Manindigang Matatag Laban sa mga Pakana ni Satanas!
“Isakbat ninyo ang buong baluti na inilaan ng Diyos, upang kayo’y makapanindigang matatag laban sa mga lalang ng diyablo.”—EFESO 6:11, The New English Bible.
1. Ano ang tinatamasa ng mga Kristiyano na namumuhay ayon sa kanilang mga pribilehiyo?
ANG nag-alay na mga saksi ni Jehova na namumuhay ayon sa kanilang mga pribilehiyo ay nagtatamasa ng ligaya sa isang espirituwal na paraiso. Sa isang hula na naglalarawan ng kanilang kasalukuyang kalagayan, ang propeta ng Diyos na si Isaias ay sumulat: “Sa ilang ay tatahan nga ang katarungan, at sa mabungang bukid ay titira ang katuwiran. At ang gawain ng tunay na katuwiran ay katahimikan at katiwasayan hanggang sa panahong walang takda.”—Isaias 32:16, 17.
2. Bakit kailangan na lagi tayong nakabantay?
2 Para makapanatili sa ganitong maligayang kalagayan, kailangan na lagi tayong nakabantay, sapagka’t si Satanas na Diyablo ay naiinggit sa ating maligaya at maunlad na espirituwal na paraiso. Bilang si Gog ng Magog siya ay malapit nang magbangon ng isang lubus-lubusang pag-atake sa bayan ni Jehova. (Ezekiel 38:8-12) Subali’t sa ano mang paraan ay hindi siya namamahinga kahit sa mismong mga sandaling ito. Oo, sa pagkaalam niya na kaunting panahon na lamang ang natitira para sa kaniya, higit kailanman ay ngayon siya galit na galit sa mga lingkod ni Jehova.—Apocalipsis 12:12, 17
3. Bakit galit na galit si Satanas sa mga lingkod ni Jehova?
3 Kontrolado ni Satanas ang sanlibutang ito ng likong mga tao. (Efeso 2:1, 2; 1 Juan 5:19) Lahat na ito ay kapanig niya sa malaking usapin tungkol sa pansansinukob na soberania. Kanilang pinatutunayan ang sinasabi ni Satanas na walang taong makapananatiling tapat sa Diyos na Jehova. (Kawikaan 27:11) Galit na galit ang Diyablo sapagka’t kahit na ang mga ilang Kristiyano ay nagpapatunay na ang Diyablo’y isang pusakal na hambog at sinungaling. Kaya’t ginagamit niya ang lahat ng pakana, lahat ng tusong mga pandaraya, na magagamit niya upang madaig ang tapat na mga lingkod na ito ni Jehova. Sa gayon, “ang ating pakikipagbaka ay . . . laban sa mga hukbo ng balakyot na mga espiritu sa mga dakong kalangitan.”—Efeso 6:12.
4. Bakit kailangang magsumikap tayo na daigin ang ating mga kahinaan?
4 Kung gayon, makabubuting tanungin ang iyong sarili, ‘Paano ako makapaninindigang matatag laban sa makapangyarihang Kalaban na ito? Gaya ng nakita natin, kaniyang ginagamit ang mga kahinaan ng makasalanang laman na upang siluin ang mga Kristiyano. Sa ganang sarili natin, baka hindi natin kahinaan ang katamaran, nguni’t baka naman tayo mapagmataas. Baka hindi tayo mahilig magpakalabis sa mga kalayawan ng katawan, subali’t baka naman tayo sakim sa materyal na pakinabang. Kaya’t kailangang magsumikap tayo na daigin ang ating mga kahinaan, na salansangin ang Diyablo upang siya’y tumakas ng paglayo sa atin.—Santiago 4:7.
