Agosto
Biyernes, Agosto 1
Maraming paghihirap ang matuwid, pero inililigtas siya ni Jehova sa lahat ng ito.—Awit 34:19.
Pansinin ang dalawang mahalagang punto sa awit na ito: (1) Nagkakaproblema kahit ang mga taong matuwid. (2) Tinutulungan tayo ni Jehova na maharap ang mga problema. Paano niya iyan ginagawa? Tinutulungan niya tayo na magkaroon ng tamang pananaw habang nabubuhay tayo sa sistemang ito. Nangangako si Jehova na magiging masaya tayo habang naglilingkod sa kaniya, pero hindi niya sinasabing hindi na tayo magkakaproblema. (Isa. 66:14) Gusto niya na magpokus tayo sa hinaharap—kapag nararanasan na natin ang buhay na gusto niya para sa atin. (2 Cor. 4:16-18) Pero habang hinihintay iyon, tinutulungan niya tayong patuloy na makapaglingkod sa kaniya araw-araw. (Panag. 3:22-24) Ano ang matututuhan natin sa halimbawa ng tapat na mga lingkod ni Jehova noong panahon ng Bibliya at sa panahon natin? Puwede tayong magkaroon ng di-inaasahang mga problema. Pero kung lagi tayong aasa kay Jehova, aalalayan niya tayo.—Awit 55:22. w23.04 14-15 ¶3-4
Sabado, Agosto 2
Magpasakop sa nakatataas na mga awtoridad.—Roma 13:1.
Magandang halimbawa sa atin sina Jose at Maria. Handa silang sumunod sa nakatataas na mga awtoridad kahit mahirap iyon para sa kanila. (Luc. 2:1-6) Mga siyam na buwan nang buntis si Maria nang masubok ang pagiging masunurin nila ni Jose. Iniutos noon ni Emperador Augusto na ang lahat ng sakop ng Imperyo ng Roma ay magparehistro sa kani-kanilang lunsod. Kailangang maglakbay nina Jose at Maria papuntang Betlehem. Maburol ang dadaanan nila, at puwedeng umabot nang 150 kilometro ang layo nito. Hindi madali ang paglalakbay na iyon, lalo na para kay Maria. Baka nag-alala ang mag-asawa sa kaligtasan ni Maria at ng ipinangakong Mesiyas na ipinagbubuntis niya. Paano kung bigla siyang manganak habang naglalakbay sila? Pero hindi nila ginawang dahilan ang mga iyon para labagin ang utos ng gobyerno. Kahit na may mga ipinag-aalala sina Jose at Maria, sumunod pa rin sila sa batas. Pinagpala ni Jehova ang pagiging masunurin nila. Nakarating nang ligtas si Maria sa Betlehem at nagsilang ng isang malusog na sanggol. Nakatulong pa nga siya na matupad ang isang hula sa Bibliya!—Mik. 5:2. w23.10 8 ¶9; 9 ¶11-12
Linggo, Agosto 3
Patibayin natin ang isa’t isa.—Heb. 10:25.
Paano kung iniisip mo pa lang na magkomento sa mga pulong, kinakabahan ka na? Makakatulong kung maghahanda kang mabuti. (Kaw. 21:5) Kung pamilyar ka sa tinatalakay, magiging mas madali para sa iyo na magkomento. Isa pa, iklian ang mga komento mo. (Kaw. 15:23; 17:27) Mas kakabahan ka kasi kung mahaba ang ikokomento mo. At kapag nagkokomento ka nang maikli sa sarili mong salita, naipapakita mong naghanda kang mabuti at naiintindihan mo ang tinatalakay. Paano kung nasubukan mo na ang ilan sa mga mungkahing ito at nakapagkomento ka na nang isa o dalawang beses pero kinakabahan ka pa ring magtaas ulit ng kamay? Makakasigurado kang pinapahalagahan ni Jehova ang mga pagsisikap mo. (Luc. 21:1-4) Hindi humihiling si Jehova nang higit sa kaya nating ibigay. (Fil. 4:5) Kaya alamin kung ano ang kaya mong gawin, pagsikapang gawin ito, at ipanalangin kay Jehova na maging kalmado ka. Sa umpisa, baka sapat nang makapagbigay ka ng kahit isang maikling komento. w23.04 21 ¶6-8
Lunes, Agosto 4
Isuot natin ang . . . baluti at ang . . . helmet.—1 Tes. 5:8.
Ikinumpara tayo ni apostol Pablo sa mga sundalong alerto at laging handa. Kapag may digmaan, inaasahan na handang makipaglaban ang sundalo anumang oras. Dapat din tayong maging handa para sa araw ni Jehova. Kailangan nating isuot ang pananampalataya at pag-ibig gaya ng baluti at ang pag-asa gaya ng helmet. Pinoprotektahan ng baluti ang puso ng sundalo. Pinoprotektahan naman ng pananampalataya at pag-ibig ang makasagisag na puso natin. Tutulong iyan para patuloy nating mapaglingkuran ang Diyos at masundan si Jesus. Kung may pananampalataya tayo, sigurado tayong gagantimpalaan tayo ni Jehova kung hahanapin natin siya nang buong puso. (Heb. 11:6) Makakapanatili rin tayong tapat sa Lider natin, si Jesus, kahit may mga pagsubok. Mapapatibay natin ang ating pananampalataya kung tutularan natin ang halimbawa ng mga nanatiling tapat sa kabila ng pag-uusig o kahirapan sa buhay. At maiiwasan nating maging materyalistiko kung tutularan natin ang mga nagpasimple ng buhay nila para unahin ang Kaharian. w23.06 10 ¶8-9
Martes, Agosto 5
Hindi mag-aani ang nakatingin sa ulap.—Ecles. 11:4.
