Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g05 8/22 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—2005
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pag-iimpok ng Panahon sa Halip na Salapi
  • Pasadyang Clone na mga Alagang Hayop
  • Nahahalata ng mga Aso ang Mangyayaring Pangingisay Dahil sa Epilepsi?
  • Ipinagbawal ng Bhutan ang Pagbebenta ng Tabako
  • Iniugnay sa Sakit sa Puso ang Trauma Noong Pagkabata
  • Kontaminadong Dugo sa Hapon
  • Panganib na Malipol ang mga Palaka
  • Krisis sa Pagtitiwala
  • Nanganganib Malipol na “Species”—Ang Lawak ng Problema
    Gumising!—1996
  • Gaano Katatag ang mga Bangko?
    Gumising!—1987
  • Mga Alagang Hayop—Panatilihin ang Isang Timbang na Pangmalas sa mga Ito
    Gumising!—2004
  • Gusto ba ng Iyong Anak ng Isang Alagang Hayop?
    Gumising!—1993
Iba Pa
Gumising!—2005
g05 8/22 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

Pag-iimpok ng Panahon sa Halip na Salapi

Nagkaroon ng bagong anyo ng pag-iimpok sa bangko sa Espanya. Ang ilang samahan ng mga boluntaryo na tagaroon ay nagtatag ng mga “bangko ng panahon” na nagsasaayos ng palitan ng mga serbisyo ng mga tao. “Ang ‘Bangko ng Panahon’ ang unang bangkong pinatatakbo nang walang salapi,” ang sabi ni Elvira Méndez, direktor ng samahan sa Espanya na Health and Family. May listahan ang mga bangkong ito ng mga mamamayang nag-aalok ng iba’t ibang serbisyo tulad ng pag-aalaga ng may-edad na, pag-aalaga ng bata, pagluluto, paglilinis, o pagtuturo. Ang yunit ng palitan ay oras, at pare-pareho ang halaga ng mga gawain. Halimbawa, ang isang oras ng pagtuturo ng quantum physics ay katumbas ng isang oras ng pag-aayos ng buhok o pag-aalaga ng bata. Nagbabayad ang isang tao para sa serbisyong tinanggap niya sa pamamagitan ng pagganap ng ibang trabaho, at ibinibilang na pag-aari niya ang panahong ginugol niya rito. Sa ganitong paraan, nilalayon ng mga bangko ng panahon na isaayos at pasiglahin ang tradisyonal na palitan ng serbisyo na dati namang ginagawa ng mabubuting magkakapitbahay.

Pasadyang Clone na mga Alagang Hayop

Pasadya na ngayon ang clone na mga alagang hayop. Ang unang pasadyang clone sa Estados Unidos ay ang kuting na inihatid sa isang babae sa Texas, ang ulat ng The New York Times. Yamang namatay si Nicky, ang pusang pag-aari ng babaing ito sa loob ng 17 taon, pasadya siyang nagpa-clone ng kuting mula sa DNA ni Nicky, na ipinaimbak bago pa ito mamatay. Ang halaga ay $50,000. Ang kuting, na pinanganlang Munting Nicky, ay sinasabing kahawig na kahawig, maging sa personalidad, ng orihinal na pusa. Plano rin ng kompanyang nakagawa kay Munting Nicky na mag-clone ng mga aso “para sa bentahang mas malaki ang kita kaysa sa pusa,” ang sabi ng pahayagan. Sinabi ni David Magnus, katulong na direktor sa Center for Biomedical Ethics sa Stanford University sa California at kritiko ng gayong mga gawain: “Isa itong suliranin sa moralidad at medyo hindi katanggap-tanggap. Sa halagang $50,000, nabigyan na sana niya ng kanlungan ang maraming pusang gala.”

Nahahalata ng mga Aso ang Mangyayaring Pangingisay Dahil sa Epilepsi?

Nahahalata ng ilang aso na naging alaga sa loob ng mahigit isang taon ang mangyayaring pangingisay dahil sa epilepsi ng kasambahay nilang mga bata, ang ulat ng pahayagang Diario Médico sa Espanya. Ito ang naging konklusyon ng mga mananaliksik pagkatapos pag-aralan ang 45 pamilya. Napansin ng maraming magulang na ang mga anak ay may epilepsi na bago atakihin ang kanilang mga anak, “kakaiba” ang ikinikilos ng kanilang mga aso. Pipilitin nitong maupo ang bata o tatabi ito sa gilid ng bata upang kapag nabuwal siya, hindi maging malakas ang pagbagsak niya.

Ipinagbawal ng Bhutan ang Pagbebenta ng Tabako

Ipinagbawal ng kaharian ng Bhutan, na nasa Himalaya sa pagitan ng India at Tsina, ang pagbebenta ng lahat ng produktong gawa sa tabako. Hindi kapit ang pagbabawal sa banyagang mga diplomatiko o sa mga turista o sa mga nagtatrabaho sa mga organisasyong hindi ahensiya ng pamahalaan. Pinaniniwalaan na ang Bhutan ang kauna-unahang bansa sa daigdig na gumawa ng ganitong hakbang. Ipinagbawal din ang paninigarilyo sa pampublikong mga lugar. “Ang mga hakbang ay bahagi ng pagsisikap ng pamahalaan na gawing bansang walang naninigarilyo ang Bhutan,” ang sabi ng BBC News.

