Ang Abokado—Tunay na Isang Maraming Pakinabang na Prutas!
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Colombia
HINDI pa nakakakita kailanman ng ganitong bagay ang mga mananakop na Kastila noong pasimula ng ika-16 na siglo. Ito’y halos kasinlaki at kasinghugis ng isang malaking peras, ngunit kulay-berde pa rin ito kahit hinog na. Ang laman nito’y malambot at parang mantikilya kung sasalatin, na medyo lasang pilì. Nang dakong huli, nakilala ito bilang ang abokado, mula sa salitang Aztec na ahuacatl.
Ang abokado ay unang ipinakilala ni Martín Fernández de Enciso sa Europeong pamayanan noong 1519. Nakita ni Enciso ang prutas na ito malapit sa ngayo’y Santa Marta, Colombia, noong panahon ng isa sa unang ekspedisyong Kastila sa Timog Amerika. Sa mga panahong iyon ng panggagalugad, maraming bagong pagkain ang noon lamang natikman ng mga Europeo bukod pa sa abokado, lakip na ang kokwa, mais, at kamote.
Mangyari pa, hindi naman talaga bago ang alinman sa mga pagkaing iyon. Lahat ng ito ay daan-daang taon nang kilala at kinakain ng mga katutubong naninirahan sa mga lugar na may katamtamang klima sa Kanluraning Hemispero. Sa ilang katutubong tribo, napakahalaga ng abokado anupat ito’y ipinanreregalo sa kasal at sa mga bisita bilang pasalubong.
Pagtatanim ng Abokado
Sa ngayon ay nagtatanim na ng abokado sa maraming lugar na may mainit o katamtamang klima, lakip na ang Australia, Israel, Kenya, New Zealand, Hilaga at Timog Amerika, at Pilipinas. Ito’y isa sa mga 20 prutas sa tropiko na naging mabili sa buong daigdig.
Gayunman, nakakalat sa lahat ng tropikal na mga lupain sa Amerika ang maraming iba’t ibang uri ng abokado, na ang ilan ay hindi na lálakí pa sa itlog ng manok at ang iba naman ay kasinlaki ng isang katamtamang sukat ng milon, na tumitimbang ng hanggang dalawang kilo. Nagkakaiba-iba ang kulay ng mga ito mula berde hanggang sa matingkad na lila, at ang balat ng ilang uri ay magaspang at malutong, samantalang ang iba naman ay manipis at makinis. Gayunman, posibleng maglinang ng taniman ng abokado na may pare-parehong hitsura at kalidad.
Kapag namumulaklak na, ang mga puno ng abokado ay natatakpan ng libu-libong bulaklak na ang kulay ay mapusyaw na dilaw. Gayunman, 1 lamang sa 5,000 bulaklak na ito ang nagiging abokado. Ang isang di-karaniwang katangian ng mga bulaklak na ito ay na ang bawat isa nito ay may istamen, o bahagi na gumagawa ng polen, at kasabay nito ay isang pistilo, o bahagi naman na nagtataglay ng binhi. Maaari sana itong makagawa ng sariling polinasyon kundi dahil sa kahanga-hangang mekanismo sa puno ng abokado na nagtatakda sa mga bahaging ito na maging aktibo sa magkaibang panahon.
Bunga nito, ibinubuka ng ilang puno ang mga bulaklak nito para tumanggap ng polen sa pagsikat ng araw sa umaga at itinitikom ang mga bulaklak pagdating ng tanghali. Ang mga bulaklak ding ito ay muling bumubuka para gumawa ng polen sa gabi. Ang ibang karatig na mga puno ay kabaligtaran naman ang siklo. Nagkakaroon ng polinasyon kapag ang punong gumagawa ng polen ay malapit sa isa na kasabay nito’y tumatanggap naman ng polen. Gayundin, ang mga bubuyog o iba pang insekto ay mahalaga sa paglilipat ng polen. Samakatuwid, ang masalimuot na koordinasyon ng sikat ng araw, init, mga insekto, hangin, at lokasyon ang nagpapaging posible sa pagkakaroon ng ganitong bunga.
Masustansiya at Kapaki-pakinabang
Ang abokado ay napakasustansiya, yamang mataas ang protina, riboflavin, niacin, potasyum, at bitamina C nito. Sinasabing ito’y naglalaman ng di-kukulangin sa 11 bitamina at 14 na mineral. Sa ilang lugar sa Sentral Amerika, ang abokado na may tortilya ay itinuturing na isang kumpletong pagkain. Ang abokado ay mayaman din sa taba, at ang langis nito ay katulad ng langis ng olibo dahil mayroon itong monounsaturated na taba. Ang langis ay ginagamit din sa paggawa ng sabon at kosmetiko.
Halos bawat bahagi ng puno ng abokado ay napapakinabangan. Ang kahoy ay iginagatong. Ang buto ay ginagamit sa Timog Amerika bilang pangmarka sa damit, yamang ito’y nag-iiwan ng di-nabuburang mantsa. Sa ilang lugar sa Pilipinas, ang mga dahon ay ginagawang tsa. Ang balat ng puno ay iniulat na maaaring gamitin sa pagkukulti ng katad.
Pagbili at Pagkain ng Bunga
Kung pupunta ka sa palengke para bumili ng abokado, huwag mong ibabatay sa kulay ng balat ang pagtiyak kung hinog na ang mga ito, yamang ang mga ito’y nagkakaiba-iba depende sa uri. Subukin mong pisilin nang marahan ang bunga. Kung medyo malambot na ito, hinog na ito. Ang mga abokado ay dapat ilagay sa mainit-init at nahahanginang lugar, at medyo mapadadali mo ang pagpapahinog kung babalutin mo ang mga ito sa diyaryo. Puwede rin itong ilagay sa loob ng refrigerator, kahit nabuksan na ito. Kung wiwiligan ng katas ng limon ang bukás na bahagi ng prutas, mahahadlangan ang pangingitim ng laman nito.
Marami ang nasisiyahan sa pagkain ng abokado na may kasamang sitrus na prutas o kamatis. Lalong nagiging malasa ito kapag nilagyan ng maanghang o matapang-ang-lasa na sarsa. Bukod diyan, masarap din kung ang abokado ay sasamahan ng hipon, alimango, o uláng, at mas masarap kung isasama ang abokado sa maraming uri ng ensalada. Isinasama ito ng ilan sa ibang prutas upang makagawa ng nakarerepreskong inumin.
Kapag nilamas ang abokado at nilagyan ng panimpla at iba pang rekado, nakagagawa ng isang masarap na palaman na maipapahid sa biskuwit. Mangyari pa, hindi makaliligtaan ang bantog na guacamole, na pinaghalong abokado, kamatis, sibuyas, berdeng sili, at mga panimpla. Ang prutas na ito ay maaari ring isama sa mga lutong pagkain, bilang isang bahagi ng pangunahing ulam. Kapag ginawa iyan, dapat na pinakahuli itong isahog, para hindi madarang sa init.
Marahil ay gumaganap na ng mahalagang bahagi sa iyong pagkain ang abokado. Gayunman, sa ilang bahagi ng daigdig, maaaring itinuturing ito na di-pangkaraniwan at pambihirang prutas. Kung hindi ka pa kailanman nakatitikim ng abokado, bakit hindi mo ito gawin sa susunod na magkaroon ka ng pagkakataon. Baka mapatunayan mong masarap nga naman pala ang tunay na maraming pakinabang na prutas na ito!