Pagmamasid sa Daigdig
Ang Salot ng Nakahahawang mga Sakit
Sangkatlo sa 52 milyong kamatayan na naganap noong nakaraang taon ay dahil sa nakahahawang mga sakit, sabi ng World Health Organization (WHO). Ang karamihan sa tinatayang 17 milyong namatay ay mga bata. Ayon sa The World Health Report 1996, na inilabas ng WHO, hindi kukulangin sa 30 bagong nakahahawang sakit ang nakilala sa nakalipas na 20 taon, kasali na ang Ebola virus at AIDS. Bagaman ang pangunahing mga sakit na gaya ng tuberkulosis, kolera, at malarya ay maiiwasan o magagamot sa mababang halaga, ang mga ito’y nagbabalik at lalong hindi tinatablan ng mga gamot. Ang dahilan, sabi ng ulat, ay “ang di-mapigilan at di-wastong paggamit ng mga antibayotik,” kasali na ang iba pang salik, gaya ng internasyonal na paglalakbay at pagdami ng populasyon sa mga tropikal na lugar na pinamumugaran ng lamok.
Kumpisalan sa mga Tindahan ng Aklat
Ipinasiya ng isang samahang Katoliko sa Italya na maglagay ng mga kumpisalan sa magkakaugnay na mga tindahan ng relihiyosong mga aklat, na ang bawat isa ay may kompesor. Ang eksperimentong ito ay inumpisahan sa Milan. Tuwing Miyerkules sa isang tindahan ng aklat sa downtown, matatagpuan palagi ang isang pari para sa “lahat ng ibig na makipagkita sa isang pari—subalit hindi sa simbahan—upang humingi ng espirituwal na payo, o mangumpisal pa nga,” sabi ng manedyer ng tindahan. Ganito pa ang sabi niya: “Ang unang mga resulta ay mas mabuti kaysa pinaka-optimistikong inaasahan namin.” Bakit ito pinasimulan? “Upang makabawi sa pag-unti ng pangungumpisal,” ang paliwanag ng pahayagang La Repubblica sa Italya.
Walang Anumang Nasasayang
Pagkatapos na makuha ang 270 kilo o mahigit pang karne, ano na ang nangyayari sa iba pang bahagi ng baka? Ang ilang laman-loob, gaya ng lalaugan, lapay, baga, palî, adrenal gland, obaryo, pituitary gland, at bile mula sa atay at apdo, ay ginagamit upang gawing gamot. Ang collagen ay kinukuha mula sa mga buto, paa, at mga balat upang gamiting moisturizer at losyon. Ang litid at taba ay nauuwi sa mga sangkap na gaya ng butyl stearate, PEG-150 distearate, at glycol stearate na ginagamit sa maraming makeup at mga produkto sa buhok. Ang karamihan ng sabon ay yari sa mga taba ng hayop. At ang mga buto at paa ay ginigiling upang gawing gelatin na ginagamit sa daan-daang uri ng pagkain, kasali na ang sorbetes, mga kendi, at maraming produktong “walang taba.” Ang ilang bahagi ay ginagamit din sa napakaraming produktong gaya ng krayola, posporo, waks sa sahig, linoleum, panlaban sa pagyeyelo, semento, mga pamatay ng damo, cellophane, papel na ginagamit sa litrato, kasuutan sa isport, apholsteri, at damit. Ang pinakamataas na halaga ay ibinayad para sa apdo—$600 (U.S.) sa isang onsa! Binibili ito ng mga mamimili sa Dulong Silangan upang gamitin bilang pampukaw sa sekso.
