Mga Labyrinth at Maze—Bakit Lubhang Nakapupukaw ng Isip?
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Britanya
Bagaman ang mga salitang “labyrinth” at “maze” ay maaaring gamitin nang halinhinan, talagang magkaiba ang istraktura ng mga ito. Ang landas ng isang labyrinth ay pasikut-sikot tungo sa gitna nito. Sa kabilang panig naman, ang isang maze ay maaaring magtaglay ng mga pasilyo na sarado sa dulo, at ang tamang landas, kapag natuklasan, ay karaniwan nang umaakay sa loob ng maze, anupat papalabas sa ibang daan.
Ang mga labyrinth at maze ay kapuwa nakatatakot, nakalilito,o nakasisira ng loob sa mga pumapasok dito. Ngunit ang sinaunang mga labyrinth ay may malapit na kaugnayan din sa mapamahiing kuwento. Kung gayon, bakit inilakip ng mga tagapagtayo ng simbahan ng Sangkakristiyanuhan ang paggamit ng mga labyrinth sa kanilang mga gusali? Nakapupukaw ng isip ang sagot.
ANO ang pinakadakilang gusali na nagawa ng sinaunang mga Ehipsiyo? Ayon sa ilang manunulat, ito ay hindi ang mga piramide, gaya ng karaniwang paniwala, kundi, sa halip ay, ang kanilang napakalaking Labyrinth. Ito ay itinayo malapit sa Lake Moeris, kilala ngayon bilang Lake Qarun, na matatagpuan sa kanluran ng Ilog Nilo at 80 kilometro ang layo patimog mula sa makabagong lunsod ng Cairo.
Noong ikalimang siglo B.C.E., sumulat ang mananalaysay na Griego na si Herodotus: “Dinalaw ko ang lugar na ito [ang Labyrinth] at natuklasan ko na daig pa nito ang pagkakalarawan dito; sapagkat kung ang lahat ng pader at iba pang dakilang mga gawa ng mga Griego ay pagsasama-samahin, hindi mapapantayan ng mga ito, ihambing man sa laki ng trabaho o gastos, ang Labyrinth na ito.” Idinagdag pa niya: “Nahihigitan ng Labyrinth ang mga piramide.” Pagkaraan ng apat na siglo, ipinahayag ni Strabo, isa pang mananalaysay na Griego, na ang Labyrinth ay “isang gawa na kapantay ng mga Piramide,” bagaman nang panahong iyon ay malaki na ang nasira rito.
Ang lugar ay dinalaw ng mananalaysay na si F. Barham Zincke noong 1871, at ang mismong kinatayuan nito ay natunton sa wakas ng arkeologong si Flinders Petrie noong 1888. Noon ay baha-bahagi na lamang ng Labyrinth ang natitira, at sa ngayon ay madalang na itong banggitin ng mga aklat-pamatnubay. Gayunpaman, may panahon na naging bantog ang Labyrinth. Ano ang hitsura nito, at bakit ito itinayo?
Pagkakalarawan at Layunin
Ang Labyrinth ay itinayo sa pagsisimula pa lamang ng kasaysayan ng Ehipto, baka bago pa nga manirahan ang mga Hebreo sa Ehipto. (Genesis 46:1-27) Sinasabi na ito ay may 3,000 silid na hinati nang magkapareho sa dalawang palapag—ang isang palapag ay nasa ilalim ng lupa. Ang kabuuang espasyo na saklaw nito ay mga 70,000 metro kuwadrado.
Gayon na lamang kasalimuot at nakalilito ang napakahirap-matunton na sistema ng mga pasilyo, patyo, silid, at mga kolonada ng Labyrinth, anupat hindi mahahanap kailanman ng estranghero ang kaniyang daan papasok—o palabas—nang walang giya. Ang kalakhang bahagi nito ay madilim na madilim, at kapag binuksan, ang ilan sa mga pinto ay sinasabing nagpapalabas ng nakatatakot na tunog, na parang kulog. Kasunod ng paghina ng Kapangyarihang Pandaigdig ng Ehipto, ang taglay ng Labyrinth na kahanga-hangang mga haligi na yari sa pulang granito, ang malalaking tipak ng bato nito, at ang napakakinis na marmol nito ay dinambong at muling ginamit.