Ang Ating Espirituwal na Baluti
5. Sa anong dahilan kailangang magbihis tayo ng buong kagayakang baluti buhat sa Diyos?
5 Patuloy na inuulit-ulit ng ating Kalaban na gamitin ang ganoo’t-ganoon ding mga pakana. Kaya naman sa pamamagitan ng pag-aaral ng Salita ng Diyos ay maaari tayong maging listo sa mga pakana na ginagamit na ni Satanas magmula pa nang sinaunang mga panahon sa Bibliya, at tayo’y maaaring matuto kung paano makapaninindigang matatag laban sa kaniya. Si apostol Pablo ay sumulat: “Magbihis kayo ng buong kagayakang baluti buhat sa Diyos upang makatayo kayong matatag laban sa mga pakana ng Diyablo.” Kaniyang ipinayo rin: “Magsikuha kayo ng buong kagayakang baluti buhat sa Diyos, upang kayo ay makapanaig sa araw ng kabalakyutan, at, kung magawa na ninyo nang lubusan ang lahat ng bagay, ay tumayong matatag.” Pansinin na idiniriin ni Pablo ang pagbibihis ng “buong kagayakang baluti buhat sa Diyos.” Mapanganib na magkulang ka ng kahit na isang piraso ng inilaan ng Diyos na baluting ito, sapagka’t mapapansin iyon ni Satanas at baka doon ka niya salakayin sa mahinang puntong iyan. Baka sa espirituwal na kamatayan humantong ito.—Efeso 6:11, 13.
6. Ano ang hinihingi sa atin ng bagay na ‘ang ating mga baywang ay may bigkis ng katotohanan’?
6 Ganito ang payo sa atin ng apostol: “Tumayo nga kayong matatag, na ang inyong mga baywang ay may bigkis ng katotohanan.” (Efeso 6:14) Ang mga sundalo noong sinaunang panahon ay may bigkis na sinturong kuwero sa kanilang baywang o balakang. Malimit na may nakatarak pa roon na maraming piraso ng metal, na nagsisilbing karagdagang proteksiyon pa rin. Iyon ay pinaka-suporta rin sa espada o punyal ng isang kawal. Ano ang ibig sabihin ng payo na ang isang Kristiyano’y magbigkis ng katotohanan sa kaniyang baywang? Ang pagbibigkis ng katotohanan ng Salita ng Diyos ay nangangahulugan ng pagbibigkis niyaon nang napakahigpit, upang magamit natin ang Kasulatan sa pagsagot sa mga tanong. Kung paanong ang bigkis ng sundalo ay isang proteksiyon, ganoon din na ang katotohanan ay magbibigay sa atin ng tiwala sa pagpasan sa ating mga pasanin at magbibigay sa atin ng proteksiyon. Tiyak, kung gayon, na ang pagpapanatiling okupado ng ating mga isip ng mga katotohanan ng Diyos ay tutulong sa atin na manindigang matatag laban kay Satanas.
7. Ano ang ibig sabihin na ating isakbat “ang baluti ng katuwiran”?
7 Pagkatapos ay sinasabihan tayo ng apostol na ating ‘isakbat ang baluti ng katuwiran.’ (Efeso 6:14) Noong sinaunang mga panahon sa Bibliya ang gayong baluti ay binubuo ng mga kaliskis, mga kadenang dugtung-dugtong o metal na buo at nagsisilbing proteksiyon lalo na sa puso. Upang magkaroon tayo nitong baluting ito ng katuwiran ang kailangan, higit sa lahat, ay ating ‘ingatan ang puso natin.’ (Kawikaan 4:23) Ganiyan ang tanging paraan upang tayo’y makapanindigang matatag laban kay Satanas kung ang ating motibo ay maglingkod kay Jehova at magkaroon ng malinis na pamumuhay na pipigil sa atin na akayin sa masama ang mga lingkod ni Jehova.—1 Pedro 1:14-16.