Iniugnay sa Sakit sa Puso ang Trauma Noong Pagkabata

Lumalaki ang panganib na magkaroon ng sakit sa puso ang bata kapag tumanda na dahil sa naranasang pisikal o sikolohikal na paghihirap noong bata pa siya. Ito ang naging konklusyon ng mga mananaliksik sa Atlanta, Georgia, at San Diego, sa California, E.U.A., na nagsuri sa medikal na mga rekord ng 17,337 adulto. Ipinaliwanag ng Science News na ang mga kabilang sa pag-aaral ay sinuri ayon sa “kung sino sa kanila, noong bata pa, ang nakasaksi ng karahasan sa sambahayan, nakaranas ng mental o pisikal na pang-aabuso o kapabayaan, o tumira na kasama ng taong nabilanggo, nag-abuso sa droga, o inuming de-alkohol, o may sakit sa isip.” Natuklasan na kapag mas marami ang mga naranasang trauma noong pagkabata, “mas malaki ang posibilidad na magkaroon siya ng sakit sa puso” bilang adulto.

Kontaminadong Dugo sa Hapon

Di-pangkaraniwan ang ginawang hakbang ng kagawaran sa kalusugan ng Hapon nang ibunyag nito “ang pangalan ng 6,916 na ospital at 17 tagasuplay ng medikal na mga bagay na pinaniniwalaang nag-imbak ng mga produkto ng dugo na kontaminado ng hepatitis C,” ang sabi ng The Japan Times. Ang coagulant ang dahilan ng “isa sa pinakamalaking medikal na kapahamakan sa kasaysayan ng Hapon pagkatapos ng digmaan.” Ayon sa dokumento, sa pagitan ng 1980 at 2001, mga 290,000 katao ang binigyan ng coagulant. Tinatayang 10,000 ang nahawahan. Marami sa kanila ay mga babaing nagdadalang-tao na tumanggap nito upang pahintuin ang pagdurugo sa panganganak. Sinunod ng anunsiyo ng kagawaran ang kampanya ng mga biktima na nagnanais ipaalam ang suliranin sa madla at hikayatin ang sinumang tumanggap ng produkto na magpasuri upang malaman kung may hepatitis C sila. Kapag hindi ginamot, maaaring makamatay ang hepatitis C.

Panganib na Malipol ang mga Palaka

Milyun-milyong palaka ang namamatay, ayon sa magasing New Scientist, at wala talagang nakaaalam kung bakit. Mas malaki ang panganib na malipol ang mga ito kaysa sa mga ibon o mamalya. Nanganganib malipol ang halos sangkatlo ng 5,743 kilalang mga uri ng ampibyan. Ito ang ilan sa naging konklusyon ng kauna-unahang pandaigdig na surbey hinggil sa mga ampibyan. Iniuulat ng magasin na “nababahala ang mga siyentipiko sa kalusugan ng mga ampibyan mula pa noong 1989, nang maghambing sila ng mga nota sa unang International Conference on Herpetology at matuklasan ang bigla at di-maipaliwanag na pag-unti ng maraming uri sa buong daigdig.” Siyam na uri ng mga ampibyan ang nalalamang nalipol na mula noong 1980, at 113 uri pa na umiiral noon “ay hindi na masumpungan ngayon.” Ganito ang sabi ng soologo na si James Hanken ng Harvard University: “Talagang hindi namin alam kung ano ang dahilan ng pag-unti nila.”

Krisis sa Pagtitiwala

Sa buong daigdig, hindi pinagtitiwalaan ang mga pulitiko at mga nangunguna sa negosyo, ang ulat ng pahayagang International Herald Tribune sa Paris. Ayon sa isang surbey ng Gallup International na isinagawa sa 60 bansa, naniniwala ang karamihan na ang pulitikal na mga lider ay “hindi tapat,” may “labis-labis na kapangyarihan,” “madaling maimpluwensiyahan,” at “gumagawi nang labag sa etika.” Sa Aprika, Kanlurang Asia, at Latin Amerika, mahigit sa 80 porsiyento ng mga tinanong ang nagpahayag ng pag-aalinlangan sa katapatan ng mga pulitiko. Mas maganda nang bahagya ang reputasyon ng mga nangunguna sa negosyo​—mga 40 porsiyento lamang ng mga sinurbey ang nag-iisip na hindi tapat at gumagawi nang labag sa etika ang mga nangunguna sa negosyo. May kinalaman sa pangglobong seguridad, pesimistiko tungkol sa hinaharap ang 55 porsiyento sa Kanlurang Europa. Sa Ehipto, 70 porsiyento ang nag-iisip na “malabo ang kinabukasan.” Ang pinakaoptimistiko sa mga tinanong ay mula sa iba pang bansa sa Aprika na sinurbey, at 50 porsiyento sa kanila ang nagsasabing bubuti pa ang kalagayan.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share