Ang Palaisipang Platypus
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA AUSTRALIA
NANG unang makita ng mga siyentipiko ang platypus, hindi nila alam kung paano ito uuriin. Narito ang isang buháy na kabalintunaan, na tumitimbang ng isa o dalawang kilo na may nakalilitong mga katangian na nagpatumbalik sa ilang siyentipikong pangmalas nila. Inaanyayahan namin kayong makilala ang pambihirang maliit na Australianong ito—ang nakabibighani, mahiyain, at nakagigiliw na nilalang. Subalit, una muna’y balikan natin ang taóng 1799 at tingnan ang gulong nilikha nito nang ang kauna-unahang platypus ay pag-aralang mabuti ng mga siyentipiko sa Britanya.
“Hindi talaga siya makapaniwala [sa kaniyang nakita],” ang sabi ng isang ensayklopidiya may kinalaman kay Dr. Shaw, ang pangalawang tagapag-ingat sa seksiyon ng Natural History sa British Museum. Naghinala siyang “may nagkabit ng tuka ng pato sa katawan ng [hayop na may apat na paa]. Sinikap niyang [tanggalin] ang tuka, at hanggang sa ngayon ang bakat ng ngipin ng kaniyang gunting ay makikita pa rin sa orihinal na balat nito.”
Kahit na natuklasang ang balat ay tunay, nagulumihanan ang mga siyentipiko. Ang platypus—na ang pangalan ay nangangahulugang “lapat ang paa”—ay may sangkap sa pag-aanak na katulad na katulad sa ibon subalit mayroon ding mga glandula para sa gatas o suso. Ang waring pagkakasalungatang ito ay nagbangon ng katanungan: Ang di-kapani-paniwalang nilalang ba na ito ay nangingitlog, o hindi?
Pagkalipas ng mga taon ng pagtatalo, nasumpungang ang platypus ay nangingitlog nga. Subalit, wari bang ang bawat pagtuklas ay nagdaragdag lamang sa palaisipan. Paano mo uuriin ang isang nilalang na (1) nangingitlog subalit may mga suso; (2) may balahibo subalit may tuka ng pato; at (3) na may kalansay na may mga katangian ng cold-blooded na reptilya subalit warm-blooded din naman?
Sa kalaunan, sumang-ayon ang mga siyentipiko na ang platypus ay mamal na nasa uring Monotremata. Ang isang monotreme, tulad ng reptilya, ay may isang butas, o bukasan, na labasan ng mga itlog, semilya, dumi, at ihi. Ang tanging iba pang nabubuhay na monotreme ay ang echidna. Ang ibinigay na siyentipikong pangalan sa platypus ay Ornithorhynchus anatinus, na nangangahulugang “hayop na tulad ng pato na may tuka ng ibon.”
Dalawin Natin ang Platypus
Makapupunta tayo sa zoo, subalit pambihirang karanasan ang makakita ng malihim na platypus sa ilang—ang bagay na kakaunting Australiano lamang ang nakagawa. Ang aming pananaliksik ay nagsisimula sa silangang Australia, sa Blue Mountains sa gawing kanluran ng Sydney, bagaman makikita rin naman ito sa karamihan ng ilog na tabang, batis, at lawa sa dakong silangan ng Australia.
Dumating kami bago sumikat ang araw sa lumang tulay na kahoy na nasa tulad-kristal na ilog na nahahanayan ng punong eucalyptus. May pagtitiyaga at matahimik naming binantayan ang tubig kung may lilitaw na pinaka-balangkas ng likod nito. Hindi nagtagal at kami’y ginantimpalaan naman. Halos 50 metro pasalungat sa agos, isang hugis ang lumitaw, na patungo sa amin. Dapat ay hindi kami tuminag sa pagkakatayo.
Ang sunud-sunod na maliliit na alon mula sa tuka nito ay tumitiyak na ito’y isang platypus. Nagkakaroon ng nagpapahiwatig na maliliit na alon na ito habang nginunguya ng platypus ang pagkaing tinipon nito sa mga lalagyan sa pisngi nito habang ito’y naghahanap sa ilalim ng ilog. Bagaman nag-iiba-iba sa bawat panahon, ang pagkain nito ay binubuo pangunahin na ng mga bulati, uod ng insekto, at mga hipong tubig-tabang.
