Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 11/22 p. 24-27
  • Ang mga Peregrino at ang Kanilang Pakikipagpunyagi Para sa Kalayaan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang mga Peregrino at ang Kanilang Pakikipagpunyagi Para sa Kalayaan
  • Gumising!—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Kalagayan ng Relihiyon sa Inglatera
  • Pagtakas Tungo sa Holland
  • Ang Paglalayag Sakay ng Mayflower!
  • Pagtatatag ng Kolonya
  • Ang mga Peregrino at ang mga Indian
  • Mga Sumunod Pang Pangyayari
  • Ang Naging Pamana ng Peregrino
  • Mga Peregrino at mga Puritan—Sino Sila?
    Gumising!—2006
  • Pinasigla ang mga Kabataang Katoliko na Magpatotoo
    Gumising!—2009
  • Walsingham—Ang Kontrobersiyal na Banal na Lugar sa Inglatera
    Gumising!—1994
  • Ang Kasaysayan ng Relihiyosong Di-pagkakaisa ng Britaniya
    Gumising!—1985
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 11/22 p. 24-27

Ang mga Peregrino at ang Kanilang Pakikipagpunyagi Para sa Kalayaan

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA NETHERLANDS

NOONG 1620, isang grupo ng mga Puritanong Ingles na naglayag mula sa Delfshaven, malapit sa Rotterdam, Netherlands, ang nagtatag ng kauna-unahang permanenteng paninirahan ng mga Europeo sa New England​—Plymouth Colony​—na ngayo’y timog-silanganang Massachusetts. Ano kaya ang nag-udyok sa napakarelihiyosong mga taong ito upang suungin ang gayong napakalayo at nakapapagod na paglalakbay patawid sa mapanganib na Karagatang Atlantiko sakay ng maliit na barkong Mayflower? Una muna’y ano ba ang ginagawa nila sa Netherlands? Bakit sila umalis doon?

Ang Kalagayan ng Relihiyon sa Inglatera

Noong mga taon ng 1500, ang Simbahang Romano Katoliko ay natigatig dahil sa Repormasyon. Nagsulputan ang mga simbahan ng Protestante sa buong Europa, kasali na ang Inglatera. Sa naging kaso ng Inglatera, tuluyan na itong nakipagkasira sa Roma nang tanggihan ng papa ang kahilingan ni Haring Henry VIII na ipawalang-bisa ang kaniyang unang kasal. Ang simbahang Ingles ay humiwalay sa Roma, at noong 1534 opisyal na kinilala ng Parlamentong Ingles si Henry bilang ang “Supremong Ulo sa lupa, pangalawa sa Diyos, ng Simbahan ng Inglatera.” Ang kaniyang anak na si Elizabeth, na ipinanganak noong 1533, ay pinalaking Protestante, at nang ito’y maging Reyna Elizabeth I, binigyan niya ang Simbahang Anglikano ng isang matibay na pagkakakilanlan bilang isang Protestante. Gayunman, may maliliit na grupong Protestante na di-sang-ayon sa nangingibabaw na Simbahang Anglikano. Marami sa mga ito ay tinawag na Puritano sapagkat ang hangad nila’y madalisay ang Simbahang Anglikano mula sa anumang bakas ng Katolisismong Romano. Isang grupo ng mga Puritano ang naging talagang radikal, yamang sila’y humiwalay sa herarkiya ng mga obispo at pari ng simbahan. Itinuring nilang ganap na nagsasarili ang kanilang kongregasyon, sa ilalim ng pamamahala ng kanilang sariling matatanda.

Nangamba si Reyna Elizabeth na baka hindi niya makontrol ang mga tao kung hindi masasawata ang mga Puritano. Kaya nagpasok siya ng napakahihigpit na batas laban sa kanila. Sa kabila nito, ang iba’t ibang grupo ng mga Puritano ay patuloy na nagpulong, bagaman lihim, sa mga pribadong bahay. Namahagi rin ang mga Puritano ng maraming relihiyosong pamplet na nagpapaliwanag ng kanilang mga paniniwala. Ang mga Puritano ng London ay humirang ng kanilang sariling lupon ng matatanda, na binubuo halos ng mga nasuspendeng ministro ng Anglikano. Ang mga grupong sumuko na sa pagrereporma sa Simbahang Anglikano at humiwalay mula rito ay tinutukoy bilang Mga Bumukod.