8. Ano ang ipinahihiwatig ng bagay na ang ating “mga paa ay nakasuot ng panyapak ng mabuting balita ng kapayapaan”?
8 Pagkatapos ay binabanggit ni Pablo na ang ating “mga paa ay nakasuot ng panyapak ng mabuting balita ng kapayapaan.” (Efeso 6:15) Ano ba ang ipinahihiwatig nito? Na tayo’y manatiling masigasig na masigasig sa pangangaral ng balita ng Kaharian sa mapayapang paraan, gaya ng itinagubilin ni Jesus sa 70 ebanghelisador: “Kailanma’t pumasok kayo sa isang bahay ay sabihin muna ninyo, ‘Magkaroon nawa ng kapayapaan ang bahay na ito.’ ” (Lucas 10:5) Hindi tayo nagpupunta roon upang makipagtalo sa mga tao. Bagkus, tayo’y nagpupunta roon upang dalhan sila ng kaaliwan, kagalakan, kapayapaan ng pag-iisip at pag-asa. Sisikapin ni Satanas na sulsulan ang mga ibang tagapakinig na sumalansang at makipagtalo upang tayo’y makipagtalo rin sa kanila. Kung gayon, upang tayo’y makapanindigang matatag laban sa mga pakana ni Satanas, tayo’y kailangang maging mataktika at matiisin, na “sa lahat ng bagay ay nakikibagay sa lahat ng uring tao.”—1 Corinto 9:19-23.
9. Ano ang katulad ng mga sinaunang kalasag at ng mga nagniningas na suligi?
9 Ang apostol ay nagpapatuloy ng pagpapayo: “Taglayin ninyo ang malaking kalasag ng pananampalataya, na siyang maipapatay ninyo sa lahat ng nagniningas na suligi ng masama.” (Efeso 6:16) Ang salitang Griego rito na isinaling “malaking kalasag” ay nagpapahiwatig na ito’y may sapat na laki upang magsilbing proteksiyon sa kalakhang bahagi ng katawan. Tungkol naman sa “nagniningas na suligi,” kung minsan ang mga Romano ay gumagawa ng maiikling sibat na yari sa tambo at may kakabit na maliliit na sisidlang punô ng nagniningas na nafta. Baka ang ganiyang nagniningas na mga sibat ang tinutukoy ni Pablo.
10. Ano ang ginagamit ni Satanas bilang mga “nagniningas na suligi”?
10 Iba’t-ibang klase ng “nagniningas na suligi” ang itinitira ni Satanas sa mga Kristiyano. Kabilang na sa mga gayong “suligi” ang panlilibak, pag-uupasala at paninirang-puri na ipinupuntirya sa bayan ng Diyos ng kanilang mga kaaway. Ang mga “suligi” ay maaari rin na yaong pagsisikap ng iba na pahinain ang loob ng mga mandirigmang Kristiyanong ito dahilan sa ipinagpapalagay na kaunting-kaunting ibinubunga ng kanilang pagpapagal sa ministeryo o sa kakulangan ng pagsulong sa kanilang pagsisikap na madaig ang mga kahinaan ng laman. Kasali rin dito ang mapapait na salita, panunuya at mga maling pagkakilala. Kung minsan, nasusugatan ni Satanas ang mga kristiyano sa pamamagitan ng pag-uudyok sa kanila na maging mausisa tungkol sa makasanlibutang karunungan may kaugnayan sa okultismo o pilosopya ng pinanggalingan at patutunguhan ng tao. Lubusang iwasan mo ang ganiyang “malalalim na bagay ni Satanas.” Ginagawa mo ba iyan?—Apocalipsis 2:24.
11. Ang laki at pagkamabisa ng ating espirituwal na kalasag ay depende sa ano?
11 Upang maingatan ang ating mga puso laban sa “nagniningas na suligi” ni Satanas, kailangan natin ang isang malaki at matibay na kalasag ng pananampalataya. Ang laki at tibay nito ay depende nang malaki sa atin. Maiingatan tayo depende sa laki ng panahong ginagamit natin sa personal na pag-aaral ng Bibliya, pagbubulay-bulay sa Salita ng Diyos at pakikisama sa ating mga kapuwa saksi ni Jehova. At siempre pa, kailangang ikapit natin ang ating natututuhan, sapagka’t “ang pananampalataya na walang mga gawa ay patay.” (Santiago 2:26) Samakatuwid, ang isa sa pinakamagaling na paraan upang mapalaki natin at mapalakas ang ating pananampalataya, at sa gayo’y makapanindigan tayong matatag, ay ang taimtim na pagsumikapang matulungan ang iba na magkaroon din ng pananampalataya.
