Pagmamasid sa Daigdig
“Nauusong Kawalan ng Tiwala”
“Nahayag ang isang krisis sa gitna ng World Council of Churches,” sabi ng pahayagang Pranses na Le Monde. Ang konseho, na nagdiwang ng ika-50 anibersaryo nito noong Agosto, ay itinatag upang tulungang magkaisa ang mga denominasyong Kristiyano sa buong daigdig. Gayunman, nitong nakalipas na mga taon ay nagkaroon ng “nauusong kawalan ng tiwala” na “nagbabanta sa pagsali” ng mga relihiyong Ortodokso sa organisasyon. Isa sa mga reklamo na binanggit ng mga simbahang Ortodokso ay na ang ilang bansa sa Silangan ay naging “mga biktima ng pangungumberte” ng mga misyonerong Katoliko at Protestante. Ang isang simbahan, ang Simbahang Ortodokso sa Georgia, ay umalis na mula sa 330-miyembro na konseho. Kaya, ang “pag-alis ng mga Simbahang Ortodokso sa World Council sa Geneva ay hindi isang walang-katotohanang haka-haka,” sabi ng pahayagan.
Hindi Pa Huli Upang Huminto
Natuklasan ng isang pag-aaral na tumagal ng 40 taon na malaki ang nabawas na panganib na magkaroon ng kanser ang mga taong huminto sa paninigarilyo, kahit na sa gulang na 60, ang ulat ng Daily Telegraph ng Britanya. Ganito ang sabi ni Propesor Julian Peto, ng Cancer Research Institute sa Sutton, Inglatera: “Noong nakaraang taon lamang namin nakita ang ganap na kakilabutan ng kung ano ang nagagawa ng paninigarilyo, anupat pinapatay ang kalahati ng mga maninigarilyo sa halip na sangkapat na akala namin noon, kundi nakita rin kung gaano kalaki ang mga pakinabang ng paghinto sa [paninigarilyo], kahit sa katandaan.” Palaging binababalaan ang mga bata tungkol sa mga panganib ng paninigarilyo. Subalit, kailangan ding malaman ng nakatatandang mga tao na lubhang nababawasan ng paghinto sa pananabako ang kanilang panganib na magkaroon ng kanser sa bagà, ang sabi ni Peto.
Maaaring Magdulot ng Kaligayahan ang Pag-aasawa
Tinuligsa ng ilan ang pag-aasawa bilang mapaniil, at kadalasang inilalarawan ito na lubhang makaluma sa mga sitcom sa TV. Subalit ano ang ipinakikita ng mga katotohanan? Nakahihigit nga ba ang mga taong walang asawa? Hindi naman, ayon sa isang sosyologo na sinipi sa Philadelphia Inquirer. Sinabi niya na ang mga taong may-asawa ay “karaniwan nang mas maligaya, mas malusog at mas mayaman.” Bilang isang grupo, ang mga taong may-asawa ay hindi rin gaanong nakararanas ng kaigtingan, at mas maliit ang posibilidad na gumawa ng krimen o gumamit ng bawal na gamot, at mas malamang na huminto sa paghingi ng tulong sa gobyerno. Hindi kataka-taka, sinasabi ng mga dalubhasa na mas mahaba rin ang buhay ng mga taong may-asawa.
Kontaminadong Dugo?
Siyam na pang-araw-araw na pahayagan sa purok ng New York City ang nag-anunsiyo sa ilalim ng pamagat na “Sa Lahat ng Sinalinan ng Dugo Mula Enero 1991 Hanggang Disyembre 1996 sa Isang Ospital sa New York/New Jersey.” Bagaman ang tagapagtaguyod ng anunsiyo, ang New York Blood Center, ay nagsabi na ang layon ng anunsiyo ay upang tiyakin sa sinuman na sinalinan ng dugo noong unang mga taon ng dekada ng 1990 na ang suplay na dugo ay ligtas, maaari itong magkaroon ng masamang epekto. Bakit? Walang alinlangang isang sanhi ng pagkabahala ang babala ng anunsiyo: “Maaaring makaharap ng mga sinalinan ng ipinagkaloob na dugo noong panahong iyon ang potensiyal na panganib ng impeksiyon na dala ng pagsasalin ng dugo, gaya ng HIV at hepatitis.”
Madalas na Maling Nasusuri ang Kanser
“Maaaring mas mababa ang kalkula ng opisyal na mga estadistika sa kanser may kinalaman sa mga sanhi ng kamatayan,” ulat ng magasing New Scientist. Sinuri ni Dr. Elizabeth Burton, ng Medical Center of Louisiana sa New Orleans, ang mga rekord ng 1,105 pasyente na ang mga awtopsiya ay isinagawa sa pagitan ng 1986 at 1995, upang ihambing ang dami ng nasuri sa klinika na may kanser sa nasuri sa awtopsiya. Ayon kay Burton, sa 44 na porsiyento ng mga pasyente, hindi nasuri ang kanser o mali ang pagkakasuri sa uri ng kanser. Yamang 10 porsiyento lamang ng mga patay ang kasalukuyang naaawtopsiya—kung ihahambing sa halos 50 porsiyento noong mga taon ng 1960—“maraming pagkakamali ang maaaring hindi kailanman mapansin,” sabi ng magasin.
Walang-likat na Parasito
Ang taenia solium, isang parasito na nagdadala ng sakit na cysticercosis sa mga tao, ay isa pa ring problema sa ilang di-maunlad na mga bansa. Ang sakit ay karaniwang bunga ng pagkain ng nahawahang karne ng baboy na hindi gaanong naluto o kontaminadong pagkain na may itlog ng parasito. Ayon sa pahayagan ng Mexico City na Excélsior, “mahirap mahalata” ang parasito, kaya ito ay “maaaring lumaki sa katawan ng tao sa loob ng mga taon nang hindi namamalayan ito.” Maaaring kabilang sa mga sintomas ang lagnat, sakit ng ulo, atake, at mga problema sa paningin. Sinabi ng pahayagan na upang maalis ang parasito, ang mga mananaliksik sa National Autonomous University of Mexico ay gumagawa ng isang bakuna para sa mga baboy.
