehova. Ako’y isang Romano Katoliko.”

Pagiging Isa na Naniniwala sa Diyos

Ako’y pinalaki ng mga magulang na kilalá sa mga larangan ng edukasyon, pulitika, at medisina. Di-nagtagal pagkasilang ko noong 1944 at pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II nang sumunod na taon, ang aking ama ay naging isang Komunista. Sa katunayan, siya ang kasamang tagapagtatag ng kilusang repormistang Komunista, at noong 1966 siya’y naging chancellor ng University of Economics na nasa Prague. Pagkaraan ng dalawang taon, siya’y nahirang na minister ng edukasyon ng Czechoslovakia, na noong panahong iyon ay kapuwa isang bansang Komunista at ateistiko.

Si Nanay ay talagang tapat, matalinong babae. Siya’y isang siruhano sa mata, kilalang ang pinakamagaling sa bansa. Subalit, gumagamot siya sa mga nangangailangan nang walang bayad. Ang sabi niya noon: “Anumang kaloob ang ipinagkatiwala sa isa, ang mga ito ay dapat na gamitin para sa kapakinabangan ng pamayanan at ng bansa.” Hindi pa nga niya kinuha ang kaniyang bakasyon sa panganganak nang ako’y isilang upang siya’y makapagtrabaho sa kaniyang klinika.

Ako’y inasahang mangunguna sa paaralan. Si Tatay ay magtatanong: “Mayroon pa bang mas magaling sa iyo?” Gustung-gusto ko ang kompetisyon, yamang ako’y madalas na manalo ng mga gantimpala sa kahusayang akademika. Natuto ako ng Ruso, Ingles, at Aleman at naglakbay sa maraming bansang Komunista at sa ibayo pa. Natutuwa akong pabulaanan ang relihiyosong mga idea bilang kakatwang pamahiin. At bagaman lubusang tinatanggap ko ang ateismo, kinapootan ko ang pamamaraan nito sa pulitika.

Ang paglalakbay sa Inglatera noong 1965, nang ako’y 21 anyos lamang, ay nagkaroon ng matinding epekto sa akin. May nakilala akong mga tao na ipinagtatanggol ang kanilang pananampalataya sa isang Kataas-taasang Persona taglay ang kombiksiyon at lohika. Pagbalik ko sa Prague, isang kakilalang Romano Katoliko ang nagmungkahi: “Huwag kang magbasa tungkol sa Kristiyanismo. Basahin mo ang Bibliya.” Iyan nga ang ginawa ko. Gumugol ako ng tatlong buwan para matapos ito.

Hinangaan ko ang paraan ng paghaharap ng mga manunulat ng Bibliya sa kanilang mga mensahe. Sila’y prangka at pinupuna ang sarili. Ako’y naniniwala na ang kahanga-hangang kinabukasang binabanggit nila ay isang bagay na makikini-kinita at mailalaan lamang ng isang personal na Diyos.

Pagkaraan ng mga buwan ng personal na pagbabasa at pagbubulay-bulay ng Bibliya, inakala kong handa ko nang harapin ang aking ama at mga kaibigan. Alam kong hahamunin nila ang aking bagong tuklas na pananampalataya. Pagkatapos niyan, ako’y naging isang masugid na mangungumberte. Sinuman ang mapalapit sa akin​—gaya ng Amerikanong propesor na nabanggit sa simula​—ay kailangang harapin ang aking pangungumberte. Nagsabit pa nga ako ng krus sa dingding sa ibabaw ng aking kama upang ipabatid sa lahat ang tungkol sa aking pananampalataya.

Subalit, tumutol ang aking ina at sinabing hindi ako maaaring maging isang Kristiyano, yamang ako’y kagaya ng aking ama, isang masugid na Komunista. Gayunman, ako’y nagpatuloy. Binasa ko ang Bibliya sa ikalawa at ikatlong pagkakataon. Nang panahong iyon ay natalos ko na upang higit pang sumulong, kailangan ko ng patnubay.

