Reserbadong Dako ng Kalikasan na Naging Libingan ng Paruparong Monarch
SA ISANG kagila-gilalas na pandarayuhang paglipad, ang mga paruparong monarch noong tag-araw na iyon sa Canada at gawing hilaga ng Estados Unidos ay nagbuka ng kanilang pakpak na kulay kahel at itim at nagpatangay mismo sa hangin na palabas ng Canada, bumagtas sa Estados Unidos, at nagtipon sa isang lugar sa kanluran ng Mexico City. Doon, noong 1986, gumawa ang pamahalaan ng Mexico ng limang reserbadong lugar ng kalikasan sa mga kabundukan na may taas na 3,400 metro na tigib ng punong fir. Ayon sa sensus noong 1994, hindi kukulanging 60 milyong monarch ang nagpalipas ng taglamig sa mga reserbadong lugar.
Higit na nagugustuhan ng mga monarch ang punong fir dahil sa ang mga puno ay nag-aanyong isang makapal na kulandong na nag-iingat sa mga paruparo sa malamig na ulan at niyebe. Ang pagputol ng kahoy ay ipinagbabawal sa limang reserbadong lugar na ito, subalit hindi niyan napatigil ang ipinagbabawal na pagpuputol ng kahoy. Ikinababahala ng mga siyentipikong sumusuri ng paruparo na ang “pagpuputol ng mga punong fir sa mga reserbadong lugar sa Mexico, sa kabila ng mga pagbabawal ng Pamahalaan, ay nagpapangyari sa mga monarch na higit na humina sa matitinding bagyo at lamig. . . . Ang pagkawala ng mga puno at ng mga kulandong nito ay malamang na higit na maghantad sa mga paruparo sa ulan at niyebe.” Sinisira ng pagputol ng punungkahoy ang nag-iingat na kulandong. Ganito ang sabi ni Lincoln Brower, isang soologo sa University of Florida sa Gainesville, hinggil sa kulandong na siyang nag-iingat sa mga monarch: “Mientras maraming kagubatan ang kinakalbo, magkakaroon ng mas maraming butas ang kulandong na siyang nag-iingat sa mga ito.”
“Nakamamatay sa mga paruparo ang masamang panahon at pagpuputol ng punungkahoy,” ang sabi ng The New York Times. Pagkatapos ay ganito ang iniulat nito tungkol sa pag-ulan ng niyebe noong gabi ng Disyembre 30, 1995: “Sinabi ng mga tanod sa kagubatan at mga biyologong mula sa Pamahalaan na nag-ikot sa lugar ng mga reserbadong dako na may mga bunton ng niyebe na makapal na kinalatan ng libu-libong nagyelong monarch, na may napakaraming nailibing na paruparo sa ilalim ng niyebe.”
Pinatutunayan ng larawan sa itaas ng pahinang ito ang kalunus-lunos na salaysay.
[Picture Credit Line sa pahina 31]
Jorge Nuñez/Sipa Press