Mag-ingat sa Inyong Kalaban, ang Diyablo!
“Kayo’y manatiling mahinahon, maging mapagbantay. Ang inyong kalaban, ang Diyablo, ay gagala-gala na gaya ng leong umuungal, humahanap ng masisila.”—1 PEDRO 5:8.
1. Sino ang Kalaban ng mga Saksi ni Jehova, subali’t maaari ba siyang labanan at biguin?
ISA ka bang walang pasubaling, nag-alay na saksi ng Diyos na Jehova? Kung gayon, mayroon kang isang tusong kalaban, isang kaaway na diyablo. Gayunman, sa kabila ng lahat ng maaari niyang gawin ay maaaring biguin ang tusong kaaway na iyan. Mapatutunayan mong ikaw ay tapat sa Kataas-taasang Diyos, si Jehova. Tiyak, ikaw sa ganitong paraan ay maaaring makabahagi sa pagbabangong-puri ng walang katulad na pangalan ng iyong makalangit na Ama. Oo, mapagagalak mo ang puso ni Jehova at makapagbibigay ka sa kaniya ng sagot tungkol sa Mahigpit na Mangungutya. Oo, at maaari mong matamo ang gantimpalang buhay na walang hanggan sa malaparaisong kaligayahan.—Kawikaan 27:11; Lucas 23:43; Apocalipsis 2:7.
2. Ano ang sinabi ni apostol Pedro tungkol sa ating pangunahing kalaban?
2 Upang makapanatili kang tapat sa Diyos, kailangang mag-ingat ka sa iyong pangunahing kalaban. Tungkol sa kaniya, si apostol Pedro ay sumulat: “Kayo’y manatiling mahinahon, maging mapagbantay. Ang inyong kalaban, ang Diyablo, ay gagala-gala na gaya ng leong umuungal, humahanap ng masisila.” Gayunman, maaari kang magtanggol laban sa kaaway na ito, sapagka’t ang apostol ay nagpapatuloy pa: “Subali’t manindigan kayo laban sa kaniya, matatag sa pananampalataya . . . Pagkatapos na kayo’y magbata nang sandali, ang Diyos ng lahat ng di-sana nararapat na awa . . . kaniyang patitibayin kayo, kaniyang palalakasin kayo.” (1 Pedro 5:8-10) Sa pinahirang mga tagasunod ni Jesu-Kristo lalo nang nagdudulot iyan ng kaaliwan. Gayunman, mayroon ding tunay na kahulugan iyan para sa mga lingkod ni Jehova na umaasang mabubuhay magpakailanman sa isang makalupang paraiso.
3. (a) Sino ang handa na tumulong sa atin? (b) Ano ang mga kaaway na ginagamit ni Satanas upang matupad ang kaniyang masasamang layunin?
3 Kung ibig nating mag-ingat sa ating Kalaban, kailangan natin ang tulong, pati kaalaman sa kaniyang mga pamamaraan. Nakahanda at nalulugod na tumulong sa ating lahat upang tayo’y makapanatiling tapat ay ang Diyos na Jehova, si Jesu-Kristo, ang mga banal na anghel at ang kongregasyong Kristiyano. Sa kabilang panig, nariyan ang ating sariling di-sakdal na laman, ang balakyot na sistemang ito ng mga bagay at si Satanas na Diyablo mismo na kailangang bakahin. Ang nagpapakilos na motibo sa kaniya ay kasamaan at siya’y laging handa na humingi ng tulong sa ating dalawa pang kaaway upang matupad ang kaniyang masasamang layunin.—Juan 15:19; 1 Corinto 9:27.
4. (a) Anu-ano ba ang itinatawag kay Satanas? (b) Bakit nararapat kay Satanas ang titulo na “Diyablo,” “ahas” at “dragon”?