Nakagugulat ba sa iyo ang pagiging maliit ng platypus? Gayon nga para sa maraming tao. Iniisip nila ang platypus ay halos kasinlaki ng isang beaver o isang otter. Subalit gaya ng iyong nakikita, ito’y mas maliit pa nga kaysa sa pangkaraniwang pusa sa bahay. Ang haba ng lalaki ay mula sa 45 hanggang 60 centimetro at tumitimbang ng isa hanggang dalawa’t kalahating kilo. Ang mga babae ay medyo mas maliit.
Ito’y bumubunsod sa pamamagitan ng palitang pagkampay ng paa sa harap na tulad sa pato, ito’y tahimik na sisisid at mananatiling nasa ilalim ng tubig sa loob ng isa o dalawang minuto habang lumalangoy ito sa ilalim ng tulay. Ang mga paa nito sa likuran na medyo nakakatulad ng paa ng pato ay hindi ginagamit na pambunsod subalit nagsisilbing mga pang-ugit at kasabay na kumikilos ng buntot kapag ito’y lumalangoy. Iniaagpang din naman nito nang husto ang kaniyang katawan kapag ito’y humuhukay ng lungga.
Kapag nagambala, sisisid ang platypus na dinig na dinig ang pagsaboy ng tubig, at iyon ay nangangahulugan ng pamamaalam! Kaya nag-uusap lamang kami kapag ito’y nakalubog na. “Paano napaiinit ng gayong kaliit na nilalang ang sarili niya,” ang maibubulong mo, “lalo na sa nagyeyelong tubig kung taglamig?” May kahusayang nagagawa ito ng platypus, dahil sa dalawang pantulong: ang metabolismo na lumilikha ng enerhiya sa mabilis na antas, sa gayo’y napaiinit nito ang loob, at ang makapal na balahibo nito ang kumukulong sa init.
Ang Kahanga-hangang Tukang Iyon
Ang malambot, tulad gomang tuka ng platypus ay napakamasalimuot. Ang balahibo nito ay nababalutan ng mga receptor para sa pandamdam at elektrikal na gawain. Sa ilalim ng ilog ay marahang ipinapaling sa magkabi-kabila ng platypus ang tuka nito habang ito’y naghahanap, anupat natututop nito maging ang pinakabahagyang elektrisidad na nalikha ng pagliit ng kalamnan ng nasisila nito. Habang nakalubog ang platypus, ang tuka nito ang pinakapandama nito sa kapaligiran, yamang ang mga mata, tainga, at ilong nito ay saradung-sarado.
Mag-ingat sa mga Tahid na Iyon!
Kung ang ating munting kaibigan ay isang lalaki, ang mga binti nito sa likuran ay nasasangkapan ng dalawang bukung-bukong na may mga tahid na pinagdugtong ng mga duct sa dalawang glandula ng lason sa parte ng hita. Mariin nitong itinutusok ang dalawang tahid nito sa laman ng sumasalakay rito sa paraang tulad ng pagtusok ng mangangabayo ng espulon sa kabayo nito. Sandali lamang pagkatapos na unang mabigla rito, makararamdam ang biktima ng matinding kirot at pamamaga sa lugar ng natusok.
Gayunman, kapag ito’y nakakulong ang platypus ay maaari namang mapaamo na gaya ng isang tuta. Napakatagal nang nag-aalaga ng ganitong mga hayop ang Healesville Sanctuary, sa Victoria, at iniuulat na “nililibang [ng isang naunang inalagaan] ang mga bisita sa loob ng mga oras, na nagpapagulung-gulong upang kamutin ang kaniyang tiyan . . . Nagkukulumpon ang libu-libong bisita upang makita ang kakaibang munting hayop na ito.”
