Espirituwal na Pagkain Araw-araw—Mahalaga Para sa Kristiyanong Pamilya
1 “Ang tao ay hindi nabubuhay sa tinapay lamang, kundi sa bawat salita na nagmumula sa bibig ni Jehova.” (Mat. 4:4) Gaano katotoo ang mga salitang ito! Upang tulungan tayong palagiang kumain sa Salita ng Diyos, ang Samahan ay naglathala ng bukletang Pagsusuri sa mga Kasulatan Araw-araw. Bilang isang pamilyang Kristiyano, nagtatakda ba kayo ng panahon bawat araw upang isaalang-alang ang pang-araw-araw na teksto?
2 Ang mga Magulang ay Dapat Magpakita ng Huwaran: Dahil sa abalang kalagayan, napakadali na maisaisang tabi ang pagsasaalang-alang ng teksto, na iniisip na maaari namang gawin ito sa ibang panahon. Ngunit kung ang mga magulang ay gising sa espirituwal na pangangailangan ng pamilya, makakasumpong sila ng panahon na gawin ito bawat araw kapag ang pamilya ay samasama. (Mat. 5:3) Hindi lamang nila babasahin ang teksto sa kanilang mga anak kundi itatampok din ang mga pangunahing punto sa komento ng Ang Bantayan at tatalakayin kung anong pagkakapit ang maaaring gawin sa mga impormasyon at payo. Totoo, kailangan ang pagsisikap na gawing kaugalian ito, ngunit ang pakinabang ay sulit naman. (Ihambing ang Gawa 17:11, 12.) Kaya, mga magulang, pagsikapang mabuti na magpakita ng mainam na huwaran!
3 Humanap ng Kumbeniyenteng Panahon: Kailan ang pinakamainam na panahon para isaalang-alang ng buong pamilya ang teksto? Mayroong bentahang pasimulan ang araw sa pagsasaalang-alang ng teksto sa Bibliya. Sa Bethel at sa mga tahanang misyonero sa palibot ng daigdig, ang araw ay pinasisimulan sa pang-umagang pagsamba, kasali na rito ang pagtalakay sa pang-araw-araw na teksto. Natutulungan nito ang mga kapatid na umpisahan ang araw na yaon sa mabuting paraan, na binubulay sa araw-araw ang mga paalaala ni Jehova.—Awit 1:1, 2; Fil. 4:8.
4 Ang mga Kristiyanong pamilya ay makikinabang din mula sa pang-umagang pagtalakay sa Bibliya. Ang mga anak ay matutulungang humarap sa mga panganib sa kanilang espirituwalidad sa paaralan. Kung may mga pagkakataon na hindi posibleng maisaalang-alang ng pamilya ang teksto nang samasama, makagagawa ang mga magulang ng ibang kaayusan para hindi malibanan ang espirituwal na pagkain. Halimbawa, kung ang ama ay kailangang magtungo sa trabaho bago magising sa umaga ang mga anak, maaaring ang ina ang tumalakay ng teksto kasama ng mga anak. Ang ilang pamilya ay tumatalakay sa teksto sa gabi sa panahong samasama sila. Bawat pamilya ay makagagawa ng eskedyul na angkop sa kanilang mga kalagayan.
5 Ang pang-araw-araw na espirituwal na pagkain ay mahalaga sa Kristiyanong pamilya. Bigyan ng pangunahing dako ang pagsasaalang-alang ng teksto. (Fil. 1:10) Ang pagtalakay ng teksto bawat araw ay tutulong sa atin upang manghawakan sa matuwid na mga pamantayan at batas ni Jehova.