Bagaman ang Labyrinth ay iniulat na nagsilbing isang sentro ng pangasiwaan sa bansa ng mga hari sa Ehipto, ang tunay na gamit nito ay panrelihiyon. Ito ay isang templo na may maraming gusali kung saan ginagawa ang paghahandog sa lahat ng mga diyos ng Ehipto. Hindi pinahihintulutang makita ng sinumang bisita ang mga silid ng Labyrinth sa silong, na kinaroroonan ng mga libingan kapuwa ng mga hari at mga sagradong buwaya.
Ang maalamat na kahalagahan ng Labyrinth ay pinakamainam na mauunawaan may kaugnayan sa relihiyosong mga ritwal na nakapalibot sa diyos ng mga Ehipsiyo na si Osiris, na noon ay pinaniniwalaan ng mga Ehipsiyo bilang isang dating hari ng Ehipto. Si Osiris ang diyos ng mga patay, o ang diyos sa daigdig ng mga patay.
Mitolohiya at Imortalidad
Ang pagkamatay ni Osiris ay isinasadula taun-taon sa Mystery Drama ng mga Ehipsiyo. Ang Apis, isang sagradong toro, ay pinapatay sa seremonyal na paraan bilang kahalili ni Osiris sa gitna ng matinding paghagulhol at pananangis. Ang pananangis na ito ay mapapalitan ng pagsasaya kapag ipinatalastas ng nangangasiwang pari sa mga tao ang mabubuting balita tungkol sa pagkabuhay-muli ni Osiris. Para sa mga Ehipsiyo, ang mahiwagang mga pangyayaring ito ang siyang pinakasentro ng kanilang pag-asa sa buhay. Pinaniniwalaan nila na kapag namatay, ang bawat tao, hindi lamang ang mga hari, ay nagiging katulad ni Osiris.
Ganito ang sabi ng aklat na The Labyrinth, na isinaayos ni Propesor S. H. Hooke: “Sa Ehipto, ang unang alamat tungkol kay Osiris ay nagpapahiwatig sa pag-iral ng mga puwersa na nagsapanganib sa buhay ng hari-diyos, kapuwa sa lupa at sa kabilang daigdig.” Kaya ang Labyrinth, sa pamamagitan ng nakalilitong sistema ng mga pasilyo nito, ay pinaniniwalaang naglaan ng proteksiyon sa diyos-hari mula sa kaniyang mga kaaway sa buhay na ito at sa kasunod nito—maging sa kamatayan mismo.
Nang maglaon, ang paniniwala hinggil sa imortalidad ng tao ay matibay na naitatag sa sinaunang Ehipto at sa buong sinaunang daigdig. Sa katunayan, di-nagtagal at ang turo tungkol sa imortalidad ng kaluluwa ng tao na nabuo sa loob ng sumunod na mga siglo ay tinanggap hindi lamang ng mga hari kundi ng buong sangkatauhan.
Ang Labyrinth ng mga Taga-Creta
Ang labyrinth sa Knossos, sa isla ng Creta, ay lumilitaw na itinayo mga ilang taon pagkaraang maitayo yaong sa Ehipto. Bagaman ang pinagtayuan dito ay hindi pa tiyakang maituturo, sinasabi ng mga rekord na ito ay nahahawig, ngunit lubhang mas maliit kaysa, sa disenyo ng nasa Ehipto.a Ang salitang “labyrinth” ay maaaring may kaugnayan sa laʹbrys, isang palakol na doble ang talim na lumalarawan sa dalawang sungay ng sagradong toro. Ang torong ito ay bahagi ng pagsambang Minoan (ng mga taga-Creta), na lubhang naimpluwensiyahan ng mitolohiya.
Naging bantog sa mitolohiya ang labyrinth ng mga taga-Creta dahil sa nakatira doon na Minotaur—isang mitolohikal na lalaki na may ulo ng toro. Sinasabi na si Pasiphaë, ang asawa ni Minos na hari ng Creta, ang nagsilang sa nilikhang ito—kaya naman tinawag itong Minotaur, na nangangahulugang “Toro ni Minos.” Ayon sa alamat, natalo ang lunsod ng Atenas sa pakikidigma sa Creta, at ang mga mamamayan nito ay pinipilit na magpadala tuwing ikasiyam na taon ng 14 na kabataan—7 batang lalaki at 7 batang babae—bilang mga hain sa Minotaur. Ang mga kabataang ito ay pinakakawalan sa labyrinth, kung saan sila ay naliligaw at pagkatapos ay ipinalalagay na nilalamon sila ng Minotaur.
