Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g99 11/8 p. 15-18
  • Pagdalaw sa Isang Kakaibang Hardin

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagdalaw sa Isang Kakaibang Hardin
  • Gumising!—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Aking Unang Hardin
  • Ang Aking Unang Palma
  • Ilan sa Magaganda sa Aking Hardin
  • Nagbibigay ng Patotoo ang Aking Hardin
  • Puno ng Palma
    Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
  • Palma, Puno ng
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Ang Maraming-Gamit na Oil Palm
    Gumising!—1992
  • Ang Oil Palm—Isang Punungkahoy na Maraming Gamit
    Gumising!—1999
Iba Pa
Gumising!—1999
g99 11/8 p. 15-18

Pagdalaw sa Isang Kakaibang Hardin

GUSTUNG-GUSTO ng aking ina ang mga rosas. Nagtatanim siya ng mga ito. Noong ako’y bata pa, kasama niya akong gumugugol ng maraming oras sa hardin, nag-aalis ng mga damo, nagtatabas, nagpuputol, at nag-aalaga ng mga halaman. Ipinakita niya sa akin na ang paghahardin ay nakawiwili. Siya ang nagpasimula sa hilig ko sa paghahalaman na tinaglay ko sa buong buhay ko.

Natigil ang paghahardin ko nang umalis ako ng bahay upang magkolehiyo sa University of California sa Berkeley. Habang nag-aaral upang maging isang inhinyero, napahalagahan ko ang magagandang hardin sa kampus ng kolehiyo. Nagngangalit noon ang digmaan sa Vietnam, at isang malaking pagbabago ang nakataan sa aking malapit na hinaharap.

Nagpasiya akong sumali sa peace corps at ipinadala ako sa University of Washington para sa pagsasanay. Ang kampus doon ay parang isang paraiso. Saanman ako tumingin, may mga lawa, hardin, damuhan, at mga bundok na nababalutan ng niyebe. Pagkatapos, noong 1964, umalis ako patungong La Paz, Bolivia, upang magtrabaho bilang guro sa University of San Andres. Anong laking pagkakaiba! Mula sa isang lugar na kapantay ng dagat, ako ay nagtungo sa isang dako na 3,500 metro ang taas sa pantay-dagat. Kakaunti ang tumutubo roon, at naging isang alaala na lamang ang paghahardin.

Pagkatapos ng dalawang taon sa Bolivia, nakapagturo ako sa Hawaii, sa Wahiawa Intermediate School. Ako ay nanirahan sa isang maliit na bahay sa mismong tabing-dagat sa Sunset Point, at talagang nagustuhan ko ang mga palma at iba pang halamang tropiko. Pakiramdam ko’y nasa isang paraiso ako. Pagkatapos ay sumagi sa isipan ko na balang araw, dapat akong gumawa ng isang hardin na nakasentro sa mga palma.

Ako ay bumalik sa San Diego, at ginugol ko ang sumunod na 18 buwan na nakikisakay mula California patungong Tierra del Fuego, Argentina. Sa panahong ito ay sinimulan kong basahin ang Bibliya. Habang naglalakbay ako, gumugol ako ng mahabang panahon sa mga gubat, mga hardin, at mga parke at nagbubulay-bulay sa mga nababasa ko sa Bibliya. Sa wakas, bumalik ako sa San Diego noong 1972 at sinimulan ang isang mahaba at nakasisiyang karera sa pagtuturo ng matematika sa Coronado, California. Ang aking balak na isang hardin ng mga halamang tropiko sa aking sariling bakuran ay nagsimulang mabuo.

Ang Aking Unang Hardin

Noong Mayo 1973, binili ko ang isang maliit na bahay malapit sa Karagatan ng Pasipiko, sa Ocean Beach, California. Naroon ako​—sa taluktok ng isang burol, na may isang maliit na bahay, isang malaking bakuran, at hilig sa paghahardin. Ang tanawin ay tamang-tama para sa gusto kong gawin, ang aking pambihirang hardin.

Sa pasimula, puro pagbabakasakali lamang ang aking paghahardin. Kahit paano na lamang ang pag-eeksperimentong ito. Kapag may nagustuhan akong isang halaman, binibili ko ito at itinatanim. Sa loob ng 12 taon patuloy akong nagtatanim ng anumang magustuhan ko at inaakala kong maganda. Binantayan ko ang kanilang paglaki​—mga punungkahoy na namumunga, mga puno ng pino, mga punong panandalian lamang, mga evergreen, mga palumpong, mga halaman, mga bulaklak. Sabihin mo kung ano, may tanim ako.

