Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 6/8 p. 31-32
  • Pagbabata ng Pagtuya Taglay ang Tamang Pangmalas

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagbabata ng Pagtuya Taglay ang Tamang Pangmalas
  • Gumising!—1996
  • Subtitulo
  • Pagtuya Laban sa mga Lingkod ng Diyos
  • Pagtuya kay Jesus at sa Kaniyang mga Alagad
  • Makatuwirang Pagtuya
Gumising!—1996
g96 6/8 p. 31-32

Pagbabata ng Pagtuya Taglay ang Tamang Pangmalas

ANG pagtuya ay isang pagmamaliit o paglalantad sa paghamak, pag-alipusta, o paglibak. Maraming salitang Hebreo at Griego na nagpapahayag ng iba’t ibang antas ng pagtuya, ang pagpili ng salita ay depende sa mga kalagayan. Kaya nga mababasa natin sa Bibliya ang tungkol sa mga taong nanlibak, umalipusta, nangutya, nanudyo, kumutya, pinagtawanan, o ginagawang katatawanan ang iba.

Sa pangkalahatan, ang mga manunuya ay kasuklam-suklam sa iba. (Kawikaan 24:9) Kung ang mga ito ay hindi tatanggap ng pagsaway, sila’y daranas ng kapahamakan. (Kawikaan 1:22-27) At kalait-lait nga yaong umaalipusta sa mahihirap, o sa kanila mismong mga magulang! (Kawikaan 17:5; 30:17) Ang mga manunuya ay kadalasang tumatangging makinig sa saway (Kawikaan 13:1) at hindi iniibig yaong mga sumasaway sa kanila. (Kawikaan 9:7, 8; 15:12) Gayunman, sila’y dapat na disiplinahin para sa kapakinabangan ng iba. (Kawikaan 9:12; 19:25, 29; 21:11) Sa halip na makisama sa mga di banal na iyon, mas mabuting itaboy sila; mas maligaya yaong tumatangging maupong kasama ng hindi maka-Diyos na mga manunuya.​—Awit 1:1; Kawikaan 22:10.

Pagtuya Laban sa mga Lingkod ng Diyos

Ang lahat ng uri ng walang-katuwirang pagtuya ay dinanas ng tapat na mga lingkod ni Jehova. Si Job ay may kabulaanang pinaratangan ng pag-alipusta sa iba (Job 11:3), samantalang, sa katunayan, siya ang inalipusta, nilibak, at ginawang katatawanan dahil sa kaniyang landasin ng katapatan. (Job 12:4; 17:2; 21:3) Si David ay inalipusta at nilibak. (Awit 22:7; 35:16) Sa katulad na paraan, sina Elias (2 Hari 2:23), Nehemias at ang mga kasama niya (Nehemias 2:19; 4:1), at marami pang iba ay ‘tumanggap ng kanilang pagsubok sa pamamagitan ng mga panlilibak’ (Hebreo 11:36). Nang si Haring Ezechias ng Juda ay magsugo ng mga tagatakbo sa lahat ng mga lunsod ng Ephraim at Manases, na hinihimok sila na pumunta sa Jerusalem at ipagdiwang ang Paskuwa, nilibak at inalipusta ng marami ang mga mensahero. (2 Cronica 30:1, 10) Ito, sa katunayan, ang paraan ng pakikitungo ng mga apostata sa kapuwa mga sambahayan ng Israel sa mga propeta at mga mensahero ng Diyos hanggang sa sila’y malipol na lahat ng matinding galit ni Jehova.​—2 Cronica 36:15, 16.

Pagtuya kay Jesus at sa Kaniyang mga Alagad

Bilang Lingkod at Propeta ng Diyos, si Jesu-Kristo ay kinutya, pinagtawanan, ginawang katatawanan, pinakitunguhan nang walang-galang, niluraan pa nga, noong panahon ng kaniyang ministeryo sa lupa. (Marcos 5:40; Lucas 16:14; 18:32) Ang mga saserdote at mga pinunong Judio ay lalo nang nakamumuhi sa kanilang pang-aalipusta. (Mateo 27:41; Marcos 15:29-31; Lucas 23:11, 35) Ang mga sundalong Romano ay nakisama sa panlilibak nang siya’y dalhin sa kanila.​—Mateo 27:27-31; Marcos 15:20; Lucas 22:63; 23:36.