Si Haring James I, na humalili kay Reyna Elizabeth, ay sumunod sa kaniyang relihiyosong patakaran, anupat pinagbabantaang “palayasin [ang mga Puritano] sa lupain.” Kasabay nito, siya’y nag-atas para sa isang panibagong salin sa Ingles na Bibliya​—ang King James Version, na natapos noong 1611. Ang bagong bersiyong ito ay nag-udyok sa maraming tao na suriin ang Bibliya. Ang resulta? Higit at higit pang mga tao ang hindi umayon sa simbahan ng Estado. Ano kaya ang gagawin mo kung ikaw ay nabuhay na noon? Sa palagay mo kaya’y babaguhin mo rin ang iyong relihiyosong paniniwala sa ilalim ng banta ng pag-uusig? Manghahawakan ka kayang matatag sa iyong paninindigan, anuman ang maging kapalit nito? Marami sa mga Puritano ang gayon ang ginawa at hindi nakipagkompromiso.

Pagtakas Tungo sa Holland

Isang grupo ng Mga Bumukod na hindi nakipagkompromiso ang nasumpungan sa isang maliit na bayang Ingles sa Scrooby. Doon ay lihim silang nagpupulong sa bahay ng posmaster na si William Brewster, ang kanilang “Namamahalang Matanda.” Kasama rin nila noon si John Robinson, isang dating paring Anglikano. Bukod pa sa pagtangkilik sa gobyerno ng simbahan sa pamamagitan ng matatanda sa halip ng mga pari at mga obispo, ang grupo sa Scrooby ay tumanggi sa pagsusuot-pari at sa karamihan sa mga ritwal na pagseserbisyo ng Simbahang Anglikano, bagaman ang mga bagay na ito’y itinakda ng batas.

Dahil sa tumitinding panggigipit, nagpasiya ang maliit na grupong ito na tumakas patungong Netherlands, na noo’y siyang tanging lugar sa Europa na maaaring magpahintulot sa kanilang mga opinyon at mga gawain. Gayunman, ang pandarayuhan noon ay labag sa batas. Sa gayon, hangga’t maaari ay lihim na ipinagbili nila ang kanilang mga bahay at anumang bagay na hindi nila madadala, at noong 1608 ay nagtungo sila sa Amsterdam sakay ng barko. Nasa Netherlands sila noon nang ituring ng Mga Bumukod ang kanilang sarili bilang mga peregrino.

Ang mga Peregrino ay lumipat sa Leiden isang taon pagdating nila, noong taon na pansamantalang tigil ang digmaan sa pagitan ng Espanya at Netherlands. Ang pansamantalang pagtigil ng digmaan ay nagbunga ng isang mas mapayapang kalagayan para sa mga Peregrino. Unti-unti, nagdatingan ang higit pang mga takas mula sa Inglatera, at ang grupo ay umabot sa 300. Nang maglaon, sila’y bumili ng isang malaking bahay, na tinirhan ni John Robinson at ng kaniyang pamilya at siya ring pinagpulungan nila.

Pagkalipas ng sampung taóng paninirahan sa Leiden, hindi na payapa ang mga Peregrino. Malapit nang matapos ang pansamantalang pagtigil ng pakikidigma sa Espanya, at nangangamba sila na kung ang Inkisisyon ng Espanya ang mamamayani sa Netherlands, mas lulubha ang kanilang kalagayan kaysa kung sila’y nasa ilalim ni Haring James. Isa pa, hindi nila kasundo sa doktrina ang kanilang mga kapitbahay na Olandes, at nababahala sila sa pakikisama ng kanilang mga anak sa mga kabataang Olandes, na itinuturing nilang masasama. Ano ang dapat nilang gawin? Pinag-isipan nila ang isa pang malakihang paglipat​—ngayon ay sa Amerika naman!

