Ang mga Mediterranean Monk Seal—Mananatili Pa Kayang Buháy ang mga Ito?
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA GRESYA
ANG mga ito ay inilarawan ni Homer, sa kaniyang epiko na Odyssey, na nagpapainit sa maaraw na mga dalampasigan ng Gresya. Isang lunsod sa sinaunang Asia Minor ang minsang gumawa ng mga barya na nagtataglay ng larawan ng mga ito. Dating nananagana sa mga ito ang katubigan ng dagat ng Mediteraneo at ang dagat na Itim. Subalit sa ngayon, malamang na hindi mo na makita ang kahit isa sa mahiyaing mga nilalang na ito—ang Mediterranean monk seal.
Tulad ng karamihan sa ibang may-balahibong mamalya sa dagat, ang Mediterranean monk seal ay malawakang pinaghuhuli noong ika-18 at ika-19 na siglo. Libu-libo ang pinagpapatay upang makuha ang kanilang balahibo, langis, at karne.
Ngayon ay masyado nang kapuna-puna ang idinulot na pinsala nito. Tinataya na nasa pagitan ng 379 at 530 na lamang ang natitirang Mediterranean monk seal. Maaaring napakalapit nang malipol ang mga ito. Gayunman, talagang masasabi natin na ang mga pagtaya hinggil sa bilang ng mga monk seal ay “isang siyensiya na lubhang hindi eksakto,” gaya ng iniuulat ng newsletter na Monachus Guardian.
Talaga bang napakahuli na upang matulungan ang mga ito? Anong mga pagsisikap ang ginagawa upang maingatan ang mga monk seal?
Isang Mahirap na Pakikibaka
Marahil, ang monk seal ay tinawag na gayon dahil ang kakaibang kulay ng balat nito ay nakakatulad ng kasuutan ng ilang relihiyosong orden. Karaniwan nang namumuhay ito sa mahirap-maabot na mga dalisdis at mga kuweba sa dagat sa mga isla ng Northern Sporades sa Dagat Aegeano. Mas maliliit na grupo ang masusumpungan sa mga baybayin ng hilagang-kanluran ng Aprika at sa mga isla ng Desertas sa Portugal. Umaabot sa tatlong metro ang haba at tumitimbang ng halos 275 kilo, ang monk seal ang isa sa pinakamalaking uri ng seal sa daigdig.
Kalakip sa mga kapansin-pansing katangian nito ay ang isang ulong hugis-bombilya na nababalutan ng kulay-pilak na balahibo, mga matang napakaitim, isang nguso na may malalaking butas ng ilong, maliliit na gilit para sa tainga, makakapal at laylay na mga tutsang, at tila patung-patong na baba. Ang katawan nito ay may maiikling buhok na halos itim o kulay-tsokolate at may mas mapusyaw na mga kulay sa bandang tiyan. Sa kabilang dako naman, ang mga kapapanganak na mga sanggol na seal ay may buhok na mahaba at kulay matingkad na itim sa kanilang likod at puting batik naman sa kanilang tiyan.
Ang pakikipagpunyagi ng monk seal upang manatiling buháy ay napipigilan ng madalang nitong pag-aanak. Nanganganak ang mga babae nang hindi hihigit sa isang seal sa isang taon. Ang nagpalubha pa sa mga bagay-bagay ay ang katotohanan na hindi lahat ng adultong babae ay nagkakaanak bawat taon.
Ngunit ang mababang bilang ng pag-aanak ay hindi nagpapaliwanag ng buong situwasyon. Sinabi ni Dr. Dennis Thoney, ang pangkalahatang tagapangasiwa ng New York Aquarium for Wildlife Conservation: “Bagaman madalang ang pag-aanak ng mga Mediterranean monk seal, hindi naman nanganganib ang bilang ng harbor seal na gayundin kadalang magkaanak. Kaya tiyak na may ibang mga salik na siyang dahilan ng kamatayan ng mga ito.”
Sinasalakay
Gunigunihin ang pagkawasak na maidudulot kung masunog ang iyong tahanan. Lahat ng iyong ari-arian—muwebles, damit, mahahalagang personal na bagay, at iba pang alaala—ay mawawala. Lubhang magbabago ang iyong buhay. Ganiyang-ganiyan ang nangyari sa tahanan ng Mediterranean monk seal. Ang polusyon, turismo, industriya, at iba pang mga gawain ng tao ay humantong sa pagkawasak ng kalakhang bahagi ng likas na tirahan ng mga seal.
Karagdagan pa, malaki ang ibinaba ng suplay ng pagkain ng mga monk seal dahil sa labis-labis na pangingisda. Sinabi ng soologong si Dr. Suzanne Kennedy-Stoskopf: “Kapag kaunti na lamang ang makukuhang pagkain ng mga seal, nangangahulugan ito na kailangang gumugol ng higit na lakas ang mga ito upang mapakain nila ang kanilang mga sarili.” Kaya ang mga monk seal ay hindi lamang dumanas ng malubhang pagkawala ng kanilang tirahan—ang kanilang tahanan—kundi kailangan din silang magpunyagi upang pakainin lamang nila ang kanilang mga sarili!
Ang isa pang epekto ng labis-labis na pangingisda ay ang paminsan-minsang pagkakasalabid ng mga seal sa mga lambat sa pangingisda at pagkalunod. Gayunman, mas madalas na ang mga seal ay tuwirang pinapatay ng mga mangingisda. Bakit? Dahil natutong manguha ng pagkain ang mga seal mula sa mga lambat sa pangingisda, anupat nasisira ang mga lambat dahil dito. Kaya, karibal ng tao ang hayop sa pagkuha ng umuunting suplay ng isda. Ang di-balanseng labanan na ito ang umaakay sa mga monk seal tungo sa pagkalipol.