Ginantimpalaan ang Aking Paghahanap

Nakipag-alam ako sa Iglesya Katolika Romana. Ang pangunahing pagkabahala ng isang batang pari ay ang turuan ako ng mga doktrina ng simbahan, na lubusan kong tinanggap. Pagkatapos, noong 1966​—sa kahihiyan ng aking ama​—ako’y nabinyagan. Pagkatapos akong wisikan ng tubig, iminungkahi ng pari na basahin ko ang Bibliya, at sinabi pa: “Tinanggap na ng papa ang teorya ng ebolusyon, kaya huwag kang mag-alala; ihihiwalay natin ang trigo sa dayami.” Nasindak ako na ang aklat na nagbigay sa akin ng pananampalataya ay dapat pag-alinlanganan.

Samantala, noong taglagas ng 1966, nakipag-usap ako sa isang kaibigan mula sa isang pamilyang Katoliko at ibinahagi ang aking mga paniniwala sa kaniya. Pamilyar din siya sa Bibliya, at binanggit niya sa akin ang tungkol sa Armagedon. (Apocalipsis 16:16) Sinabi niyang nakikisama siya sa mga Saksi ni Jehova, na una kong narinig mga dalawang buwan na ang nakalipas nang naging giya ako sa pamamasyal na nabanggit kanina. Subalit, itinuring kong bale-wala ang pangkat niya kung ihahambing sa aking makapangyarihan, mayaman, maraming miyembrong Iglesya Katolika Romana.

Noong panahon ng higit pang talakayan, sinuri namin ang tatlong maiinit na isyu. Una, Ang Iglesya Katolika Romana ba ang tagapagmana ng unang-siglong Kristiyanismo? Ikalawa, Ano ang dapat na ituring na sukdulang awtoridad​—ang aking simbahan o ang Bibliya? At ikatlo, Alin ang tama, ang ulat ng Bibliya tungkol sa paglalang o ang teorya ng ebolusyon?

Yamang ang Bibliya ang pinagmumulan ng pananampalataya para sa aming dalawa, hindi nahirapan ang aking kaibigan sa pagkumbinsi sa akin na ang mga turo ng Iglesya Katolika ay malayung-malayo sa mga turo ng sinaunang Kristiyanismo. Halimbawa, natutuhan ko na kinikilala kahit ng Katolikong mga akda na ang pangunahing turo ng simbahan tungkol sa Trinidad ay hindi salig sa mga turo ni Jesu-Kristo at ng kaniyang mga apostol.

Dinala kami niyan sa kaugnay na tanong sa kung ano ang dapat na maging sukdulang awtoridad namin. Binanggit ko ang sinabi ni Sn. Agustin: “Roma locuta est; causa finita est,” ang ibig sabihin, “Nagsalita ang Roma; tapos na ang kaso.” Ngunit inaakala ng aking kaibigan na ang Salita ng Diyos, ang Bibliya, ang dapat naming maging kataas-taasang awtoridad. Sumasang-ayon ako sa pananalita ni apostol Pablo: “Masumpungan nawang totoo ang Diyos, bagaman ang bawat tao ay masumpungang sinungaling.”​—Roma 3:4.

Sa wakas, ibinigay sa akin ng aking kaibigan ang isang gamít na gamít na at makinilyadong manuskritong pinamagatang Evolution Versus the New World. Sapagkat ang mga Saksi ni Jehova ay ipinagbawal sa Czechoslovakia noong huling mga taon ng dekada ng 1940, sila’y gumagawa ng mga kopya ng kanilang mga publikasyon at naging maingat sa kung sino ang tatanggap nito. Pagkabasa ko sa buklet, alam kong ito’y naglalaman ng katotohanan. Sinimulan akong turuan ng Bibliya ng aking kaibigan. Ipahihiram niya sa akin ang ilang pahina sa isang panahon mula sa pantulong sa pag-aaral ng Bibliya na “Hayaang ang Diyos ang Maging Tapat,” at magkasama naming tatalakayin ang mga pahinang ito.

Di-nagtagal pagkatapos naming simulan ang mga pagtalakay na ito​—noong Kapaskuhan ng 1966​—ang mga kaibigan mula sa Kanlurang Alemanya ay nagtungo sa Prague upang dalawin ako. Sa isa sa aming mga pagtalakay, nilibak nila ang mga Kristiyano bilang mapagpaimbabaw na mga tagasulsol ng digmaan. “Bilang mga sundalo ng mga bansang kasapi sa NATO, maaari naming labanan kayo bilang isang nag-aangking Kristiyano sa isang Komunistang bansa na kasapi naman sa Warsaw Pact,” anila. Ang kanilang konklusyon: “Mas mabuting maging mapang-uyam kaysa mapagpaimbabaw.” Inakala ko na marahil ay tama sila. Kaya noong sumunod na pag-aaral ko ng Bibliya, tinanong ko ang aking kaibigan kung paano pinakikitunguhan ng tunay na mga Kristiyano ang digmaan at pagsasanay para sa digmaan.

