Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w85 7/1 p. 10-14
  • Nagkakaisa sa Paglalathala ng Salita ni Jehova

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Nagkakaisa sa Paglalathala ng Salita ni Jehova
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Nagkakaisang Pagkilos
  • Paraang Teokratiko
  • Kagalakan​—Noon at Ngayon
  • Ang Hinaharap
  • Ang Nakikitang Organisasyon ng Diyos
    Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa
  • Ang Bantayan ay Sabay-sabay na Inilalathala
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • “Nagpasiya Kaming Lahat”
    ‘Lubusang Magpatotoo Tungkol sa Kaharian ng Diyos’
  • Nagtatamasa ng Napakahalagang Pagkakaisa ang Pamilya ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
w85 7/1 p. 10-14

Nagkakaisa sa Paglalathala ng Salita ni Jehova

“Magkaroon nawa kayo ng ganoon ding kaisipan na gaya ng kay Kristo Jesus, upang sa isang pag-iisip sa pamamagitan ng isang bibig ay luwalhatiin ninyo ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Kristo.”​—ROMA 15:5, 6.

1. (a) Ano ang kaayusan ni Jehova para pagkaisahin ang kaniyang mga lingkod? (b) Ano ang ipinakikita ng Kasulatan na unang tinipon at ano naman ang tinipon pagkatapos?

TINIPON ni Jehova ang kaniyang mga saksi sa pambuong daigdig na pagkakaisa. Ito’y kasuwato ng kaayusan ng Diyos na pansambahayang pagkakaisa na tinutukoy ni apostol Pablo sa Efeso 1:10: “Isang administrasyon sa katapusan ng takdang mga panahon, samakatuwid nga, na tipuning muli ang lahat ng bagay sa Kristo, ang mga bagay sa langit at ang mga bagay sa lupa.” Ang unang tinipon ay yaong mga nasa “munting kawan” ng pinahirang mga Kristiyano para sa langit at pagkatapos ay ang “malaking pulutong . . . na buhat sa lahat ng bansa” na umaasang makakatawid tungo sa matuwid na “bagong lupa” na ipinangako ng Diyos.​—Lucas 12:32; Apocalipsis 7:3, 4, 9, 13-17; 21:1, 5.

2. Bakit ang mga Saksi ni Jehova ay nakapagsasalita na may “isang pag-iisip”?

2 “Sa isang pag-iisip”​—ganiyan nagsasalita ang mga saksing ito ni Jehova ng kaniyang pabalita ng Kaharian. Bakit nila nagagawa ito? Ang dahilan ay sapagkat sa buong globo sila’y may “ganoon ding kaisipan na gaya ng kay Kristo Jesus” nang naririto sa lupa. Siya’y hindi bahagi ng mapagmataas na sanlibutang ito. Bagkus, siya’y nagpakababa sa paggawa ng kalooban ng Diyos at pagtatayo ng isang maibiging pagkakaisa sa gitna ng kaniyang mga alagad. Ito ang pasimula ng isang pangglobong pagkakaisa na nagpakilala sa mga tunay na Kristiyano noong sumunod na mga daan-daang taon.​—Filipos 2:5-8; Juan 13:34, 35; 17:14.

3. (a) Anong malaking pagkakaiba ang nakikita sa lupa ngayon? (b) Paano ipinakita ng Kasulatan kung sino ang lipunan ng mga tunay na Kristiyano sa buong globo?

3 Ang pagkakaisang ito ng organisasyon ay sumapit na sa sukdulan sa “mga huling araw” na ito, nagpapakita ng pagkakaisang may malaking pagkakaiba sa nagkakabaha-bahaging sistema ng mga bagay ni Satanas, na kung saan palasak ang pagkakapootan at katampalasanan. (2 Timoteo 3:1-5, 13; Mateo 24:3, 12) Ngayon lamang sa kasaysayan ng tao umiral sa buong lupa, sa 203 bansa, ang isang organisasyon na lubusang nagkakaisa tungkol sa paniniwala, layunin at gawain. Ang pangglobong lipunang ito ng mga alagad ni Jesus ay makikilala sa bunga na isinisibol nito.​—Juan 15:8; Hebreo 13:15; Galacia 5:22, 23.

Nagkakaisang Pagkilos

4. (a) Anong suliranin ang bumangon sa kongregasyon noong unang siglo? (b) Ayon sa Gawa 15:1-6, anong teokratikong pagtitipon ang ginanap?