Yamang ang mga monk seal ay halos nasa itaas ng food chain, ipinahihiwatig ng ilang siyentipiko na ang mamalyang ito sa dagat ay isang “uri na tagapagpahiwatig.” Nangangahulugan ito na kapag hindi mabuti ang kalagayan ng mga ito, isa itong mapagkakatiwalaang pahiwatig na hindi rin mabuti ang kalagayan ng natitirang bahagi ng food chain. Kung mapatunayang totoo ito, hindi maganda ang ibinabadya nito hinggil sa pag-iingat sa ekolohikal na sistema sa Mediteraneo, yamang sa Europa, ang monk seal ang uring pinakananganganib na maubos.
Mananatili Pa Kayang Buháy ang mga Ito?
Kakatwa naman, ang mga tao ang pinakamalaking panganib sa mga Mediterranean monk seal, at kasabay nito, sila rin ang kanilang pinakanangungunang mga tagasuporta. Binuo ang mga ahensiyang pribado at mula sa pamahalaan upang maingatan ang mga seal. Itinalaga ang ilang mga dako ng kanlungan para sa mga ito. Maraming pagsusuri sa mga tirahan ng mga monk seal ang isinagawa upang matutuhan kung paano matutulungan ang mariringal na hayop na ito.
Noong 1988, nabuo ang Hellenic Society for the Study and Protection of the Mediterranean Monk Seal (MOm). Regular na dinadalaw ng mga mananaliksik para sa MOm ang mga tirahan ng mga monk seal upang masubaybayan ang kanilang bilang at makakolekta ng iba pang impormasyong magagamit upang maingatan ang mga ito.
Gamit ang mga speedboat, isang nagbabantay na pangkat ang nagroronda sa mga lugar na iniingatan. Naglalaan din ang pangkat ng impormasyon at tagubilin para sa mga dayuhan at sa mga mangingisda na naglalakbay sa National Marine Park ng Gresya sa Alónnisos, sa mga isla ng Northern Sporades. Kapag nasumpungan ang may sakit o nasaktang mga seal, naglalaan ang pangkat ng anumang kinakailangang pangangalaga at gamot para sa mga hayop at ng transportasyon patungo sa rehabilitation unit ng MOm.
Maaaring pangalagaan ng Seal Treatment and Rehabilitation Center ang mga naulila, may sakit, o nasaktang mga sanggol na seal. Ginagamot at inaalagaan ang mga ito hanggang sa kaya na ng mga ito na mabuhay nang mag-isa. Hanggang sa kasalukuyan, positibo naman ang mga resulta. Pagkatapos ng mga taon ng mabilis na pag-unti, ipinakikita ng bilang ng mga monk seal sa Northern Sporades ang unang mga tanda ng pagpapanauli.
Patuloy kayang magtatagumpay ang mga pagsisikap na ito? Panahon lamang ang makapagsasabi. Gayunman, maliwanag na mas higit pang trabaho ang kailangang gawin upang manatiling buháy ang uring ito na nanganganib maubos. Sinabi ni Dr. David Wildt ng Smithsonian Institution sa Gumising!: “Sa pangkalahatan, hindi mabuti ang kalagayan ng buhay sa dagat. Ang problema ay wala talaga tayong sapat na kaalaman tungkol sa kung ano ang nasa mga karagatan, at tiyak na hindi pa natin alam kung paano ito maiingatan hanggang sa ngayon.”
[Kahon sa pahina 17]
Magpipinsang Nanganganib
Matatagpuan din ang mga monk seal sa ibang mga karagatan sa buong daigdig, ngunit ang mga seal na ito ay nanganganib ding maubos. Sinasabi ng magasing National Geographic na ang Carribean, o ang West Indian, monk seal ay “unang nakita ni Columbus sa New World. Yamang mas pinipiling manatili sa dalampasigan at madaling pagsamantalahan, di-nagtagal at walang patumanggang pinagpapatay ang malalaking bilang ng mga monk seal. . . . Ang huling Carribean monk seal na iniulat ay nakita noong 1952.”
Ang French Frigate Shoals, sa Hawaiian Islands National Wildlife Refuge, ang maaaring huling kanlungan para sa mga Hawaiian, o Laysan, monk seal. Gayunman, ang mga natitirang 1,300 seal ay “nililigalig ng mga problema,” sa kabila ng puspusang mga pagsisikap na ingatan ang mga ito.
Mula noong tagsibol ng 1997, mga tatlong-kapat ng 270 Mediterranean monk seal na nabubuhay sa dalampasigan ng Mauritania sa Kanlurang Aprika ang nalipol na ng isang salot. Ayon sa isang ulat sa Science News, ang karamihan sa mga seal na sinuri ay may “dolphin morbillivirus, isang virus na katulad niyaong nagpapa-ulol sa mga aso.”
[Mga larawan sa pahina 16]
Maraming kakaibang katangian ang mga monk seal, tulad ng isang ulong hugis-bombilya at malalaking butas ng ilong
Binuo ang mga ahensiya upang maingatan ang mga seal
[Credit Line]
Panos Dendrinos/HSSPMS
[Mga larawan sa pahina 17]
Pagkatapos ng mga taon ng mabilis na pag-unti, ipinakikita ng bilang ng mga monk seal sa Northern Sporades ang unang mga tanda ng pagpapanauli
[Credit Lines]
P. Dendrinos/MOm
D. Kanellos/MOm
[Larawan sa pahina 17]
Hawaiian monk seal
[Picture Credit Line sa pahina 15]
Panos Dendrinos/HSSPMS