Ang pagpipigil sa sarili ay ang kakayahan ng isang tao na makontrol ang damdamin at pagkilos niya. Kailangan din natin ito para maabot ang ating mga tunguhin, lalo na kapag mahirap ang gagawin natin o hindi tayo ganoon kadeterminadong gawin iyon. Tandaan na ang pagpipigil sa sarili ay isang katangian na bunga ng espiritu. Kaya hilingin kay Jehova na bigyan ka ng banal na espiritu na tutulong sa iyo na mapasulong ang katangiang iyan. (Luc. 11:13; Gal. 5:22, 23) Huwag hintayin ang pinakamagandang kalagayan. Walang perpektong kalagayan ngayon. Kaya kung iyon ang hihintayin natin, baka hindi na natin maabot ang goal natin. Baka mawalan tayo ng ganang abutin ang goal natin kasi parang napakahirap nito. Kaya kung ganiyan ang goal mo, baka puwede mong unti-untiin hanggang sa maabot mo iyon. Kung goal mo na mapasulong ang isang katangian, sikapin mo muna itong ipakita sa simpleng mga paraan. Kung goal mo naman na basahin ang buong Bibliya, baka puwede ka munang magbasa kahit ilang minuto lang. w23.05 29-30 ¶11-13
Miyerkules, Agosto 6
Ang landas ng mga matuwid ay gaya ng maningning na liwanag sa umaga, na patuloy na lumiliwanag hanggang sa katanghaliang-tapat.—Kaw. 4:18.
Sa mga huling araw na ito, ginagamit ni Jehova ang organisasyon niya para tuloy-tuloy na makapaglaan ng espirituwal na pagkain. Tutulong ito para manatili tayong naglalakbay sa “Daan ng Kabanalan.” (Isa. 35:8; 48:17; 60:17) Kapag nagpa-Bible study ang isang tao, masasabi natin na nagkaroon siya ng pagkakataong pumasok sa “Daan ng Kabanalan.” May ilan na umalis din agad sa daang ito. Determinado naman ang iba na patuloy na maglakbay hanggang sa makarating sa destinasyon. Ano iyon? Para sa mga may pag-asa sa langit, ang “Daan ng Kabanalan” ay patungo sa “paraiso ng Diyos” sa langit. (Apoc. 2:7) Para naman sa mga may pag-asa sa lupa, magiging perpekto sila pagkatapos ng 1,000 taon. Kaya magpatuloy ka lang sa paglalakbay at huwag manghinayang sa mga isinakripisyo mo. Huwag kang hihinto hangga’t hindi ka nakakarating sa bagong sanlibutan! w23.05 17 ¶15; 19 ¶16-18
Huwebes, Agosto 7
Umiibig tayo, dahil siya ang unang umibig sa atin.—1 Juan 4:19.
Kapag inisip mo ang lahat ng ginawa ni Jehova para sa iyo, makakaramdam ka ng utang na loob sa kaniya at gugustuhin mong pasalamatan siya at ialay ang buhay mo sa kaniya. (Awit 116:12-14) Tama lang na tawagin ng Bibliya si Jehova na Tagapagbigay ng ‘bawat mabuting kaloob at bawat perpektong regalo.’ (Sant. 1:17) Ang pagbibigay ng Anak niya na si Jesus bilang pantubos ang pinakamahalagang regalo niya sa atin. Isipin mo, dahil sa pantubos, puwede kang maging malapít kay Jehova! Binigyan ka rin niya ng pag-asang mabuhay magpakailanman. (1 Juan 4:9, 10) Kapag nag-alay ka kay Jehova, ipinapakita mong pinapahalagahan mo ang pinakadakilang kapahayagan ng pag-ibig niya, pati na ang iba pang pagpapala niya sa iyo.—Deut. 16:17; 2 Cor. 5:15. w24.03 5 ¶8
Biyernes, Agosto 8
Ang lumalakad nang tapat ay natatakot kay Jehova.—Kaw. 14:2.
Kapag nakikita natin ang mababang pamantayang moral ng mga tao ngayon, nararamdaman din natin ang naramdaman ni Lot. “Labis [siyang] nabagabag sa paggawi nang may kapangahasan ng mga taong walang sinusunod na batas,” kasi alam niyang ayaw iyon ng ating Ama sa langit. (2 Ped. 2:7, 8) Dahil sa pagkatakot at pagmamahal ni Lot sa Diyos, napoot siya sa masasamang paggawi ng mga tao sa paligid niya. Marami rin sa ngayon ang hindi nagpapahalaga sa pamantayang moral ni Jehova. Pero kung patuloy nating mamahalin ang Diyos at magkakaroon tayo ng pagkatakot sa kaniya, hindi tayo mahahawa sa mababang pamantayang moral ng mundo. Tinutulungan tayo ni Jehova na magawa iyan. Ibinigay niya sa atin ang aklat ng Kawikaan. Marami tayong matututuhan sa mga payo dito, lalaki man tayo o babae, bata man o matanda. Kapag may takot tayo kay Jehova, hindi tayo makikipagkaibigan sa mga gumagawa ng masama. w23.06 20 ¶1-2; 21 ¶5
Sabado, Agosto 9
Kung gusto ng isa na sumunod sa akin, dapat niyang itakwil ang kaniyang sarili at araw-araw na buhatin ang kaniyang pahirapang tulos at patuloy akong sundan.—Luc. 9:23.
