Mga Bihag ng Karalitaan
NOONG taóng 33 C.E., sinabi ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga alagad: “Laging kasama ninyo ang mga dukha.” (Mateo 26:11) Ano bang talaga ang ibig niyang sabihin? Ang ibig ba niyang sabihin ay hindi na mapagtatagumpayan ang karalitaan?
Si James Speth, administrador ng United Nations Development Programme, ay nagsabi: “Hindi natin matatanggap na palagi nating makakasama [ang karalitaan]. Taglay ng modernong daigdig ang kayamanan, ang pamamaraan at ang kakayahan upang ibasura ang karalitaan sa mga pahina ng kasaysayan.” Ngunit kaya nga ba ng modernong daigdig na pawiin ang karalitaan?
Maliwanag na umaasa ang United Nations General Assembly na kayang pawiin ng pagsisikap ng tao ang karalitaan, yamang ipinahayag nito ang mga taóng 1997 hanggang 2006 bilang ang unang “United Nations Decade for the Eradication of Poverty.” Nagpanukala ang UN na gumawang kaagapay ng mga pamahalaan, mamamayan, at mga institusyon upang mapaunlad ang ekonomiya, mapasulong ang pagkakaroon ng pangunahing mga serbisyo, mapasulong ang katayuan ng kababaihan, at makagawa ng mga pagkakakitaan at hanapbuhay.
Kaytaas na mga tunguhin! Ngunit matatamo pa kaya ng komunidad ng daigdig ang mga ito? Tingnan natin ang ilang sagabal na humahadlang sa pagsisikap ng tao na mapawi ang karalitaan.
Gutom at Malnutrisyon
Si Ayembe, na nakatira sa Zaire, ay may 15 miyembro ng pamilya na umaasa sa kaniya. Kung minsan ay nakakakain ang pamilya minsan sa isang araw—nilugaw na mais na tinimplahan ng dahon ng kamoteng-kahoy, asin, at asukal. Kung minsan naman ay wala silang makain sa loob ng dalawa o tatlong araw. “Hinihintay kong mag-iyakan muna sa gutom ang mga bata bago ako magluto,” sabi ni Ayembe.
Hindi lamang sila ang may ganitong kalagayan. Sa nagpapaunlad na mga bansa, 1 sa 5 tao ang natutulog nang gutom gabi-gabi. Sa buong daigdig, mga 800 milyon katao—200 milyon sa mga ito ay bata—ang kulang na kulang sa pagkain. Ang mga batang ito ay hindi lumalaki nang normal; madalas na sila’y nagkakasakit. Mababa ang nakukuha nilang marka sa paaralan. Pagsapit nila sa hustong gulang, dinaranas nila ang pinsalang dulot ng mga ito. Kaya nga, ang karalitaan ay karaniwan nang humahantong sa malnutrisyon, na nagiging dahilan naman ng karalitaan.
Gayon na lamang kalaganap ang karalitaan, gutom, at malnutrisyon anupat binibigo ng mga ito ang pampulitika, pang-ekonomiya, at panlipunang pagsisikap na mapawi ang mga ito. Oo, ang kalagayan ay hindi sumusulong kundi lalong sumasama.
Mahinang Pangangatawan
Ayon sa World Health Organization, ang karalitaan ang “pinakamalubhang sakit ng daigdig” at “pinakamalaganap na nag-iisang pangunahing dahilan ng kamatayan, sakit at pagdurusa.”
Binanggit ng aklat na An Urbanizing World: Global Report on Human Settlements, 1996 na di-kukulangin sa 600 milyon katao sa Latin Amerika, Asia, at Aprika ang nakatira sa mga barungbarong—walang sapat na tubig, sanitasyon, at kanal—anupat ang kanilang buhay at kalusugan ay patuluyang nanganganib. Sa buong daigdig ay mahigit na isang bilyon katao ang walang malinis na tubig. Daan-daang milyon ang di-kayang magkaroon ng timbang na pagkain. Ang mga bagay na ito ang nagpapahirap sa mga maralitang tao na makaiwas sa sakit.