Maraming halaman ang natatandaan ko mula sa pagkabata. Ang pag-aalaga ng halaman ay tahimik, nakatutuwa, nakabubuti, at kapaki-pakinabang. Nagbubulay-bulay ako sa kagandahan, disenyo, kasalimuutan, at layunin ng mga nilalang na ito.

Hindi lahat ng halaman ay nakasiya sa akin o umangkop sa disenyo ko, kaya marami akong itinapon. Naghahanap ako ng isang bagay na naiiba. Ayaw ko ng mga halamang makalat at sobrang bilis lumaki. Matrabaho at kailangang laging ayusin ang mga ito! Gayundin, ang gusto ko ay di-pangkaraniwang mga halaman​—hindi yaong karaniwan o tipo ninyong panghardin. Nais ko ng isang kakaibang katangian. At nangyari nga ito!

Ang Aking Unang Palma

Noong 1974, nagpunta ako sa isang lokal na pabinhian, at doon ay nakita ko ang sagot sa aking paghahanap. Napakaganda nito, na may kaakit-akit na korona nang nakaliyad na mangasul-ngasul na berdeng tila-pakpak, o balahibo, na mga palapa. Ito ang Butia capitata, itinuturing ng marami bilang pinakamagandang palma sa buong daigdig. Kung minsan ay tinatawag ito na jelly palm dahil sa matamis at malaprutas na lasa ng mga buto nito. Ito ay galing sa Timog Amerika, madaling alagaan, at lumalaki sa taas na limang metro. Sa wakas, may tinututukan ng pansin ang aking hardin, isang tema​—di-pangkaraniwang mga palma na pantropiko mula sa buong daigdig! Pinili kong magtanim ng “mga Prinsipe ng kaharian ng mga halaman.”

Di-nagtagal ay bumibili na ako ng mga di-pangkaraniwan o kakaibang mga palma sa iba’t ibang mga pabinhian. Doon, sa malayong sulok ng isang pabinhian ay may isa pang kakatuwang puno ng palma na nasa harapan ko mismo​—isang Mexican blue fan palm. Ito ay may matigas, mangasul-ngasul na berdeng hugis-pamaypay (palmate) na dahon na tumutubo mula sa isang korona sa taluktok ng puno. Ang patulis na mga bulaklak na buto ay tumutubo sa magagandang kulay-dilaw na murà na mga arko. Ang isang magulang na puno ay lumalaki sa taas na mga 12 metro.

Ngayon ay talagang nahuhumaling na ako sa mga palma. Saan kaya ako makahahanap ng mas marami pang di-pangkaraniwang mga halamang ito? Nagtanung-tanong ako sa palibot ng San Diego ngunit nabigo ako. Pagkatapos ay nakakita ako ng mahalagang pinagmumulan ng impormasyon​—ang Southern California Chapter ng International Palm Society. Ang samahang ito ay may libu-libong miyembro sa 81 bansa. Maraming impormasyon ito tungkol sa bawat palma na nalalaman ng tao​—mahigit na 200 klase ng grupo at mga 3,000 uri. Inilalathala ng Southern California Chapter ang The Palm Journal para sa mga miyembro nito, at ito ay isang mahalagang pinagmumulan ng pinakabagong impormasyon.

Ang pakikipag-alam na ito ay nagpangyari sa akin na makakuha at makapag-alaga ng mahigit na 150 iba’t ibang uri ng palma sa aking maliit na hardin. Sinabi kong maliit sapagkat ito ay may sukat lamang na mga 650 metro kuwadrado. Ang aking mga palma ay kumakatawan sa maliit na bahagi lamang ng 2,800 uri na nadiskubre na. Alin sa mga ito ang paborito ko?

Ilan sa Magaganda sa Aking Hardin

Sa katunayan, nasisiyahan ako sa lahat ng aking mga halaman, ngunit may ilan na talagang nangingibabaw. Partikular na naaakit ako ng ilan dahil sa kanilang kakaibang anyo o sa nakabalot na mga tinik o mga palikpik; ang iba, dahil sa kanilang kulay o sa kanilang laki o maging ang hamon ng pagpapalaki sa kanila sa tulad Mediteranyong klima ng timugang California.

Ang isa sa aking natatanging mga puno ay mula sa Madagascar, sa silangang baybayin ng Aprika. Ito ay ang Bismarckia nobilis na palma. Bakit ko nagustuhan ito? Dahil sa kakaiba nitong may pagkaubeng–asul na kulay, sa pagiging di-pangkaraniwan nito, at sa hugis ng dahon nito. Bawat isa sa mga palapa nito ay tumitimbang ng 9 na kilo, na nagpapangyaring maging isa ito sa mas malalaking palma sa buong daigdig.