12. Ano ang ating espirituwal na turbante, at gaanong kahalaga ito sa atin?
12 At nagpapatuloy pa si Pablo: “At magsikuha rin kayo ng turbante ng kaligtasan.” (Efeso 6:17) Noong sinaunang panahon, may mga turbante (o helmet) na yari sa tambo, ang iba’y sa colchadong linen o kuwero at mayroon pang iba na yari sa metal. (1 Samuel 17:38) Subali’t yari sa ano ang ating espirituwal na turbante? Sinabi ni Pablo sa mga Kristiyano sa Tesalonica: “Mangagpigil tayo at isuot . . . bilang turbante ang pag-asa ng kaligtasan.” (1 Tesalonica 5:8) Oo, ang pag-asa ay magsisilbing proteksiyon sa atin buhat sa mga paghambalos at panghahagupit ni Satanas at ng kaniyang mga ahente. Ang matibay na nakasalig sa Bibliyang “pag-asa ay hindi humahantong sa kabiguan.” (Roma 5:5) Ang gayong pag-asa ay proteksiyon natin laban sa materyalistikong propaganda, sapagka’t pakikilusin tayo niyaon na hanapin muna ang Kaharian ng Diyos.—Mateo 6:33; Lucas 12:31.
13. Ano ang “tabak ng espiritu,” at gaanong kahalaga ito?
13 Sa wakas, narito tayo sa ating kaisa-isang baluti na pansalakay, ang “tabak ng espiritu, samakatuwid baga, ang salita ng Diyos.” (Efeso 6:17) Ang salitang Griego rito na isinaling “tabak” ay tumutukoy sa isang maikling tabak na nahahawig sa isang punyal, at nagpapahiwatig ng isang labanan na malapitan ang naglalaban. Sa pamamagitan ng tumpak na kaalaman sa Salita ng Diyos, maaari nating tagain at tibain ang mga kasinungalingang turo at ibilad na ang mga ito’y di-makatuwiran at, lalung-lalo na, salungat sa Kasulatan. (2 Corinto 10:4) Ginagawa natin ito hindi dahilan sa pagmamataas kundi dahil sa pagpapakumbaba at pag-ibig sa Diyos, sa katotohanan at sa ating kapuwa-tao. Nakatutuwa naman at sa tulong ng tunay na mga lathalaing Kristiyano ay naaari tayong “kumapit nang mahigpit sa salita ng buhay.”—Filipos 2:16.
Mga Katangiang Kristiyano na Nakakatulong
14. (a) Bakit wala tayong dahilan na magmataas? (b) Bakit kailangang tayo’y mapagpakumbaba upang makapanindigang matatag laban kay Satanas?
14 Bukod sa ating espirituwal na baluti, ang mga katangiang Kristiyano ay tutulong din sa atin upang makapanindigang matatag laban sa Diyablo. Yamang pinupukaw ni Satanas ang pagmamataas, ang ating pagiging mapagpakumbaba at pagkakaroon ng katinuan ng isip ay tutulong sa atin ng paglaban sa kaniya. Oo, walang Kristiyano na dapat “mag-isip nang higit kaysa dapat niyang isipin tungkol sa kaniyang sarili.” Pagka nagawa na natin ang lahat ng ipinagagawa sa atin, dapat na masabi natin: “Kami’y walang kabuluhang mga alipin. Ang ginawa namin ay yaong nararapat lamang na gawin namin.” Isa pa, kailangan natin ang di-sana nararapat na awa ng Diyos upang makapanindigan tayong matatag laban kay Satanas at upang kamtin iyon ay kailangang tayo’y mapagpakumbaba, sapagka’t “ang Diyos ay sumasalansang sa mga mapagmataas, nguni’t siya’y nagbibigay ng di-sana nararapat na awa sa mga mapagpakumbaba.”—Roma 12:3; Lucas 17:10; Santiago 4:6.