4 Ang itinatawag ng Kasulatan sa ating Kalaban ay tumutulong sa atin na lalong maunawaan ang kaniyang mga pamamaraan, ang kaniyang mga hangarin. Siya’y tinatawag na Satanas, Diyablo, ahas at dragon. (Apocalipsis 12:4, 9, 10) Ang ibig sabihin ng kaniyang pangalang Satanas ay “Mananalansang,” o “Kalaban.” (Job 1:6; 2:1) Ang ibig sabihin ng “Diyablo” ay “Maninirang-Puri,” “Tagapagparatang,” o “Tagapagpahamak.” Si Satanas ay tinatawag din na “ahas” sapagka’t kaniyang ginamit ang isang ahas upang dayain si Eva sa halamanan ng Eden. (Genesis 3:1-7) At siya’y tinatawag na “dragon” dahilan sa hilig niya na manakmal.
Ang Motibo at mga Layunin ni Satanas
5. Ano ba ang layunin ni Satanas tungkol kay Jehova?
5 Si Satanas na Diyablo, na isa sa mga unang-unang anak ng Diyos sa langit, ay nahulog sa gawang pananalansang at paninirang-puri kay Jehova. Ang layunin ni Satanas ay italikod ang sangkatauhan sa Diyos, upang magsilbi sa mapag-imbot na mga hangarin ni Satanas. Ang ikinilos ng Diyablo ay nagbubunyag na kaniyang inilagay sa pag-aalinlangan ang pagiging totoo ng Diyos kung nagsasalita, pati na rin ang pangangailangan ng tao na dumipende kay Jehova at sa kaniya umasa ng pagkakaroon ng patuluyang buhay at kaligayahan. Halatang-halata sa ikinilos ni Satanas ang kaniyang pag-uusisa ng tungkol sa karapatan ng Diyos na mamahala at sa kaniyang paraan ng pamamahala. Ang sinusunod ni Jehova ay ang simulain na pamamahala ayon sa katuwiran at ang patakaran na pagkakaroon ng mga nilalang na kusang maglilingkod sa kaniya udyok ng pag-ibig sa kaniya at sa katuwiran. Sa kabilang dako, nasa isip naman ni Satanas na ang mapag-imbot na pakinabang ang lalong kanais-nais na motibo. Sa madali’t-sabi, kaniyang inaangkin na lahat ng matalinong mga nilalang ay dapat na maging mapag-imbot at sila’y mapag-imbot nga na kagaya niya.—Job, kabanata 1 at 2.
6. Tungkol sa gayong paghakbang ni Satanas ano ang isinisiwalat ng kaniyang motibo?
6 Ang gayong paghakbang ni Satanas ay nagsisiwalat na hinayaan niyang ang labis na mithiin ang mangibabaw sa kaniya bilang mapusok na hangarin at motibo. Ito’y nahahayag din sa babala ni apostol Pablo laban sa paglalagay sa tungkuling pagkatagapangasiwa sa isang lalaking baguhan, “baka siya’y magmataas at magpalalo at mahulog sa iginawad na kaparusahan sa Diyablo.” (1 Timoteo 3:6) Oo, nahayag na si Satanas ay totoong palalo sa kaniyang pangangahas na pumantay sa Makapangyarihan-sa-lahat, Kataas-taasan, Soberano ng Sansinukob, Haring walang-hanggan, si Jehovang Diyos. (Genesis 17:1; 2 Samuel 7:28; Awit 83:18; 1 Timoteo 1:17) Ang nangingibabaw na hangarin ng Diyablo ay pagtataas sa sarili, samantalang siya’y naiinggit sa pagsamba ng matalinong mga nilalang ng Diyos na Jehova, at ito’y isiniwalat niya nang ialok niya kay Jesu-Kristo “ang lahat ng kaharian ng sanlibutan” kung si Jesus ay gagawa ng isang pagkilos ng pagsamba sa kaniya.—Mateo 4:8, 9.
7. Bakit hindi agad pinatay ng Diyos ang mga rebeldeng sina Satanas, Adan at Eva?
7 Mangyari pa, maaari sanang pinatay na ng Diyos na Jehova si Satanas at ang unang mag-asawa sa mismong sandali na sila’y magkasala. Subali’t dahilan sa isyu o usapin na ibinangon ni Satanas sa ginawa niyang iyon, at dahil sa awa sa hindi pa isinisilang na mga supling ni Adan, pinayagan ng Diyos na mabuhay pa ang Diyablo at subukan kung mapatutunayan niya ang kaniyang ipinangangalandakan. Gayundin, sa ganoon ang mga taong may ibig ay binigyan ni Jehova ng pagkakataon na subukin na pamahalaan ang kanilang sarili na hiwalay sa Diyos at sa kaniyang matuwid na mga simulain.