Ang mga alagad ni Jesu-Kristo ay nilibak din naman ng mga walang kabatiran at ng mga hindi sumasampalataya. (Gawa 2:13; 17:32) Sa pagbanggit tungkol sa pang-aalipusta na dinanas ng kaniyang kapuwa mga alagad sa mga kamay ng mga Judio, tinukoy ni apostol Pablo ang makahulang larawan noong sinaunang panahon, kung saan si Isaac, sa gulang na halos limang taon, ay inalipusta ng kaniyang 19-anyos na kapatid sa ama na si Ismael, na, dahil sa paninibugho, ay “tumutuya” (“nanlilibak,” KJ, Yg) kay Isaac. (Genesis 21:9) Si Pablo ay nagbibigay ng makahulang pagkakapit, na ang sabi: “Ngayon tayo, mga kapatid, ay mga anak na nauukol sa pangako gaya rin ni Isaac. Subalit kung paanong noon ang isa na ipinanganak ayon sa laman ay nagpasimulang mang-usig sa isa na ipinanganak ayon sa espiritu [yamang nakialam ang Diyos upang pangyarihin ang pagsilang ni Isaac], gayundin naman ngayon.” (Galacia 4:28, 29) Nang maglaon si Pablo ay sumulat: “Sa katunayan, lahat niyaong mga nagnanasang mabuhay na may maka-Diyos na debosyon may kaugnayan kay Kristo Jesus ay pag-uusigin din.”​—2 Timoteo 3:12.

Batid ni Jesu-Kristo na makakaharap niya ang pagtuya at na ito’y hahantong sa sukdulan sa pagpatay sa kaniya. Subalit kinilala niya na ang mga pagdusta sa katunayan ay laban kay Jehova, na kinakatawan niya, at ito ay lalo nang masakit sa kaniya, sapagkat ‘lagi [niyang] ginagawa ang mga bagay na kalugud-lugod sa kaniyang Ama’ (Juan 8:29), at siya’y higit na nababahala sa pagpapabanal sa pangalan ng kaniyang Ama kaysa anupamang bagay. (Mateo 6:9) Kaya nga, “nang siya ay laitin, hindi siya nanlait bilang ganti. Nang siya ay magdusa, hindi siya nagbanta, kundi patuloy na ipinagkatiwala ang kaniyang sarili sa isa na humahatol nang matuwid.” Ipinahahayag ni apostol Pedro ang puntong ito nang sumusulat sa mga Kristiyano, lalo na sa mga alipin, anupat pinapayuhan sila na huwag hayaang ang gayong pagtrato ay mag-udyok sa kanila na gumanti; sapagkat si Kristo ang kanilang halimbawa, “isang huwaran,” sabi ni Pedro, “upang [kanilang] sundan nang maingat ang kaniyang mga yapak.”​—1 Pedro 2:18-23; Roma 12:17-21.

Noong minsan sa kaniyang gawain, si Jeremias na propeta ng Diyos ay nagsabi, “Ako’y naging katatawanan buong maghapon; bawat isa’y tumutuya sa akin.” Sandali siyang nanghina at nag-isip na huminto sa kaniyang makahulang gawain dahil sa walang-tigil na pagdusta at pagkutya. Subalit kinilala niyang ito’y “dahil sa salita ni Jehova” na dumating ang pang-aalipusta, at ang salita ng Diyos sa kaniyang puso ay naging parang nag-aalab na apoy na hindi niya mabatang pigilin. Dahil sa kaniyang katapatan si Jehova ay sumakaniya na “parang isang kakila-kilabot na makapangyarihan,” at si Jeremias ay napalakas na magpatuloy na may pagkamatapat.​—Jeremias 20:7-11.