15. Sa paninindigang matatag, gaanong kahalaga ang pagpipigil-sa-sarili?
15 Ang pagpipigil-sa-sarili ay isa pang katangiang Kristiyano na tutulong sa atin upang manindigang matatag laban kay Satanas. Ang hindi natin pagpipigil sa ating damdamin, tulad baga ng galit, o ang pagpapakalabis sa pagkain, inumin o sekso ay maghahantad sa atin sa pag-atake at pagmamaniobra ng Diyablo. Pagka tayo’y “namuhay na ang sinusunod ay mga pita ng ating laman,” tayo’y aktuwal na lumalakad “ayon sa sistema ng mga bagay ng sanlibutang ito, ayon sa tagapamahala [na si Satanas na Diyablo] ng kapangyarihan ng hangin, ang espiritu na ngayo’y gumagawa at nagpapakilos sa mga anak ng pagsuway.” (Efeso 2:1-3) Kung papayagan natin na ang mapag-imbot at maruruming kaisipan at damdamin ang manaig sa atin, tayo’y nasa panganib na masilo ng Diyablo upang gawin ang kaniyang kalooban. (2 Timoteo 2:26) Upang makapanindigang matatag laban sa kaniya, kailangang supilin natin nang husto ang ating mga kaisipan at damdamin at pati ating pananalita at kilos. Kailangang madisiplina natin ang ating mga isip upang pag-iisipan ang mga bagay na may kapurihan, matuwid, malinis at kaibig-ibig.—Filipos 4:8.
16. Bakit matutulungan tayo ng walang-imbot na pag-ibig upang makapanindigang matatag?
16 Ang walang-imbot na pag-ibig lalung-lalo na ang tutulong sa atin na manindigang matatag laban kay Satanas na Diyablo. Madali niyang pupukawin ang ano mang ugaling mapag-imbot na baka mahahalata niya sa atin. Sa sukdulan na tayo’y pinakikilos ng walang-imbot na pag-ibig upang maging laging abala sa paglilingkod at pagsamba kay Jehova, tayo ay hindi tatablan ng mga pag-atake ni Satanas. Anong pagkakataon mayroon siya sa atin kung iniibig natin si Jehova ng ating buong puso, kaluluwa, isip at lakas? Dahil sa pag-ibig ay iniisip din natin ang kaligtasan ng iba, at ito ang tutulong sa atin upang gawing tiyak ang ating sariling kaligtasan. (Marcos 12:30, 31; 1 Timoteo 4:16) Habang nagpapamalas tayo ng pag-ibig sa sarisaring pagkakataon, si Satanas o ang kaniyang mga ahente, nakikita at di-nakikita, ay hindi makapagpapahina sa ating paninindigan laban sa kanila.—1 Corinto 13:4-8.
17. Bakit ang panalangin ay napakahalaga upang makapanindigan tayong matatag?
17 Upang makapanindigang matatag laban sa mga pakana ni Satanas, kailangan din namang lubusang gamitin natin ang panalangin. Bakit? Sapagka’t kung sa pamamagitan ng ating sariling lakas ay hindi tayo magtatagumpay. Kailangan natin ang tulong buhat sa itaas. Pagkatapos ng paglalarawan sa espirituwal na baluti, hinimok ni Pablo ang kaniyang mga kapananampalataya na gamitin ‘ang lahat ng anyo ng panalangin at pagsusumamo, at magsipanalangin sa bawa’t pagkakataon sa espiritu.’ Kaya sila’y kailangang “manatiling gising na palagi at may pagsusumamo alang-alang sa lahat ng mga banal,” kasali na ang apostol.—Efeso 6:18, 19.
18, 19. (a) Paano tayo matutulungan ng pagpuri at pagpapasalamat? (b) Ano ba ang kahalagahan ng petisyon o paghiling at pagsusumamo?
