Naantig ang Kaniyang Puso
“Labintatlo kaming magkakapatid sa aming pamilya,” ang sulat ni Gloria Adame, “4 na lalaki at 9 na babae. Noon ay 1984. Pag-uwi ni Itay sa Mexico ay nalaman niya na samantalang nagtatrabaho siya sa Estados Unidos, ang aming pamilya ay nagsimulang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Hindi niya ito nagustuhan, at siya’y nagsimulang sumalansang sa amin. Waring sa paglipas ng mga araw, lalo siyang nagmatigas.
“Mahal na mahal namin ang aming itay, at ibig naming makinabang siya sa nagbibigay-buhay na kaalamang natatamo namin. Araw-araw, marubdob kaming nananalangin kay Jehova, anupat namamanhik sa kaniya na buksan ang daan upang makausap namin si Itay tungkol sa mga layunin ni Jehova. Dininig ni Jehova ang aming pakiusap dahil binigyan niya kami ng lakas ng loob na magtipon gabi-gabi sa sala, kung saan gabi-gabi ay nanonood si Itay sa telebisyon. Doon, si Inay at kaming mga babae ay nagtitipon upang basahin ang pang-araw-araw na teksto sa Bibliya.
“Si Inay ang nangangasiwa sa pagtalakay, at pagkatapos basahin ang komento, naghahali-halili kami sa pananalangin. Kapag nanalangin ang aming pinakabunsong kapatid na babae na si Marie, na limang taong gulang lamang, marubdob siyang nakikiusap: ‘Jehova, sana’y palambutin po ninyo ang puso ni Daddy para siya rin ay maging inyong Saksi.’ Waring hindi nakikinig si Itay, dahil nilalakasan niya ang tunog ng TV. Subalit paglipas ng panahon, sinimulan niyang hinaan ang tunog, hanggang isang gabi ay isinara niya ito.
“Nang gabing iyon, gaya ng aming nakaugalian, tinanong ni Inay kung sino ang nakatokang bumasa ng teksto. Laking gulat namin nang sabihin ni Itay: ‘Ako ang babasa.’ Nagtaka kami ngunit hindi kami umimik. Si Inay ay hindi tumanggi o nagtanong kundi ibinigay sa kaniya ang buklet na Pagsusuri sa Kasulatan Araw-Araw. Pagkatapos pangunahan ni Itay ang pagtalakay ng teksto sa Bibliya, nagtanong si Inay kung sino ang mananalangin. ‘Ako ang mananalangin,’ sabi ni Itay.
“Natigilan kami. Sa kalagitnaan ng panalangin, hindi na namin mapigil ang pag-iyak. Umiyak na rin si Itay, at hiniling niya kay Jehova na patawarin siya sa paglapastangan sa Kaniya. Humingi rin siya ng tawad kay Inay sa pagsalansang sa amin.
“Kaya noong 1986, hindi na sumalansang si Itay. Noong 1990, ay lumipat ang aming pamilya sa Texas sa Estados Unidos. Nang maglaon, inialay ni Itay ang kaniyang buhay kay Jehova at sinagisagan ito sa bautismo sa tubig, gaya ng ginawa naming pitong magkakapatid na babae. Noong Abril 1997, si Itay ay nahirang bilang isang Kristiyanong matanda. Hanggang ngayon, napakahalaga sa amin ang pagsasaalang-alang ng pang-araw-araw na teksto sa Bibliya bilang isang pamilya, at ang pananalangin kay Jehova ay isang saligan ng aming buhay pampamilya.”
[Larawan sa pahina 31]
1. Ang apat na anak na babae na nagpapayunir sa Mexico. Nasa harap si Marie
2. Sina Juanita at Isaac Adame, kasama ang ilan sa kanilang mga anak. Si Gloria ay nasa dulo sa kanan