Si Job ay isang taong matuwid na iniingatan ang kaniyang katapatan sa kabila ng maraming pagtuya. Subalit siya’y nagkaroon ng maling pangmalas at nagkamali, na doon siya’y itinuwid. Ganito ang sabi ni Elihu sa kaniya: “Sinong matipunong lalaki ang gaya ni Job, na umiinom ng pang-aalipusta na tila tubig?” (Job 34:7) Si Job ay lubhang nabahala sa pagbibigay-matuwid sa kaniyang sarili sa halip na sa Diyos, at sinikap na dakilain ang kaniya mismong pagkamakatuwiran nang higit kaysa sa Diyos. (Job 35:2; 36:24) Sa pagtanggap ng matinding pagtuya ng kaniyang tatlong “kasama,” ibinilang ni Job ang bagay na ito na patungkol sa kaniya sa halip na sa Diyos. Sa bagay na ito siya’y tulad ng isang taong ibinibigay ang kaniyang sarili sa mga pang-aalipusta at pagtuya at nasisiyahan dito, tinatanggap ito na para bang siya’y umiinom ng tubig na may kasiyahan. Nang maglaon ay ipinaliwanag ng Diyos kay Job na ang mga manunuyang ito ay aktuwal (sa panghuling pagsusuri) na nagsasalita ng mga kasinungalingan laban sa Diyos. (Job 42:7) Sa katulad na paraan, sinabi ni Jehova sa propetang si Samuel nang ang Israel ay humiling ng isang hari: “Hindi ikaw ang kanilang itinakwil, kundi ako ang itinakwil nila upang huwag akong maghari sa kanila.” (1 Samuel 8:7) At sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Kayo ay magiging mga tudlaan ng pagkapoot ng lahat ng mga bansa [hindi dahil sa inyo, kundi] dahil sa aking pangalan.” (Mateo 24:9) Ang pag-iingat ng mga bagay na ito sa isipan ay magpapangyari sa Kristiyano na batahin ang pagtuya sa tamang espiritu at tutulong sa kaniyang na maging kuwalipikado upang tumanggap ng gantimpala dahil sa kaniyang pagbabata.​—Lucas 6:22, 23.

Makatuwirang Pagtuya

Ang pagtuya ay maaaring karapat-dapat at totoong makatuwiran. Ang isang tao na hindi inuunawa ang maaaring mangyari sa hinaharap o kinaliligtaan ang mabuting payo ay maaring kumuha ng mangmang na landasin na gagawa sa kaniya na tudlaan ng pagtuya. Si Jesus ay nagbigay ng isang halimbawa ng gayong tao, na nagsimulang magtayo ng isang tore nang hindi muna binibilang ang halaga. (Lucas 14:28-30) Inilagay ni Jehova ang Israel “bilang isang pagdusta sa [kaniyang] mga kapuwa, isang kaalipustaan at kakutyaan sa mga nasa palibot” niya, na nararapat lamang, dahil sa kaniya mismong pagkamasuwayin at hindi pagsunod sa Diyos, hanggang sa punto pa nga na pagdudulot ng pagdusta sa pangalan ng Diyos sa gitna ng mga bansa. (Awit 44:13; 79:4; 80:6; Ezekiel 22:4, 5; 23:32; 36:4, 21, 22) Angkop lamang na nilibak ni propeta Elias ang mga saserdote ni Baal dahil sa kanilang paglaban kay Jehova. (1 Hari 18:26, 27) Pagkatapos tuyain at pagsalitaan nang may pag-abuso ni Sennacherib si Jehova sa harap ni Haring Ezechias at ng mga tao sa Jerusalem, bumaligtad ang mga pangyayari; ang pagtuya, pag-alipusta, pagkutya, at kahiya-hiyang pagkatalo ang dinanas ng palalong haring ito ng Asirya at ng kaniyang hukbo. (2 Hari 19:20, 21; Isaias 37:21, 22) Sa katulad na paraan ang Moab ay naging kakutyaan. (Jeremias 48:25-27, 39) Ang mga bansa sa lupa ay nagpakalabis sa pagtuya sa Diyos, subalit tinatawanan sila ni Jehova at nililibak sila dahil sa kanilang walang-pakundangang paglaban sa kaniyang pansansinukob na soberanya, habang kanilang inaani ang masamang bunga ng kanilang landasin.​—Awit 2:2-4; 59:8; Kawikaan 1:26; 3:34.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share