Pagkakawanggawa ba ang Solusyon?
BAGAMAN karaniwan nang laman ng balita ang tungkol sa mga likas na kasakunaan, kahirapan, taggutom, sakit, at nakababahalang mga problema sa kapaligiran, mayroon din namang magandang balita—ang pagdami ng nagkakawanggawa. Mababalitaan kung minsan ang pag-aabuloy ng mayayamang indibiduwal ng daan-daang milyong dolyar, o bilyon pa nga, sa mga kawanggawa. Karaniwan nang ginagamit ng mga artista at ng iba pang kilalang personalidad ang kanilang kasikatan para maitampok ang malulubhang suliranin na dapat solusyunan. Marami ring mga taong may katamtamang kita ang nag-aabuloy sa mga kawanggawa. Pero may maibibigay bang pangmatagalang solusyon ang mga pinansiyal na tulong na ito?
Panahon ng Pagkakawanggawa?
Tila nagiging kalakaran na ang pagkakawanggawa sa ilang lupain. “Sa pagpasok ng ikadalawampu’t isang siglo, dumami ang mga organisasyon [ng pagkakawanggawa] sa mas maraming bansa kumpara noong mga nagdaang siglo, at nagiging mas malaki ang pondo ng mga ito,” ang sabi ng isang reperensiya. Habang parami nang parami ang yumayaman, inaasahan na magpapatuloy ang pagkakawanggawa. Bukod pa sa malalaking halagang naibibigay ng ilang mayayaman, ipinamamana rin ng iba ang kanilang kayamanan kapag namatay na sila. Bunga nito, inaasahan na patuloy na darami ang pondo at ari-arian ng mga organisasyon sa pagkakawanggawa. Dahil dito, sinabi ng pahayagan sa Britanya na The Economist na maaaring ito na ang “panahon ng pagkakawanggawa.”
Ang isang dahilan na nagbunsod sa ganitong kalakaran ay ang pagkabigo ng mga gobyerno na lutasin ang malulubhang problema ng daigdig. Tinukoy ng isang kinatawan ng UN para sa HIV/AIDS sa Aprika na ang hindi pagkilos ng mga pulitiko na tugunan ang problema ng daigdig tungkol sa kalusugan ang dahilan kung bakit parami nang paraming artista at kilalang personalidad ang gumagawa ng sariling paraan para malutas ang usaping ito. Nauugnay man ang problema sa kahirapan, pangangalaga sa kalusugan, kapaligiran, edukasyon, o katarungan sa lipunan, ang mayayaman ay “naiinip dahil sa kawalan ng pagsisikap ng mga gobyerno at internasyonal na mga organisasyon na lutasin o bawasan man lamang ang mga problemang ito,” ang sabi ni Joel Fleishman sa kaniyang aklat na The Foundation: A Great American Secret—How Private Wealth Is Changing the World. Dahil sa kagustuhan ng ilang mayayamang pilantropo na magkaroon ng agarang pagbabago, sinusubukan nila ang mga pamamaraan sa negosyo na nagpayaman sa kanila.
Kabutihang Naidudulot ng Pagkakawanggawa
Nagsimula ang tinatawag na panahon ng pagkakawanggawa noong unang bahagi ng ika-20 siglo. Ipinasiya noon ng napakayamang mga negosyante, gaya nina Andrew Carnegie at John D. Rockefeller, Sr., na gamitin ang kanilang kayamanan upang tulungan ang mga naghihikahos. Napagtanto ng mga pilantropong ito na bagaman pinakakain at inaalagaan ng mga karaniwang institusyon ng pagkakawanggawa ang mga taong nagugutom at mga batang may-sakit, hindi nito nabibigyang-pansin ang pinakasanhi ng mga problema. Kaya para maging mas organisado ang pagkakawanggawa, bumuo sila ng mga institusyon at organisasyon na magtataguyod ng pagbabago sa lipunan at tutustos sa mga pagsasaliksik para masolusyunan ang ugat ng mga suliranin. Pasimula ng mga taóng iyon, libu-libong organisasyon ang naitatag sa buong mundo, kung saan mahigit 50 sa mga ito ang may pondo na mahigit isang bilyong dolyar.
