Kapag ang Lahat ng Mata ay Waring Nakatuon sa Iyo
“Parusa” ang salitang ginagamit ni Jerry para ilarawan ito. “Tuwing papasok ako sa klase,” sabi niya, “pagpapawisan na ako nang husto, para bang may pasak na bulak ang bibig ko, at sa palagay ko’y hindi ako makapagsasalita—kahit na nakasalalay rito ang aking buhay. Pagkatapos ay makadarama ako ng matinding init sa aking mga bisig at binti at mukha at mamumula ako—na para bang namumula ang aking buong katawan.”
SI Jerry ay dumaranas ng social phobia, isang kalagayan na kakikitaan ng matinding takot na mapagmasdan ng iba o mapahiya sa publiko. “Iniisip ng isang taong may social phobia na ang lahat ng mata ay nakatuon sa kaniya,” sabi ng isang buklet na inilathala ng Anxiety Disorders Association of America. “Ang pagkabalisa ay maaaring humantong sa mga tulad-sumpong ng pagkataranta kasali na ang mga sintoma gaya ng mabilis na pagtibok ng puso, pagkahilo, kinakapos ng paghinga, at sobrang pamamawis.”
Ang ilan ay nakahilig na maliitin ang mga kinatatakutan ng mga may social phobia, anupat sinasabing dapat nilang pilitin ang sarili na kalimutan ang kanilang pagkamahiyain at “lumabas upang makihalubilo sa mga tao.” Totoo, ang pagharap sa iyong takot ay bahagi ng pakikipagpunyagi sa social phobia. Gayunman, may malaking pagkakaiba sa pagitan ng pagkamahiyain at ng social phobia. “Di-tulad ng karaniwang pagkamahiyain,” sabi ni Jerilyn Ross, “gayon na lamang katindi ang social phobia anupat nakasasagabal ito sa mga gawain sa araw-araw, sa trabaho, sa paaralan, at sa halos lahat ng personal na mga ugnayan.”
Ipinahihiwatig ng mga pag-aaral na ang buhay ng milyun-milyon katao ay napinsala ng social phobia.a Tingnan ang ilang pagkatakot na iniuugnay sa nakapagpapahinang kalagayang ito.
Ang mga Kinatatakutan ng mga may Social Phobia
Pagpapahayag sa madla. Natatandaan ni Doug na siya’y sinaklot ng takot samantalang nagbibigay ng maikling talumpati sa isang grupo ng lokal na mga mamamayan. “Bigla na lamang akong pinagpawisan ng malamig,” sabi niya. “Kumakabog ang dibdib ko. Ako’y nanginginig, nangangatog. Para bang may bara ang aking lalamunan, anupat nahihirapan akong magsalita.” Totoo, halos lahat ay kinakabahan kapag nakaharap sa mga tagapakinig. Ngunit ang isa na may social phobia ay dumaranas ng pagkasindak na matindi at walang-tigil, at hindi ito nababawasan sa pamamagitan ng pag-eensayo. Sa katunayan, kahit ang pinakaordinaryong pagkakataong magsalita ay itinuring ni Doug na para bang isang banta sa kaniyang buhay.
Pagkain sa harap ng iba. Yamang naniniwala ang mga may social phobia na sila’y sinusuri, kahit ang pagkain lamang ay maaaring maging parang isang masamang panaginip. Nag-aalala sila na baka manginig ang kamay nila, na matapon ang kanilang pagkain o hindi maisubo iyon, o na sila pa nga’y magkasakit. Maaari pa man ding mangyari sa kanila ang mga pinangangambahang ito. Sinabi ng aklat na Dying of Embarrassment: “Habang lalo kang nag-aalala tungkol sa posibilidad na makagawa ng isang bagay na nakahihiya, lalo kang mababalisa. Habang lalo kang nababalisa, mas malamang na aktuwal kang manginig o kumilos nang asiwa. Maaaring tumindi ang suliraning ito hanggang sa punto na nagiging mahirap nang isubo ang pagkain o uminom ng inumin nang hindi nahuhulog o natatapon iyon.”
Pagsulat sa harap ng iba. Palibhasa’y nangangamba na manginginig ang kanilang kamay o makikitang hindi mabasa ang kanilang sulat-kamay, natataranta ang ilang may social phobia kapag pumipirma sila ng tseke o nagsusulat samantalang may nakatingin. Halimbawa, si Sam ay hiyang-hiya nang hilingin ng kaniyang amo na pumirma siya sa isang log book sa harap ng isang guwardiya bago magsimulang magtrabaho araw-araw. “Hindi ko magawa iyon,” sabi ni Sam. “Sobra ang panginginig ng kamay ko anupat kinailangan kong kontrolin iyon sa pamamagitan ng aking kabilang kamay upang makasulat ako sa linya at pagkatapos ay hindi mo naman mababasa ang aking naisulat.”
Paggamit ng telepono. Sinasabi ni Dr. John R. Marshall na marami sa kaniyang mga pasyente ang nagtapat na iniiwasan nilang gumamit ng telepono hangga’t maaari. “Nag-aalala sila na baka mali ang maisagot nila,” sabi niya. “Dahil nga sa hindi nila alam ang sasabihin, nangangamba naman ang iba na baka magbunga iyon ng nakahihiyang katahimikan at kapag natigil ang pag-uusap, dahil sa pagkabalisa ay magbago, manginig, o pumiyok ang kanilang boses. Takot na takot sila na baka sila’y mautal, mabulol, o sa ibang nakahihiyang paraan ay mahalatang nababalisa.”
