Musika—Kaloob ng Diyos na Nakapagpapasaya ng Puso
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA ESPANYA
ANG musika ay nakaaantig ng damdamin. Napapakalma tayo nito, napasisigla, at napasasaya. Maaari nitong ipahayag ang ating kagalakan at kalungkutan. Noon at ngayon, ang musika na karaniwan sa halos lahat ng kultura ay isang wikang nangungusap sa ating puso at isip. Oo, tunay ngang isang kaloob mula sa Diyos ang musika.—Genesis 4:21.
Mula pa nang ipanganak tayo, sa paanuman ay malamang na nakarinig na tayo ng musika. Marahil ay pinaghehele tayo noon ng ating nanay. Noong tin-edyer pa tayo, baka naging libangan nating makinig sa mga awiting nakapagpapasaya ng ating puso. At kahit nang maging mga adulto tayo, marami sa atin ang nagrerelaks sa pamamagitan ng pakikinig ng musika habang nagmamaneho o pagkatapos ng isang abalang maghapon.
Ang mga liriko ng isang awitin ay maaaring maglaman ng ilang bahagi ng kultura o kasaysayan ng isang bansa. Ipinagdiriwang ng mga sinaunang Israelita ang ilang espesyal na okasyon nang may mga awit ng papuri. (Exodo 15:1-21; Hukom 5:1-31) Kumatha ang propetang si Moises ng isang awitin na nagsasaad ng kasaysayan ng Israel at ng madamdaming paalaala para sa kaniyang bayan. (Deuteronomio 32:1-43) Walang alinlangan na ang gayong mga awitin ay mabisang tagapagpaalaala.
Kaya Mong Lumikha ng Musika!
Siguro ay naiisip mo, ‘Wala akong kaalam-alam sa musika.’ Buweno, isipin sandali ang iyong boses. Yamang lubhang kamangha-mangha ang ating boses, sa paanuman ay makalilikha ng musika ang sinuman, may instrumento man siya o wala. Ang kailangan mo lamang gawin ay ibuka ang iyong bibig at umawit. At huwag kang mag-alala, hindi mo naman kailangang maging kasinggaling ng mahuhusay umawit. Mag-ensayo ka, at malamang na huhusay ka rin.
“Ang ating tinig ay may malapit na kaugnayan sa damdaming nagmumula sa kaibuturan ng ating puso, at ito ang pinakamahusay na paraan upang maipadama iyon,” ang sabi ng Kastilang edisyon ng magasing Psychologies. “Napakasarap [umawit],” ang sabi ng soprano na si Ainhoa Arteta. “Iminumungkahi ko sa sinumang gustong magpahayag ng kaniyang damdamin sa pamamagitan ng awitin na umawit lamang siya at huwag mabahala.”
Yamang may malaking epekto ang musika sa ating puso, dapat tayong maging mapamili. Halimbawa, dahil sa ganda ng himig, baka hindi na mapansin ng ilan na hindi pala kaayaaya ang liriko ng pinakikinggan nilang musika. Marahil ay binibigyang-katuwiran o itinataguyod ng mga lirikong ito ang pagkapoot, imoralidad, o karahasan—mga tema na hindi gugustuhin ng isang taong nagnanais na paluguran ang Diyos. (Efeso 4:17-19; 5:3, 4) “Higit sa lahat na dapat bantayan,” ang sabi ng Salita ng Diyos, “ingatan mo ang iyong puso, sapagkat nagmumula rito ang mga bukal ng buhay.” (Kawikaan 4:23) Oo, mahalaga na maging mapamili tayo sa pinakikinggan nating musika.a
Magandang Musika, Maganda sa Kalusugan
“Ang isang dahilan kung bakit karaniwan ang musika sa halos lahat ng kultura [ay] sapagkat nakatutulong ito sa kalusugan ng tao,” ang sabi ng aklat na Principles and Practice of Stress Management. Sinabi ng isa pang reperensiya na kapag umaawit tayo, waring nanginginig ang ating buong katawan. Bilang resulta, ang bahagyang panginginig na ito ay nakapagpapakalma ng kalamnan, na nakakatulong naman para maibsan ang kirot na nararamdaman.