Ang Paglalayag Sakay ng Mayflower!

Ang pinakamalaking hamon sa kanila ay ang gagastusin sa ganitong kalayong paglalakbay. Ang isa pang napakalaking problema ay na kailangan pa silang humingi ng pahintulot para sa ekspedisyon mula sa hari ng Inglatera​—na siya ring haring tinakasan nila noon kung kaya sila’y tumungo sa Netherlands! Pinanghinawa ng mga Peregrino si Haring James sa kanilang mga pagsusumamo, hanggang sa wakas ay pahintulutan na rin sila. Nang bandang huli, isang grupo ng mga negosyante sa London ang gumastos sa pakikipagsapalarang iyon.

Sa wakas, oras na upang umalis! Yaong mga kabilang sa Simbahang Peregrino sa Leiden na nagpasiyang lumipat ay sumakay sa barkong Speedwell at noong Hulyo 22, 1620, ay umalis sa Delfshaven patungong Inglatera, na doo’y sasama sa kanila ang iba pang miyembro. Naghanda ang mga Peregrino ng dalawang barko, ang Speedwell at ang Mayflower. Gayunman, napilitang bumalik sa Inglatera ang mga barko dahil sa mga delikadong butas ng Speedwell, na doo’y inilipat sa Mayflower ang mga pasahero at ang mga panustos mula sa Speedwell. Sa wakas, noong Setyembre 6, ang maliit na 27-metrong Mayflower ay nagsimula nang maglayag sa dagat nang nag-iisa mula sa Plymouth, Inglatera, sakay ang 24 na pamilya​—lahat-lahat ay 102 pasahero​—at 25 tripulante. Tunay na di-biru-birong tibay ng loob ang kinailangan ng mga baguhang manlalakbay na yaon upang tangkaing maglakbay sa karagatan sa layong 5,000 kilometro! Pagkasikip-sikip ng barko at kinailangang makipaglaban sa mapanganib na klima ng Hilagang Atlantiko. Maguguniguni mo ang naramdaman ng mga nakasakay roon nang pagkalipas ng siyam na mahahabang linggo, ay makakita sila ng lupa!

Pagtatatag ng Kolonya

Bago bumaba sa barko ang mga Peregrino, pinagtibay muna nila ang isang mutwal na kasunduan, o tipan, hinggil sa magiging gobyerno ng bagong kolonya. Sa pamamagitan ng kasunduang ito, na pinirmahan ng 41 lalaki sa grupo, binuo ng mga Peregrino ang kanilang sarili tungo sa isang “Makapulitikang Grupong Sibil” at kinuha ang pananagutang gumawa, at sumunod, sa mga patakarang uugit sa lahat ng kanilang mga gawain. Bagaman tinawag ng ilang istoryador ang dokumentong ito bilang ang unang konstitusyon ng Amerika, ipinaliliwanag ng Grote Winkler Prins Encyclopedie na para sa mga Peregrinong nagbalangkas nito “nasa isip nila ang pagtatatag ng isang awtoridad na may relihiyosong katangian.” Ang layunin nito ay upang matiyak na ang lahat ng mga miyembro ng kolonya ay mananatiling sama-sama, kapuwa sa pisikal at sa relihiyon.

Pagkatapos na masiyasat ang baybayin at makagawa ng mga ekspedisyon papaloob sa lupain, sa malamig na Disyembre ang grupo ay nanirahan sa lugar na tinawag nilang New Plymouth, na nang maglaon ay tinawag na Plymouth Colony. Nakarating sila sa mga bukiring nilinang ng mga Indian. Ngunit ang napakaraming populasyon ng mga Indian na inoobserbahan na noon ng mga manggagalugad mga ilang taon na ang nakalilipas ay napinsala na ng mga naging sakit ng mga manggagalugad​—kasali na ang bulutong at tigdas. Kung hindi, sana’y nilabanan ng mga Indian ang pagpupunyagi ng mga Peregrino na makapagtatag ng kolonya.