4 Ang nagkakaisang pagkilos sa organisasyon ni Jehova ay pinaghahalimbawa sa atin sa Gawa kabanata 15. Gunigunihin ninyo ang isang pagtitipon ng maygulang na mga saksi ni Jehova​—ang 12 apostol, iba pang nakatatandang mga lalaki sa kongregasyon sa Jerusalem at sina Pablo at Bernabe, matatanda sa kongregasyon sa Antioquia. Sa Antioquia, at gayundin sa Jerusalem, may nakumberteng mga Judio na iginigiit na ang mga tao raw ng mga bansa ay kailangang tuliin at kailangang sumunod sa Kautusan ni Moises upang sila’y maligtas. Kaya’t ang mga apostol at ang nakatatandang mga lalaki ay “nagtipong sama-sama upang talakayin ang suliraning ito.”​—Gawa 15:1-6.

5-7. (a) Sa paano may “maraming pagtatalo”? (b) Anong patotoo ang iniharap? (c) Paano ginamit ang Kasulatan? (d) Ano ang maygulang na pasiya ni Santiago na humantong sa anong katapusang disisyon? (e) Ano ang pagkilos na sumunod?

5 Ang suliranin ay malayang pinag-usapan, at ang maygulang na mga lalaking ito ay naghayag ng kanilang mga saloobin na katig at laban. Hindi nila binuo ang kanilang pasiya nang patiuna. Handa silang suriin ang bagay na iyon buhat sa lahat ng anggulo. Nagkaroon ng “maraming pagtatalo,” ngunit sumunod sila sa mabuting kaayusan at iginalang nila ang paniwala ng isa’t-isa. Si apostol Pedro ay nagpatotoo na ang Diyos ay nagbigay ng kaniyang banal na espiritu sa di-tuling mga tao ng mga bansa​—tiyak na isang mahalagang patotoo na ang pisikal na pagtutuli ay hindi na kahilingan para sa mga ibig maligtas. Sina Bernabe at Pablo ay nagsusog pa sa patotoong ito, at binanggit nila ang maraming kababalaghan na ginawa ng Diyos sa pamamagitan ng kanilang ministeryo sa mga bansa.​—Gawa 15:7-12.

6 Pagkatapos, sinipi ni Santiago ang Kasulatan bilang suporta sa argumento na kahaharap lamang. Sinabi niya na ang Amos 9:11, 12 ay humula tungkol sa pagsasauli ng biyaya ng Diyos sa ilalim ng Lalong-dakilang David, si Jesu-Kristo, at sa pagkakaloob ni Jehova ng di-sana nararapat na awa sa “lahat ng bansa na pinaglagakan [niya] ng kaniyang pangalan.” Ipinasiya ni Santiago na hindi na kailangang gambalain pa ang mga nakumberte buhat sa mga bansa sa pamamagitan ng paggigiit na sila’y tuliin at sumunod sa lahat ng mga alituntunin na nasa Kautusan ni Moises. Gayunman, kailangan ang mga ilang bagay: Kailangang umiwas sila sa idolatriya, sa pagkain ng anumang uri ng dugo at sa seksuwal na imoralidad.​—Gawa 15:13-21.

7 Ang lupong tagapamahala sa Jerusalem ay nagkaisa ng pasiya. Ito’y nagsugo ng mga mensahero sa kongregasyon sa Antioquia dala ang isang liham na nagtatapos sa ganitong pampatibay-loob: “Kung maingat na iiwasan ninyo ang mga bagay na ito, kayo’y uunlad. Laging malusog nawa kayo!”​—Gawa 15:22-29.

Paraang Teokratiko

8. (a) Paanong sa modernong panahon ang Lupong Tagapamahala ay pinapatnubayan sa paggawa ng mga pasiya? (b) Ano ang ilan sa mga bagay na binigyang-linaw kamakailan?

8 Sa modernong panahon, ang Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, na kumakatawan sa “tapat at maingat na alipin” ng Panginoon sa lupa, ay sumusunod sa ganiyan ding halimbawa ng mga apostol. (Mateo 24:45-47) Sa gayon, ang karanasang Kristiyano, patnubay buhat sa Bibliya, at pag-akay sa kanila ng espiritu ni Jehova ang pumapatnubay sa grupong ito ng pinahirang mga Saksi upang bumuo ng teokratikong mga pasiya na lubhang mahalaga sa kongregasyon. Halimbawa, noong nakalipas na mga taon ang Lupong Tagapamahala ay sumunod sa maka-Kasulatang paraan sa pagbibigay-linaw sa mga bagay sa Bibliya tungkol halimbawa sa “mga ministro,” sa bigay-Diyos na budhi, sa pagdadala ng mga pamatay na armas, at sa katuparan ng hula ni Isaias tungkol sa panghinaharap na Paraiso sa lupa.​—Ihambing ang Juan 14:26; 1 Corinto 2:10.