Pandaraya Tungkol sa Kaniyang Pag-iral
8. Paano dinaya ni Satanas ang sangkatauhan tungkol sa kaniyang mismong pag-iral?
8 Si Satanas ay gumagamit ng marami at sarisaring pandaraya upang matupad ang kaniyang layunin bilang Kalaban ng Diyos na Jehova at, kung maaari, italikod ang lahat ng tao sa matuwid na pagsamba sa kanilang Maylikha. Isa sa mga pandarayang ito ay ang pag-akay niya sa mga tao na maniwalang siya’y hindi umiiral! Kaya naman sila’y madali niyang mabibiktima. Sa ngayon, sa maraming relihiyon ay uso ang paniniwala na walang personang Satanas na Diyablo. Halimbawa, sa isang surbey na isinagawa ng Center for Policy Research sa New York City iniulat na noong 1974 mahigit na kalahati ng mga Amerikano ang hindi lubusang naniniwala na umiiral ang isang personal na Diyablo. Kahit ang marami sa mga klerigo ay hindi naniniwala sa pag-iral ng Diyablo bilang isang persona.
9, 10. Paano pinatutunayan ng Kasulatan na ang Diyablo ay isang persona?
9 Subali’t ang Kasulatan ay nagpapatotoo sa atin na mayroong isang personal na Diyablo. Ipinakikita ng Kasulatan na isang persona ang nagsalita sa pamamagitan ng ahas, kaya’t nadaya at nahikayat ang unang babae, si Eva. Pinatutunayan pa rin ng aklat ng Job ang pag-iral ni Satanas bilang isang persona, sapagka’t binabanggit ang kaniyang pakikipag-usap sa Diyos na Jehova, nang sinisiraan niya ang lingkod ng Diyos na si Job. Isa pa, ang mga manunulat ng Ebanghelyo na sina Mateo, Marcos at Lucas ay bumanggit sa kanilang isinulat na si Jesu-Kristo ay tinukso ng Diyablo. Ang ganiyang mga tukso ay tiyak na dumating kay Jesus galing sa labas yamang may kaalaman tayo tungkol sa kasakdalan at personalidad ni Jesus at sa uri ng ikatlong tukso na iniharap ni Satanas. Papaano nga makayuyuko si Jesus at makapagsasagawa ng gawang pagsamba sa harap ng isang simulain o idea ng kasamaan? Mahalaga ring pansinin ang paulit-ulit na pagtukoy ni Jesus kay Satanas bilang isang persona at siyang “tagapamahala ng sanlibutang ito.”—Juan 12:31; 14:30; 16:11; 8:44; Mateo 4:1-10; 12:26; Lucas 10:18.
10 Tinukoy ng mga apostol ni Jesus ang Diyablo bilang isang persona. Ipinakita ni Pablo na alam ng mga tunay na Kristiyano ang “mga pandaraya” ni Satanas at pinaalalahanan sila ng apostol laban sa “mga lalang ng Diyablo.” (2 Corinto 2:11; Efeso 6:11) Gaya ng binanggit na, ipinayo ni Pedro sa kaniyang mga kapananampalataya na mag-ingat sa kanilang Kalaban, ang Diyablo. At si apostol Juan ay nagpatotoo na “ang buong sanlibutan ay nakalugmok sa kapangyarihan ng balakyot” at na “ilalagay ng Diyablo ang ilan sa inyo [na mga Kristiyano] sa bilangguan.”—1 Juan 5:19; Apocalipsis 2:10; 1 Pedro 5:8.
