Mga Lagalag na Asiano na Nagtatag ng Imperyo
Nagulantang sa takot ang Russia. Gaya ng mga balang, dumaluhong ang mga hukbong mandirigma mula sa silangan at binagtas ang madamong kapatagan. Pinaslang at dinambong nila ang mga bayan, at nilipol ang anumang hukbong sumalansang sa kanila. Ang tanging bahagi ng Russia na nakaligtas ay ang lugar ng Novgorod. Sa lugar na iyon isinulat ng isang natulalang saksi ang pagsalakay na ito ng “di-kilalang mga tribo” na may kakaibang wika.
ANG mga sumalakay ay mga Mongol, mga tao na nagmula sa madamong talampas ng tinatawag ngayon na Mongolia na nasa sentral at hilagang-silangan ng Asia. Simbilis ng kidlat ang kanilang pananakop, na nagsimula noong unang bahagi ng ika-13 siglo C.E. Binago nila ang kasaysayan ng Asia at ng kalahati ng Europa. Sa loob lamang ng 25 taon, mas maraming nalupig na teritoryo ang mga Mongol kaysa sa nasakop ng mga Romano sa loob ng 400 taon. Noong kasagsagan ng kanilang pananakop, namahala sila mula Korea hanggang Hungary at mula Siberia hanggang India—isa sa pinakamalaking imperyo na naiulat sa kasaysayan!
Bukod sa nagbibigay-liwanag sa kasaysayan ng Asia at Europa, ang mga ulat hinggil sa maituturing na panandaliang pananakop ng Imperyo ng mga Mongol ay nagtatampok sa maraming katotohanang itinuturo ng Bibliya hinggil sa kalikasan ng tao at sa panunupil ng tao sa kaniyang kapuwa. Kasama sa mga katotohanang ito ang sumusunod na mga punto: Panandalian lamang at walang saysay ang kaluwalhatian ng tao. (Awit 62:9; 144:4) “Ang tao ay nanunupil sa tao sa kaniyang ikapipinsala.” (Eclesiastes 8:9) At gaya ng isinasagisag sa Bibliya, ang makapangyarihang pulitikal na mga kaharian ay kumikilos na gaya ng mababagsik na hayop na agresibong naghahangad na malupig ang ibang mga bansa.a
Sino ang mga Mongol?
Ang mga Mongol ay mga lagalag na tribo at mahuhusay na mangangabayong nabubuhay sa pag-aalaga ng hayop, pangangalakal, at pangangaso. Di-tulad ng ibang lahi—na iilan lamang ang sinanay para sa digmaan—halos ang bawat lalaking Mongol na may kabayo at palaso ay isang matapang at mabalasik na mandirigma. At ang bawat tribo ay matapat sa lider nito, na tinatawag na khan.
Pagkatapos makipagdigma sa loob ng 20 taon, pinagkaisa ng isang khan na si Temüjin (c. 1162-1227) ang mga 27 tribo ng Mongol sa ilalim ng kaniyang pangunguna. Nang maglaon, ang mga Turkong Muslim, na tinatawag na mga Tatar, ay nakipaglaban kasama ng mga Mongol. Sa katunayan, nang magtungo sa kanluran ang malakas na hukbo ng mga Mongol, tinawag ng mga nasindak na Europeo ang mga sumalakay bilang mga Tartar.b Noong 1206, nang si Temüjin ay mahigit 40 anyos, tinawag siya ng mga Mongol na Genghis Khan—isang titulo na marahil ay nangangahulugang “malakas na tagapamahala” o “tagapamahala ng uniberso.” Kilala rin siya bilang ang Dakilang Khan.
Napakabilis at napakabagsik sumalakay ng mga hukbo ng mamamana ni Genghis Khan. Madalas silang makipagdigma at karaniwan nang umaabot ang kanilang pakikipaglaban nang libu-libong kilometro. Pagdating sa kakayahan sa militar, “kasinghusay niya si Alejandrong Dakila o Napoleon I,” ang sabi ng Encarta Encyclopedia. Ang Persianong istoryador na si Juzjani ay nabuhay noong panahon ni Genghis Khan, at inilarawan niya ito bilang “makapangyarihan, may kaunawaan, [at] isang henyo.” Tinawag din niya si Genghis Khan na “mamamatay-tao.”