Ginawa ng aming pinanonood na platypus ang huling pagsisid nito sa araw na iyon nang papasikat na ang araw sa kabundukan sa gawing silangan namin. Sa buong magdamag ang kinain nito ay mahigit na sangkalima ng bigat ng kaniyang timbang. Habang ito’y paahon sa tubig, ang mga paa sa unahan niya na tulad sa pato ay umikom, anupat inilabas ang matitibay na kuko nito. Ito ngayo’y patungo na sa isa sa marami niyang lungga, na may katalinuhang hinukay sa gitna ng mga ugat ng puno upang maingatan laban sa pagguho at pagbagsak. Ang pinangingitlugan nitong lungga ay halos 8 metro ang haba, subalit ang ibang lungga ay maaaring nasa pagitan ng 1 metro at halos 30 metro ang haba at maaaring maraming sanga sa gilid. Naglalaan din ng proteksiyon ang mga lungga laban sa matinding temperatura, anupat ginagawang maginhawang lungga ang mga ito para sa mga babae upang magpalaki ng kanilang mga inakay.
Ang Panahon ng Pangingitlog
Kung tagsibol ang babae ay nagtutungo sa lungga na nasasapnan ng mga halaman sa isa sa kaniyang mas malalalim na lungga at nangingitlog doon ng isa hanggang tatlong (karaniwan nang dalawa) itlog na kasinlalaki ng hinlalaki. Nililimliman niya ang kaniyang mga itlog sa pamamagitan ng pagtatago ng mga ito sa kaniyang katawan at matabang buntot. Sa loob ng halos sampung araw, lalabas ang mga inakay mula sa tulad pergamino na balat ng itlog at sususo ng gatas na inilalaan ng dalawang suso ng ina. Ang babaing platypus, sa paano man, ang nag-iisang nagpapalaki sa kaniyang inakay; walang katibayan na ang mga mamal na ito ay may nagtatagal na pagsasama bilang mag-asawa.
Sa pagsapit ng Pebrero, pagkatapos ng tatlo-at-kalahating buwan ng biglang paglaki, handa na ngayon ang mga inakay sa tubig. Yamang kakaunting hayop lamang ang matutustusan ng dakong may tubig, hindi magtatagal ang mga inakay ay maghahanap ng dakong may tubig na di-gaanong siksikan, anupat tumatawid pa nga ito sa mga lugar na mapanganib dahil sa paghahanap.
Kung ito’y nakakulong ang mga platypus ay nabubuhay ng mahigit na 20 taon, subalit kapag nasa ilang ang karamihan ay hindi nabubuhay nang gayong kahaba. Ang tagtuyot at baha ang pumapatay sa mga ito gayundin naman kapag nasisila ng mga goanna (malalaking gumagalang pamilya ng bayawak), asong gubat, malaking ibong maninila, at, maging ng mga buwaya sa dulong hilaga ng Queensland. Gayunman, ang tao ang pinakapanganib sa mga platypus, hindi lamang sa sadyang pagpatay sa mga ito (ang mga platypus sa ngayon ay mahigpit na iniingatan), kundi sa walang-ingat na panghihimasok sa kanilang tirahan.
Kung ikaw ay madadalaw sa Australia, makikita mo mismo ang ating pambihirang munting haluang hayop na hugis pato ang tuka sa likas na tirahan nito, yamang hindi mo ito makikita sa ilang saanman sa daigdig. Sa pamamagitan ng platypus, makikita mo ang isa pang bahagi ng walang-takdang imahinasyon ng Maylikha—gayundin naman ang mapagpatawang katangian.
[Larawan sa pahina 17]
Ang platypus ay bumubunsod mismo sa pamamagitan ng malalapad na paa na tulad sa pato
[Credit Line]
Sa kagandahang-loob ng Taronga Zoo
[Larawan sa pahina 17]
Mas maliit kaysa karaniwang pusa sa bahay, ang platypus ay tumitimbang ng isa hanggang dalawa’t kalahating kilo
[Credit Line]
Sa kagandahang-loob ni Dr. Tom Grant
[Larawan sa pahina 17]
Ang napakasensitibong tuka nito ang humahanap ng masisila nito sa ilalim ng tubig. (Ang platypus na ito ay nasa Healesville Sanctuary)
[Credit Line]
Sa kagandahang-loob ng Healesville Sanctuary
[Picture Credit Line sa pahina 16]
Larawan: Sa kagandahang-loob ni Dr. Tom Grant