Baka pinag-usig ka ng mga kapamilya mo, o baka may isinakripisyo kang materyal na mga bagay para gawing pangunahin sa buhay mo ang Kaharian. (Mat. 6:33) Siguradong alam ni Jehova ang mga ginawa mo para sa kaniya. (Heb. 6:10) Malamang na naranasan mo na ang sinabi ni Jesus: “Ang lahat ng umiwan sa kanilang bahay, mga kapatid na lalaki, mga kapatid na babae, ina, ama, mga anak, o mga bukid alang-alang sa akin at alang-alang sa mabuting balita ay tatanggap ng 100 ulit sa panahong ito—ng mga bahay, mga kapatid na lalaki, mga kapatid na babae, mga ina, mga anak, at mga bukid, kasama ng mga pag-uusig—at sa darating na sistema ay ng buhay na walang hanggan.” (Mar. 10:29, 30) Talagang nakakahigit ang mga pagpapalang natanggap mo kaysa sa anumang isinakripisyo mo!—Awit 37:4. w24.03 9 ¶5
Linggo, Agosto 10
Ang tunay na kaibigan ay nagmamahal sa lahat ng panahon at isang kapatid na maaasahan kapag may problema.—Kaw. 17:17.
Nang makaranas ng malaking taggutom ang mga Kristiyano sa Judea, ang mga kapatid sa Antioquia ay “nagbigay ng tulong . . . , ayon sa kakayahan ng bawat isa, sa mga kapatid na nakatira sa Judea.” (Gawa 11:27-30) Kahit nasa malayo ang mga kapatid na naapektuhan ng taggutom, determinado pa ring tumulong ang mga kapatid sa Antioquia. (1 Juan 3:17, 18) Makakapagpakita rin tayo ng malasakit kapag may mga kapatid tayo na naapektuhan ng sakuna. Kumikilos tayo agad. Puwede tayong magtanong sa mga elder kung paano makakatulong sa isang proyekto. Puwede rin tayong mag-donate sa worldwide work at manalangin para sa mga naapektuhan. Baka mangailangan ng tulong ang mga kapatid natin para sa pang-araw-araw na pangangailangan nila. Kapag dumating na ang Hari nating si Kristo Jesus para maglapat ng hatol, makita niya sana tayong nagmamalasakit sa iba at imbitahan tayo na ‘manahin ang Kaharian.’—Mat. 25:34-40. w23.07 4 ¶9-10; 6 ¶12
Lunes, Agosto 11
Makita nawa ng lahat ang pagiging makatuwiran ninyo.—Fil. 4:5.
Tinularan ni Jesus ang pagiging makatuwiran ni Jehova. Isinugo siya sa lupa para mangaral sa “nawawalang mga tupa ng sambahayan ng Israel.” Pero naging makatuwiran siya sa pagganap ng atas na iyon. Halimbawa, nakiusap sa kaniya ang isang di-Israelitang babae na pagalingin ang anak nito na ‘sinasaniban ng demonyo.’ Naawa si Jesus sa babae kaya pinagaling niya ang anak nito. (Mat. 15:21-28) Tingnan ang isa pang halimbawa. Sinabi ni Jesus: “Kung ikinakaila ako ng sinuman . . . , ikakaila ko rin siya.” (Mat. 10:33) Pero nang ikaila siya ni Pedro nang tatlong beses, ikinaila rin ba siya ni Jesus? Hindi. Alam ni Jesus na tapat si Pedro at na nagsisi ito. Nang buhaying muli si Jesus, nagpakita siya kay Pedro at ipinaramdam dito ang pagmamahal niya at pagpapatawad. (Luc. 24:33, 34) Makatuwiran ang Diyos na Jehova at si Jesu-Kristo. Kumusta naman tayo? Inaasahan ni Jehova na magiging makatuwiran din tayo. w23.07 21 ¶6-7
Martes, Agosto 12
Mawawala na ang kamatayan.—Apoc. 21:4.
Ano ang puwede nating sabihin sa iba para makumbinsi sila na talagang mangyayari ang Paraisong pangako ng Diyos? Una, si Jehova mismo ang nangako nito. Sinasabi sa aklat ng Apocalipsis: “Sinabi ng nakaupo sa trono: ‘Tingnan mo! Ginagawa kong bago ang lahat ng bagay.’” Mayroon siyang karunungan at kapangyarihan, at gustong-gusto niyang mangyari ang ipinangako niya. Ikalawa, alam ni Jehova na kapag may sinabi siya, talagang mangyayari iyon. Sinabi niya: “Ang mga salitang ito ay tapat at totoo. . . . Naganap na ang mga iyon!” Ikatlo, walang makakapigil kay Jehova na tapusin ang sinimulan niya. Kaya sinabi niya: “Ako ang Alpha at ang Omega.” (Apoc. 21:6) Papatunayan ni Jehova na sinungaling si Satanas at na hindi siya kayang pigilan nito sa pagtupad sa layunin niya. Kaya kapag may nagsabi, “Ang ganda niyan, pero parang malabong mangyari,” basahin mo at ipaliwanag ang Apocalipsis 21:5, 6. Ipakita mo sa kanila kung paano tiniyak ni Jehova na matutupad ang pangako niya, na para bang pinirmahan niya iyon.—Isa. 65:16. w23.11 7 ¶18-19
Miyerkules, Agosto 13
Gagawin kitang isang malaking bansa.—Gen. 12:2.