Pakikisalamuha sa ibang tao. Kinatatakutan ng ilang may social phobia ang halos anumang situwasyon na doo’y makikihalubilo sila sa ibang tao. Kadalasan, lalo silang natatakot na matitigan. “Ang mga taong may matinding social phobia ay kadalasang nababalisa at hindi alam kung saan ibabaling ang kanilang paningin at kung paano tutugon kapag tinitingnan sila ng iba,” sabi ng The Harvard Mental Health Letter. “Iniiwasan nilang tumingin sa mata ng iba dahil nadarama nilang para bang hindi nila alam kung kailan titingin at mag-aalis ng tingin. Iniisip nila na mamasamain ng iba ang kanilang pagtitig.”
May iba pang pagkatakot na iniuugnay sa social phobia. Halimbawa, marami ang takot na takot gumamit ng pampublikong mga palikuran. Nangingilabot naman ang iba na mamili habang nakamasid ang isang tindera. “Masyado akong kinakabahan kaya kadalasan ay hindi ko na makita kung ano ang aking tinitingnan,” sabi ng isang babae. “Lagi kong inaasahan o iniisip na ang taong nasa kabila ng counter ay pipilitin akong magpasiya kung ano ang ibig ko at huwag nang sayangin pa ang kanilang oras.”
Paano Nila Sinisikap na Maharap Ito?
Yaong mga walang ganitong sakit ay nahihirapang maunawaan ang kirot na kaakibat sa social phobia. Inilarawan ng isang may sakit ang kaniyang karanasan bilang “ang pinakapangit na uri ng kahihiyan na maiisip ng isa kailanman!” Isa pa ang umamin: “Lagi kong iniisip ang pagpapatiwakal.”
Nakalulungkot, maraming may social phobia ang bumabaling sa alkohol sa pagsisikap na maibsan ang kanilang pagkabalisa.b Bagaman maaari itong magdulot ng pansamantalang ginhawa, sa katagalan, daragdagan lamang ng pag-aabuso sa alkohol ang mga suliranin ng may sakit. Sinabi ni Dr. John R. Marshall: “Ang ilan sa aking mga pasyente na hindi umiinom ay naglasing hanggang sa mawalan ng ulirat—sa pagtatangkang pakalmahin ang kanilang sarili bago o sa panahon ng isang okasyon, ngunit nadagdagan lamang ang mismong kahihiyan sa harap ng iba na labis nilang kinatatakutan.”
Marahil ang pinakapangkaraniwang pamamaraan sa pagharap ng mga may social phobia sa sakit na ito ay ang pag-iwas. Oo, marami ang basta umiiwas na lamang sa mga situwasyon na kinatatakutan nila. “Lagi kong iniiwasan ang maraming situwasyon hangga’t maaari, maging ang pakikipag-usap sa telepono,” sabi ni Lorraine na may social phobia. Subalit sa kalaunan, natutuklasan ng marami na may karamdamang ito na ang pag-iwas ay bumibilanggo lamang sa kanila sa halip na nangangalaga sa kanila. “Pagkaraan ng sandaling panahon,” sabi ni Lorraine, “nadaraig ako ng kalungkutan at pagkabagot.”
Ang pag-iwas ay maaaring maging “isang sariling-gawang silo,” babala ni Jerilyn Ross. “At ang bawat pag-iwas,” sabi pa niya, “ay nagpapangyaring maging mas madaling mahulog sa silong iyan sa susunod na pagkakataon—hanggang sa ang pag-iwas ay maging isang halos awtomatikong pagtugon.” Ang ilang may karamdaman ay palagiang tumatanggi sa mga paanyaya sa pagkain o tumatanggi sa mga pagkakataon sa trabaho na doo’y nasasangkot ang pakikisalamuha sa mga tao. Bunga nito, hindi nila kailanman natututuhang harapin ang kanilang mga pagkatakot at daigin ang mga ito. Gaya ng pagkasabi ni Dr. Richard Heimberg, “ang kanilang buhay ay lipos ng mga inaakalang pagtanggi na hindi naman nangyari at guniguning mga kabiguan sa trabaho na hindi nila sinubukan dahil iniwasan nila ang mga ito.”
Gayunman, may mabuting balita tungkol sa social phobia: Maaari itong gamutin. Mangyari pa, imposible—di-kanais-nais pa nga—na pawiin ang lahat ng uri ng kabalisahan. Subalit, yaong dumaranas ng social phobia ay maaaring matuto na supilin ang kanilang takot, at taglay ng Bibliya ang praktikal na payo na makatutulong.
[Mga talababa]
a Dapat tandaan na halos lahat ay may isang uri ng pagtakot sa mga tao. Halimbawa, maraming tao ang nababalisa sa posibilidad ng pagsasalita sa harap ng mga tagapakinig. Gayunman, ang pagsusuri ng social phobia ay karaniwang ikinakapit lamang sa mga taong gayon na lamang katindi ang pagkatakot anupat lubhang naaapektuhan nito ang normal na mga gawain.
b Ipinakikita ng mga pag-aaral na marami ang alkoholiko sa mga may social phobia at maraming may social phobia sa mga alkoholiko. Alin ang nauuna? Sinasabi na sangkatlo ng mga alkoholiko ay nagkaroon ng sakit sa pagkataranta o isang uri ng social phobia bago sila nagsimulang uminom.
[Mga larawan sa pahina 5]
Para sa isa na may social phobia, ang normal na pakikihalubilo ay nagiging parang isang masamang panaginip