Kaya inirerekomenda ng ilang terapist sa mga pasyenteng nakadarama ng kaigtingan na makinig sa nakagiginhawang musika yamang maaaring makatulong ito para gumanda ang kanilang pakiramdam. Nagpapatugtog pa nga ng musika ang ilang ospital sa kanilang mga intensive care unit. Mayroon ding magandang epekto ang nakagiginhawang musika sa mga sanggol na ipinanganak nang kulang sa buwan at gayundin sa mga pasyenteng bagong opera. Ayon sa Principles and Practice of Stress Management, ipinakikita ng pag-aaral na ang pakikinig sa nakarerelaks na musika ay “nakakatulong para mabawasan ang hormon na inilalabas ng katawan kapag nakadarama ito ng kaigtingan sa panahon ng operasyon.”
Nababawasan din ng pakikinig sa musika ang pagkabalisa ng mga buntis kung kaya’t nagiging relaks sila sa panahon ng panganganak. Nagpapatugtog ang mga dentista ng musika para kumalma ang kanilang tensiyonadong mga pasyente. Pero higit pa riyan ang nagagawa ng musika. Matutulungan din tayo nito sa espirituwal na paraan.
‘Sa Pamamagitan ng Awit ay Pupurihin Ko ang Diyos’
Alam mo ba na mga ikasampung bahagi ng Bibliya ay mga awit? Ang pangunahing halimbawa nito ay ang Mga Awit, Awit ni Solomon, at Mga Panaghoy. Kaya hindi kataka-taka na karamihan sa humigit-kumulang tatlong daang pagbanggit sa awit ay may kaugnayan sa pagsamba sa Diyos. “Si Jehova ang aking lakas . . . , at sa pamamagitan ng aking awit ay pupurihin ko siya,” ang isinulat ni Haring David ng Israel, isang mahusay na manunugtog at mangangatha ng mga awit.—Awit 28:7.
Sa katunayan, nag-atas si David ng 4,000 lalaking mula sa tribo ni Levi upang maglingkod bilang mga manunugtog at mang-aawit sa Jerusalem. Sa mga ito, 288 ang “sinanay sa pag-awit kay Jehova, ang lahat ay mga bihasa.” (1 Cronica 23:4, 5; 25:7) Tiyak na regular at masikap sa pag-eensayo ang mga mang-aawit na ito. Talagang napakahalaga ng musika sa pagsamba sa Diyos anupat ang mga mang-aawit na ito ay hindi na binigyan ng iba pang tungkulin sa templo upang makapagsanay sila nang husto sa kanilang pag-awit.—1 Cronica 9:33.
Noong gabi bago mamatay si Jesus, siya at ang kaniyang mga apostol ay umawit ng mga papuri sa Diyos. Malamang na ang mga ito ay ang Awit 113 hanggang 118. Noong panahon ni Jesus, ang mga awit na ito—tinatawag na “Salmong Hallel”—ay inaawit sa pagdiriwang ng Paskuwa. (Mateo 26:26-30) Ang katawagang “Salmong Hallel” ay tumutukoy sa paulit-ulit na pagbulalas ng “Hallelujah!” na nangangahulugang “Purihin si Jah!” Ang “Jah” ay ang pinaikli at matulaing anyo ng pangalang Jehova, ang pangalan ng Kataas-taasang Diyos.—Awit 83:18.
Naging bahagi rin ng Kristiyanong pagsamba ang pag-awit. Ganito ang sinasabi ng aklat na The History of Music: “Ang pag-awit sa pangmadla at pribadong pagsamba ay isinagawa ng unang mga Kristiyano. Para sa mga nakumberteng Judio, bahagi ito ng pagsasagawa ng mga kaugalian sa sinagoga . . . Bukod pa sa Hebreong Mga Awit . . . , ang bagong pananampalatayang ito ay patuloy na lumikha ng mga bagong himno.” Sa ngayon, nalulugod din ang mga Kristiyanong Saksi ni Jehova na umawit ng papuri sa Diyos, kapuwa sa kanilang mga tahanan at Kristiyanong pagpupulong.
Yamang sa tulong ng musika ay naipahahayag natin ang halos lahat ng ating damdamin at dahil mayroon itong malaking epekto sa ating puso, isip, at katawan, dapat nating lubos na pahalagahan ang “sakdal na regalo [na ito] mula sa itaas.” (Santiago 1:17) Oo, palagi nawa tayong masiyahan sa kaloob na ito at maging mapamili kapag nakikinig at umaawit ng musika.
[Talababa]
a Bukod pa sa pag-iwas sa mga awiting nagtataguyod ng pagkapoot, imoralidad, o karahasan, ang mga taong umiibig sa Diyos at sa kanilang kapuwa ay hindi rin nakikinig sa mga musikang may kaugnayan sa idolatriya, nasyonalismo, o huwad na mga relihiyosong turo.—Isaias 2:4; 2 Corinto 6:14-18; 1 Juan 5:21.