Mga Pagpapasiyang Nakaharap Ko

Natigilan ako sa malinaw na paliwanag ng aking kaibigan. Subalit, ang pagtalima sa turo ng Bibliya na ‘pukpukin ang mga tabak upang maging mga sudsod’ ay lubhang magpapabago sa aking buhay at binabalak na karera. (Isaias 2:4) Limang buwan na lamang at magtatapos na ako mula sa pamantasan ng medisina, pagkatapos nito ako ay hihilingin na sapilitang maglingkod sa militar sa loob ng isang yugto. Ano ang gagawin ko? Nabigla ako. Kaya ako’y nanalangin sa Diyos.

Pagkaraan ng mga araw ng malalim at mapagmuni-muning pag-iisip, wala akong masumpungang dahilan para hindi sumunod sa kahilingan para sa tunay na mga Kristiyano na maging mapapayapang tao. Pagkatapos kong maggradweyt sa pamantasan, ako’y nagpasiyang hanggang sa ako’y mahatulan bilang isang tumututol dahil sa budhi, tatanggapin ko ang isang posisyon sa ospital. Subalit pagkatapos ay natutuhan ko ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pag-iwas sa dugo. Natatanto na ang aking trabaho ay maaaring magsangkot sa akin sa pagsasalin ng dugo, nagpasiya akong huminto sa pagtatrabaho sa ospital. (Gawa 15:19, 20, 28, 29) Ang pasiya ko ay nagbunga ng pagkasira ng aking pangalan sa publiko.

Ang aking ama, pagkatapos matiyak na hindi naman ako naging kusang manggugulo na naghahangad na sirain ang kaniyang pulitikal na karera, ay nakialam at ipinaliban ang aking sapilitang paglilingkod sa militar ng isang taon. Ang tag-araw ng 1967 na iyon ay mahirap para sa akin. Isip-isipin mo ang aking kalagayan: Ako’y isang bagong estudyante ng Bibliya na ang guro sa pag-aaral, ang tanging Saksi na nakikilala ko noon, ay umalis noong tag-araw. At iniwan niya ang ilang kabanata lamang mula sa aklat na “Hayaang ang Diyos ang Maging Tapat” para sa aking personal na pag-aaral. Ang mga ito at ang aking Bibliya ang tanging pinagmumulan ng aking espirituwal na patnubay.

Nang maglaon, nakilala ko ang iba pang mga Saksi, at noong Marso 8, 1968, sinagisagan ko ang aking pag-aalay sa Diyos na Jehova sa pamamagitan ng bautismo sa tubig. Nang sumunod na taon ako ay inalok ng dalawang-taóng kurso sa postgraduate studies sa University of Oxford sa Inglatera. Iminungkahi ng ilan na tanggapin ko ang alok at magtungo ako sa Inglatera kung saan ako’y maaaring sumulong sa espirituwal sa isang bansa na doon ang mga Saksi ay hindi ipinagbabawal. Kasabay nito, maaari akong maghanda para sa isang mahusay na propesyonal na karera. Subalit, isang Kristiyanong matanda ang nagsabi na ang aking mga paglilingkod ay hindi gaanong kinakailangan sa Inglatera na gaya sa Czechoslovakia. Kaya ako’y nagpasiyang tanggihan ang alok na ipagpatuloy ang aking sekular na edukasyon, at ako’y nanatili sa Czechoslovakia upang tumulong sa ating palihim na gawaing pangangaral.

Noong 1969, ako’y inanyayahang dumalo sa kurso ng Kingdom Ministry School na nagtatampok ng natatanging instruksiyon para sa Kristiyanong mga tagapangasiwa. Nang taon ding iyon ako ay nagwagi ng isang iskolarsyip bilang ang pinakamagaling na kabataang parmakologo sa Czechoslovakia. Bunga nito, ako’y dumalo sa isang kombensiyon ng International Union of Pharmacology sa Switzerland.

