Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g99 9/22 p. 16-18
  • Malilinamnam na Atleta sa Kalaliman

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Malilinamnam na Atleta sa Kalaliman
  • Gumising!—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Dinisenyo para sa Sprint at sa Marathon
  • Mga Atletang Lubhang Nanganganib
  • Ang Pagmamarka ba at Pag-aalaga ang Makapagliligtas sa Tuna?
  • Pasyalan ang Pinakamalaking Pamilihan ng Isda sa Buong Daigdig
    Gumising!—2004
  • Isda
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Akwa-Kultura—Mga Isda na “Pang-ulam”
    Gumising!—1995
  • Kapag Nagkasakit Dahil sa Isda
    Gumising!—2006
Iba Pa
Gumising!—1999
g99 9/22 p. 16-18

Malilinamnam na Atleta sa Kalaliman

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA AUSTRALIA

KUNG paanong ang mga dumagat (falcon) ay sa langit, ang magagaling na isdang ito ang sa dagat. Matutulin at makikinang, binabagtas ng mga ito ang kalaliman tulad ng makikintab na tunod. Walang katapusan silang kumikilos, laging gumagala. Oo, ang kanilang siyentipikong pangalan, Thunnus thynnus, ay mula sa isang salitang nangangahulugang “magmadali.” Kabilang sa isang mataas na uri ng mga isda, kalahi nila ang mga marlin, spearfish, at swordfish. Oo, ang mga atletang pandagat na ito, kung hindi mo pa nahuhulaan, ay ang pamilya ng mga tuna, na binubuo ng 13 klase.

Sa pamilyang ito ng mga atletang pandagat, namumukod-tangi ang mga bluefin. Ang southern bluefin, na matatagpuan sa timog ng ekwador, ay lumalaki sa di-kukulanging 200 centimetro at tumitimbang ng hanggang 200 kilo. Gayunman, ang pinakamabigat sa uring ito ay ang mga higanteng northern bluefin, na gaya ng ipinahihiwatig ng kanilang pangalan, ay matatagpuan sa Hilagang Hemispero. May habang 270 centimetro o higit pa (bihira na sa ngayon dahil sa walang-patumanggang pangingisda), sila’y maaaring umabot sa bigat na mahigit sa 700 kilo​—kung saan 75 porsiyento ay siksik na kalamnan. Ngunit di-nakapagpapabagal sa mga bluefin ang kanilang laki. Sa katunayan, ang mga dambuhalang ito ang pinakamatutulin sa pangkat, na nakaaabot sa tulin na mga 70 hanggang 80 kilometro bawat oras sa madaliang mga bugso.

Dinisenyo para sa Sprint at sa Marathon

Paano nakalalangoy ng gayon na lamang kabilis ang mga bluefin? Ang magasing National Geographic ay nagpapaliwanag: “Kalamnan ang tatlong ikaapat na bahagi ng katawan, na may napakahusay na disenyo sa pagtakbo sa tubig, may malakas na puso, may kakayahang huminga na tulad ng bentilasyon ng isang ramjet engine, may pang-kontrol ng temperatura ng katawan, at may taglay na iba pang pantanging kakayahan upang makibagay, ang bluefin ay dinisenyo para maging matulin.” Sa katunayan, ang malakas na puso ng bluefin ay ilang ulit na mas malaki kaysa sa puso ng ibang isda at mas katulad ng puso ng isang mamal kaysa ng isang isda. Karagdagan pa, di-tulad ng puso ng isang isdang walang pang-kontrol ng temperatura ng katawan, ang puso nito ay nagbobomba ng dugo na may katamtamang init sa kamangha-mangha nitong sistema ng daluyan ng dugo. Ang 10-digri-Celsius na pagtaas ng temperatura ng dugo ay nagpapalakas ng tatlong ulit sa mga kalamnan ng bluefin, kung kaya’t ito’y nagiging isang kinatatakutang maninila habang ito’y nagpapakabusog sa mga isda, pusit, at krill.