Ipinangako iyan ni Jehova kay Abraham noong 75 taóng gulang na siya at wala pang anak. Hindi nakita ni Abraham ang buong katuparan ng pangakong iyon. Pagkatapos tumawid ng Ilog Eufrates at maghintay nang 25 taon, nakita ni Abraham na ipinanganak si Isaac. At pagkalipas ng 60 taon, ipinanganak ang mga apo niyang sina Esau at Jacob. (Heb. 6:15) Pero hindi na nakita ni Abraham na naging isang malaking bansa ang mga inapo niya at manahin ng mga ito ang Lupang Pangako. Pero naging malapít pa rin niyang kaibigan ang kaniyang Maylalang. (Sant. 2:23) At kapag binuhay-muli si Abraham, siguradong matutuwa siya kapag nalaman niyang pinagpala ang lahat ng bansa dahil sa pananampalataya at pagtitiis niya. (Gen. 22:18) Ano ang aral? Baka hindi natin agad makita ang katuparan ng lahat ng pangako ni Jehova. Pero kung magiging matiisin tayo gaya ni Abraham, makakapagtiwala tayo na pagpapalain tayo ni Jehova ngayon, lalo na kapag tinupad na niya ang pangako niyang bagong sanlibutan.—Mar. 10:29, 30. w23.08 24 ¶14
Huwebes, Agosto 14
Noong hinahanap niya si Jehova, pinasagana siya ng tunay na Diyos.—2 Cro. 26:5.
Mapagpakumbaba si Haring Uzias noong kabataan siya. Natuto siyang “matakot sa tunay na Diyos.” Umabot siya sa edad na 68, at halos buong buhay niya, pinagpala siya ni Jehova. (2 Cro. 26:1-4) Maraming kaaway ang natalo ni Uzias, at napalakas niya ang depensa ng Jerusalem. (2 Cro. 26:6-15) Siguradong masaya si Uzias sa lahat ng nagawa niya sa tulong ng Diyos. (Ecles. 3:12, 13) Nasanay si Haring Uzias na sinusunod siya ng iba. Posible kayang inisip niya na puwede na niyang gawin ang lahat ng gusto niya? Minsan, pumasok si Uzias sa templo ni Jehova at nangahas siyang magsunog ng insenso sa altar. Hindi ito puwedeng gawin ng mga hari. (2 Cro. 26:16-18) Itinuwid siya ng mataas na saserdoteng si Azarias, pero nagalit si Uzias. Nakakalungkot, hindi nanatiling tapat si Uzias. Pinarusahan siya at nagkaroon ng ketong. (2 Cro. 26:19-21) Hindi sana nangyari iyon kung nanatili siyang mapagpakumbaba! w23.09 10 ¶9-10
Biyernes, Agosto 15
Iniwasan [niya] ang mga taong iyon, dahil natakot siya sa mga tagasuporta ng pagtutuli.—Gal. 2:12.
Kahit noong pinahirang Kristiyano na si apostol Pedro, may mga kahinaan pa rin siyang pinaglalabanan. Noong 36 C.E., isinugo ng Diyos si Pedro kay Cornelio, na isang Gentil. Pinahiran ng banal na espiritu si Cornelio, na nagpapatunay na “hindi nagtatangi ang Diyos” at na puwede nang maging bahagi ng kongregasyong Kristiyano ang mga Gentil. (Gawa 10:34, 44, 45) Pagkatapos nito, kumakain na si Pedro kasama ng mga Gentil, na hindi pa niya nagawa kahit kailan. Pero para sa ilang Judiong Kristiyano, hindi dapat magkasamang kumain ang mga Judio at Gentil. Nang dumating sa Antioquia ang ilan na may ganoong pananaw, itinigil ni Pedro ang pagkain kasama ng mga kapatid na Gentil. Malamang na natakot siyang magalit sa kaniya ang mga Judiong Kristiyano. Nakita ni apostol Pablo ang pagkukunwaring ito kaya sinaway niya si Pedro sa harap nilang lahat. (Gal. 2:13, 14) Kahit nagkamali si Pedro, hindi siya sumuko. w23.09 22 ¶8
Sabado, Agosto 16
Gagawin niya kayong matibay.—1 Ped. 5:10.