Binago ng Isang Siyentipiko ang Kaniyang Pangmalas

Noong panahon ng isang lektyur na dinaluhan ko noong 1970, ipinaliwanag ng isang siyentipikong nagngangalang Frantis̆ek Vyskoc̆il ang masalimuot na paksa tungkol sa paghahatid ng nerbiyo-impulso. Sinabi niyang kailanma’t naeengkuwentro ang isang pangangailangan sa isang organismo, isang natatanging lunas ang inilalaan. “Alam ng kalikasan, ng Engkantada, kung paanong gagawin ito,” hinuha niya.

Pagkatapos ng lektyur ay nilapitan ko siya. “Sa palagay mo,” tanong ko, “hindi ba dapat na ang kredito para sa ekselenteng disenyo sa nabubuhay na mga bagay ay mapunta sa Diyos?” Nagulat siya sa tanong ko, yamang siya’y isang ateista. Siya’y tumugon sa pamamagitan ng mga tanong na kakaiba. Tanong niya: “Saan nanggaling ang masama?” at, “Sino ang dapat sisihin sapagkat napakaraming bata ang mga ulila?”

Nang ako’y magbigay ng makatuwiran, salig-Bibliyang mga sagot, napukaw ang kaniyang interes. Subalit nagtanong siya kung bakit ang Bibliya ay hindi nagbibigay ng espesipikong siyentipikong impormasyon, gaya ng paglalarawan sa kayarian ng isang selula, upang madaling makilala ng mga tao ang pinagmulan nito bilang ang Maylikha. “Ano ang mas mahirap,” tugon ko, “ang maglarawan o maglalang?” Ipinahiram ko sa kaniya ang aklat na Did Man Get Here by Evolution or by Creation?

Pagkatapos ng isang pahapyaw na pagbabasa nito, binatikos ito ni Frantis̆ek na simple at hindi tama. Binatikos din niya ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa poligamya, sa pangangalunya ni David, at sa pagpaslang ni David ng isang walang-salang lalaki. (Genesis 29:23-29; 2 Samuel 11:1-25) Pinabulaanan ko ang kaniyang mga pagtutol, ipinakikita na may katapatang iniuulat ng Bibliya ang mga pagkukulang kahit ng mga lingkod ng Diyos, gayundin ang kanilang maliwanag na mga pagkakasala.

Sa wakas, sa isa sa aming mga talakayan, sinabi ko kay Frantis̆ek na kung ang isang tao ay walang mabuting motibo, kung wala siyang pag-ibig sa katotohanan, walang argumento o katuwiran ang makakukumbinsi sa kaniya tungkol sa pag-iral ng Diyos. Nang ako’y paalis na, pinigilan niya ako at humiling ng isang pag-aaral sa Bibliya. Sinabi niyang babasahin niyang muli ang aklat na Did Man Get Here by Evolution or by Creation?​—sa pagkakataong ito taglay ang isang bukas na isipan. Pagkatapos, ang kaniyang saloobin ay lubusang nagbago, gaya ng ipinakikita ng sumusunod na pagsipi na isinama niya sa isa sa kaniyang mga liham: “Ang kapalaluan ng makalupang tao ay dapat yumuko, at ang pagmamataas ng mga tao ay dapat na maging mababa; at si Jehova lamang ang dapat na ilagay sa itaas sa araw na iyon.”​—Isaias 2:17.

Noong tag-araw ng 1973, si Frantis̆ek at ang kaniyang asawa ay nabautismuhan bilang mga Saksi ni Jehova. Sa kasalukuyan, siya’y naglilingkod bilang isang matanda sa isa sa mga kongregasyon sa Prague.

Pangangaral sa Ilalim ng Pagbabawal

Noong panahon ng pagbabawal kami ay inutusang isagawa ang aming ministeryo sa larangan nang buong ingat. Minsan, isang nakababatang Saksi ang patuloy na humihiling sa akin na makibahagi sa gawaing pangangaral na kasama niya. Pinag-alinlanganan niya kung baga ang mga nangunguna sa organisasyon ng mga Saksi ni Jehova ay talagang lumalabas mismo sa ministeryo. Nagtamasa kami ng maraming mahuhusay na pag-uusap sa aming di-pormal na ministeryo. Subalit sa dakong huli ay may nakilala kaming isang lalaki na, bagaman hindi namin natalos nang panahong iyon, ay nakilala ang mukha ko mula sa isang larawan sa isang album ng secret police ng estado. Bagaman hindi ako naaresto, mula noon ako ay mahigpit na sinusubaybayan ng pulisya na nakahadlang sa aking pagiging mabisa sa aming palihim na gawaing pangangaral.