Ang Pakana ni Satanas na Huwad na Relihiyon
11. Ano ang ginawa ni Satanas sa likas na hilig ng tao na sumamba?
11 Sa pandaraya ni Satanas na bulagin ang mga tao ay kasangkot ang kaniyang paggamit sa huwad na relihiyon. (2 Corinto 4:4) Ang tao ay nilalang ng Diyos na taglay ang pangangailangang makipagtalastasan sa kaniyang Maylikha sa pamamagitan ng pagsamba. Ang likas na hilig na ito ay inilihis ni Satanas sa pamamagitan ng pagpukaw sa damdamin ng pag-iimbot at ng kawalang-alam sa tunay na relihiyon. Para matupad ang kaniyang layunin, siya’y “patuloy na nagkukunwaring isang anghel ng kaliwanagan.” (2 Corinto 11:14) Dahilan sa ganiyang panlilinlang, ang mga tao ay sumasapi sa libu-libong iba’t-ibang uri ng huwad na relihiyon.
12. Papaano natin dapat malasin ang huwad na relihiyon at ang interfaith o pagsasama-sama ng iba’t-ibang relihiyon?
12 Lahat ng huwad na relihiyon ay tunay na isang bunga ni Satanas, sapagka’t sinabi ni Pablo: “Ang mga bagay na inihahain ng mga bansa ay kanilang inihahain sa mga demonyo, at hindi sa Diyos.” Sinabi ni Jesus: “Ang hindi sumasa-aking panig ay laban sa akin, at ang hindi nakikipagtipon na kasama ko ay nagsasambulat.” Isa pa, hindi ipinahihintulot ni Jesus ang interfaith o pagsasama-sama ng iba’t-ibang relihiyon, kundi ang sabi niya: “Walang makalalapit sa Ama kundi sa pamamagitan ko.”—1 Corinto 10:20; Mateo 12:30; Juan 14:6.
13. Sa papaano sinamantala ni Satanas ang pagkamausyoso ng tao tungkol sa okultismo?
13 Sinasamantala ni Satanas ang pagkamausyoso ng tao tungkol sa okultismo at sa kalagayan ng mga patay. Sa pamamagitan ng mga pakana na walang ano mang batayan sa Kasulatan, gaya halimbawa ng pakikipag-usap sa mga patay, o espiritismo, panghuhula ng kapalaran, astrology at black magic, kaniyang nahuli sa kaniyang silo ang napakaraming tao. Ang totoo, sa ngayon ay patuloy na dumarami ang interesado sa ganiyang mga bagay. Umabot ito sa sukdulan na anupa’t ang iba ay aktuwal na sumasamba sa Diyablo mismo.—Exodo 22:18; Levitico 19:26; 20:6; Deuteronomio 18:10-12.
Pinupukaw ni Satanas ang Pagmamataas
14, 15. (a) Anong paraan ang ginamit ni Satanas upang si Eva at si Cain ay magsilbi sa kaniyang layunin? (b) Ano pang mga halimbawa ang ibinibigay ng Bibliya tungkol sa bagay na ito?
14 Napadala si Satanas sa tukso ng pagmamataas. Kaya naman pinukaw niya kay Eva ang isang mapagmataas at mapag-imbot na hangarin na maging katulad ng Kataas-taasang Diyos, at sa gayo’y nagtagumpay siya ng paghihiwalay sa ating mga unang magulang sa pagsamba sa Diyos na Jehova. Walang alinlangan na ganoon din ang pamamaraan na ginamit ni Satanas kay Cain. Nang mapansin ng Diyablo ang nadama ni Cain na pagkabigo dahilan sa pagsang-ayon ng Diyos sa kaniyang kapatid na si Abel, baka sinulsulan pa niya si Cain upang ang gayong pagkabigo ay mapauwi sa inggit na nag-udyok sa kaniya na pumatay.—Genesis 4:3-8; 1 Juan 3:11, 12.
15 Sa buong kasaysayan ng tao, kinasangkapan ni Satanas ang mga taong mapagmataas—tulad halimbawa ni Nimrod, ng Faraon ng Ehipto noong kaarawan ni Moises at ng Haring Sennacherib ng Asiria. (Genesis 10:8-12; Exodo 5:2; Isaias 36:7-10, 16-20) Sa ngayon ay nasupil niya ang lubhang karamihan ng mga tao sa pamamagitan ng pagmamataas: pagmamataas dahil sa lahi, pagmamataas dahil sa pinagmulan nilang bansa, pagmamataas dahil sa pinag-aralan, pagmamataas dahil sa katayuan nila sa lipunan, at iba pa. Lahat na ito ay nagsisilbi sa layunin ng Diyablo na pangyarihing ang mga tao’y huwag makinig sa pabalita ng Diyos.