Kung may napansin ka na kailangan mo pang pasulungin, huwag kang masiraan ng loob. ‘Mabait ang Panginoon,’ kaya tutulungan ka niya na sumulong. (1 Ped. 2:3) Tinitiyak sa atin ni apostol Pedro: “Ang Diyos . . . ang mismong tatapos sa inyong pagsasanay. Patatatagin niya kayo.” Pakiramdam ni Pedro noong una, hindi siya karapat-dapat na makasama ng Anak ng Diyos. (Luc. 5:8) Pero sa tulong ni Jehova at ni Jesus, hindi sumuko si Pedro at patuloy na naging tagasunod ni Kristo. Dahil diyan, ipinagkaloob kay Pedro na “makapasok sa walang-hanggang Kaharian ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Kristo.” (2 Ped. 1:11) Napakagandang pagpapala niyan! Kung hindi ka susuko gaya ni Pedro at hahayaan mong sanayin ka ni Jehova, pagpapalain ka rin ng buhay na walang hanggan. Maaabot mo “ang tunguhin ng [iyong] pananampalataya, ang kaligtasan [mo].”—1 Ped. 1:9. w23.09 31 ¶16-17
Linggo, Agosto 17
Sambahin ninyo ang Isa na gumawa ng langit at lupa.—Apoc. 14:7.
Iisa lang ang looban ng tabernakulo. Ang looban ay ang bakuran ng tabernakulo kung saan ginagawa ng mga saserdote ang mga tungkulin nila. Nandoon ang malaking tansong altar ng handog na sinusunog at ang tansong tipunan ng tubig kung saan naghuhugas ang mga saserdote bago sila maglingkod. (Ex. 30:17-20; 40:6-8) Ngayon, ang mga pinahirang kapatid ni Kristo ay naglilingkod nang tapat dito sa lupa sa maliit na looban ng espirituwal na templo. Ipinapaalala sa kanila ng malaking tipunan ng tubig na dapat silang manatiling malinis sa moral at espirituwal. Kahilingan din iyan sa lahat ng Kristiyano. Pero saan naman sumasamba ang “malaking pulutong”? Nakita sila ni apostol Juan na “nakatayo sa harap ng trono.” Ibig sabihin, nasa lupa sila at nakatayo sa malaking looban, kung saan “gumagawa sila ng sagradong paglilingkod sa [Diyos] araw at gabi sa templo niya.” (Apoc. 7:9, 13-15) Talagang ipinagpapasalamat natin na may lugar tayo sa kaayusan ni Jehova para sa dalisay na pagsamba! w23.10 28 ¶15-16
Lunes, Agosto 18
Dahil sa pangako ng Diyos, . . . naging malakas siya dahil sa pananampalataya.—Roma 4:20.
Ginagamit ni Jehova ang mga elder para palakasin tayo. (Isa. 32:1, 2) Kaya kapag nag-aalala ka, sabihin mo sa mga elder ang nararamdaman mo. Huwag kang mag-alangan na tanggapin ang tulong nila. Talagang mapapalakas ka nila. Ang pag-asa nating mabuhay magpakailanman—sa Paraisong lupa man o sa langit—ay nagbibigay rin sa atin ng lakas. (Roma 4:3, 18, 19) Mapapalakas tayo ng pag-asa natin na matiis ang mga problema, maipangaral ang mabuting balita, at magawa ang mga atas natin sa kongregasyon. (1 Tes. 1:3) Napalakas si apostol Pablo ng pag-asang iyan. “Kabi-kabila ang panggigipit” sa kaniya, “inuusig” siya, “ibinabagsak,” at “hindi [niya] alam ang gagawin.” May mga pagkakataon pa ngang nanganib ang buhay niya. (2 Cor. 4:8-10) Nagkaroon ng lakas si Pablo na magtiis dahil nagpokus siya sa pag-asa niya. (2 Cor. 4:16-18) Nagpokus si Pablo sa buhay niya sa hinaharap na buhay na walang hanggan sa langit. Dahil binulay-bulay ni Pablo ang pag-asang iyon, “nagkakaroon [siya] ng panibagong lakas araw-araw.” w23.10 15-16 ¶14-17
Martes, Agosto 19
Bibigyan ni Jehova ng lakas ang bayan niya. Pagpapalain ni Jehova ng kapayapaan ang bayan niya.—Awit 29:11.
Kapag nananalangin, isipin kung panahon na ba para sagutin ni Jehova ang panalangin mo. Baka pakiramdam natin, kailangang masagot agad ang mga hiling natin. Pero si Jehova ang nakakaalam kung kailan ang tamang panahon. (Heb. 4:16) Kapag hindi natin agad nakuha ang hiniling natin, baka isipin natin na ‘Hindi’ ang sagot ni Jehova. Pero baka ang talagang sagot niya, ‘Hindi pa ito ang panahon.’ Halimbawa, isang kabataang brother ang nanalanging gumaling sana ang sakit niya. Pero hindi siya gumaling. Kung gumawa ng himala si Jehova para mapagaling siya, baka sabihin ni Satanas na nagpatuloy lang sa paglilingkod ang brother kasi napagaling ito. (Job 1:9-11; 2:4) Bukod diyan, naitakda na ni Jehova ang panahon kung kailan niya aalisin ang lahat ng sakit. (Isa. 33:24; Apoc. 21:3, 4) Pero bago iyan, hindi natin dapat asahang gagawa ng himala si Jehova para pagalingin tayo. Kaya ang puwedeng hilingin ng brother kay Jehova, bigyan siya ng lakas at ng kapayapaan ng isip para makayanan ang sakit niya at patuloy na makapaglingkod nang tapat. w23.11 24 ¶13
Miyerkules, Agosto 20
Hindi niya tayo pinaparusahan ayon sa mga kasalanan natin, at hindi niya tayo ginagantihan ayon sa nararapat sa mga pagkakamali natin.—Awit 103:10.