Noong tag-araw ng 1983, gaya ng naging kaugalian ko noong nakalipas na mga taon, nag-organisa ako ng isang grupo ng mga kabataang Saksi na gugugol ng ilang araw sa di-pormal na pagpapatotoo sa liblib na bahagi ng bansa. Palibhasa’y hindi ko sinunod ang matalinong payo, ginamit ko ang aking kotse sapagkat mas kombinyente ito kaysa paggamit ng pampublikong transportasyon. Nang magpahinga kami upang bumili ng ilang bagay sa isang department store, ipinarada ko ang aking kotse sa harap. Samantalang nagbabayad sa mga binili, itinuro ko ang ilang kabataang katulong sa tindahan at sinabi ko sa isang may edad nang empleado: “Sa hinaharap, lahat tayo ay maaaring maging bata.” Ang babae ay ngumiti. “Gayunman, hindi ito magagawa ng tao,” patuloy ko. “Kailangan ang tulong mula sa itaas.”

Yamang wala namang higit pang pagtugon, umalis ako. Hindi ko alam, ang empleado, na naghihinalang ako ay nagtataguyod ng relihiyosong mga pangmalas, ay nagmasid sa akin sa bintana habang inilalagay ko ang balutan sa loob ng aking kotse. Saka niya ipinagbigay-alam sa pulisya. Pagkaraan ng mga ilang oras, pagkatapos makibahagi sa di-pormal na pagpapatotoo sa ibang bahagi ng bayan, kami ng kapareha ko ay nagbalik sa kotse. Walang anu-ano, dalawang pulis ang lumitaw at dinakip kami.

Sa istasyon ng pulis, kami ay tinanong sa loob ng maraming oras bago kami sinabihan na kami’y makaaalis na. Ang unang naisip ko ay kung ano ang gagawin ko sa mga direksiyon ng mga taong interesado na nakuha namin nang araw na iyon. Kaya ako’y nagtungo sa kasilyas upang i-flush ito. Subalit bago ko pa magawa iyon, pinigilan ako ng mahigpit na hawak ng pulis. Kinuha niya ang mga papel mula sa inodoro at nilinis ang mga ito. Ito ay lalo pang nagpaigting sa akin, yamang ang mga taong nagbigay sa akin ng kanilang mga direksiyon ay nanganganib ngayon.

Pagkatapos, lahat kami ay dinala sa aming otel, kung saan pinasok na ng pulisya ang aming silid. Subalit wala silang nasumpungang iba pang direksiyon ng mga interesadong tao, bagaman ang mga ito’y hindi maingat na naitago. Nang maglaon, sa aking lugar na pinagtatrabahuhan bilang isang neuroparmakologo, ako’y hayagang kinagalitan dahil diumano sa pagkasangkot ko sa ilegal na gawain. Gayundin, ako’y pinagalitan ng tagapangasiwa ng gawaing pangangaral sa Czechoslovakia, na bago pa nito ay nagbabala na sa akin na huwag kong gamitin ang aking kotse kapag naglalakbay upang makibahagi sa ministeryo.

Pagpapasakop sa Disiplina

Noong 1976, ako’y naatasang maglingkod sa komite na nangangasiwa sa gawaing pangangaral ng mga Saksi ni Jehova sa Czechoslovakia. Subalit yamang ang aking buhay ay masugid na sinusubaybayan ng secret police dahil sa hindi mabuting paghatol ko sa gayong mga bagay na gaya ng nabanggit kanina, ako’y pinalitan sa paglilingkod sa komite ng bansa at sa iba pang mga pribilehiyo. Ang isa sa mga pribilehiyong ito na lubha kong pinahahalagahan ay yaong pagtuturo sa paaralan para sa mga naglalakbay na tagapangasiwa at mga payunir, na gaya ng tawag sa buong-panahong mga ministro.

