Akee—Pambansang Pagkain ng Jamaica
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA JAMAICA
LINGGO ng umaga noon sa isla ng Caribbean sa Jamaica. “Handa na ang agahan,” sabi ng masayahing maypabisita sa kaniyang banyagang bisita.
“Binating itlog pala ang almusal natin,” sabi ng bisita.
“Hindi,” sagot ng maybahay, “akee iyan at inasnang isda. Tikman mo.”
“Masarap,” sagot ng kaniyang bisita. “Ngunit mukha talagang binating itlog! Ano ba ang akee? Prutas ba ito o gulay?”
“Matandang tanong na iyan,” tugon ng maybahay. “Ayon sa botanika, ang akee ay itinuturing na isang prutas, subalit sa hapag kainan, ito ay itinuturing ng marami na gulay.”
Hayaan mong sabihin namin sa iyo ang higit pa tungkol sa akee.
Isang Pinahahalagahang Puno
Ang puno ng akee ay galing sa Kanlurang Aprika. Ayon sa aklat na A-Z of Jamaican Heritage, ni Olive Senior, ang unang mga halaman ay nakarating sa Jamaica nang ito’y bilhin mula sa kapitan ng isang barkong nagkakarga ng mga alipin noong ika-18 siglo. Ang pangalang akee ay pinaniniwalaan ng ilan na galing sa salitang ankye sa wikang Twi ng Ghana.
Ang mga puno ng akee ay malalaki, umaabot ng hanggang mga 15 metro ang taas. Ang mga ito’y masusumpungan sa lahat ng dako sa Jamaica, at ang bunga nito ay kinakain ng lahat ng uri ng tao. Ang pagkaing iniluto na may kasamang akee ay magiliw na tinatawag na ang pambansang pagkain ng Jamaica. Ang akee ay karaniwang inihahalo sa inangkat na inasnang codfish sa sarsa ng sibuyas, paminta, at iba pang mga rekado. Kung walang makuhang inasnang cod, ang akee ay kinakain na kasama ng iba pang isda o karne o ito lamang mismo.
Ang hilaw na bunga ng punong akee ay maberde-berde ang kulay, ngunit habang nahihinog ito ang kulay nito ay nagiging matingkad na mamula-mula. Kapag hinog na, ang mga bunga nito ay bumubuka at handa na itong pitasin. Kapag bumuka ang bunga, lumilitaw ang tatlong aril (pinakabalat) nito, ang bawat isa’y may itim na butong nakakabit sa tuktok. Ang kulay-kremang mga balat nito ang bahagi na aktuwal na kinakain pagkatapos alisin ang itim na mga buto at ang mamula-mulang bagay na nasa gitna ng mga balat.
Kapag Naging Pinagmumulan ng Panganib
Paminsan-minsan ay nagkakaroon ng mga insidente ng pagkalason sa pagkain—lalo na sa mga bata—na nauugnay sa pagkain ng akee. Tiniyak ng ginawang imbestigasyon na ang sanhi ay dahil sa pagkain ng hilaw na bunga nito. Pinatutunayan ng pananaliksik na bago bumuka ang bunga, ito ay may hypoglycin, isang amino acid.
Natuklasan ng mga biyokemiko na ang hypoglycin ay humahadlang sa pagproseso sa mga fatty acid. Ito’y maaaring humantong sa pagdami sa dugo ng iba’t ibang maiikling kawing ng mga asido, na nagiging sanhi ng pag-aantok at koma. Hinahadlangan din ng hypoglycin ang paggawa ng glucose sa dugo, na mahalaga sa metabolismo.
Ipinakikita ng mga pagsusuri na ang hypoglycin sa mga akee ay natutunaw kapag iniluto ang hindi pa nakabukang bunga. Kaya nga, ang tubig na pinaglutuan ng akee ay dapat na itapon at hindi dapat gamitin sa pagluluto ng iba pang pagkain. Ang mga babala tungkol sa panganib ng pagkain o pagluluto ng hilaw na mga akee ay ibinibigay sa pana-panahon ng Kagawaran ng Kalusugang Bayan.
Karamihan ng mahilig sa akee ay nagsasabi na palagi silang kumakain nito sa buong buhay nila at kailanma’y hindi sila dumanas ng nakapipinsalang mga epekto. Kaya maaaring ikaila ng ilan na ang akee ay maaaring maging mapanganib.
Lalong Nagiging Popular
Sa kabila ng paminsan-minsang mga ulat tungkol sa pagkalason, ang akee at inasnang isda ay nagiging popular bilang isang pagkain ng taga-Jamaica. Gayunman, ang pagkain ng akee at inasnang isda ay nanganganib, yamang ang halaga ng inangkat na codfish ay lubhang tumaas sa nakalipas na mga taon. Subalit ang akee ay maaaring iluto na kasama ng iba pang uri ng isda at karne, kaya malamang na hindi talikdan ng karamihan ng mga tao ang pambansang pagkain na ito ng Jamaica.
Kung ang interes mo sa akee ay napukaw, hindi mo na kailangan pang magtungo rito upang tikman ito sapagkat ito ay naging isang popular na iniluluwas na kalakal. Oo, ang akee ay isinalata at ipinadadala sa ibang bansa, lalo na sa mga bansa kung saan nandayuhan ang maraming taga-Jamaica. Kaya kung may makita kang de-latang akee sa inyong bansa o kung ikaw ay pupunta sa Jamaica, subukin mong kumain ng akee at inasnang isda. Anong malay mo? Baka magustuhan mo rin ang pambihirang lasa nito!
[Larawan sa pahina 17]
Ang bunga ng punong akee