Trahedya sa Panganganak
Halos 585,000 babae ang namamatay taun-taon sa panahon ng pagdadalang-tao o sa panganganak, sabi ng isang masusing surbey ng UNICEF (United Nations Children’s Fund). Ayon sa ulat ng The Progress of Nations 1996, ang karamihan ng trahedya ng panganganak ay maiiwasan. Ganito ang sabi nito: “Sa kalakhang bahagi, ito ang pagkamatay ng mga hindi nagkasakit, o ng mga napakatanda na, o ng napakabata pa, subalit ng malulusog na babae sa kasibulan ng kanilang buhay.” Humigit-kumulang 75,000 babae ang namamatay taun-taon dahil sa nagkamaling pagpapalaglag; 40,000 bilang resulta ng paghihirap sa panganganak dahil sa hindi lumabas ang bata; 100,000 mula sa pagkalason sa dugo; 75,000 mula sa pagkapinsala ng utak at bato dahil sa eclampsia (kumbulsiyon at mataas na presyon ng dugo sa dakong huli ng pagdadalang-tao); at mahigit na 140,000 dahil sa pagdurugo sa loob. Ang kakulangan ng pangangalaga ng dalubhasa sa panganganak sa maraming bansa diumano ang pangunahing may pananagutan. Sinabi ng mga opisyal ng UNICEF na ipinakikita ng mga impormasyon na 1 sa 35 babae sa Timog Asia at 1 sa 13 sa liblib na dako sa Sahara sa Aprika ang namamatay na nauugnay sa pagdadalang-tao at panganganak, kung ihahambing sa 1 sa 7,300 sa Canada, 1 sa 3,300 sa Estados Unidos, at 1 sa 3,200 sa Europa. Ang bilang ay halos 20 porsiyentong mas mataas kaysa naunang pagtaya ng halos 500,000 pagkamatay sa isang taon.
Tumataas Pa Rin ang Bilang ng mga Kaso ng AIDS
“Ang virus na sanhi ng AIDS ay patuloy na mabilis na kumakalat sa malalaking bahagi ng daigdig, lalo na sa Asia at timog Aprika, at ang bilang ng taong nagkakasakit ng AIDS ay tumaas din nang napakabilis,” ulat ng The New York Times. Ang natipong impormasyon ng United Nations Joint Program tungkol sa H.I.V.-AIDS ay nagpapakita na noong 1995 mga 1.3 milyon katao ang nagkasakit na may mga sintomas ng AIDS, isang 25-porsiyentong pagtaas sa nakalipas na taon. Tinataya ngayon na 21 milyong may sapat na gulang ang nahawahan ng HIV, at halos 42 porsiyento sa kanila ay mga babae. Ang karagdagan pang 7,500 katao ang nahahawahan sa bawat araw. Ilang milyong bata ang diumano’y nahawahan na rin. Gumugugol ng halos sampung taon mula sa panahong nahawahan para lumitaw nang lubos ang sakit. Tinataya ng ulat ng UN na 980,000 katao ang namatay dahil sa mga sakit na nauugnay sa AIDS noong 1995 at ito’y tataas pa sa 1,120,000 sa 1996. Kamakailan ay malaganap na kumalat ang virus sa gawing timog ng Aprika at India at inaasahang gayundin ang mangyayari sa Tsina at Vietnam. Ang dami ng nahahawahan sa ilang bansa sa Aprika ay kasintaas na ng 16 hanggang 18 porsiyento. Nakababahala ang bagay na ang bilang ng mga kabataang babae na nahahawahan ay mabilis na dumarami sa buong mundo. Ang tatlumpu’t tatlong porsiyento ng mga sanggol na isinisilang ng mga babaing ito ay magkakaroon din ng virus.
Mag-ingat sa Bilis na Iyan!
Ang pagmamaneho nang napakabilis ay pumapatay ng 1,000 Britano taun-taon at sanhi ng 77,000 kapinsalaan, ulat ng The Daily Telegraph ng London. Maging ang pagpapanatili sa itinakdang bilis ay maaaring hindi pa rin ligtas sa ilang kalagayan. Mahigit na 10 porsiyento ng mga aksidente sa daang mabilis ang pagpapatakbo ay sanhi ng pagmamaneho na lubhang nakatutok sa sinusundang sasakyan. Iminumungkahi ng British Highway Code na magpataan ng agwat na dalawang segundo sa layo ng pagmamaneho sa pagitan mo at ng kotseng nasa harapan mo, subalit dapat itong madoble kapag nagmamaneho sa basa o madulas na daan o kapag mahirap makita ang sinusundan. Hindi lamang sa hindi ligtas ang masyadong tutok; ito rin ay nakapapagod at nakaiigting. Kalimitang nagrereklamo ang mga nagmamaneho na kapag nagpataan sila ng agwat, may ibang kotseng sumisingit. Gayunman, ang tanging ligtas na pagtugon dito ay magmabagal at hayaang lumawak muli ang agwat. Ang biglang pagpepreno ay makaaaksidente, kaya maging alisto sa posibleng mga panganib. Ang pagkakaroon ng antilock braking system ay hindi naman nakapagpapahinto nang lubos. Ganito ang sabi ng instruktor sa pagmamaneho na si Paul Ripley: “Ang ligtas na bilis sa anumang kalagayan ay karaniwang mas mabagal kaysa natatanto ng karamihan ng mga nagmamaneho.”