Madalas na hindi kayang gamutin ng mahihirap na tao ang karamdaman. Kapag nagkasakit ang mahihirap, maaaring hindi nila kayang bumili ng tamang gamot o kaya’y magpadoktor. Mga bata pa’y namamatay na ang mahihirap; yaon namang nakaliligtas ay maaaring may malulubhang sakit.
Ganito ang sabi ni Zahida, isang tindero sa palengke sa Maldives: “Ang karalitaan ay nagdudulot ng mahinang pangangatawan, na humahadlang sa iyo upang makapagtrabaho.” Ang kawalan ng trabaho, mangyari pa, ay lalong nagpapatindi sa karalitaan. Ang resulta ay isang malupit at nakamamatay na siklo anupat nagpapalakasan ang karalitaan at karamdaman sa isa’t isa.
Kawalan ng Trabaho at Mababang Sahod
Ang isa pang dahilan ng karalitaan ay ang kawalan ng trabaho. Sa buong mundo, mga 120 milyon katao na may kakayahang magtrabaho ang hindi makakita ng trabaho. Samantala, mga 700 milyong iba pa ang nagtatrabaho nang mahahabang oras na may napakaliit na sahod anupat kulang pa sa kanilang pangunahing pangangailangan.
Si Rudeen ay isang tsuper ng cyclo sa Cambodia. Sabi niya: “Ang karalitaan para sa akin ay ang pagtatrabaho nang mahigit na 18 oras araw-araw, pero hindi pa rin sapat para mapakain ang aking sarili, ang aking asawa at dalawang anak.”
Pagkawasak ng Kapaligiran
Kakambal ng karalitaan ay ang pagkasira ng kapaligiran. Ganito ang sabi ni Elsa, isang mananaliksik sa Guyana, Timog Amerika: “Ang karalitaan ay ang pagwasak ng kalikasan: ang kagubatan, lupain, hayop, ilog at lawa.” Narito ang isa pang kalunus-lunos na siklo—ang karalitaan ay humahantong sa pagkawasak ng kapaligiran, na nagpapamalagi sa tumitinding karalitaan.
Ang paglinang sa mga bukirin hanggang sa ito’y matigang o gamitin sa ibang layunin ay malaon nang ginagawa. Gayundin ang pagkalbo sa gubat—pamumutol sa gubat para mangahoy o may maigatong o para pagtamnan. Dahil sa dumaraming tao sa lupa, ang kalagayan ay umabot na sa nakababahalang lawak.
Ayon sa International Fund for Agricultural Development, sa nakalipas na 30 taon, halos 20 porsiyento ng lupang pang-ibabaw sa mga bukirin ang nawala na, karaniwan nang dahil sa kakulangan kapuwa ng salapi at ng kinakailangang teknolohiya upang maisagawa ang pamamaraan ng konserbasyon. Noong panahon ding iyon, milyun-milyong akre ang nasayang bilang resulta ng maling pagkakagawa at pagmamantini ng mga sistema ng patubig. At milyun-milyong akre ng mga kagubatan ang pinuputol taun-taon upang hawanin ang lupa para sa mga tanim o para makapangahoy upang gawing tabla o panggatong.
Ang pagwasak na ito ay iniuugnay sa karalitaan sa dalawang paraan. Una, napipilitang pakialaman ng mahihirap ang kapaligiran dahil sa kanilang pangangailangan sa pagkain at panggatong. Paano ipakikipag-usap ng isa ang tungkol sa kaunlaran o kapakanan ng susunod na henerasyon sa mga nagugutom at mahihirap at napipilitang puminsala ng likas na yaman upang makaligtas sa ngayon? Ikalawa, karaniwan nang pinakikialaman ng mga nakaririwasa ang mga kayamanan sa kapaligiran na pag-aari ng mahihirap upang pagtubuan. Kaya nga ang pagwasak ng mayayaman at mahihirap sa likas na yaman ay nagpapatindi ng karalitaan.