Ang Silo ng Materyalistikong Kasakiman
16. Ano na ang nakamit ni Satanas na tagumpay sa paggamit sa materyalistikong kasakiman?
16 Ang isa pang pakana ni Satanas ay ang materyalismo na ginagamit niya para maging silo sa mga tao, at ang kasakiman, pag-ibig sa salapi, pagmamataas dahil sa mga ari-arian. Sa pamamagitan nito ay kaniyang sinilo ang mga klerigo noong kaarawan ni Jesus na mga masasakim na gahaman sa salapi. (Lucas 16:14) Sa paggamit sa silo ng kasakiman sa materyal na mga kayamanan, “pinuspos ni Satanas ng katapangan [si Ananias] upang magsinungaling sa banal na espiritu.” (Gawa 5:1-11) At tiyak na ginamit ng Diyablo ang pag-ibig sa materyal na mga bagay at sa mga makasanlibutang kalayawan upang sina Demas at ang iba pang mga Kristiyano ay maihiwalay sa paglilingkod kay Jehova.—2 Timoteo 4:10.
17. Mayroon tayo ng anong tanyag na halimbawa ng isang tao na napadala sa ginamit ni Satanas na silo, ang kasakiman?
17 Ang isang tanyag na halimbawa ng paggamit ni Satanas sa kasakiman upang manilo ay yaong halimbawa ni Judas Iscariote. Siya’y naging isang masakim na magnanakaw at isang dahilan ito na nagtulak sa kaniya sa pagkakanulo sa kaniyang Panginoon. Sa ganiyan nakatuon ang kaniyang isip, bagay na ipinakikita ng kaniyang pagtutol sa gagawin noon ni Maria na pagbubuhos ng mamahaling pabango sa mga paa ni Jesus. (Juan 12:4-6; Mateo 26:14-16) Anong laki ng pangangailangan na tayo’y pakaingat na huwag tayong madaig ni Satanas sa pamamagitan ng silo ng materyalistikong kasakiman!
Sinasamantala ni Satanas ang mga Kahinaan ng Tao
18. (a) Anong mga paglalaan ang ginawa ng Diyos upang ang tao’y magtamasa ng kaluguran sa buhay? (b) Paano ito sinamantala ni Satanas upang mapahamak ang tao?
18 Isa na sa mga iba’t-ibang kahinaan na sinasamantala ni Satanas ay ang paghahangad ng tao ng mga kaluguran ng katawan. Nilayon ng Diyos na Jehova na tayo’y magtamasa ng maraming kaluguran, at pagka tinamasa natin ito ayon sa kaniyang kalooban para sa atin, ito’y magbubunga sa atin ng malaking kabutihan at kaligayahan. Subali’t tinutukso ni Satanas ang mga tao upang ang mga kalugurang ito ang kanilang unahin sa buhay at magpasasa sila rito sa mga paraang mahahalay at labas sa kautusan ng Diyos. Sa ganoo’y pinapangyari ni Satanas na 24,000 mga Israelita ang padala sa silo ng Baal-peor. (Bilang 25:1-9) Sa ngayon ay nasa kabaliwan ang sanlibutan sa paghahanap ng mga kaluguran ng katawan. Ang mga magasin, pahayagan, at mga palabas sa sine at telebisyon ay talagang pumupukaw sa mahahalay na pita ng laman. Nguni’t, bilang mga Kristiyano na inaakay ng espiritu ng Diyos, kailangang itakuwil natin ang ganiyang tukso.—1 Corinto 14:20.
19. (a) Anong silo ni Satanas ang lalo nang madaling makahila sa mga kabataang Kristiyano? (b) Sa anong kinahuhumalingan dapat magpakaingat ang mga kabataang Kristiyano?
