Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 11/8 p. 3-4
  • Malapit Na ba ang Wakas ng mga Relihiyon sa Daigdig?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Malapit Na ba ang Wakas ng mga Relihiyon sa Daigdig?
  • Gumising!—1996
  • Kaparehong Materyal
  • Bakit Pa Magiging Interesado sa Ibang Relihiyon?
    Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos
  • Sapat na ba ang Anumang Relihiyon?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Inilalayo ng mga Huwad na Relihiyon ang mga Tao sa Diyos
    Masayang Buhay Magpakailanman—Isang Pag-aaral sa Bibliya
  • Pagsasagawa ng Dalisay na Relihiyon Para sa Kaligtasan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 11/8 p. 3-4

Malapit Na ba ang Wakas ng mga Relihiyon sa Daigdig?

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA SWEDEN

PINAG-IISIP ka ba ng titulong ito: ‘Paano mangyayari iyon? Hindi ba’t ang mga relihiyon sa daigdig ay lubhang masisigasig at maimpluwensiya sa buong daigdig ngayon?’

Oo, sa kabila ng pagtawid sa isang dagat ng kaligaligan, ang mga ito ay waring gayon nga. Sa ika-20 siglong ito, ang relihiyon ay pinag-aalinlanganan at inilalantad nang higit kailanman sa kasaysayan ng tao. Sinuri ng mga astronomo ang sansinukob sa pamamagitan ng kanilang dambuhalang mga teleskopyo, at ang mga astronomo ay nagparoo’t parito sa dako pa roon ng kalawakan; at gaya ng ipinahayag ng isang kosmonot na Sobyet tungkol dito, “walang Diyos o mga anghel” silang nakita. Nahati na ng mga pisiko ang materya sa paliit nang paliit na mga bahagi nito ngunit hindi natuklasan ang anumang dibinong puwersa na pagsisimulan ng buhay. Ang mga biyologo at mga paleontologo ay nag-aangking nagawa nilang muli ang mahabang kawing ng ebolusyon ng buhay, mula sa amoeba hanggang sa tao, ngunit walang masumpungan kahit pinakamaliit na kawing na magpapatunay ng pakikialam ng maylikha saanman sa kahabaan ng kawing na iyon.

Subalit, hindi naalis ng sekular na karunungan at ng materyalistikong pilosopiya ang relihiyosong damdamin sa planetang ito, at hindi rin nagtagumpay ang ateistikong pulitikal na mga kapangyarihan at pilosopiya. Sa loob ng mahigit na 70 taon, binansagan ng ateistikong Komunismo ang relihiyon bilang pamahiin at “ang opyo ng bayan,” inalis sa tungkulin ang mga lider ng relihiyon at ipinagbawal ang kanilang mga gawain, sinira at dinambong ang mga simbahan at templo, at sapilitang pinaniwala at pinatay ang kanilang mga mananamba. Subalit, hindi naalis ng mga pagkilos na iyon ang relihiyosong damdamin. Karaka-raka pagbagsak ng mga pamahalaang iyon, bumangon ang relihiyon mula sa hamak na kalagayan nito taglay ang waring panibagong sigla. Sa mga lupaing dating Komunista, ang mga tao’y muling nagtipun-tipon sa kanilang lumang mga templo, na lumuluhod sa debotong pagsamba na gaya ng ginawa ng kanilang mga ninuno noong una.

Matindi pa rin ang relihiyosong damdamin sa ibang bahagi ng daigdig. Taun-taon ang lunsod ng Mecca, sa Saudi Arabia, ay pinupuntahan ng milyun-milyong peregrinong Muslim mula sa buong mundo. Ang St. Peter’s Square sa Batikano ay madalas na punung-puno ng mga mananampalatayang Katoliko na naghahangad na masulyapan ang papa at umaasang tumanggap ng kaniyang bendisyon. Milyun-milyong debotong Hindu ang patuloy na humuhugos sa daan-daang dako ng peregrinasyon sa mga pampang ng “sagradong” mga ilog sa India. Ang relihiyosong mga Judio ay dumaragsa sa Tangisang Pader sa Jerusalem upang manalangin at mag-iwan ng kanilang nasusulat na mga panalangin sa mga bitak ng pader.

Oo, wari ngang imposibleng alisin ang relihiyon sa sangkatauhan. “Ang tao ayon sa kaniyang kayarian ay isang relihiyosong hayop,” sabi ng estadistang isinilang sa Ireland na si Edmund Burke. Ayon sa estadistika, 5 sa 6 na mga indibiduwal sa lupa ay humigit-kumulang nauugnay sa isang relihiyon. Ayon sa kamakailang bilang, may mga 4.9 bilyong tagasunod ng tatag na relihiyon sa daigdig, samantalang may mga 842 milyon lamang na mga di-relihiyosong tao.a

Taglay ito sa pangmalas, makatuwiran bang maniwala na malapit na sa kanilang wakas ang mga relihiyon sa daigdig? At kung gayon nga, kailan at paano nila mararanasan ito? May matitira pa bang anumang relihiyon? Isaalang-alang natin ang mga tanong na ito sa susunod na dalawang artikulo.

[Talababa]

a Kabilang sa “di-relihiyoso” ang: “Mga taong nagsasabing wala silang relihiyon, mga hindi sumasampalataya, agnostiko, freethinker, mga naniniwala sa kanilang sariling opinyon, mga walang interes sa lahat ng relihiyon.”

[Larawan sa pahina 3]

St. Peter’s Square, Lunsod ng Batikano

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share