Malaking pagkakamali ang nagawa ni Samson, pero hindi siya sumuko. Naghanap pa rin siya ng pagkakataon na gawin ang atas sa kaniya ni Jehova na labanan ang mga Filisteo. (Huk. 16:28-30) Nakiusap si Samson kay Jehova na hayaan siyang makapaghiganti sa mga ito. Sinagot ng tunay na Diyos ang panalangin niya at ibinalik ang lakas niya. Dahil diyan, mas maraming napatay na Filisteo si Samson kung ikukumpara sa mga napatay niya noon. Pinagdusahan ni Samson ang epekto ng pagkakamali niya, pero hindi siya tumigil sa paggawa ng kalooban ni Jehova. Kahit na magkamali tayo at kailangang ituwid o mawalan ng pribilehiyo, hindi tayo dapat sumuko. Tandaan na handa tayong patawarin ni Jehova. (Awit 103:8, 9) Kahit nagkakamali tayo, puwede pa rin tayong bigyan ni Jehova ng lakas para magawa ang kalooban niya, gaya ng ginawa niya kay Samson. w23.09 6 ¶15-16
Huwebes, Agosto 21
Ang kakayahang magtiis [ay nagbubunga] ng pagsang-ayon ng Diyos; ang pagsang-ayon ng Diyos, ng pag-asa.—Roma 5:4.
Ang kakayahan mong magtiis ay nagbubunga ng pagsang-ayon ni Jehova. Hindi ibig sabihin nito na natutuwa si Jehova sa mga pagsubok o problemang nararanasan mo. Sa iyo siya natutuwa. Nakuha mo ang pagsang-ayon niya dahil sa pagtitiis mo. Talagang nakakapagpatibay iyan, hindi ba? (Awit 5:12) Tandaan na tiniis ni Abraham ang mga pagsubok at nakuha niya ang pagsang-ayon ng Diyos. Naging kaibigan siya ni Jehova at itinuring siyang matuwid. (Gen. 15:6; Roma 4:13, 22) Puwede rin nating makuha ang pagsang-ayon ng Diyos. Hindi ito nakabase sa dami ng pribilehiyo o paglilingkod natin sa kaniya. Sinasang-ayunan niya tayo kasi nananatili tayong tapat sa kabila ng mga pagsubok. Anuman ang edad natin, kalagayan, o kakayahan, puwede tayong magkaroon ng kakayahang magtiis. May pinagdadaanan ka ba ngayon? Kung magtitiis ka at mananatiling tapat, makukuha mo ang pagsang-ayon ng Diyos. Kung tatandaan mo iyan, magiging mas totoo sa iyo ang pag-asa mo. w23.12 11 ¶13-14
Biyernes, Agosto 22
Magpakalalaki [ka].—1 Hari 2:2.
Dapat matutong makipag-usap nang mahusay ang isang brother. Ibig sabihin, kailangan niyang pakinggan at maintindihan ang nararamdaman at iniisip ng iba. (Kaw. 20:5) Mahahalata niya ito sa tono ng boses, ekspresyon ng mukha, at ikinikilos ng kausap niya. Siyempre, para magawa mo iyan, kailangan mong maglaan ng panahon para sa ibang tao. Pero hihina ang kakayahan mong makipag-usap nang personal kung lagi ka lang nakikipag-usap gamit ang gadget, halimbawa, sa email o text. Kaya sikaping makahanap ng mga pagkakataon para makausap nang personal ang ibang tao. (2 Juan 12) Dapat na alam din ng isang may-gulang na brother kung paano susuportahan ang sarili niya at ang pamilya niya. (1 Tim. 5:8) Maganda na may matutuhan kang skill para makapagtrabaho ka. (Gawa 18:2, 3; 20:34; Efe. 4:28) Maging masipag at tapusin ang mga kailangan mong gawin. Tutulong iyan para makahanap ka ng trabaho at mapanatili ito. w23.12 27 ¶12-13
Sabado, Agosto 23
Ang pagdating ng araw ni Jehova ay kagayang-kagaya ng magnanakaw sa gabi.—1 Tes. 5:2.
Sa Bibliya, ang “araw ni Jehova” ay tumutukoy sa panahon ng pagpuksa ni Jehova sa mga kaaway niya at pagliligtas sa bayan niya. Noon, may mga bansa nang hinatulan si Jehova. (Isa. 13:1, 6; Ezek. 13:5; Zef. 1:8) Sa panahon natin, magsisimula ang “araw ni Jehova” sa pagsalakay sa Babilonyang Dakila at magtatapos ito sa digmaan ng Armagedon. Para makaligtas sa “araw” na iyon, kailangan na nating maging handa ngayon. Pero hindi lang iyan. Sinabi ni Jesus na dapat din tayong ‘manatiling handa’ para sa “malaking kapighatian.” (Mat. 24:21; Luc. 12:40) Sa unang liham ni apostol Pablo sa mga taga-Tesalonica, gumamit siya ng mga ilustrasyon na tutulong sa mga Kristiyano na manatiling handa para sa dakilang araw ni Jehova. Alam niya na hindi pa darating ang araw ng paghatol ni Jehova noong panahong iyon. (2 Tes. 2:1-3) Pero gusto niya na manatiling handa ang mga kapatid na parang bukas na iyon darating. May matututuhan din tayo sa ipinayo niya sa kanila. w23.06 8 ¶1-2
Linggo, Agosto 24
Mahal kong mga kapatid, maging matatag kayo, di-natitinag.—1 Cor. 15:58.
