Report ng mga Tagapagbalita ng Kaharian
Pagsulong ng Kaharian sa Buong Daigdig
ANG sabi ng propetang si Isaias tungkol sa paglawak ng mga intereses ng Kaharian sa ngayon: “Ang paglago ng pamahalaan [ni Kristo] at ng kapayapaan ay hindi magkakaroon ng wakas.” (Isaias 9:7, King James Version) Ang ulat sa mahigit na 200 bansa na kung saan nangangaral ang mga Saksi ni Jehova ng mabuting balita ay nagpapatunay ng pagpapala roon ni Jehova. Narito ang ilang mga karanasan buhat sa iba’t ibang panig ng mundo.
◻ Aprika: Ayon sa sangay sa Senegal ang “taóng ito ng paglilingkod ay minsan pang pinagpala ni Jehova.” Sa isla ng Mauritius, na doo’y nagsimula ang gawain noong 1951, ang dami ng mga Saksi ay mayroong 100 noong 1964 ngunit 679 noong 1984. Iniulat ng Ghana na ang mga Saksi roon ay sumulong mula sa 30 noong 1938 at naging 25,755 ngayon! Mainam din ang isinulong ng mga payunir sa Aprika. Isang payunir sa Sierra Leone ang nagsasabi kung bakit siya nasa buong panahong paglilingkod: “Pinili ko ang magpayunir sapagkat ang pag-aaral sa kolehiyo o unibersidad ay isang pag-aaksaya ng mahalagang panahon na magagamit sa pagtulong sa mga tao upang magkamit ng tumpak na kaalaman tungkol kay Jehova at sa kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, bago dumating ang wakas.” Sa mga kombensiyon na idinaos sa Timog Aprika ay nakita ang pagkakaisa. Ang tanggapang sangay ng Watch Tower dito ay nagsasabi: “Nang taóng ito ay idinaos namin ang isang lubusang interracial na mga kombensiyon sa bansang ito . . . Ang multiracial na pagbabautismo sa 343 ay pambihirang halimbawa ng pagkakaisa ng mga tupa ni Jehova sa bansang ito na may sarisaring lahi.” Sa Zimbabwe isang pulitiko ang tumanggap ng katotohanan at nagbitiw ng tungkulin sa kaniyang partido. “Lumikha ito ng suliranin at iyon ay iniharap sa isang dumadalaw na opisyal sa isang miting publiko. Nang itanong kung ano ang dapat gawin sa kapatid na ito ang sabi ng opisyal, ‘Wala. Ang kanilang patakaran sa buong daigdig ay ganiyan. Kung siya’y magpapatuloy bilang isang miyembro ng partido siya ay hindi na tunay na Saksi ni Jehova.’”
◻ Asia at ang Pasipiko: Pambihira ang kasiglahan tungkol sa pagpapayunir sa Hapon na kung saan 40 porsiyento ng lahat ng mamamahayag ay payunir noong Mayo. Sang-ayon sa sangay sa Pilipinas ito’y tumanggap ng halos 200 mga bagong payunir buwan-buwan. Sang-ayon sa Australia “ang kasiglahan ng pagpapayunir ay talagang pambihira sa taóng ito.” Ang India ay may bagong mga pasilidad sa sangay at isang bagong peak ng 6,506 mamamahayag. Sila’y nagdaos ng 14 na kombensiyon na 7 pa ang ginanap sa lokal na mga wika sa unang-unang pagkakataon. Mahigit na 9,000 ang dumalo, at 246 ang nabautismuhan. Ikinalulugod nating makita ang pagsulong sa malawak na bansang ito. Halatang-halata rin sa Korea ang pagsulong. Ang kanilang bagong sangay ay inialay noong 1982 pero ngayon ay napakaliit na. Sila’y nagtatayo uli upang madoble ang lawak. Ang mga regular na payunir ay sumulong ng 56 porsiyento sa bansang iyan. Ang Western Samoa ay isang sangay na katátatág lamang upang lalong mapangalagaan ang pangangailangan ng mga taga-Samoa. Kaya ang “bukid” ni Jehova sa Asia at sa Pasipiko ay inaani na.
◻ Europa: Halata rin ang pagsulong ng Kaharian sa Europa. Sumulat ang Portugal: “Nagkaroon ng ‘eksplosyon’ ng interes sa lahat ng panig. Pagkatapos ng isang peak ay lalo pang madadaig iyon sa susunod na buwan.” Ganito naman ang sabi ng Belgium: “Saan man ay nagaganap ang pagsulong.” Sa Selters, Alemanya, ay inialay ang panigundang pinakamalaking sangay na kompleks sa daigdig, na doo’y lahat maliban sa isa sa mga miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova ang dumalo. Isang kapatid ang sumulat: “Maguguniguni kaya ninyo ang damdamin namin pagkalipas ng 60 taon ng paglilingkod—20 taon nito ang ginugol sa bilangguan dahilan sa dalawang yugto ng pag-uusig—sa pagkakaroon ng bahagi sa espirituwal na bangketeng ito sa isang espirituwal na paraiso?”
◻ Amerikas: Sa Canada ay nagkaroon ng pagsulong na 80,939 ang nag-ulat ng paglilingkod. Ganito ang sabi ng sangay: “Nakapagpapatibay-loob na sa kabila ng mga kagipitan at pang-aakit buhat sa isang namamatay na daigdig . . . kami’y patuloy na sumusulong. Katulad ito ng pagsulong ng sinaunang Kristiyanismo noong papalubog na ang Imperyong Romano. (2 Timoteo 3:1-5)” Ang Belize, Sentral Amerika, ay nag-ulat na isa sa mga tampok ng taon ay isang “paglalakbay sa pagdalaw sa mga bayan ng Mayan Indian sa timog ng bansa. Para marating ang mga liblib na bayang ito (12 ito), kailangang lumakad ka ng 113 milya (180 km) sa mga daan sa gubat.” Labindalawang kapatid na lalaki ang naglakbay na dala ang kanilang mga gamit at mga portpolyo, isang slide projector, at mga baterya ng motorsiklo. Sila’y nagpakita ng mga slides ng pambuong daigdig na gawain tungkol sa Kaharian ni Jehova. Isa na noon lamang nakakita ng palabas sa slide ang nagsabi na iyon ay “malaking larawan sa dingding na may maliwanag na ilaw.” Ang Mexico ay sumulong mula sa 81 mamamahayag noong 1931 tungo sa peak na 151,807 noong 1984 (16-porsiyentong pagsulong para sa taóng iyon), at 695,769 ang dumalo sa Memoryal noong nakaraang Abril (ng 1984). Ang Estados Unidos ay may bagong peak na 690,830 mamamahayag.
Patuloy na sumusulong sa buong daigdig ang Kaharian.