9. Anong paraan ang dapat sundin ng matatanda sa pakikitungo sa mga problema ngayon?

9 Ang paraan sa Gawa kabanatang 15 ay kailangan ding sundin ng mga matatanda sa kongregasyon sa pakikitungo sa mga problema ngayon. Una, ilahad nang malinaw ang problema at ang mga katibayan. Pagkatapos, hayaang mapanghahawakang mga testigo ang magbigay nang malinaw at mapanghahawakang patotoo tungkol sa bagay na iyon. Saliksikin ang Kasulatan upang makamit ang punto-de-vista ni Jehova, at gamitin din ang mga publikasyon ng Watch Tower Society na maaaring makatulong. May kalakip na panalangin na magkaisa sa isang sulusyon, kasuwato ng itinuturo ng Salita ni Jehova, na makabubuti sa kongregasyon.​—Isaias 48:17; 1 Corinto 14:33.

Kagalakan​—Noon at Ngayon

10. (a) Tulad sa kongregasyon noong unang siglo, paano tayo dapat maapektuhan ng teokratikong mga disisyon ngayon? (b) Paano ang modernong kaunlaran ay tumulong sa pagpapatibay at pagpaparami sa mga lingkod ng Diyos?

10 Nang kanilang marinig ang pasiya ng lupong tagapamahala, ang mga nasa kongregasyon sa Antioquia ay “nagalak sa pampatibay-loob.” Gayundin naman sa ngayon, ang mga Saksi ni Jehova ay nangagagalak na mapag-alaman ang pang-organisasyong mga pasiya at pagpapaliwanag ng doktrina na tumutulong sa espirituwal na ikalulusog ng mga lingkod ng Diyos at sa ikasusulong ng gawain ni Jehova. (Ihambing ang Tito 2:1.) Subalit hindi na kailangan na ang Lupong Tagapamahala ay sumulat ng mga liham ng tagubilin sa sulat-kamay at ipahatid ang mga ito sa kinauukulan sa pamamagitan ng mga mensaherong naglalakad. Dahilan sa modernong paraan ng komunikasyon at paglimbag sa mahigit na 30 mga sangay ng Watch Tower sa buong mundo posible na “ang mabuting balita ng salita ni Jehova” ay maipahatid sa angaw-angaw na mga tauhan ng Diyos sa pinakamadaling panahon. Ito’y ginagawa lalung-lalo na sa pamamagitan ng magasing Watchtower (Bantayan). Sa ngayon, ang mga kongregasyon sa buong daigdig ay patuloy na “tumitibay sa pananampalataya at dumarami ang bilang sa araw-araw.”​—Gawa 15:30–16:5.

11. Paano ginamit ni Jehova ang The Watchtower (Ang Bantayan) sa pagtupad sa Isaias 30:18-21?

11 Ang mga mambabasa ng The Watchtower noong nakalipas na mga taon ay nagagalak din na makasaksi sa lumalagong sirkulasyon nito. Sa 105 taon ng publikasyon, ito’y dumami mula sa 6,000 sipi sa Ingles minsan isang buwan hanggang sa umabot sa 11,150,000 sipi sa 102 wika, at lahat ng mga pangunahing edisyon ay inilalathala nang makalawa isang buwan. Tiyak iyan, ang The Watchtower ay puspusang ginagamit ng ating Dakilang Instruktor, si Jehovang Diyos, bilang pagtupad sa pangako: “Maligaya ang lahat ng naghihintay sa kaniya. . . . Ang inyong mga pandinig ay makakarinig ng salita sa likuran ninyo na nagsasabi: ‘Ito ang daan. Lakaran ninyo ito, ninyong mga tao,’ sakaling kayong mga tao ay pakakanan o sakaling kayo’y pakakaliwa.”​—Isaias 30:18-21.

12. (a) Bakit ngayon tayo may higit pang dahilan na magalak? (b) Paano natin pakikinabangan ang bagong kaayusang ito?

12 Ngayon ay may isa pang dahilan upang magalak. Pasimula sa taóng ito ng 1985, ang Watchtower ay inilalathalang sabay-sabay, kung tungkol sa nilalaman, sa 23 wika!a Lahat ng mga edisyong ito ay iisa ang disenyo ng pabalat. Taglay nila ang pare-parehong serye ng pambungad na mga artikulo at may pare-parehong mga artikulo na pag-aaralan. Kaya ito’y gagamitin sa sabay-sabay na “pagpapakain” na magdudulot ng pagkakaisa sa mga lingkod ni Jehova sa kanilang paglaki sa espirituwal “hanggang sa makamit nating lahat ang pagkakaisa sa pananampalataya.” Ito’y dapat na lalong magpasigla sa atin na ‘sa isang pag-iisip ay luwalhatiin natin ng isang bibig ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Kristo.’​—Efeso 4:13; Roma 15:6.