Gayunman, dumating ang panahon na isang kabataan, si Theseus, ang tumanggap sa hamon at pumasok sa labyrinth upang patayin ang maalamat na halimaw na ito. Nang makaharap ito, sinasabi na napatay ni Theseus ang Minotaur sa pamamagitan ng kaniyang tabak. Upang makalabas, tinalunton niya pabalik ang kaniyang dinaanan sa pamamagitan ng pagsunod sa isang ginintuang sinulid, na kaniyang inilalarga sa lapag mula sa pagpasok sa labyrinth. Ang sinulid ay ibinigay sa kaniya ni Ariadne, ang anak na babae ni Haring Minos.
Ganito ang paliwanag ni Michael Ayrton, na siyang gumawa sa ipinalalagay na modelo ng labyrinth ng mga taga-Creta: “Ang buhay ng bawat tao ay isang labyrinth na sa gitna niyaon ay matatagpuan ang kaniyang kamatayan, at kahit pagkamatay niya ay maaaring dumaan siya sa isang panghuling maze bago ang wakas ng kaniyang pag-iral.” Sa diwang ito, ang mitolohikal na pagkakaligtas ni Theseus sa labyrinth ay sumasagisag sa kaniyang muling pagsilang, ang kaniyang pagkakaligtas sa kamatayan. Muli, mahahalata ang turo tungkol sa imortalidad ng tao.
Gresya at Roma
Ang disenyo ng klasikong labyrinth ng mga taga-Creta ay makikita sa mga baryang matatagpuan sa Knossos. Di-nagtagal at ang disenyong ito ay tinularan ng mga Griego at Romano. Bumanggit si Pliny ng isang labyrinth sa isla ng Samos sa Mediteraneo at ng isa pa, na napabantog dahil sa ganda ng 150 haligi nito, na nasa isla ng Lemnos. Tinukoy rin niya ang isang masalimuot na libingang Etruscano na hinggil dito ay sumulat ang isang sinaunang manunulat, si Varro, anupat ito raw ay may labyrinth sa silong.
Ang lunsod ng Pompeii, na nawasak dahil sa pagsabog ng Bundok Vesuvius noong 79 C.E., ay may di-kukulangin sa dalawang mapalamuting labyrinth. Isa sa mga ito, ang House of the Labyrinth, ay bantog dahil sa taglay nitong pambihirang kongkretong sahig na mosaik na naglalarawan sa labanan nina Theseus at ng Minotaur. Iginigiit naman ng manunulat na si Marcel Brion na ito ay “isang alegoriya tungkol sa buhay ng tao at sa mahihirap na paglalakbay na kailangang gawin ng kaluluwa sa daigdig na ito at sa kasunod nito bago matamo ang pinagpalang kalagayan ng pagiging imortal.”
Ang mga bata sa sinaunang daigdig ng mga Romano ay naglalaro sa mga dibuho ng labyrinth na inayos sa mga parang at sa mga kongkretong sahig. Sa ngayon, sa buong Europa ay may napakaraming labí ng mosaik na sahig na may mga dibuho ng labyrinth sa nahukay na mga bilyang Romano at iba pang pambayan na mga gusaling Romano. Subalit di-nagtagal ay lalong lumaganap sa malayo ang mitolohikal na mga ideya.
Tungo sa Maraming Bansa
Ang templo sa Halebid, sa Mysore, India, ay may isang seksiyon ng palamuting malapit sa kisame na doo’y nakalarawan ang isang labyrinth. Itinayo humigit-kumulang noong ika-13 siglo C.E., inilalarawan nito ang isang pangyayari mula sa Mahabharata.
Naniniwala ang mga Tsino na ang masasamang espiritu ay makalilipad lamang nang dire-diretso, kaya nagtayo sila ng mga pasukan na may simpleng anyo ng labyrinth upang hindi makapasok ang masasamang espiritu sa kanilang mga tahanan at lunsod.
