Lungsod ng Mexico—Isang Lumalaking Dambuhala?
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Mexico
“ANG lungsod ng Mexico ay isang dambuhala . . . na nakapagtatakang kumikilos pa rin,” sabi ng Mexicanong arkitekto na si Teodoro González de León. Tinatawag ito ng magasing National Geographic na “Isang Nakatatakot na Dambuhala.” Kay Carmen, na isinilang mga 30 taon na ang nakalipas, “ito ay isang nag-aapurang lungsod ng mapagpakumbabang mga tao na marunong maging maligaya at masiyahan sa mga simpleng bagay sa buhay—kasama na ang kanilang paboritong pagkaing Mexicano, gaya ng enchiladas, tamales, tortillas at mole.”
Ang Lungsod ng Mexico, na may populasyon na mga 15 milyon, ay kasalukuyang isa sa pinakamalalaking lungsod sa daigdig subalit dati ng isang umuunlad na metropolis sa loob ng mga dantaon.a Ito’y orihinal na itinatag noong mga 1325 bilang Tenochtitlán at naging kabisera ng Imperyong Aztec. Sinimulang itayo ng mga Aztec ang lungsod nang sila’y manirahan sa isang isla sa Lawa ng Texcoco. Sa paglipas ng panahon, tinambakan nila ng lupa ang lawa upang lumawak ang lungsod, subalit ito’y isang lungsod ng mga kanal at laging napalilibutan ng tubig. Nang dumating ang mga Kastila noong 1519, nagulat sila sa karingalan, kagandahan, at kaayusan ng lungsod ng mga 200,000 hanggang 300,000 maninirahan.
Lungsod ng Pagkakaiba
Ang Lungsod ng Mexico, gaya ng karamihan ng malalaking lungsod, ay may madilim na panig ng karalitaan at krimen, subalit sa maraming iba pang punto de vista, ito ay kaakit-akit. Ang kahanga-hangang paglaki nito ay umani ng bansag na “magulo”; subalit, kung ihahambing, sa gitna ng lungsod, naroon ang isa sa pinakamalalaking parke sa daigdig, ang Parke ng Chapultepec, na may sukat na 647.5 ektarya. Ito’y may kakahuyan, ilang lawa, mga restauran, at mga museo; at iba’t ibang kultural na mga pangyayari ang ginaganap doon. Ang taunang pagtatanghal ng “Swan Lake” ballet ni Tchaikovsky sa natural na tagpo sa mga baybayin ng isang lawa ay isang magandang tradisyon. Para sa hindi makaalis sa lungsod sa dulo ng sanlinggo, ang parke ang nagiging pasyalan nila para sa paglilibang at kaaliwan.
Bagaman hindi nakikipagkompitensiya sa New York o sa Chicago, ang Lungsod ng Mexico ay may mga rascacielos, o pagkatataas na mga gusali. Ang Latin American Tower, isang gusaling 44-na-palapag na natapos noong 1956, ay isang halimbawa ng isang disenyo na ginawa upang labanan ang mga lindol. Itinayo ito sa 361 tuwirang-suporta na mga pilote na nilayong ingatan ang gusali mula sa pagkilos ng lindol. Mula sa restauran nito, na nasa ika-40 at 41 palapag, hahangaan ng isa ang lungsod, lalo na sa gabi kapag ang maraming ilaw nito ay kukuti-kutitap sa dilim. Ang pinakamataas na gusali sa lungsod, ang World Trade Center ng Mexico, ay hindi pa tapos. Mayroon itong 54 na palapag at ito ang magiging tanggapan ng internasyonal na mga opisina para sa kalakalang pandaigdig gayundin ng iba pang pasilidad.
Ang Lungsod ng Mexico ay lumaki at lumawak nang gayon na lamang anupa’t ang Benito Juárez International Airport nito, na dati’y nasa labas ng lungsod, ay halos nasa gitna na nito. Isa ito sa pinakaabalang paliparan sa daigdig, nangangasiwa sa halos isang milyong tao sa bawat buwan.
Malaki ang pagkakaiba sa Lungsod ng Mexico. Ang pagkalaki-laki at maluluhong mansiyon, pantangi at mamahaling mga otel, kaakit-akit na mga condominium, at mga pamilihan ay kaakibat ng karalitaan ng madilim at malungkot na pook ng mga dukha. Gayunman, di-gaya ng maraming ibang malalaking lungsod sa daigdig, ang mga lansangan ay punô ng buhay sa gabi.
Mga Problema ng Malaking Lungsod
Ang Lungsod ng Mexico, gaya ng gumagapang na pugita, ay sumasaklaw na ngayon ng mahigit 1,000 kilometro kudrado at sakop ang tinatawag na Pederal na Distrito gayundin ang bahagi ng Estado ng Mexico. Maraming nayon at mga arabal, dating malaya, ang ngayo’y nasakop na ng mga galamay ng lungsod.
Natural, nakakaharap ng lungsod na gayon kalaki ang pagkalaki-laking mga problema. Ang pangunahing problema ay ang sobrang dami ng populasyon, pati na ang resultang mga problema ng polusyon, kakulangan ng tirahan, at grabeng mga kakulangan sa mahahalagang yaman para sa ikabubuhay, gayundin ang patuloy na pagdami ng krimen. Ang regular na mga kampaniyang pang-edukasyon ay ginamit na upang bawasan ang ipinanganganak na sanggol ng bansa, subalit ang malalaking pamilya ay isang pamana ng kultura sa Mexico at itinuturing na katibayan ng lakas ng lalaki at ng pagkapalaanakin ng babae. Isa pa, maraming tao mula sa lalawigan ang lumilipat sa lungsod, na naghahanap ng mas mabuting buhay. Bagaman pinilit ng lindol noong 1985 ang libu-libo na umalis sa lungsod, dumarami na naman ang populasyon. Ang mga tao ay lumilipat kung saan may trabaho at mas mabuting pag-asa ng ikabubuhay.