Isa pang paborito, ang fishtail palm, ay mula sa mabundok na rehiyon ng hilagang India, Myanmar, at Sri Lanka. Maganda ang paglaki ng aking palma rito sa San Diego sa kabila ng magiginaw na taglamig. Sa katunayan, gusto ko ang hamon ng pagpapalaki ng mga palma dito. Kaya nga tuwang-tuwa ako na magkaroon sa aking hardin ng isang puno mula sa Borneo​—ang Arenga undulatifolia. Mayroon itong malalapad at kakaibang alun-alon na mga dahon.

Isang kamakailang karagdagan ay ang Burretiokentia hapala na palma mula sa New Caledonia, isang teritoryong Pranses sa ibayong-dagat sa Timog Pasipiko. Hanggang sa kasalukuyan ay lumalaki ito. Maidaragdag ko pa sa listahang ito ang iba pang mga puno na natatangi sa akin, gaya ng Pritchardia hildebrandii, o ang loulu palm, mula sa Hawaii, na may berdeng-dilaw na hugis-pamaypay na mga dahon. Gustung-gusto nito ang araw at talagang kakaiba.

Ang nakatatakot na palma ay ang Trithrinax acanthacoma, o ang spiny fiber palm. May mga tulad-karayom na mga tinik ito sa puno, na para bang nagsasabing, “Huwag kang masyadong lalapit!”

Kamakailan lamang ay nagsimula akong magtanim ng mga cycad. Bagaman walang kaugnayan sa palma, ang isang cycad ay kapareho sa anyo, bagaman mas maliit. Isa sa aking paborito ay ang Encephalartos gratus, na may kahanga-hangang palapa na para bang tumatalon sa hangin. Dito napapatingin ang lahat. Ang mga bunga, o mga cone, ay di-pangkaraniwan ang laki at lumilitaw sa tagiliran ng halaman. Parang pinya o pinecone ang mga ito.

Nakatatawag-pansin ba sa mga tao ang aking mga puno ng palma? Gayon nga! Madalas akong nakakakita ng mga tao na humihinto sandali upang purihin ang aking mga halaman. Mula sa bangketa sa harap ng bahay, makakakita sila ng isang kakaibang hardin na pantropiko na palusong mula sa gilid ng burol. Noong Marso 1997 ang aking hardin ay isa sa tatlo na binuksan ng Southern California Chapter ng International Palm Society para sa mga panauhin. Ito ay inilalarawan bilang “isang di-malilimot na sentro para sa pag-aaral tungkol sa iba’t iba at pampalamuting koleksiyon ng mga palma.” Sa anong mga paraan na ang harding ito ay isang pagpapala sa akin at sa iba?

Nagbibigay ng Patotoo ang Aking Hardin

Bilang resulta ng pakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, ako ay nabautismuhan noong 1991. Retirado na ako ngayon sa pagtuturo, ngunit abala pa rin ako bilang isang Kristiyanong matanda at isang ministrong payunir. Magandang gamitin ang aking hardin bilang pasimula ng pakikipag-usap sa mga tao hinggil sa Maylalang kapag inilalarawan ko ang kahanga-hangang disenyo na makikita sa aking sari-saring mga puno at mga halaman. Kung minsan, ibinabangon ko rin ang paksa sa pagsasabing ang mga puno ng palma ay binabanggit sa Bibliya. (Hukom 4:5; Awit 92:12) Talagang natulungan ako ng hardin upang mapalapit sa Diyos at maunawaan ang kaniyang kamangha-manghang layunin na ang masunuring sangkatauhan ay mabuhay sa isang paraiso. Tutal, ang orihinal na Paraiso sa Eden ay isang kaakit-akit na hardin o parke.​—Genesis 2:8.

Ayon sa mga hula ng Bibliya, ang Paraisong kalagayan na iyan ay isasauli kapag dinala na ni Jehova sa pagkasira ang mga sumisira ng lupa. (Apocalipsis 11:18; 16:14, 16) Pagkatapos ay maaari na tayong makibahagi sa pagsasauli ng lupa sa isang kahanga-hangang paraiso. Samantala, ang aking kapirasong lupa ay patuloy na nagbibigay-puri sa Maylalang.​—Isinulat.

[Larawan sa pahina 16]

Mexican blue fan palm

[Larawan sa pahina 16]

Fishtail palm

[Mga larawan sa pahina 16, 17]

Kaliwa pakanan: red pandanus, royal palm, travelers palm (hindi ayon sa aktuwal na sukat)

[Larawan sa pahina 17]

Encephalartos ferox

[Larawan sa pahina 17]

Bulaklak sa isang shaving brush palm

[Larawan sa pahina 18]

Mga kasangkapan sa aking paghahardin

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share