Nagsimula ang mga Peregrino sa pamamagitan ng pagtatayo ng isang panlahatang bahay at ilang pribadong tahanan. Naging isang napakahirap na pagpapasimula iyon, sapagkat sila’y dumating sa panahon ng taglamig at kulang na ang pagkaing natitira sa kanilang panustos mula sa barko. Sa panahong iyan ng unang taglamig, 52 ang namatay sa sakit, kasali na ang 13 sa 24 na asawang lalaki at ibayong dami na 14 sa 18 asawang babae. Kabilang sa nasawi ay ang kanilang unang gobernador, si John Carver. Gayunman ay napagkaisahan ng mga nakaligtas na manatili sa New Plymouth. Ang sumunod na gobernador, ang masigasig na si William Bradford, ay nag-ingat ng isang detalyadong rekord ng kasaysayan ng nagsisimula pa lamang na kolonya at sa gayo’y itinuring na kauna-unahang istoryador ng Amerika.

Ang mga Peregrino at ang mga Indian

Ang unang mga peregrinong dumating sa New Plymouth ay nakipagtibay ng isang mutwal na kasunduang pangkapayapaan kay Massasoit, ang pinakamataas na pinuno ng lokal na tribo ng mga Indian na Wampanoag. Sa kasunduan ay nangako ang mga Peregrino at ang mga Wampanoag na hindi sila magsasakitan sa isa’t isa, at sila’y sumumpang ipagtatanggol ang isa’t isa kapag may pakikidigma sa mga tagalabas. Kung hindi nakipagkaibigan si Massasoit, malamang na walang nakaligtas isa mang Peregrino. Ang mga Indian na ito ay nagbigay sa mga dayuhan ng sariling mais upang kanin at upang itanim, at ang pakikianib sa kanila ay nakatulong upang hindi maubos ang mga Peregrino sa kamay ng ibang tribo.

Sa pasimula, tumanggap ang mga kolonista ng maraming tulong mula sa mga Indian. Sa pananalita ni Gobernador William Bradford, isang Indian na nagngangalang Tisquantum ang nagturo sa mga kolonista “kung paano itatanim ang kanilang mais, kung saan makahuhuli ng isda, at makakakuha ng iba pang mga kalakal, at siya ring giya nila upang marating ang mga lugar na hindi nila alam para sila makinabang.” Ang unang ani ng mais Indian ay mabuti, at tagumpay naman ang mga Peregrino sa panghuhuli ng labuyo. Nagpasalamat sila sa Diyos at nagpasiyang magdaos ng tatlong-araw na kapistahan ukol sa pag-aani. Si Massasoit at ang 90 ng kaniyang mandirigma ay dumating, na may dalang limang usa upang idagdag sa piging.

Gaya ng kolonya mismo, ang pagdiriwang ay may matinding indikasyon ng relihiyon. Bagaman hindi nagdaos ng kapistahan ang mga Peregrino nang sumunod na taon dahil sa mahinang ani, ang Araw ng Pasasalamat ay naging pambansa at relihiyosong taunang pista sa Estados Unidos, Canada, at sa ilan pang bansa. Sa ngayon, ang Araw ng Pasasalamat sa Hilagang Amerika ay karaniwan nang okasyon para sa isang pampamilyang piging ng pabo, sarsang gawa sa cranberry, at empanadang kalabasa​—ngunit kung tungkol sa simulain, iyo’y nananatiling “isang panahon ng taimtim na relihiyosong pagdidili-dili, mga pagseserbisyo sa simbahan, at pananalangin.”​—The World Book Encyclopedia, 1994.a