Sa Scandinavia, may mahigit na 600 batong labyrinth sa dalampasigan ng Baltic Sea. Sinasabi na marami sa mga ito ay itinayo ng mga mangingisda roon na mapamahiing naglalakad sa loob ng mga ito upang makasigurado ng maraming huli at isang ligtas na pagbabalik.
Sa St. Agnes, isang maliit na isla sa laot ng timog-kanlurang baybayin ng Cornwall, Inglatera, may isang maze na ibinalik sa ayos noong 1726 ng isang katiwala ng parola sa mismong kinatatayuan ng unang disenyo nito.
Ang lalo nang nakapupukaw ng interes sa marami ay ang pagkakalakip ng labyrinth sa mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan. Tingnan ang ilang halimbawa.
Ang mga Labyrinth at Maze ng Sangkakristiyanuhan
Sa maraming kahanga-hangang labyrinth sa mga relihiyosong gusali ng Sangkakristiyanuhan, ang isa sa pinakamaliit ay tiyak na ang ika-15 siglong palamuting kahoy na inukit nang pabilog na nasa bubong ng St. Mary Redcliffe, isang simbahan sa Bristol, Inglatera. Ito ay pinintahan ng kulay ginto at itim, at dalawampung sentimetro lamang ang diyametro nito. Ang pinakabantog na labyrinth ay nasa Chartres Cathedral ng Pransiya. Ito ay itinayo noong taóng 1235, yari sa bughaw at puting bato, at may 10 metrong diyametro.
Malalawak na mga maze na sahig ang ginawa noong edad medya sa ibang mga katedral at simbahan sa Pransiya at Italya, kasali na yaong sa Amiens, Bayeux, Orléans, Ravenna, at Toulouse. Ang isa na nasa Reims ay nasira 200 taon na ang nakararaan, at ang maze sa Mirepoix Cathedral ay may larawan ng Minotaur sa gitna.
Hinggil sa paglalakip ng mga labyrinth sa kilalang mga relihiyosong gusali, isang awtoridad ang sumulat: “Ang paganong labyrinth ay tinanggap ng simbahang Kristiyano noong edad medya at ibinagay sa sariling gamit nito sa pamamagitan ng paglalakip ng Kristiyanong sagisag sa disenyo.” Kaya naman, ang mga labyrinth ay lumilitaw na ginamit sa mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan upang lumarawan sa buhay ng isang Kristiyano, kaayon ng mitolohiyang itinatag ng sinaunang mga Ehipsiyo.
Ang mga maze ng simbahan ay ginamit din upang isadula ang mga paglalakbay na ginawa ng mga krusado sa Jerusalem. Kapag narating ang pinakagitna, sumasagisag ito sa pagdating sa Jerusalem at pagtatamo ng kaligtasan. Para sa ilang mananamba, ang isang maze ay isang ruta sa pagpipinitensiya, ito man ay tinatapos nang paluhod upang magtamo ng kapatawaran ng mga kasalanan o nilalakad sa paraang ritwal bilang kahalili ng paglalakbay patungo sa Banal na Lupain.
Mga Turf Maze
Ang mga labyrinth na ginawa sa pamamagitan ng paghukay nang mababaw sa lupa, kilala bilang mga turf maze, ay ginawa noong ika-12 at ika-13 siglo, lalo na sa Inglatera. Nang maglaon, marami sa mga ito ang ginamit bilang mga palaruan, subalit yamang nakakahawig ng mga ito ang mga labyrinth sa mga gusali ng simbahan, ang mga ito ay binigyan din ng ilang tao ng relihiyosong kahulugan. Ang pinakamalaking turf maze sa daigdig, na sa tantiya ng ilang awtoridad ay 800 taon na ang edad, ay nasa liwasang-bayan sa Saffron Walden, sa distrito ng Essex. Ito ay kakaiba dahil sa apat na malalaki at nakaumbok na tanggulan sa bawat sulok. Ang haba ng landas nito ay halos dalawang kilometro.
Iniuugnay ni W. H. Matthews ang makasaysayan/mitolohikal na aspekto, anupat sinasabi na ang relihiyosong mga maze o labyrinth ay “maaaring ituring bilang lumalarawan sa masalimuot na tukso sa buhay sa daigdig na ito, na maaari lamang mabagtas nang ligtas sa pamamagitan ng banal na biyaya ng sinulid ni Ariadne.”—Mazes and Labyrinth—Their History and Development.