Nakakahinga ba ang “Dambuhala”?
Ang polusyon ng hangin sa Lungsod ng Mexico ay naging kritikal nitong nakalipas na sampung taon. Noong 1960’s, may sona sa lungsod na tinatawag na “ang pinakamalinaw na rehiyon.” Ngayon wala nang rehiyon sa Lungsod ng Mexico ang malinaw. Ang mga babala ay ipinahayag sa media. “Ang polusyon ng hangin sa libis ng Mexico ay umabot na sa mapanganib na antas,” sabi ng isang siyentipikong babasahin. Ang magasing Time ay nagsasabi: “Tatlong milyong kotse at 7,000 bus na diesel, marami sa mga ito ay luma na at may sira, ay nagbubuga ng dumi sa hangin. Gayundin ang humigit-kumulang 130,000 kalapit na mga pabrika na kumakatawan sa mahigit na 50% ng lahat ng industriya ng Mexico. Ang kabuuang kemikal na polusyon ng hangin sa araw-araw ay umaabot ng 11,000 tonelada. Ang basta paglanghap ay tinatayang katumbas ng paghitit ng dalawang kaha ng sigarilyo sa isang araw.”
Ang kalagayan ay lumalala. Sinipi ng pahayagang El Universal ng Oktubre 12, 1989, ang direktor ng Autonomous Institute of Ecological Investigation na nagsasabi: “Ang katumbasan ng polusyon sa Lungsod ng Mexico ay nakatatakot, yamang ang bawat tao sa sona ng kalunsuran ay tumatanggap ng katamtamang 580 gramo ng nakapipinsalang bagay araw-araw.” Taun-taon, mahigit na apat na milyong toneladang mga tagapagparumi ang ibinubuga sa lungsod.
Kamakailan, ilang emergency na mga hakbang ay kinuha upang labanan ang polusyon. Isang programa ang ginawa upang hadlangan sa isang araw ang ilang kotse sa pagmamaneho sa lungsod dahil, ayon sa report ng gobyerno, “ang mga sasakyan ay lumilikha ng 9,778.3 tonelada ng tagapagparumi sa araw-araw,” na 7,430 tonelada nito ay mula sa pribadong mga kotse. Ang mga tao ay inanyayahang bawasan ang kusang paggamit ng kanilang mga kotse sa pamamagitan ng pagsasama-sama sa isa lamang sasakyan kapag nagtutungo sa trabaho o sa ibang lugar, subalit ito’y hindi nagtagumpay. Ano ang ginawa ng gobyerno ng lungsod?
Ngayon, sa pamamagitan ng programang “isang araw na walang kotse,” lahat ng pribadong kotse ay ipinagbabawal isang araw sa isang linggo, depende sa huling bilang ng kanilang kard ng rehistro o ng kulay nito. Ito’y nangangahulugan na araw-araw 20 porsiyento ng tatlong milyong pribadong mga kotse sa lungsod ang hindi ginagamit. Ang programang ito ay orihinal na ikinapit lamang noong taglamig upang iwasan ang pagbaligtad ng temperatura, subalit ngayon sinisikap ng mga autoridad na ikapit ito nang permanente. Doon sa mga hindi sumusunod, may malalaking multa gayundin ng mahirap na pamamaraan upang muling makuha ang nasamsam na kotse. Ang mahigpit na mga hakbang na ito ay kumumbinse sa karamihan ng mga tsuper upang itaguyod ang programa.
Ang isa pang hakbang na isinasagawa ay ang pagbutihin ang kalidad ng gasolina, binabawasan ang dami ng tingga. At, kahilingan na ngayon na suriin ang inilalabas na polusyon ng lahat ng kotse sa pana-panahon. Isa pa, hinihiling ng bagong mga batas ang mga pagawaan na magkaroon ng mga sistema laban sa polusyon. Ang ilang pabrika ay isinara dahil sa hindi sila sumunod sa kahilingang ito. Ang mga hakbang na ito ay nakatulong upang mabawasan nang kaunti ang problema sa polusyon, subalit hindi pa ito nalulutas. Tulad sa iba pa sa daigdig, ang Mexico ay nangangailangan ng isang pansansinukob na lunas sa mga problema nito.
Hindi na magtatagal, sa ilalim ng pamamahala ng makalangit na gobyerno ng Diyos, may katalinuhang gagamitin ng sangkatauhan ang yaman nito, at lahat ng tao ay maaaring masiyahan, hindi sa siksikang mga lungsod, kundi sa maluwang na mga lugar na naroon na ang lahat ng kinakailangan para sa isang maligayang buhay. Samantala, wala nang mapagpipilian kundi ang pagtiisan ang napakaraming tao at mga kahirapan sa Lungsod ng Mexico, samantalang tinatamasa ng isa ang maraming mabubuting bagay na iniaalok nito—pati na ang mayamang pagkasarisari ng mapagpatuloy na mga Mexicano.—Apocalipsis 11:18; 21:1-4.
[Talababa]
a Ibinaba ng Pambansang Sensus ng 1990 ang dating mga tantiya sa populasyon.
[Mga larawan sa pahina 26]
Nagtataasang mga gusali at ang trapiko sa Lungsod ng Mexico