18 Sa “lahat ng anyo ng panalangin” ay kasali ang anu-ano? Ang isang anyo ng panalangin ay papuri. Tunay nga na dahilan sa kung sino si Jehova, sa kaniyang mga katangian at sa kaniyang katungkulan sa sansinukob, siya’y karapat-dapat sa ating pagpuri. (Awit 33:1) Ang isa pang anyo ng panalangin ay ang pagpapasalamat. At anong daming mga dahilan mayroon tayo upang magpasalamat sa Tagapagbigay ng “bawa’t mabuting kaloob at bawa’t sakdal na handog”! (Santiago 1:17) At angkop na angkop naman, tayo’y pinapayuhan na “magpasalamat kay Jehova dahilan sa kaniyang kagandahang-loob at sa kaniyang kagilagilalas na mga gawa sa mga anak ng mga tao.” (Awit 107:31) Ang ating pagkakaroon ng mga puso at isip na mapagpahalaga ay tunay na tutulong sa atin na manindigang matatag laban kay Satanas.
19 Ang petisyon o paghiling ay isa pang anyo ng panalangin. Angkop na humiling tayo ng mga bagay na tulad ng karunungan (Santiago 1:5), banal na espiritu (Lucas 11:13), kapatawaran ng mga kasalanan (1 Juan 1:9; 2:1, 2) at pagpapala ng Diyos sa ating mga pagsisikap (Awit 90:17). Nariyan din ang pagsusumamo. Ito’y tumutukoy sa taimtim na pagmamakaawa sa Diyos na Jehova, tulad baga kung panahon ng malaking kagipitan o panganib. Kaya’t nang si Pablo ay ibilanggo siya’y humiling na ipanalangin siya. (Efeso 6:18-20) Ang ganitong mga anyo ng panalangin ay tiyak na tutulong sa atin upang makapanindigang matatag laban kay Satanas.
Maging Desidido na Manindigang Matatag
20, 21. Paano tayo lubhang makapananagumpay?
20 Sa ngayon ang mga lingkod ni Jehova bilang isang grupo ay tunay na nagtatamasa ng mga pagpapala ng isang espirituwal na paraiso. Para tayo ay isa-isang makinabang nang patuluyan sa mga pagpapalang ito, hindi natin ito maipagwawalang-bahala. Tayo’y kailangang laging nagbabantay, naninindigang matatag laban sa ating Kalaban, si Satanas na Diyablo.—1 Pedro 5:8, 9.
21 Ang Diyablo ay maraming pakana, gaya ng nakita na natin, at ang hangarin niya ay sirain ang ating katapatan at hilahin tayo na huminto sa paglilingkod sa Diyos na Jehova. Subali’t hindi tayo madadaig ni Satanas kung laging suot natin ang ating espirituwal na baluti na galing sa Diyos, kung patuloy tayong magpapaunlad ng mga bunga ng kaniyang espiritu na gaya baga ng pag-ibig at pagpipigil-sa-sarili, at magmamatiyaga sa panalangin. Sa ganoon, taglay ang maibiging tulong buhat sa ating Diyos, si Jehova, tayo’y lubusang masasangkapan upang makapanindigang matatag laban sa mga pakana ni Satanas.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Bakit si Satanas ay galit na galit laban sa mga lingkod ni Jehova?
◻ Ang espirituwal na baluti ng mga Kristiyano ay binubuo ng anu-ano?
◻ Ano ang ilan sa “nagniningas na suligi” ni Satanas, subali’t anong proteksiyon mayroon tayo laban sa mga iyan?
◻ Bakit kailangang tayo’y mapagpakumbaba upang makapanindigang matatag laban sa Diyablo?
◻ Sa ating paninindigang matatag, bakit ang panalangin ay napakamahalaga?
[Larawan sa pahina 19]
Ang regular na pananalangin ay tutulong sa isang pamilya upang labanan ang mga pag-atake ni Satanas