Paglupig sa Iba Pang mga Lupain
Ang Hilagang Tsina ay sinakop ng mga Manchu, na nagbansag sa kanilang dinastiya bilang Jin, o “Ginintuan.” Upang marating ang teritoryo ng mga Manchu, dumaan ang mga Mongol sa mahirap-bagtasing Gobi Desert—na hindi naman problema para sa mga lagalag na maaaring mabuhay sa gatas at dugo ng mga kabayo, kung kinakailangan. Bagaman pinalawak ni Genghis Khan ang kaniyang pamamahala sa Tsina at sa Manchuria, nagtagal ang kaniyang pakikipagdigma rito sa loob ng mga 20 taon. Kinuha niya ang mga Tsinong iskolar, artisano, at mangangalakal, gayundin ang mga inhinyero na marunong gumawa ng mga aparatong pangubkob, katapult, at bombang may pulbura.
Pagkatapos makontrol ang mga pangunahing ruta ng mga mangangalakal patungo sa mga lupain sa kanluran, sinikap ni Genghis Khan na makipagkalakalan sa katabing imperyo ng Turkong sultan na si Muhammad. Pinamamahalaan noon ng sultan ang isang malaking imperyo na sumasaklaw ngayon sa Afghanistan, Tajikistan, Turkmenistan, Uzbekistan, at kalakhang bahagi ng Iran.
Noong 1218, isang delegasyon ng mga Mongol na diumano’y interesadong makipagkalakalan ang nagpunta sa teritoryo ng sultan. Pero pinagpapatay sila ng gobernador doon, at dahil dito ay nilusob ng mga Mongol ang teritoryo ng sultan. Ito ang unang paglusob ng mga Mongol sa isang lupain ng mga Muslim. Sa sumunod na tatlong taon, mabilis na dinambong at sinunog ng mga Mongol, na sinasabing mas marami pa sa mga langgam, ang mga lunsod at mga bukid. Nilipol nila ang buong bayan ni Sultan Muhammad, maliban sa mga taong may mga kasanayan na mapapakinabangan ng mga Mongol.
Pagkatapos, ang hukbo ng mga Mongol, na tinatayang mga 20,000, ay nagtungo sa Azerbaijan at Georgia hanggang sa madamong kapatagan ng Caucasia. Nilupig nila ang bawat hukbong makasalubong nila, pati na ang isang hukbong Ruso na may 80,000 sundalo. Sa isang ekspedisyon, mga 13,000 kilometro ang nilakbay ng mga Mongol at napalibutan nila ang Dagat Caspian. Isa ito sa itinuturing ng ilan na pinakamalaking ekspedisyon ng mga mangangabayo sa buong kasaysayan. Ang sunud-sunod na pananakop na ito ay muling nangyari nang lupigin ng mga tagapamahalang Mongol ang Silangang Europa.
Mga Humalili kay Genghis Khan
Si Ögödei ang ikatlo sa apat na anak na lalaki ni Genghis Khan sa kaniyang pangunahing asawa. Siya ang sumunod na Dakilang Khan. Pinalakas ni Ögödei ang kontrol niya sa mga nilupig na lupain. Tumanggap siya ng buwis mula sa mga pinunong nasasakupan niya at ganap na nilupig ang dinastiyang Jin sa hilagang Tsina.
Upang mapanatiling matatag ang imperyo at matustusan ang maluhong paraan ng pamumuhay na kinasanayan ng mga Mongol, ipinasiya ni Ögödei na muling sumabak sa digmaan—pero sa mga lupaing hindi pa nasasamsaman. Naglunsad siya ng dalawang pagsalakay—ang isa ay sa mga lupain ng Europa sa kanluran at ang isa naman ay sa dinastiyang Sung sa timugang Tsina. Nagtagumpay siya sa Europa pero hindi siya nagwagi sa Tsina. Sa kabila ng ilang tagumpay, hindi nalupig ng mga Mongol ang pangunahing teritoryo ng Sung.
Pananakop sa Kanluran
Noong 1236, mga 150,000 mandirigma ang nagtungo sa kanluran papunta sa Europa. Una, pinuntirya nila ang mga rehiyon sa tabi ng Ilog Volga; pagkatapos ay sinalakay nila ang mga estadong-lunsod ng Russia at tinupok ang Kiev. Pinangakuan ng mga Mongol ang mga Ruso na hindi nila sasakupin ang mga lunsod nito kung magbibigay sila ng ikapu ng lahat ng kanilang tinataglay. Pero mas gustong lumaban ng mga Ruso. Sa pamamagitan ng mga katapult, pinaulanan ng mga Mongol ang mga kaaway ng malalaking bato, nagliliyab na naphtha, at salitre. Nang mabutas ang mga pader ng lunsod, dumaluhong ang mga mananalakay. Napakarami nilang pinatay anupat isinulat ng isang istoryador, “Wala man lamang natirang buháy para tumangis sa mga patay.”