Hindi maikakaila ang kabutihang naidudulot ng pagkakawanggawa. Pinatutunayan ito ng napakaraming paaralan, aklatan, ospital, parke, at museong naipatayo ng mga organisasyon ng pagkakawanggawa. Gayundin, malaki ang naitulong ng mga programa sa pagpaparami ng ani para mapakain ang mga tao sa mahihirap na lupain. Ang paglalaan ng pondo para sa pagsasaliksik sa medisina ang nakatulong upang mapahusay ang pangangalaga sa kalusugan at, sa ilang kaso, sa pagsugpo ng ilang sakit, gaya ng yellow fever.
Yamang mas apurahan na ngayon ang pagsisikap na lutasin ang mga problema sa daigdig at mas malaki na ang pondong magagamit ukol dito, waring gumaganda ang kinabukasan ng maraming tao. Ganito ang sinabi ng isang dating pangulo ng Estados Unidos sa isang grupo ng mga pilantropo noong 2006: “Hindi matatawaran ang mabuting epekto sa publiko ng pagkakawanggawa ng pribadong sektor.”
Gayunman, marami ang hindi gaanong kumbinsido sa ideyang ito. Ganito ang isinulat ni Laurie Garrett, eksperto sa larangan ng pangangalaga ng kalusugan sa buong daigdig: “Iisipin marahil ng isa na sa dami ng perang iniaabuloy, tila magkakaroon na ng solusyon ang mga problema ng daigdig hinggil sa kalusugan. Pero nagkakamali siya.” Bakit? Tinukoy niya bilang dahilan ang komplikadong mga pamamaraan ng gobyerno, katiwalian, kawalan ng koordinasyon, at ang tendensiya ng mga pilantropo na magdikta kung anong partikular na problema sa kalusugan—AIDS, bilang halimbawa—ang paggagamitan ng kanilang mga iniaabuloy na pondo.
Dahil sa kawalan ng koordinasyon at yamang ang pera ay “karaniwan nang iniuukol sa ilang kilalang sakit—sa halip na sa suliranin sa kalusugan ng publiko sa pangkalahatan,” iniisip ni Garrett na “malamang na ang kasalukuyang pagkakawanggawa ay mauuwi lamang sa pagkabigo at baka pa nga magpalala sa mga bagay-bagay.”
Kung Bakit Hindi Pera ang Solusyon
Anuman ang layunin ng pagkakawanggawa, laging may limitasyon ang nagagawa nito. Bakit? Una sa lahat, hindi kayang alisin ng pera ni ng mahusay na edukasyon ang mga problemang gaya ng kasakiman, pagkapoot, pagtatangi ng lahi, nasyonalismo, pagtatangi ng sariling tribo, at huwad na mga relihiyosong paniniwala. Totoo, bagaman nakadaragdag ito sa mga paghihirap ng tao, hindi ito ang pinakasanhi ng pagdurusa ng sangkatauhan. Gaya ng binabanggit ng Bibliya, mayroon pang ibang bagay na dapat nating isaalang-alang.
Ang isa ay ang di-kasakdalan ng tao bunga ng kasalanan. (Roma 3:23; 5:12) Ang ating di-sakdal na kalagayan ang dahilan kung bakit tayo nakapag-iisip at nakagagawa ng mga maling bagay. “Ang hilig ng puso ng tao ay masama magmula sa kaniyang pagkabata,” ang sabi ng Genesis 8:21. Palibhasa’y nagpapadaig sa tendensiyang ito, milyun-milyon ang nagsasagawa ng seksuwal na imoralidad at pag-aabuso sa droga. At ang mga gawaing ito naman ang nagiging dahilan ng pagkalat ng iba’t ibang sakit, kabilang na rito ang AIDS.—Roma 1:26, 27.
Ang pangalawang sanhi ng pagdurusa ay ang kawalan ng kakayahan ng tao na matagumpay na pamahalaan ang sarili. ‘Hindi sa tao ang magtuwid man lamang ng kaniyang hakbang,’ ang sabi ng Jeremias 10:23. Gaya ng sinabi ng isang kinatawan ng UN na naunang nabanggit, ang hindi pagkilos ng mga pulitiko na tugunan ang mga problema ng daigdig ang isang dahilan kung bakit maraming organisasyon ng mga pilantropo ang nagkakawanggawa nang hindi na humihingi ng tulong sa gobyerno. Ipinaliliwanag ng Bibliya na ang mga tao ay nilayon na umasa sa Maylalang bilang ang kanilang Tagapamahala at hindi sa iba.—Isaias 33:22.