Noong 1978, isang 60-palapag na gusali ang itinayo sa Tokyo, Japan. Marami ang nag-isip kung paano nito kakayanin ang madalas na paglindol doon. Dinisenyo ito ng mga engineer na maging matibay pero flexible din. Kaya kakayanin nito ang mga pagyanig. Gaya rin ng mataas na gusaling iyon ang mga Kristiyano. Paano? Dapat na manatiling balanse ang isang Kristiyano pagdating sa pagiging matatag at pagiging flexible. Kailangan niyang maging matatag at di-natitinag pagdating sa pagsunod sa mga kautusan at pamantayan ni Jehova. “Handa [siyang] sumunod.” Pero kailangan niyang maging “makatuwiran,” o flexible, kung posible o kinakailangan. (Sant. 3:17) Kung ganiyan ang isang Kristiyano, hindi siya magiging sobrang istrikto o napakaluwag. w23.07 14 ¶1-2
Lunes, Agosto 25
Kahit hindi ninyo siya nakita kailanman, mahal ninyo siya.—1 Ped. 1:8.
Kinailangang labanan ni Jesus si Satanas na Diyablo, na tumukso sa kaniya at direktang nagsabi na suwayin niya ang Diyos. (Mat. 4:1-11) Determinado si Satanas na gawin ang lahat para magkasala si Jesus at hindi niya mabayaran ang pantubos. Noong panahon ng ministeryo ni Jesus sa lupa, napaharap siya sa iba pang mahihirap na sitwasyon. Pinag-usig siya at pinagbantaan ang buhay niya. (Luc. 4:28, 29; 13:31) Kinailangan din niyang pagtiisan ang mga kahinaan at pagkakamali ng mga tagasunod niya. (Mar. 9:33, 34) Noong nililitis siya, pinahirapan siya at tinuya. Napakahirap din ng naging kamatayan niya sa pahirapang tulos, at itinuring siya na parang kriminal. (Heb. 12:1-3) Kinailangan niyang tiisin ito nang wala ang proteksiyon ni Jehova. (Mat. 27:46) Talagang nagdusa si Jesus para mailaan ang pantubos. Kapag pinag-iisipan natin ang lahat ng sakripisyo na kusang loob na ginawa niya para sa atin, mas lalo natin siyang minamahal. w24.01 10-11 ¶7-9
Martes, Agosto 26
Ang lahat ng padalos-dalos ay tiyak na maghihirap.—Kaw. 21:5.
Kailangan nating maging matiisin para magkaroon ng magandang kaugnayan sa iba. Nakakatulong din ito para makinig tayong mabuti kapag may nagsasalita. (Sant. 1:19) Dahil sa pagtitiis, may mapayapang kaugnayan tayo sa iba. Tutulong din ito sa atin na huwag magpadalos-dalos sa mga sinasabi at ginagawa natin kapag nai-stress. At kung matiisin tayo, hindi agad tayo magagalit kapag may nakasakit sa damdamin natin. Imbes na gumanti, ‘patuloy nating pagtitiisan at lubusang patatawarin ang isa’t isa.’ (Col. 3:12, 13) Tutulong din ang pagtitiis para makagawa tayo ng tamang mga desisyon. Imbes na magpadalos-dalos, maglalaan tayo ng panahon para pag-aralan kung alin sa mga opsiyon natin ang pinakamaganda. Halimbawa, kung naghahanap tayo ng trabaho, baka gusto nating tanggapin agad ang una nating makita. Pero kung matiisin tayo, maglalaan muna tayo ng panahon para pag-isipan kung ano ang magiging epekto nito sa pamilya at espirituwalidad natin. Kung matiisin tayo, maiiwasan nating magkamali ng desisyon. w23.08 22 ¶8-9
Miyerkules, Agosto 27
Nakikita ko sa katawan ko ang isa pang kautusan na nakikipagdigma sa kautusan ng pag-iisip ko at ginagawa akong bihag sa kautusan ng kasalanan na nasa katawan ko.—Roma 7:23.
Kung nasisiraan ka ng loob dahil sa mga kasalanan mo, isipin ang ipinangako mo kay Jehova nang ialay mo ang sarili mo sa kaniya. Matutulungan ka niyan na maging mas determinadong labanan ang tukso. Paano? Kapag inialay mo na ang buhay mo kay Jehova, itinakwil mo na ang sarili mo. Ibig sabihin, tatanggihan mo na ang mga gusto at plano mo na ayaw ni Jehova. (Mat. 16:24) Kaya kapag may dumating na tukso, alam mo na ang gagawin mo. Malinaw na sa iyo na mananatili kang tapat kay Jehova, at determinado kang gawin iyon. Magiging gaya ka ni Job. Kahit napaharap siya sa mahihirap na sitwasyon, matatag pa rin niyang sinabi: “Mananatili akong tapat.”—Job 27:5. w24.03 9 ¶6-7
Huwebes, Agosto 28
Si Jehova ay malapit sa lahat ng tumatawag sa kaniya, sa lahat ng tumatawag sa kaniya nang may katapatan.—Awit 145:18.