Sinalanta ng mga Mongol ang Poland at Hungary, at nakaabot sila malapit sa hanggahan ng lupaing tinatawag ngayong Alemanya. Naghanda ang Kanlurang Europa para sa pagsalakay ng mga Mongol, pero walang naganap na pagsalakay. Noong Disyembre 1241, namatay si Ögödei Khan malamang na dahil sa sobrang kalasingan. Kaya nagmadaling umuwi ang mga kumandanteng Mongol sa kanilang kabisera, ang Karakorum, 6,000 kilometro ang layo, upang maghalal ng bagong tagapamahala.
Ang anak ni Ögödei na si Güyük ang humalili sa kaniya. Ang isang nakasaksi sa pagluluklok kay Güyük sa trono ay isang Italyanong prayle na naglakbay nang 15 buwan sa teritoryong hawak ng mga Mongol upang maghatid ng liham mula kay Pope Innocent IV. Nais hilingin ng papa na ipangako ng mga Mongol na hindi na nila sasalakayin ang Europa, at hinimok niya ang mga Mongol na tanggapin ang Kristiyanismo. Hindi nangako si Güyük. Sa halip, sinabi niya sa papa na pumunta sa kaniya kasama ng isang delegasyon ng mga hari upang magbigay-pugay sa Khan!
Dalawa Pang Magkahiwalay na Pagsalakay
Ang sumunod na Dakilang Khan ay si Mongke, na iniluklok noong 1251. Siya at ang kaniyang kapatid na si Kublai ay naglunsad ng dalawang pag-atake—isa sa dinastiyang Sung sa timugang Tsina at isa sa kanluran. Winasak ng hukbong nagpunta sa kanluran ang Baghdad at pinasuko nito ang Damasco. Dahil dito, nagsaya ang mga tinaguriang Kristiyano na may krusada laban sa mga Muslim, at ninakawan at pinatay naman ng mga “Kristiyano” na nakatira sa Baghdad ang mga kapitbahay nilang Muslim.
Nang waring malilipol na ng mga Mongol ang mga Muslim, naulit na naman ang nangyari sa mga Mongol. Nabalitaan nilang namatay si Mongke. Muling umuwi ang mga mananalakay pero sa pagkakataong ito, 10,000 sundalo lamang ang iniwan nila para depensahan ang nasakop nila. Di-nagtagal pagkatapos nito, ang maliit na hukbong ito ay nilipol ng isang hukbo mula sa Ehipto.
Matagumpay ang pagsalakay sa timugang Tsina laban sa mayamang dinastiyang Sung. Sa katunayan, ipinroklama ni Kublai Khan ang kaniyang sarili bilang tagapagtatag ng isang bagong dinastiyang Tsino na tinawag niyang Yuan. Ang lugar na kinaroroonan ng kaniyang bagong kabisera ay kilala ngayon bilang Beijing. Pagkatapos lupigin ang natitira pang mga tagasuporta ng Sung noong huling bahagi ng dekada ng 1270, namahala si Kublai sa Tsina na nagkaisa noon sa kauna-unahang pagkakataon mula nang bumagsak ang dinastiyang Tang noong 907.
Pagkakawatak-watak at Pagbagsak
Noong unang bahagi ng ika-14 na siglo, nagsimulang gumuho ang makapangyarihang Imperyo ng mga Mongol. Maraming dahilan ito. Isa na rito ang pag-aagawan sa kapangyarihan ng mga inapo ni Genghis Khan. Bilang resulta, nahati ang imperyo sa mga khanate. Gayundin, may mga Mongol na naging bahagi ng ilang sibilisasyong nasakop nila. Sa Tsina, humina ang awtoridad ng mga inapo ni Kublai dahil sa mga pag-aagawan ng kapangyarihan. Palibhasa’y nagsawa na sa kawalang-kakayahan ng mga tagapamahala, katiwalian, at malalaking buwis, pinatalsik ng mga Tsino ang kanilang mga panginoong Yuan at pinabalik ang mga ito sa Mongolia noong 1368.
Gaya ng malakas na bagyo, mabilis na nanalanta ang mga Mongol, sandaling nanakop, at pagkaraa’y naglaho na. Gayunpaman, naging bahagi sila ng kasaysayan ng Europa at Asia, pati na sa pagkakaisa ng Mongolia at ng Tsina. Sa katunayan, ipinagmamalaki ng mga taga-Mongolia ang unang dakilang khan, si Genghis Khan, bilang ama ng kanilang bansa.
