Pinahihirapan ng Phobia
“Kadalasang pinagtatawanan ang tungkol sa mga phobia. Ngunit hindi ito ‘nakakatawa.’”—Jerilyn Ross, direktor ng isang pagamutan para sa mga sakit sa pagkabalisa
ANG salitang “phobia” ay tumutukoy sa isang matindi at di-makatotohanang takot sa isang bagay, pangyayari, o damdamin. Ngunit ang katuturan lamang ay hindi makapaglalarawan sa kakilabutan at kalungkutan na palatandaan ng kalagayang ito. Ganito ang sabi ni Raeann Dumont, na gumugol na ng mahigit sa dalawang dekada sa paggamot sa mga phobia: “Maaaring iwasan ng mga taong may phobia ang napakaraming situwasyon anupat sila’y nagiging mistulang bilanggo sa bahay, o maaaring namumuhay sila taglay ang palagian at walang-humpay na pagkabalisa, o maaaring pinahuhupa nila ang kanilang kabalisahan sa pamamagitan ng alkohol, na maaaring magdulot ng karagdagang mga suliranin.”
Ang mga phobia ay inuuri na kabilang sa isang grupo ng mga karamdaman na tinatawag na mga sakit sa pagkabalisa.a Tinatayang 12 porsiyento ng populasyon ng mga nasa hustong gulang sa Estados Unidos ay daranas ng isang phobia sa isang panahon sa kanilang buhay. Marami sa mga ito ang maglilihim nito sa loob ng maraming taon. “Nakalulungkot,” ulat ng Anxiety Disorders Association of America, “mga tatlong-kapat ng mga taong may phobia ay hindi kailanman nagpapagamot. Maraming tao na may phobia ang atubiling humingi ng tulong dahil sa nahihiya sila. Hindi naman maunawaan ng iba kung ano ang sakit nila o kung saan makasusumpong ng tulong, at pinangangambahan ng ilan ang pagpapagamot mismo.”
May daan-daang kilalang phobia, ngunit karaniwang inuuri ito ng mga eksperto sa tatlong kategorya. Ang mga simpleng phobia ay nakapokus sa isang bagay o isang situwasyon, gaya ng mga kulisap, hayop, paglipad, at ang pagiging nasa kulóng na mga lugar. Ang agoraphobia ay karaniwang nararanasan may kaugnayan sa pagkataranta. Ang maysakit ay natatakot na sumpungin ng pagkataranta hanggang sa punto na iniiwasan na niya ang lahat ng lugar at mga situwasyon na doo’y dati siyang sinumpong. Ang mga social phobia naman ay kakikitaan ng pagkatakot na mapahiya sa harap ng mga tao, gaya ng pagsasalita sa harap ng mga tagapakinig.
Isaalang-alang ang isa lamang sa tatlong ito—ang social phobia. Sinabi ng The Washingtonian: “Pagsama-samahin man ang lahat ng simpleng phobia, gaya ng takot sa mga ahas o sa paglipad, at hindi man lamang makapapantay ang mga ito sa kahapisang idinudulot ng social phobia.” Talaga bang totoo ito? Kung gayon, bakit? Tingnan natin.
[Talababa]
a Kasali sa iba pang sakit sa pagkabalisa ang sakit sa pagkataranta, obsessive-compulsive disorder, posttraumatic stress disorder, at pangkalahatang sakit sa pagkabalisa. Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang Gumising! ng Pebrero 8, 1996, “Di-Masupil na Paggawi—Kontrolado ba Nito ang Iyong Buhay?” at Hunyo 8, 1996, “Pagharap sa mga Sumpong ng Pagkataranta.”