Kapag Hindi Dumarating ang Ulan
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA BRAZIL
NOONG nakaraang taon, sinalanta ng matinding tagtuyot ang malaking bahagi ng hilagang-silangang Brazil. Ayon sa magasing Veja, daan-daang libong nordestinos, gaya ng tawag sa mga naninirahan sa hilagang-silangang bahagi ng bansa, ang nabubuhay “sa awa ng ulan na hindi dumarating.” Sinira ng tagtuyot ang palay, butil, at pananim na mais, na naging dahilan ng malawakang taggutom—ang pinakamatindi sa nakalipas na 15 taon. Sa ilang dako, kahit ang suplay ng maiinom na tubig ay kulang.
Hindi na bago sa mga taga-Brazil ang tagtuyot. Noong 1877, sa pinakamatinding tagtuyot sa bansa, mga 500,000 sa kanila ang namatay sa gutom. Nang panahong iyon ang emperador ng Brazil, si Dom Pedro II, ay nangako na hahanap siya ng solusyon sa tagtuyot kahit na ipagbili pa niya ang lahat ng hiyas ng kaniyang korona upang magawa ito! Mahigit na 100 taon na ang nakalipas mula noon; gayunman, sa ngayon, naririyan pa rin ang problema. Noong tagtuyot ng nakalipas na taon, tinatayang maaapektuhan nito ang sindami ng sampung milyong tao na naninirahan sa 1,209 na mga lunsod sa hilagang-silangang Brazil.
Maibiging Tumugon ang mga Kapuwa Saksi
Nang dumating ang ulat hinggil sa tagtuyot sa tanggapang pansangay ng Samahang Watch Tower sa Brazil, kaagad silang kumilos. Ang mga naglalakbay na mga tagapangasiwa ay ipinadala sa mga lugar na lubhang naapektuhan sa mga estado ng Bahia, Ceará, Paraíba, Pernambuco, at Piauí upang alamin ang laki ng problema. Nasumpungan ng mga naglalakbay na tagapangasiwa na nasa malubhang pangangailangan ang 900 mga Saksi at mga pinagdarausan ng pag-aaral sa Bibliya na naninirahan sa lugar na iyon. Ang ilan sa kanila ay nabubuhay na lamang sa pagkain ng halamang-ugat; ang iba nama’y kanin na lamang ang kinakain. Isang pamilya ang walang makain at gatas lamang ang iniinom sa almusal, tanghalian, at hapunan. Kinailangang ipagbili ng isang Kristiyanong kapatid na babae na may kanser ang kaniyang kama upang makabili ng kaunting pagkain. Kinain na ng isang pamilyang may anim na miyembro ang sa palagay nila’y huling pagkain nila nang dumating ang tulong mula sa kanilang mga Kristiyanong kapatid.
Kaagad na inorganisa ang mga komite sa pagtulong upang maipamahagi ang mga pagkain at mga suplay. Ang mga Saksi mula sa Recife at ibang kalapit na lunsod ay bukas-palad na nag-abuloy sa mga nangangailangan. Ngunit nang higit pang tulong ang kinailangan, ang mga Kristiyano sa Rio de Janeiro ay tumulong din sa kanilang mga kapatid. Sa maikling panahon, ang mga Saksi ay nakapag-abuloy ng 34 na toneladang pagkain at nabayaran ang halaga ng paghahatid ng mga suplay na may layong 2,300 kilometro patungong Recife.
Sa mga kapital ng mga estado ng Piauí at Paraíba, anim na tonelada ng pagkain ang kaagad na nakolekta. Isang Kingdom Hall sa lunsod ng Fortaleza ang itinalaga upang maging pansamantalang imbakan ng mga donasyong pagkain. Ngunit may problema. Paano kaya maihahatid ng mga Saksi ang pagkain sa patutunguhan nito? Isang lalaking hindi Saksi ni Jehova ang buong-kabaitang nag-alok na ipagamit ang kaniyang trak. Gayunman, ang mga komboy na nagdadala ng pagkain at mga suplay ay hinaharang at ninanakawan. Makararating kaya ang mga donasyon sa patutunguhan nito? Ipinasiya ng mga Saksi na magbaka-sakali. Taglay ang buong pananampalataya kay Jehova, minaneho nila ang trak na punô ng pagkain patungo sa lugar. Ligtas na nakarating ang mga suplay at buong-pasasalamat na tinanggap ang mga ito.
Kaligayahan sa Pagbibigay at sa Pagtanggap ng Tulong
Ang mga Saksi na nakibahagi sa pag-oorganisa ng tulong ay tuwang-tuwa sa pagkakataon na makatulong sila sa kanilang mga kapatid. Isang matanda sa kongregasyon na naninirahan sa São Paulo ang nagsabi: “Noong nakaraang taggutom, hindi kami inanyayahan na mag-abuloy ng pagkain. Laking pasasalamat namin na sa pagkakataong ito ay inanyayahan kami!” Sumulat ang mga Saksi sa Fortaleza: “Masayang-masaya kami na kami’y nakatulong sa aming mga kapatid, lalung-lalo na dahil nakatitiyak kami na napagalak namin ang puso ni Jehova. Hindi namin kailanman nalilimutan ang mga salita sa Santiago 2:15, 16.” Ang mga talatang iyon ay nagsasabi: “Kung ang isang kapatid na lalaki o isang kapatid na babae ay nasa hubad na kalagayan at nagkukulang ng pagkaing sapat para sa araw, gayunman ay may isa sa inyo na nagsasabi sa kanila: ‘Humayo kayo sa kapayapaan, magpainit kayo at magpakabusog,’ ngunit hindi ninyo sila binibigyan ng mga pangangailangan para sa kanilang katawan, ano ngang pakinabang nito?”
