Mula sa Aming mga Mambabasa
Pagkontrol sa Phobia Samantalang binabasa ko ang mga artikulo tungkol sa phobia (Hulyo 22, 1998), nakadama ako ng ginhawa. Sa wakas, may nakauunawa sa tunay na buhay na masamang panaginip na tiniis ng misis ko sa buong buhay niya. Di-mabilang na kahapisan ang dulot sa kaniya ng social phobia. Hindi ko kailanman lubusang naunawaan ang dinaranas niya. Ang matinding takot niya sa pagsasalita sa madla, paggamit ng telepono, pakikitungo sa iba, gayundin ang mga pagdidilim ng kaniyang paningin at mga atake ng nerbiyos—lahat ng mga sintomas na ito ay inilarawan sa inyong mga artikulo. Para bang nabuo ang isang malinaw na larawan mula sa mga piraso ng jigsaw puzzle. Binigyan ng masamang kahulugan ng maraming tao ang nerbiyos at matinding takot ng aking asawa bilang kagaspangan o antisosyal na paggawi. Sana ay mabasa ng mga taong ito ang napakahusay na mga artikulong ito.
M. C., Scotland
Ang aking anak na lalaki, na sampung taon lamang, ay nasuri na may agoraphobia maaga sa taóng ito. Napakahirap nito. Dalawang bagay ang talagang nagustuhan ko tungkol sa mga artikulo. Ang una ay ang bahagi na “Mga Taong ‘May Damdaming Tulad ng sa Atin.’” Ito ang talagang nakatulong sa aking anak na maunawaan na hindi siya nag-iisa. Ang ikalawa ay ang maalalahaning paraan ng pagkakasulat sa mga artikulo. Hindi ito humahatol o humahamak, kundi ang mga ito’y isinulat na may pag-ibig, kabaitan, karunungan, at saka higit na pag-ibig.
K. J., Australia
Inaakala kong ang mga artikulong ito’y napakahusay sapagkat nagtutuon ito ng pansin sa kung ano ang magagawa ng isang tao. Ipinaliwanag ninyo ang mahahalagang hakbang upang makontrol ang mga phobia. Nakatulong ito sa akin na madama na makakukuha ako ng tulong na kailangan ko at maaari akong sumulong.
J. I., Hapón
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nadama kong ako’y talagang naunawaan. Hindi ko mailarawan kung gaano kabuting malaman na nauunawaan ni Jehova ang paghihirap na dulot ng isang social phobia. Nakatulong din ang mga artikulo sa aking mga kaibigan na maunawaan nang mas malinaw ang nararanasan ko.
G. O., Alemanya
Namangha ako sa empatiya na ipinakita ninyo sa mga katulad ko na dumaranas ng social phobia. Ang mga artikulong ito ang kailangan ko. Anong laking pampatibay-loob ang ibinigay nito sa akin na malaman na ganito rin ang problema ng iba! Handa ko nang harapin at daigin ang phobia na ito.
S. D., Italya
Bakit Hindi Ako Makapagtuon ng Isip? Naiyak ako sa tuwa nang mabasa ko ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Bakit Hindi Ako Makapagtuon ng Isip?” (Hulyo 22, 1998) Ako po’y 18 anyos at naglilingkod sa buong-panahong ministeryo. Nababahala ako dahil sa hindi ako makapagtuon ng isip, at mahalaga ito upang matulungan ang mga tao sa larangan ng ministeryo. Humantong pa nga ito sa punto na ako’y nanlumo dahil sa hindi ko matandaan at masuri ang mga bagay-bagay. Gaya ng sinasabi ng Bibliya, totoo na si Jehova’y naglalaan ng pagkain sa tamang panahon.
A. R. C. R., Estados Unidos
Mga Mungkahi Para sa mga Manlalakbay Isang mungkahi na wala sa “Mga Mungkahi Para sa mga Manlalakbay,” sa artikulong “Dengue—Lagnat Mula sa Isang Kagat” (Hulyo 22, 1998), ang paggamit ng kulambo sa gabi, at mas mabuti ang isa na nilagyan ng pamatay-insekto.
I. H., Inglatera
Pinasasalamatan namin ang mga komento ng mambabasa. Lalo nang kapaki-pakinabang ang mungkahing ito para maiwasan ang malarya. (Tingnan ang “Gumising!” ng Hulyo 22, 1997, pahina 31.) Gayunman, ayon sa U.S. Centers for Disease Control, ang lamok na nagdadala ng dengue “ay nangangagat sa mga tao kung araw.” Kadalasang ito’y nangangagat “sa umaga mga ilang oras pagsikat ng araw at sa dakong hapon mga ilang oras bago dumilim.” Kaya, ang paggamit ng kulambo sa gabi ay maaaring hindi maging napakabisa sa paghadlang sa partikular na sakit na ito.—ED.