19 Ang isa pang pakana ni Satanas ay ang kaniyang pagpukaw sa pita ng tao sa mga kalayawan. Ang mga kabataang Kristiyano lalo na ang madaling mahila sa ganitong silo. Malimit, lubus-lubusan ang kanilang pagkahilig sa iba’t-ibang klase ng sports o palakasan at laro, kapuwa bilang mga tagapanood o kaya mismong mga nakikibahagi roon. Subali’t maaaring mahila sila nito na maging “maibigin sa kalayawan kaysa maibigin sa Diyos.” (2 Timoteo 3:4) Ang kinahuhumalingan naman ng mga ibang kabataan ay sarisaring musika at mga kanta na umaakay tungo sa imoralidad at karahasan. Oo, kailangan ang pagpapakaingat, sapagka’t ang ganiyang mga bagay ay maaaring makasilo sa mga kabataang Kristiyano upang mapahiwalay sa landas ng kabanalan at kalinisang-asal.—Awit 16:11; 2 Pedro 2:20-22.
20. Paano ginagamit ni Satanas ang pagkatakot?
20 Ginagamit din ni Satanas ang silo ng pagkatakot sa tao. Natural lamang na hindi natin ibig na tayo’y libakin at ibig natin ay makaiwas tayo sa mga kahirapan. Kaya naman ito ang humila sa marami na magkompromiso kung mga panahon ng kagipitan. (Kawikaan 29:25; Hebreo 2:14, 15) Sa tulong ng Diyos ay hindi natin tutulutan na ganiyan ang mangyari sa atin.
21. Bakit tayo hindi dapat masiraan ng loob?
21 Isa pang pandaraya ni Satanas ay yaong pagsisikap niya na sirain ang loob ng mga lingkod ng Diyos upang umurong sila. At sinikap ng Diyablo na gawin ito kay Job, anupa’t sinabi ni Job na sana’y patay na siya o kaya’y hindi na sana siya ipinanganak. At ito’y sinubok din ni Satanas na gawin kay Moises. (Job 3:1-13; 14:13; Bilang 11:10-15) Sinoman sa mga tapat na taong ito ay hindi nasiraan ng loob. Bagkus, sila’y sumunod sa kalooban ng Diyos. Tulad nila, tayo man ay hindi dapat padaig sa ano mang silo, sapagka’t tayo’y mapalalakas ni Jehova at hindi niya tutulutang ang matuwid ay matumba.—Awit 55:22.
Manindigang Matatag!
22, 23. Upang makapanindigang matatag laban sa “mga pakana” ni Satanas at huwag padala sa kaniyang hangarin, ano ang dapat nating gawin?
22 Dahilan sa tagumpay ni Satanas sa paghihiwalay sa Diyos na Jehova sa lubhang karamihan ng mga tao, ano ang kailangang gawin natin? Bilang magigiting na saksi ni Jehova, tayo’y kailangang “manindigang matatag laban sa mga pakana ng Diyablo,” sa kaniyang mga pamamaraan, mga panlilinlang at mga taktika. (Efeso 6:11) Sa ganito’y mapatutunayan natin na siya nga ang pusakal na sinungaling.
23 Gayunman, tayo’y hindi makapaninindigang matatag laban kay Satanas kung sa sariling lakas lamang natin, sapagka’t siya’y lalong malakas, mayroong mas malawak na kaalaman at karanasan kaysa atin. Kaya, ang dapat ay samantalahin natin ang lahat ng tulong na inilaan ni Jehova sa kaniyang bayan. Sa gayo’y mabibigo ang tusong kaaway na iyan!
Natatandaan Mo Ba?
◻ Anong mga kaaway ang ginagamit ng Diyablo upang matupad ang kaniyang balakyot na mga layunin?
◻ Ano ba ang layunin ni Satanas tungkol kay Jehova?
◻ Paano pinatutunayan ng Bibliya na si Satanas ay isang persona?
◻ Ano ang mga ilang paraan na ginagamit ng Diyablo upang masilo tayo, at paano natin maiiwasan na madala ng mga silong iyan?
[Larawan sa pahina 13]
Ang mga Saksi ni Jehova ay hindi napadadala sa takot sa tao