Kapag nakakita ang bluefin ng isang katakam-takam na sisilain​—halimbawa, isang mackerel​—agad siyang pinabibilis ng kaniyang hugis-karit na buntot para umatake. Ang mga palikpik sa dibdib at tiyan ay umuurong sa pantanging mga butas sa matigas na katawan ng isda upang maiwasan ang pagbagal. Mabilis man ang mackerel, malabo itong makatakas, dahil sa napakatalas ng paningin at pandinig ng bluefin, at may mga kemikal itong pandamdam sa tubig. Habang naghahanda na ang bluefin na sumugod, walang isang segundo ay muling bumubuka ang mga palikpik nito sa kritikal na panahon upang biglang magbago ng direksiyon. Pagkatapos, sa isang kisap-mata, bumubukas ang takip ng hasang at bibig nito at wala na ang mackerel​—nakain na at nalunok.

Dahil sa kanilang malakas na puso, may-katamtamang-init na dugo, at pagkalálakíng hasang, mga sampung ulit na mas madaling makabawi ang tuna sa gayong mga madaliang paglangoy kaysa sa anupamang ibang isda. Subalit kahit na sila’y nagpapahinga​—maging habang sila’y natutulog–patuloy silang lumalangoy, sapagkat mas mabigat sila kaysa sa tubig, at wala silang mga bomba sa hasang tulad sa ibang isda na nagpapaging posible sa lubusang pagpapahinga. Kaya tulad ng mga pating, ang mga tuna ay lumalangoy na medyo nakabuka ang bibig. Maaaring mapasulat sa lapida ng tuna ang ganitong simpleng mga salita: “Mula sa pagkapanganak hanggang sa pagkamatay isang marathon, paminsan-minsan ay mga sprint.”

Ang pinakamagagandang miyembro sa pamilya ng tuna ay ang mga higanteng yellowfin tuna. Ang mga yellowfin ay lumalaki hanggang sa mga dalawang metro at napapalamutian ng isang guhit na dilaw, mumunting mga palikpik na dilaw, at mga palikpik na may katangi-tanging haba at nakalihis nang patalikod. Samantalang binabagtas nila ang alon, kumikinang ang napakaringal na mga isdang ito tulad ng nag-aapoy na mga tunod, lalo na kung gabi. Sa katunayan, tinatawag sila ng mga taga-Hawaii na ahi, na nangangahulugang “apoy.”

Mga Atletang Lubhang Nanganganib

Ang tuna rin ay kaakit-akit sa hapag-kainan dahil sa napakapula at malangis na laman nito. Ang bluefin ay isa sa paborito at pinakamahal na mga pagkain sa pamilihang Hapon dahil sa masasarap na putahe ng Hapon na ginagamitan nito, tulad ng sashimi at sushi. Ang mga kumakain sa sushi bar ay nagbabayad ng malaki para lamang sa maliliit na order ng tuna. Kung maririnig mo lamang ang mga mamimiling nagtatawaran sa isang subasta para lamang sa isang bluefin, hindi kataka-taka kung iisipin mong parang nagtatawaran sila sa isang bagong kotse. Ang mga presyong $11,000 o higit pa ay pangkaraniwan. Sa katunayan, isang 324-kilong bluefin ay naipagbili sa halagang $67,500! “Kasinlaki ng Porsche, kasimbilis ng Porsche, at kasinghalaga ng Porsche,” ang sabi ng isang nagtataguyod ng pangangalaga ng kalikasan.