Nagtataka ka ba na ang mga maze at labyrinth, bagaman may paganong pinagmulan, ay itinatanghal sa Sangkakristiyanuhan? Maaari bang magkasuwato ang tunay na Kristiyanismo at ang paganong pamahiin?
Kasuwato ba ng Pananampalatayang Kristiyano?
Bagaman ang kasaysayan ng labyrinth ay kahanga-hanga, ang mga paniniwala na kaugnay nito ay hindi kasuwato ng pananampalatayang Kristiyano. Saanman sa Bibliya ay hindi itinuturo na ang kaluluwa ng tao ay hiwalay at naiiba sa katawan at na ito ay nanatiling buháy pagkamatay ng isang tao. Sa halip, itinuturo ng Bibliya na ang kaluluwa ng tao ay namamatay. Sinasabi nito: “Ang kaluluwa na nagkakasala—iyon mismo ang mamamatay.”—Ezekiel 18:4.
Ang Salita ng Diyos, ang Bibliya, ay mapuwersa at inihalintulad sa isang tabak, “ang tabak ng espiritu.” May-kahusayang ginagamit ng mga Kristiyano ang sandatang ito upang madaig ang isang tunay, mas makapangyarihan kaysa sa tao, di-nakikitang espiritung nilikha at ang kaniyang mga demonyo, hindi ang isang maalamat na Minotaur. (Efeso 6:12, 17) Bilang resulta, mayroon silang pananampalataya na di-madaraig at isang tiyak na pag-asa ng kaligtasan. Ito ang aalalay sa kanila hanggang sa katapusan ng kasalukuyang sistema ng mga bagay tungo sa isang bagong sanlibutan ng katuwiran—isang bagay na hindi magagawa kailanman ng paniniwala sa mitolohiya.—2 Pedro 3:13.
[Talababa]
a Noong unang siglo C.E., si Pliny, ang naturalistang Romano, ay nagsabi na ang mga taga-Creta ay nagtayo ng kanilang labyrinth na makaisandaang beses ang liit kaysa yaong sa Ehipto.
[Kahon sa pahina 22]
Mga Maze na Panlibangan
Anim na raang taon na ang nakararaan, isang bagong uri ng maze ang ginawa. Wala itong kaugnayan sa relihiyon kundi dinisenyo bilang palamuti. Nang maglaon, naging karaniwang tanawin ang mga simpleng hardin na maze sa buong Inglatera. Nang dakong huli, ang mga maze na ginawa ay may mas masalimuot na mga disenyo, at ang landas ng mga ito ay nilinyahan ng boxwood, na maaaring gupitin nang maayos.
Nitong mga taóng nakararaan lamang, maraming moderno at masalimuot na mga disenyo ng maze ang lumitaw sa buong daigdig. Gustung-gusto ito ng mga bata at maging ng mga adulto. Nakatutuwa ang mga ito!
[Kahon/Larawan sa pahina 24]
Ang Paggamit ng Sangkakristiyanuhan sa Labyrinth
Ang Westminster Abbey ng London ang nagpakilala kamakailan sa bagong burdang telang ito na pang-altar. Pansinin ang labyrinth sa gitna na katabi ng “Α” (alpha, “ANG PASIMULA”) at “Ω” (omega, “ANG WAKAS”). Sa gitna ng labyrinth na disenyong ito, pansinin ang “AKO NGA,” na kumakatawan kay Jehova, ang dakilang “AKO NGA” na tinukoy sa Exodo 3:14, King James Version. Ito ay isang nakapupukaw sa isip na modernong halimbawa ng malapit na kaugnayan ng labyrinth sa relihiyon sa ngayon.
[Credit Line]
Larawan: David Johnson
[Mga larawan sa pahina 21]
Mga barya ng ikaapat at ikalimang siglo B.C.E. na masusumpungan sa Knossos, Creta. Pansinin ang dibuho ng labyrinth at ang ulo ng toro, na kumakatawan sa Minotaur
[Credit Line]
Karapatang-Sipi British Museum
[Larawan sa pahina 23]
Ang pinakamalaking turf maze sa daigdig, sa Saffron Walden, Inglatera
[Credit Line]
Courtesy Saffron Walden Tourist Office