Tinanggap ko ang disiplina, subalit ang yugtong ito ng panahon noong kalagitnaan hanggang dakong huli ng dekada ng 1980 ay isang mahirap na panahon ng pagsusuri-sa-sarili para sa akin. Matuto kaya akong maging higit na maingat sa paggawa at maiwasan ang higit pang mga kawalang-ingat? Ang Awit 30, talatang 5, ay nagsasabi: “Ang pag-iyak ay maaaring magtagal ng magdamag, ngunit kagalakan ay dumarating sa kinaumagahan.” Ang umagang iyan ay dumating sa akin nang bumagsak ang rehimeng Komunista sa Czechoslovakia noong Nobyembre 1989.

Kahanga-hangang mga Pagpapala

Kay laking pagbabago na makibahagi sa ating ministeryo nang malaya at tamasahin ang bukás na komunikasyon sa punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York! Di-nagtagal ako’y naatasan bilang isang naglalakbay na tagapangasiwa, at nagsimula ako sa gawaing ito noong Enero 1990.

Pagkatapos, noong 1991, ako’y nagkapribilehiyong mag-aral sa Ministerial Training School sa Manchester, Inglatera. Anong laking pagpapala na gumugol ng dalawang buwan na nasisiyahan sa pakikisama at pagtuturo mula sa maygulang na mga Kristiyanong lalaki! Sa isang yugto ng panahon bawat araw, kaming mga estudyante ay may atas na trabaho, na naglaan ng ginhawa mula sa aming masusing akademikong instruksiyon. Ako’y naatasang maglinis ng mga bintana.

Karaka-raka pagbalik ko mula sa Inglatera, tumulong ako sa pag-aayos para sa napakahalagang pagtitipon ng mga Saksi ni Jehova na idinaos noong Agosto 9 hanggang 11 sa napakalaking Strahov Stadium sa Prague. Nang pagkakataong iyon 74,587 katao mula sa maraming bansa ang malayang nagtipon upang sambahin ang ating Diyos, si Jehova!

Nang sumunod na taon huminto ako sa sekular na pagtatrabaho bilang isang neuroparmakologo. Sa loob halos ng apat na taon, ako’y nagtatrabaho sa tanggapan sa Prague, kung saan ako’y muling naglilingkod sa komite na nangangasiwa sa gawain ng mga Saksi ni Jehova sa Republika ng Czech. Kamakailan isang bagong sampung-palapag na gusali, ipinagkaloob sa mga Saksi ni Jehova, ang binago at ginamit bilang isang tanggapang sangay. Noong Mayo 28, 1994, ang magandang pasilidad na ito ay inialay sa paglilingkod kay Jehova.

Kabilang sa aking dakilang mga pagpapala ay ang pribilehiyo na ibahagi ang mga katotohanan ng Bibliya sa iba, pati na sa aking mga kamag-anak. Hanggang sa ngayon, ang aking ama at ina ay hindi pa nagiging mga Saksi, subalit sila ngayon ay pabor na sa aking gawain. Noong nakalipas na mga taon, sila’y dumalo sa ilan sa ating mga pulong. Taimtim kong inaasam-asam na sila, kasama ng milyun-milyon pang tapat-pusong mga tao, ay mapakumbabang magpasakop sa pamamahala ng Kaharian ng Diyos at magtamasa ng walang-hanggang pagpapala na inilalaan ng Diyos sa mga pumipiling maglingkod sa kaniya.

(Ang mga publikasyong binabanggit sa artikulong ito ay inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.)

[Larawan sa pahina 12]

Nang ako ay isang estudyante sa pamantasan

[Mga larawan sa pahina 13]

Ang aking ama, na naging minister ng edukasyon ng Czechoslovakia, at ang aking ina, na isang kilalang siruhano sa mata

[Larawan sa pahina 15]

Si Frantis̆ek Vyskoc̆il, isang siyentipiko at isang ateista, na naging Saksi

[Larawan sa pahina 16, 17]

Mula nang bumagsak ang Komunismo, ang mga Saksi ni Jehova ay nagdaos ng maraming malalaking kombensiyon sa Silangang Europa. Mahigit na 74,000 ang dumalo sa isang ito sa Prague noong 1991

[Larawan sa pahina 18]

Sa aking atas na trabaho nang nag-aaral sa Ministerial Training School sa Inglatera

[Larawan sa pahina 18]

Ang aming mga pasilidad ng sangay sa Prague, na inialay noong Mayo 28, 1994

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share