[Mga talababa]
a Tingnan kung paano tinukoy ng Bibliya ang mga hayop at pulitikal na mga pamamahala, o gobyerno, sa sumusunod na mga teksto: Daniel 7:6, 12, 17, 23; 8:20-22; Apocalipsis 16:10; 17:3, 9-12.
b Inakala ng mga Europeo na ang mga Tatar ay mga diyablo mula sa “Tartaro.” (2 Pedro 2:4) Kaya tinawag nilang mga Tartar ang mga mananalakay.
[Kahon/Larawan sa pahina 13]
Mula sa pananakop tungo sa pangangalakal
Noong nasa tugatog ng tagumpay ang dinastiyang Yuan, na itinatag ni Kublai Khan, itinaguyod nito ang pangangalakal at paglalakbay, na umakay sa tinatawag na “pinakadakilang paglawak ng komersiyo sa kasaysayan ng Eurasia.” Ito ang panahon ng dakilang manlalakbay na taga-Venice, si Marco Polo (1254-1324).c Ang mga mangangalakal na Arabe, Persiano, Europeo, at mga taga-India ay naglalakbay sa lupa o sa dagat, na may mga kabayo, alpombra, hiyas, at mga espesya upang ipagpalit sa mga produktong seramik, dekorasyong binarnisan, at seda.
Noong 1492, naglayag si Christopher Columbus mula sa Europa patungo sa kanluran, dala ang isang kopya ng ulat hinggil sa paglalakbay ni Marco Polo. Nais niya na muling makipag-ugnayan at makipagkalakalan sa korte ng mga Mongol. Pero wala siyang kaalam-alam na hindi na pala umiiral ang Imperyo ng mga Mongol mahigit isang siglo na ang nakalilipas! Dahil sa pagbagsak ng imperyo, nagkaroon ng problema sa komunikasyon, at hinarangan ng mga Muslim ang daanan mula Europa patungo sa Silangan.
[Talababa]
c Para sa pagtalakay hinggil sa paglalakbay ni Marco Polo sa Tsina, tingnan ang Hunyo 8, 2004, isyu ng Gumising!
[Kahon/Larawan sa pahina 14]
Kilalang mapagparaya sa relihiyon
Ang sinaunang mga Mongol ay mga animista, mga taong naniniwalang may kaluluwa ang mga halaman, bagay, at natural na pangyayari. Bagaman gayon ang kanilang paniniwala, pinahihintulutan nila ang ibang mga tao na isagawa ang kani-kanilang relihiyon. Ipinaliwanag ng aklat na The Devil’s Horsemen na noong pumasok ang mga taga-Kanluran sa Karakorum, ang kabisera ng mga Mongol, namangha sila hindi lamang sa kayamanan nito kundi pati rin sa pagpaparaya nito sa relihiyon—magkakatabi ang mga simbahan, moske, at templo.
Naging pamilyar ang mga Mongol sa naturingang Kristiyanismo sa pamamagitan ng mga Nestorian, na humiwalay sa Simbahang Bizantino, o Silanganing Simbahan. Nakumberte ng mga Nestorian ang maraming Turko sa Asia, na nakaengkuwentro ng mga Mongol. Ang ilan sa mga babaing nakumberte ay naging mga asawa pa nga ng mga maharlikang Mongol.
Iba-iba ang relihiyon ng mga Mongol sa ngayon. Tinataya na ang 30 porsiyento ng populasyon ay mga animista; 23 porsiyento ay nagtataguyod ng Budismo ng Tibet; at 5 porsiyento ay nagtataguyod ng Islam. Walang relihiyon ang karamihan sa natitirang bahagi ng populasyon.
[Mapa sa pahina 15]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Lupaing Naimpluwensiyahan ng mga Mongol
HUNGARY
RUSSIA
Kiev
Ilog Volga
SIBERIA
Dagat Caspian
Damasco
IRAN
Baghdad
UZBEKISTAN
MONGOLIA
Karakorum
Gobi Desert
KOREA
TSINA
Beijing
INDIA
Novgorod
[Larawan sa pahina 15]
Kawan ng mga kabayo, Mongolia
[Larawan sa pahina 15]
Genghis Khan
[Picture Credit Line sa pahina 12]
Bildarchiv Preussischer Kulturbesitz/Art Resource, NY
[Picture Credit Lines sa pahina 15]
Tanawin: © Bruno Morandi/age fotostock; Genghis Khan: © The Stapleton Collection/The Bridgeman Art Library