Karagdagan pa, nangangako ang Bibliya na lulutasin ng Maylalang, ang Diyos na Jehova, ang lahat ng suliranin na sumasalot sa sangkatauhan. Sa katunayan, gumawa na siya ng mahahalagang hakbang may kinalaman sa bagay na ito.
Ang Pinakadakilang Pilantropo
Wala nang hihigit pa sa pag-ibig na ipinakita ng Maylalang sa sangkatauhan. Ganito ang sinasabi ng Juan 3:16: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” Oo, hinding-hindi matutumbasan ng pera ang inilaan ni Jehova para mapalaya ang mga tao sa napakahigpit na kapit ng kasalanan at kamatayan. Ibinigay niya ang kaniyang pinakamamahal na Anak bilang “pantubos na kapalit ng marami.” (Mateo 20:28) Ganito naman ang isinulat ni apostol Pedro hinggil kay Jesus: “Siya mismo ang nagdala ng ating mga kasalanan sa kaniyang sariling katawan sa tulos, upang tayo ay matapos na sa mga kasalanan at mabuhay sa katuwiran. At ‘sa pamamagitan ng kaniyang mga latay ay napagaling kayo.’”—1 Pedro 2:24.
Nagtuon din ng pansin si Jehova sa problema hinggil sa pamamahala. Upang malutas ito, nagtatag siya ng pambuong-daigdig na pamamahala na tinatawag na Kaharian ng Diyos. Mamamahala ito mula sa langit, aalisin nito ang lahat ng bakas ng kasamaan, at magdudulot ng kapayapaan at pagkakaisa sa Planetang Lupa.—Awit 37:10, 11; Daniel 2:44; 7:13, 14.
Sa pamamagitan ng lubusang pag-aalis ng pinakasanhi ng pagdurusa ng tao, isasakatuparan ng Diyos ang higit pa sa magagawa ng lahat ng tao, bilang indibiduwal o organisasyon. Kaya sa halip na magtatag ng mga organisasyon ng pagkakawanggawa, tinutularan ng mga Saksi ni Jehova si Jesu-Kristo, anupat ginugugol nila ang kanilang panahon at pananalapi sa pangangaral ng “mabuting balita ng kaharian ng Diyos.”—Lucas 4:43; Mateo 24:14.
[Kahon/Larawan sa pahina 21]
“Iniibig ng Diyos ang Masayang Nagbibigay”
Ang mga pananalitang iyan na mababasa sa Bibliya sa 2 Corinto 9:7 ay isa sa mga simulaing gumagabay sa mga Saksi ni Jehova. Kapag ginugugol nila ang kanilang panahon, lakas, at materyal na mga tinatangkilik para tulungan ang iba, sinisikap nilang ikapit ang payo: “Umibig tayo, huwag sa salita ni sa dila man, kundi sa gawa at katotohanan.”—1 Juan 3:18.
Kapag panahon ng kagipitan, gaya ng mga likas na kasakunaan, itinuturing ng mga Saksi na isang karangalan ang tumulong sa mga naapektuhan ng mga ito. Halimbawa, matapos salantain ng Bagyong Katrina, Rita, at Wilma ang timugang rehiyon ng Estados Unidos, libu-libong Saksi ang nagboluntaryo at pumunta sa mga apektadong lugar upang tumulong sa paglalaan ng mga pangangailangan ng mga biktima at sa muling pagtatayo ng mga nasirang bahay. Sa ilalim ng pangangasiwa ng mga komite sa pagtulong, ang mga boluntaryo ay nakapagkumpuni at muling nakapagtayo ng mahigit 5,600 bahay ng mga Saksi ni Jehova at 90 Kingdom Hall—halos lahat ng napinsala ng mga bagyo.
Walang ikapu ang mga Saksi ni Jehova at hindi rin sila sa anumang paraan nangingilak ng pondo. Ang lahat ng kanilang gawain ay sinusuportahan ng kusang-loob na mga donasyon.—Mateo 6:3, 4; 2 Corinto 8:12.
[Mga larawan sa pahina 19]
Hindi kayang alisin ng pera ang pinakasanhi ng pagkakasakit at pagdurusa ng tao
[Credit Line]
© Chris de Bode/Panos Pictures