“Pupukpukin Nila ang Kanilang mga Tabak Upang Maging mga Sudsod”—Kailan?
INILALARAWAN ng isang tanyag na istatuwa sa United Nations sa New York City ang isang lalaki na pinupukpok ang isang tabak upang maging isang sudsod. Salig ito sa mga hula sa Bibliya na nasa Isaias kabanata 2, talata 4, at sa Mikas kabanata 4, talata 3. Paano at kailan matutupad ang mga salitang ito?
Isang kamakailang ulat sa The New York Times ang may ulong-balita na “Lumaki ang Benta ng Armas sa Daigdig Tungo sa $30 Bilyon”! Sino ang mga nangungunang tagasuplay ng maraming iba’t ibang armas na ito noong 1999? Nangunguna ang Estados Unidos na may benta na $11.8 bilyon. Ikalawa ang Russia na may benta na wala pang kalahati ng halagang iyan. Gayunman, halos nadoble ang benta ng Russia kaysa noong nakaraang taon. Pagkatapos ay ang Alemanya, Tsina, Pransiya, Britanya, at Italya. Ipinagpatuloy ng ulat ding iyon: “Gaya noong nakaraan, humigit-kumulang sa dalawang-katlo ng lahat ng armas ang ipinagbili sa mahihirap na bansa.”
Pagkatapos ng dalawang digmaang pandaigdig at ng maraming iba pang malalaking digmaan noong ika-20 siglo, anupat dahil doo’y naiwang patay at sugatan ang daan-daang milyon, ang isa ay di-maiiwasan na magtanong, “Kailan pa mag-aaral ng kapayapaan ang mga bansa sa halip na ng digmaan?” Ipinakikita ng Bibliya na ang pagbaling na ito tungo sa kapayapaan ay magaganap “sa huling bahagi ng mga araw.” (Isaias 2:2) Sa katunayan, natutupad na ngayon ang hulang ito, yamang hinahayaan ng halos anim na milyong mga Saksi ni Jehova ang kanilang mga sarili na ‘maturuan ni Jehova.’ Bilang resulta, ang kanilang ‘kapayapaan ay sagana.’—Isaias 54:13.
Malapit nang wakasan ni Jehova ang lahat ng mga sandata at digmaan at yaong mga nagtataguyod ng mga ito, dahil kaniyang ‘ipapahamak yaong mga nagpapahamak sa lupa.’ Kung nais mong higit na malaman ang tungkol sa kamangha-manghang pagbabagong ito, pakisuyong huwag mag-atubiling makipag-ugnayan sa mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar o sumulat sa angkop na direksiyon na nakatala sa pahina 5.—Apocalipsis 11:18.