Nagbababalang mga Tanda ng Istrok
“Hindi makilala ng maraming tao ang kahit na isang sintomas ng istrok,” ulat ng FDA Consumer. Sinabi pa ng magasin: “Mahigit lamang sa kalahati niyaong mga tinanong ang nakapagsabi ng kahit na isang sintomas ng istrok, at 68 porsiyento lamang ang nakapagsabi ng isang salik sa panganib ng istrok.” Ito’y sa kabila ng bagay na ang istrok ang nangungunang dahilan ng kamatayan at pangunahing sanhi ng kapansanan sa industriyalisadong daigdig sa Kanluran. Upang mabawasan ang pinsalang dala ng istrok, mahalagang humanap ng kagyat na medikal na tulong sa unang nagbababalang tanda. Ang pinakakaraniwang sintomas ng istrok ay ang biglang panghihina, pamamanhid, o paralisis ng mukha, braso, o binti; biglang panlalabo ng paningin o pagkabulag, lalo na ng isang mata; nahihirapang magsalita o sa pag-unawa ng salita; at di-maipaliwanag na pagkahilo o kawalan ng panimbang, lalo na kapag isinama sa iba pang nagbababalang tanda.
Pagsunog sa mga “Chain Letter”
Mula noong 1992, isang taunang Budistang seremonya ng pagsunog ng sulat ang idinaraos sa lunsod ng Nagoya, Hapón, upang magtapon ng mga chain letter. Nagtalaga ang mga awtoridad sa koreo ng mga kahon para sa hindi kailangang mga sulat sa mga tanggapan ng koreo sa buong lunsod at hiniling sa isang templong Budista na magdaos ng isang seremonya upang sunugin ang mga ito. Ipinaliwanag ng Asahi Evening News na ang serbisyong ito ay inilaan “para sa mas mapamahiing tumatanggap ng mga chain letter na natatakot na waling-bahala o sirain ang mga sulat sa ganang sarili.” Bakit sila natatakot? Ang mga sulat ay hindi lamang nangangako ng mga pakinabang sa mga sumusunod sa mga tagubilin. Nagbabanta rin ito ng kasawian sa sinumang puputol sa kawing ng mga sulat. Halimbawa, isang sulat ang nagbabala na isang tao sa Tokyo na pumutol sa kawing ng sulat ay napaslang.
Mga Karapatan ng Elepante
Sa maraming bahagi ng India, mahalagang bahagi ng mga manggagawa ang mga elepante. Iniulat ng magasing The Week na sa hilagang estado ng India na Uttar Pradesh, ang mga elepante ay itinala sa mga peyrol ng gobyerno bilang tunay na mga empleado. Palibhasa’y nagsisimulang magtrabaho sa gulang na mga 10 taon, ang isang elepante ay maaaring maglingkod sa mga amo nito nang hanggang 50 taon. Sa pagreretiro, ang isang elepante ay tumatanggap ng pensiyon na katulad ng iba pang empleado ng gobyerno, at nag-aatas ng isang mahout, isang tagasanay at tagapag-alaga ng elepante, upang tiyakin na ang elepante ay tumatanggap ng wastong pangangalaga at pagkain. Kabilang sa mga benepisyo sa pagtatrabaho ng mga babaing elepante ang isang taóng bakasyon sa isang zoo pagkatapos manganak bago bumalik sa mahalagang trabaho ng paghila ng mga troso, pagkukulong at pagsasanay sa maiilap na elepante, at sa pagpatrolya sa mga pambansang parke at protektadong mga kagubatan.
Tungo sa Pagkakaroon ng Isang Pansansinukob na Wika?
“Sa isang bansa sa gitnang Asia kung saan bihirang salitain ang mga wikang Kanluranin,” sinabi ng isang otso-anyos sa kaniyang tatay na kailangan niyang mag-aral ng Ingles. Tinanong ng ama kung bakit. “Kasi, itay, ang computer ay nasa wikang Ingles.” Sabi ng Asiaweek na “inilalarawan [ng kuwentong ito] ang ipinalalagay ng marami bilang isang tusong epekto ng information superhighway . . . , na may potensiyal na pabilisin ang dati nang mabilis na hilig sa isang nangingibabaw na pangglobong wika—ang Ingles.” Ganito pa ang sabi ng magasin: “Ito’y hindi nagmumula sa anumang pagsisikap tungo sa pansansinukob na kapatiran. Praktikal lamang ito. Kung tayo’y magsasagawa ng elektronikong pakikipag-usap at komersiyo sa Internet, kailangan ang isang karaniwang paraan ng pakikipag-usap para sa madaling komunikasyon.” Bakit Ingles? Sapagkat “ang negosyo ng PC (Personal Computer) ay nagsimula sa Estados Unidos, gayundin ang Internet. Mga 80% ng laman ng Internet ngayon ay nasa wikang Ingles.” Ang paggamit ng ibang mga wika ay mabagal sa ilang kaso dahil sa problema na ibagay ang mga ito sa keyboard na nakabase sa Ingles. “May halagang pagbabayaran,” sabi ng Asiaweek. “Hinuhulaan ng mga dalubhasa sa wika na kalahati ng mga 6,000 wikang sinasalita sa ngayon ay hindi na magagamit sa pagtatapos ng susunod na siglo, posible sa loob ng susunod na 20 taon.”