Dahil sa pangangailangan para sa tuna, ang mga suplay ng isda ay mabilis na nawawala. “Walang patumangga [silang] hinuhuli, inuubos, [at] sinasayang para lamang sa pera, na para bang wala nang bukas,” ang sabi ng aklat na Saltwater Gamefishing. Ang modernong industriyal na mga barko na may makabagong teknolohiya, pati na mga kagamitang panghimpapawid para sa pagmamasid, ay nakahuhuli ng marami. Halimbawa, kapag ang isang barko na tinatawag na purse seiner ay nakakita ng isang grupo ng mga tuna, nagbababa ito ng isang maliit na bangkang de-motor na humihila sa isang talukbong ng net, o isang purse seine kung tawagin, sa paligid ng mga isda, sa gayo’y hinahadlangan ang kanilang pagtakas. Sa kabilang dako, ang mga long liner ay kilalang humihila ng isang bingwit na hanggang sa 130 kilometro ang haba. Karugtong sa pangunahing bingwit na ito ang mga 2,200 mas maiikling bingwit, bawat isa’y puno ng kawit na may pain. Ito’y kagimbal-gimbal para sa mga tuna! Gayon na lamang kahalaga ang malalaking bluefin anupat “maaaring gumugol ng maraming linggo [ang mga bangka at paniktik na mga eroplano] sa paghahanap ng iilan lamang isda,” ang sabi ng World Wildlife Fund.

May ilang bansa na nagtakda ng limitasyon sa mga huli na ipinahihintulot sa kanilang sariling mga tubig, subalit paano mo susubaybayan ang paghuli ng isda na gumagala-gala sa dagat katulad ng tuna? (Isang northern bluefin ang minarkahan at pinakawalan malapit sa Hapon, at nang maglao’y muling nahuli sa may Mexico​—halos 11,000 kilometro ang layo!) Sa ngayon, ang sagot ay hindi maaari. Ang mga organisasyong napapasailalim ng Nagkakaisang mga Bansa ay nagtatangkang magtakda ng dami ng huli na hindi makapipinsala sa kalikasan subalit makababangga nila ang mga may maiitim na motibo. Sa katunayan, nang ang ilang mga bansa ay nagsikap na subaybayan ang mga huli, nagkaroon ng mararahas na mga engkuwentro.

Maaaring pagtakhan mo kung bakit isinasapanganib ng mga mangingisda ang ani ng dagat, at maging ang kanilang pagkakakitaan sa hinaharap, sa pamamagitan ng pag-aabuso sa suplay ng dagat. Ganito ang sabi ng National Geographic: “Sa harap ng krisis [sa isdang mahuhuli] hindi maaaring piliin ng mga tradisyunal ni ng mga industriyal na mangingisda ang kusang-loob na pag-iingat ng kalikasan dahil walang kita roon. Pinangyayari lamang nitong mapunta ang mga isda sa isa na mas masama. Sa halip, ang lahat ay mas masikap na nanghuhuli.”

Ang Pagmamarka ba at Pag-aalaga ang Makapagliligtas sa Tuna?

Maraming pagsasaliksik na ang nagawa hinggil sa southern bluefin. Bahagi sa pagsasaliksik na ito ang paggamit ng makabagong-teknolohiya na elektronikong mga marka na nagsisiwalat ng mahalagang impormasyon hinggil sa kaugalian at kalusugan ng mga grupo ng tuna. Ang impormasyong ito ay tutulong sa pagsasaayos ng takdang dami ng isdang maaaring hulihin.

Samantala, ang pag-aalaga ng mga isda (fish farming), kasama na rito ang pag-aalaga ng mga tuna, ay unti-unting nagiging popular sa ilang bansa. Kung pagkapalaanakin ang pag-uusapan, malaki ang pakinabang ng mga tagapag-alaga ng isda sa babaing bluefin​—ang mga ito’y nangingitlog ng hanggang 15 milyon sa isa lamang panahon ng pangingitlog! Kung ito’y magiging matagumpay, maaaring maibsan ng pangangalaga ng isda ang panganib sa mga isdang malaya na nasa dagat. Tunay na kalunus-lunos na makita ang pagkalipol ng gayong mariringal na mga atletang pandagat tulad ng tuna at lalo na ng mga pinakasikat sa pamilya, ang mga bluefin​—mga isdang kalugud-lugod hindi lamang sa paningin kundi maging sa panlasa.

[Larawan sa pahina 16, 17]

Yellowfin tuna

[Credit Line]

Innerspace Visions

[Larawan sa pahina 18]

Bluefin tuna

[Credit Line]

Innerspace Visions

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share