Mga Siruhano, Mag-ingat sa Inyong Sinasabi
Natuklasan ng mga mananaliksik mula sa Erasmus University sa Netherlands na ang mga pasyenteng inooperahan ay “nakaririnig,” maging nasa ilalim ng general anesthesia. Pagkatapos ng operasyon, 240 pasyente ang pinagsalita ng unang pantig ng isang salita na binanggit sa panahon ng operasyon at hiniling na kumpletohin ito sa pamamagitan ng pagsasabi ng unang salita na sumaisip. Maging pagkatapos ng 24 na oras, karamihan sa mga pasyente ay nakaaalaala ng mga salita na binanggit kahit minsan lamang. Ipinakikita nito, ang sabi ng mga mananaliksik, na ang mga pasyenteng may pampamanhid ay maaaring “makarinig” sa panahon ng kanilang operasyon at maaaring maging sensitibo sa negatibo o nakaiinsultong mga sinasabi. Ganito ang hinuha ng Research Reports From the Netherlands, na inilabas ng Netherlands Organization for Scientific Research: “Kaya kailangang maging maingat ang mga manggagamot sa kanilang usapan sa panahon ng operasyon.”
“Mad Cow Disease”
◼ Ang biglang paglitaw ng “mad cow disease” sa Britanya ay nagtampok nang husto sa nagtagal na patotoo tungkol sa pag-aalaga ng hayop. Ang mga hayop ay ginawang kumakain ng karne mula sa pagiging kumakain ng halaman sa pamamagitan ng pagpapakain ng mga sangkap ng katawan ng ibang hayop. Ang tuyong dugo, dinurog na buto, at karneng kasinlaki ng butil, o pakain, na may kasamang giniling na bituka, gulugod, utak, at iba pang laman-loob, gaya ng lapay, lalaugan, at mga bato, ay karaniwang ginagamit sa pagsisikap na makatipid sa pinagkukunan, mapataas ang kita, at mapabilis ang paglaki ng hayop. Sa panahong ang karaniwang guya ay umabot ng anim na buwan, siya ay napakain na ng 12 kilong pagkain na mula sa tira-tirang bahagi ng katawan ng ibang mga hayop, sabi ni Dr. Harash Narang, isang dalubhasa na unang nagbigay babala sa sakit. “Nagulat ako,” aniya, na tinutukoy ang kaniyang pagdalaw sa matadero. “Talagang ginagamit natin nang paulit-ulit ang mga baka. Para sa akin ito’y kanibalismo.”
◼ Sa mabuting panig naman, natuklasan ng isang Britanong nagtatrabaho sa pagatasan ang isang paraan upang mapakinabangan ang mas matatanda nang baka na hindi na niya maipagbili sa halagang kikita siya dahil sa takot sa “mad cow disease.” Gaya ng iniulat ng Newsweek, ginagamit niya ang mga ito bilang mga paskil. Inilalagay niya ang anunsiyo sa kaniyang mga baka na nanginginain sa abalang haywey at kumikita siya ng halos $40 sa bawat baka sa isang linggo. “Kailangang maghanap tayo ng bagong mapagkakakitaan,” sabi ng nag-aalaga ng baka. “Waring ito’y isang mabuting paraan para sa mga baka upang ang mga ito’y kumita.”