Edukasyon
Si Alicia, isang social worker sa lunsod sa Pilipinas, ay nagsabi: “Ang pagiging maralita ay ang pagtataboy ng isang babae sa kaniyang mga anak upang mamalimos sa kalye sa halip na papasukin sa paaralan at kung hindi ay wala silang kakanin. Alam ng ina na inuulit lamang niya ang isang siklo na bumihag sa kaniya, ngunit wala na siyang magawa.”
Mga 500 milyong bata ang walang mapasukang paaralan. Isang bilyong adulto ang halos hindi makabasa’t makasulat. Kung walang edukasyon, mahirap makakuha ng isang disenteng trabaho. Kaya ang karalitaan ay humahantong sa kawalan ng edukasyon, na umaakay sa higit na karalitaan.
Pabahay
Kulang ang pabahay sa mahihirap na bansa, at maging sa ilang nakaririwasang bansa. Isang pag-uulat ang nagsabi na may panahon na halos isang kapat ng isang milyong residente sa New York City ang nanuluyan sa mga kanlungan para sa mga walang bahay noong nakalipas na limang taon. May mahihirap din sa Europa. Sa London ay may 400,000 nakarehistro na walang bahay. Sa Pransiya ay kalahating milyon ang walang bahay.
Sa kabuuan ng nagpapaunlad na mga bansa, ang kalagayan ay mas malubha. Ang mga tao’y humuhugos sa mga kabayanan at lunsod, dahil sa pangarap na pagkain, trabaho, at mas maalwang buhay. Sa ilang lunsod, mahigit sa 60 porsiyento ng populasyon ang naninirahan sa pook ng mga dukha o sa maruruming lugar. Kung gayon ay nagiging maralita ang mga lunsod dahil sa karalitaan ng mga lalawigan.
Populasyon
Ang nagpapatindi sa lahat ng problemang ito ay ang paglaki ng populasyon. Higit pa sa doble ang naging populasyon ng daigdig sa nakaraang 45 taon. Tinataya ng United Nations na ang bilang ay aabot hanggang 6.2 bilyon pagsapit ng taóng 2000 at hanggang 9.8 bilyon pagsapit ng 2050. Ang pinakamahihirap na lugar sa daigdig ang pinakamabilis lumaki ang populasyon. Sa halos 90 milyong sanggol na ipinanganak noong 1995, 85 milyon ang ipinanganak sa mga bansang halos walang kakayahang maglaan para sa kanila.
Naniniwala ka ba na biglang makikiisa ang sangkatauhan sa pagpawi ng karalitaan magpakailanman sa pamamagitan ng paglutas sa problema ng gutom, sakit, kawalan ng trabaho, pagkawasak ng kapaligiran, kakulangan sa edukasyon, di-maayos na pabahay, at digmaan? Marahil ay hindi.
Nangangahulugan ba iyan na wala nang pag-asa ang ating kalagayan? Hindi, sapagkat natatanaw na ang kalutasan at tiyak na ito’y darating. Ngunit hindi dahil sa pagsisikap ng tao. Paano kung gayon? At kumusta naman ang mga salita ni Jesus nang sabihin niya: “Laging kasama ninyo ang mga dukha”?
[Kahon sa pahina 7]
Ang Pinakamahirap sa Mahihirap
Noong 1971 nilikha ng United Nations ang pariralang “pinakahuli sa nagpapaunlad na mga bansa” upang ilarawan ang “pinakamahirap at pinakamahina sa ekonomiya sa nagpapaunlad na mga bansa.” Noon ay may 21 gayong mga bansa. Ngayon, 48 na ang mga ito, 33 sa Aprika.
[Larawan sa pahina 5]
Milyun-milyon ang nagtatrabaho nang mahahabang oras na may maliit na sahod
[Credit Line]
Godo-Foto
[Larawan sa pahina 6]
Ang luho at karalitaan ay magkasabay na umiiral
[Larawan sa pahina 7]
Milyun-milyon ang nakatira sa mahihinang klaseng tirahan