Kasama natin si Jehova, “ang Diyos ng pag-ibig”! (2 Cor. 13:11) Interesado siya sa bawat isa sa atin. Kumbinsido tayo na “napapalibutan [tayo] ng Kaniyang tapat na pag-ibig.” (Awit 32:10) Kapag lagi nating pinag-iisipan kung paano siya nagpakita ng pag-ibig sa atin, mas nagiging totoo siya sa atin at mas napapalapit tayo sa kaniya. Malaya tayong makakalapit sa kaniya at puwede nating sabihin na kailangan natin ang pag-ibig niya. Puwede rin nating sabihin sa kaniya ang lahat ng ipinag-aalala natin, kasi sigurado tayong naiintindihan niya tayo at gusto niya tayong tulungan. (Awit 145:19) Kung paanong gusto nating maramdaman ang init ng apoy kapag malamig ang panahon, gusto rin nating maramdaman ang mainit na pag-ibig ni Jehova kapag may mga problema tayo. Napakamapagmahal niya. Masaya tayo kasi mahal niya tayo. Kaya masabi rin sana ng bawat isa sa atin: “Mahal ko si Jehova”!—Awit 116:1. w24.01 31 ¶19-20
Biyernes, Agosto 29
Ipinakilala ko . . . ang pangalan mo.—Juan 17:26.
Hindi lang basta ipinaalám ni Jesus sa mga tao ang pangalan ni Jehova, kasi alam na iyon ng mga Judiong naturuan niya. Nanguna si Jesus sa ‘pagpapaliwanag kung sino ang Ama.’ (Juan 1:17, 18) Halimbawa, mababasa sa Hebreong Kasulatan na si Jehova ay maawain at mapagmalasakit. (Ex. 34:5-7) Nilinaw pa iyan ni Jesus nang gamitin niya ang ilustrasyon tungkol sa alibugha, o masuwayin, na anak at sa ama nito. Kapag binabasa natin ang ulat na natanaw na ng ama ang nagsisisi niyang anak kahit “malayo pa” ito at na tumakbo siya papunta sa anak niya, niyakap ito, at pinatawad nang buong puso, mas naiintindihan natin ang pagiging maawain at mapagmalasakit ni Jehova. (Luc. 15:11-32) Tinulungan ni Jesus ang mga tao na talagang makilala ang kaniyang Ama. w24.02 10 ¶8-9
Sabado, Agosto 30
[Aliwin] natin ang iba . . . sa pamamagitan ng kaaliwan na tinanggap natin mula sa Diyos.—2 Cor. 1:4.
Ang tulong na ibinibigay ni Jehova ay nakakarepresko at nagbibigay ng kaaliwan sa mga may problema. Paano natin matutularan si Jehova pagdating sa pagiging maawain at pagbibigay ng kaaliwan sa iba? Ang isang paraan ay kung sisikapin nating gawin ang mga bagay na may kaugnayan sa pagbibigay ng kaaliwan. Ano ang ilan sa mga iyon? Ano ang tutulong sa atin na patuloy na ibigin at “aliwin ang isa’t isa” araw-araw? (1 Tes. 4:18) Kailangan nating magdamayan, magmahalan bilang magkakapatid, at magpakita ng kabaitan. (Col. 3:12; 1 Ped. 3:8) Paano iyan makakatulong sa atin? Kapag naaawa tayo sa mga kapatid na may problema at nagmamalasakit tayo sa kanila, gugustuhin nating aliwin sila. Gaya ng sinabi ni Jesus, “lumalabas sa bibig kung ano ang laman ng puso. Ang mabuting tao ay naglalabas ng mabubuting bagay mula sa kaniyang mabuting kayamanan.” (Mat. 12:34, 35) Napakahalaga ng pagbibigay ng kaaliwan sa mga kapatid para maipakita natin na mahal natin sila. w23.11 10 ¶10-11
Linggo, Agosto 31
Maiintindihan ito ng mga may kaunawaan.—Dan. 12:10.
Kailangan nating humingi ng tulong kung gusto nating maintindihan ang mga hula sa Bibliya. Bilang ilustrasyon, isipin na pupunta ka sa isang lugar na hindi pamilyar sa iyo. Pero may kasama kang kaibigan na kabisado ang lugar. Alam niya kung nasaan kayo at kung saan papunta ang bawat daan. Siguradong ipinagpapasalamat mo na sinamahan ka ng kaibigan mo! Ganiyan din si Jehova. Alam niya kung nasaang yugto na tayo ng panahon at kung ano ang mangyayari sa atin sa hinaharap. Kaya para maintindihan ang mga hula sa Bibliya, dapat tayong maging mapagpakumbaba at humingi ng tulong kay Jehova. (Dan. 2:28; 2 Ped. 1:19, 20) Gaya ng isang mabuting magulang, gusto ni Jehova na magkaroon ang mga anak niya ng magandang kinabukasan. (Jer. 29:11) Pero ang kaibahan kay Jehova, kaya niyang sabihin kung ano ang eksaktong mangyayari sa hinaharap. Ipinasulat niya ang mga hula sa Salita niya para patiuna nating malaman ang mahahalagang pangyayari.—Isa. 46:10. w23.08 8 ¶3-4