Kung minsan ay nagdirikit ng mga nakapagpapatibay na mga mensahe ang mga Saksing nag-aabuloy ng mga suplay sa mga pakete ng pagkain. Sinabi ng isang mensahe: “Tandaan ang pangako na matatagpuan sa Awit 72:16 na di-magtatagal, sa bagong sanlibutan ng Diyos, mag-uumapaw ang pagkain.” Sabihin pa, gayon na lamang ang pasasalamat ng sinalanta-ng-taggutom na mga Saksi sa kabaitan ng kanilang mga kapatid. Isang Saksi na ang pamilya ay tumanggap ng lubhang-kinakailangang tulong ang may pagpapahalagang sumulat: “Minamalas ko at ng aking pamilya ang gawang ito bilang isang maliwanag na pagpapamalas ng pag-ibig ng ating maawaing Diyos at Ama, si Jehova, at ng maibiging pagmamalasakit ng kaniyang organisasyon para sa atin na mga miyembro nito. Lalo kaming napalapit sa kaniya at sa kaniyang bayan dahil dito.”
Isang Namamalaging Solusyon
Nakapagtataka, hindi nagkulang ang tubig sa hilagang-silangang Brazil; maraming malinis na tubig sa ilalim ng lupa, at napakaraming tubig sa mga tipunan nito. Kung magagamit lamang ng lahat ang mga pinagmumulan ng tubig na ito, ang lupain ay magbubunga nang sagana.
Balang araw, ang suliraning labis na bumagabag kay Emperador Dom Pedro II ay malulutas na magpakailanman. Ang araw na iyon ay darating kapag nilutas na ng Kaharian ng Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo ang lahat ng suliranin sa lupa, kabilang na ang taggutom. Pagkatapos ay masasaksihan ng lupang sinalanta ng tagtuyot ang katuparan ng hula ni Isaias: “Sa iláng ay bubukal ang tubig, at ang mga ilog sa disyertong kapatagan. At ang lupang tigang sa init ay magiging gaya ng matambong lawa, at ang lupang uhaw ay magiging gaya ng mga bukal ng tubig.”—Isaias 35:1, 2, 6, 7.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 15]
“Gumawa ng Mabuti sa Lahat”
Pinayuhan ni apostol Pablo ang mga kapuwa mananampalataya: “Gumawa tayo ng mabuti sa lahat, subalit lalo na doon sa mga kaugnay sa atin sa pananampalataya.” (Galacia 6:10) Ang kamakailang tagtuyot sa Brazil ay nagbigay ng pagkakataon sa mga Saksi ni Jehova doon na ikapit ang payong ito sa praktikal na paraan. Ipinakita nila ang maibiging pagkabahala hindi lamang sa kanilang kapuwa mananampalataya kundi gayundin sa iba. Bunga nito, ang ilang indibiduwal na dating salansang sa gawain ng mga Saksi ni Jehova ay muling nagsuri ng kanilang opinyon hinggil sa kanila.
Isang lalaki ang dati’y hindi natutuwa nang magpasiya ang kaniyang asawa na makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Nang maglaon, nagsimulang ibahagi ng asawang babae sa iba ang kaniyang bagong mga paniniwala. Nang sa karurukan ng taggutom ay dumating ang mga lokal na mga Saksi sa tahanan ng mag-asawa na may dalang pagkain, hangang-hanga ang lalaki anupat nagpasiya siyang gawin ang isang bagay na kaniyang isinumpang hindi gagawin kailanman—ang dumalo sa pagpupulong sa lokal na Kingdom Hall. Bagaman pinag-aalinlanganan pa rin niya ang pagiging kinasihan ng Bibliya, ang dating salansang na lalaking ito ay tumanggap ng isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya.
Sa isa pang pook, ang mga Saksi ay nag-ulat: “Kami ay nagulat sa mabilis na pagdating ng mga suplay. Ang dami ng pagkain na inilaan ay mas marami kaysa sa inaasahan namin. Kaya pagkatapos na asikasuhin ang pangangailangan ng ating mga kapatid at ng kanilang mga pamilya, nagbigay kami ng pagkain sa mga pinagdarausan ng pag-aaral sa Bibliya, sa kanilang mga kamag-anak, at gayundin sa mga kapitbahay ng mga Saksi ni Jehova.”
Ang mga Saksi na naninirahan sa isang nayon ay namigay ng mga binalot na pagkain sa ilang kapitbahay nila. Isang nagpapasalamat na maybahay ang nagsabi: “Ginagawa ninyo ang mga itinuro ni Kristo; kayo ay nagbibigay nang walang inaasahang kapalit.”
[Larawan sa pahina 14]
Ang mga epekto ng tagtuyot
[Picture Credit Line sa pahina 13]
UN/DPI Photo by Evan Schneider