Mga Sumunod Pang Pangyayari

Noong 1622 higit pang mga Peregrino ang dumating mula sa Leiden at Inglatera. Nang maglaon, may dumating pang mga barko na sakay ang mga kapananampalataya mula sa Europa. Ang huling grupo ng mga Peregrino mula sa Leiden ay sumama sa kolonya noong 1630, anupat ang bilang nila ay umabot sa mga 300. Dumating ang panahon at ang kolonya ay nakisama sa higit na mas malaking Massachusetts Bay Colony, na malapit sa hilaga. Ang mga kolonistang ito ay nagtataguyod din ng mga paniniwalang Puritano. Samantala, namumuo ang tensiyon sa pagitan ng mga kolonista at ng kanilang karatig na mga Indian. Ang mga Puritano, na naniniwalang sila’y itinakda ng Diyos upang mangibabaw sa bagong lupain, ay lalong nagiging arogante. Nang makita ito, lalo nang naghinanakit ang mga Indian sa kanila. Nakalulungkot sabihin, pagkalipas lamang ng 55 taon pagkatapos ng pakikipagkasundo sa mga Wampanoag, ang kolonya sa Plymouth, kasama ng tatlo pang kolonyang Ingles at iba pang Indian, ay nakipagdigma sa anak ni Massasoit. Ito at ang mga tatlong libong lalaki, babae at mga batang Indian ay napatay, at daan-daan pa ang ipinagbili ng mga Puritano sa pagkaalipin. Nalipol ang mga Wampanoag.

Ang Naging Pamana ng Peregrino

Sa Netherlands ay mapupuntahan mo pa rin ang bahagi ng Leiden kung saan nanirahan ang mga Peregrino, gayundin ang Delfshaven, ang daungan na inalisan nila patungong Amerika. Sa kasalukuyang bayan ng Plymouth, Massachusetts, makikita mo ang Plymouth Plantation, isang muling-konstruksiyon ng orihinal na nayong itinayo ng mga Peregrino, kasama ang museo ng Peregrino at isang replika ng Mayflower. Sa nayon, ginaganap ng mga artista ang papel ng orihinal na mga nanirahan doon. Sasabihin nila sa iyo na ang pangalan ng Diyos ay Jehova at na “ang simbahan” ay hindi isang gusaling bato kundi ito’y binubuo ng mga tao. Sa tanong na, “Ilan ang matatanda sa inyong simbahan?” sila’y sasagot: “Kung ilan ang nakaaabot sa mga kahilingan ng Bibliya.”

Sinikap ng mga Peregrino na itulad ang kanilang lipunan “hangga’t maaari sa labindalawang tribo ng Israel sa ilalim ni Moises,” ayon sa aklat na The Puritan Heritage​—America’s Roots in the Bible. Gayunman, sa pana-panahon, ang mga Puritano ay nagmalabis. Halimbawa, ang kanilang reputasyon bilang masisipag na manggagawa, ay bumangon sa isang bahagi dahil sa kanilang paniniwala na ang materyal na kasaganaan ay nagpapahiwatig ng pabor ng Diyos. At bagaman tunay namang mahal nila ang kanilang mga anak, naniniwala ang maraming sinaunang Puritano na dapat nilang “itago ang kanilang . . . labis-labis na pagmamahal.” Kaya naman, ang “pagkapuritano” ay iniugnay sa pagiging malamig makitungo, napakahigpit, at napakaistrikto. Gayunman, sa kabila ng kanilang di-kasakdalan, ang mga Peregrino ay kakikitaan ng tibay ng loob ukol sa moral, deboto, at nagsisikap na sumunod ayon sa Bibliya. Maliwanag, ito ang mga katangiang nagbuklod sa mga Peregrino at umalalay sa kanila sa maraming pagsubok.

[Talababa]

a Ang tunay na mga Kristiyano ay hindi nangangailangan ng isang espesipikong pista upang magpasalamat sa Diyos. Para sa higit pang impormasyon, pakisuyong tingnan ang Nobyembre 22, 1976, na labas ng Awake!, pahina 9-13.

[Larawan sa pahina 26]

Tinulungan ng mga Indian na Wampanoag ang mga peregrino

[Credit Line]

Harper’s Encyclopædia of United States History

[Picture Credit Line sa pahina 24]

Itaas: Model van de Mayflower

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share