13. (a) Gaanong kalaganap ang kaayusang ito? (b) Paano kung gayon maikakapit ang 1 Corinto 1:10?

13 Pagka hawak ninyo ang magasing ito sa lingguhang pangkongregasyong pag-aaral ng Ang Bantayan, hindi baga kayo totoong nagagalak na malaman na karamihan ng inyong mga kapatid sa buong daigdig ay magkakaisa-isa ng pakikibahagi sa iisang espirituwal na pagkain sa mismong araw ding iyon? Oo, mangyayari ito sa buong Amerika del Norte at del Sur, sa karamihan ng lugar sa Europa, sa Hapon at sa maraming dako sa Timog Aprika! Tinataya na mayroon nang mahigit na 90 porsiyento ng mga dumadalo sa pag-aaral ng Bantayan sa buong lupa​—humigit-kumulang 2,500,000 katao linggu-linggo​—ang ngayo’y nakikibahagi sa sabay-sabay na “pagkaing” ito. Sama-sama, ang mga ito ay may “lubos na pagkakaisa sa iisang isip at sa iisang takbo ng kaisipan.” (1 Corinto 1:10) At habang ipinahihintulot ng mga pagkakataon, dito’y mapaparagdag ang iba pang mga wika.

14. Paano makikinabang ang mga pamilya?

14 Dahilan sa mga pagkakaiba sa wika, ang mga miyembro ng isang pamilya ay baka mga buwan ang patlang sa pag-aaral ng mga artikulo sa Bantayan. Subalit ngayon sila’y maaaring magkaisa sa bagay na ito. Halimbawa, ang dayuhang mga magulang na mas bihasa sa kanilang lokal na wika ay maaaring umupong kasama ng kanilang mga anak na Ingles ang salita upang maghandang sama-sama ng kaparehong leksiyon para sa linggong iyon sa Watchtower sa magkapuwa wika. Sa mga pamilyang dalawa ang wikang ginagamit, masasangkapan ang mga magulang ng higit pa upang maisagawa ang tagubilin sa Efeso 6:4 at 2 Timoteo 3:14, 15.

15. (a) Sa ating pangmadlang ministeryo, ano ang maaari nating gawin ngayon bilang katuparan ng Isaias 52:8, 9? (b) Ano ang naging posible na nang pasimula ng 1985, at ano ang posible rin sa hinaharap?

15 Nariyan din ang ating pangmadlang ministeryo na ginagamitan ng mga magasin. Sa karagdagang paraang ito, ang mga mamamahayag ng Kaharian sa buong globo ay maaari na ngayong “humiyaw nang may kagalakan sa pagkakaisa” samantalang sa buong daigdig ay naghaharap sila ng kaisang impormasyon sabay-sabay kasama ng kanilang mga kapatid sa buong daigdig. (Isaias 52:8, 9) Sa pangangaral sa mga kalye na doo’y ginagamit ang mga magasin sa mga teritoryong may maraming wika, ang mga mamamahayag ay maaaring magharap ng mga magasin na may iisang tema na nakalarawan sa pabalat sa dalawa o higit pang mga wika. Isip-isipin ito! Nang pasimula ng 1985, ang mga mamamahayag ng Kaharian sa buong lupa ay nagbigay ng isang nagkakaisang patotoo tungkol sa Armagedon! Sa takdang panahon, marahil ay aatasan ni Jehova ang kaniyang bayan na magsagawa ng iba pang nagkakaisang mga pagpapahayag sa buong daigdig samantalang sila’y naglilingkod nang “magkakaisa alang-alang sa pananampalataya sa mabuting balita.” (Filipos 1:27) Dahil sa sabay-sabay na paglalathala ng Ang Bantayan sa maraming wika ay maaaring gawin ang gayong mga pagpapahayag.​—Ihambing ang Daniel 11:44.

Ang Hinaharap

16. (a) Ano ang sinasabi ng Bantayan na ito sa pahina 8, 9, at 25 tungkol sa pamamahagi ng magasin? (b) Bakit kailangan ng mga tao ngayon ang ating mga magasin?

16 Sa taóng 1984, malaganap na ipinamahagi ng mga Saksi ni Jehova ang magkasamang mga magasin na The Watchtower at Awake! (Gumising!) At ito naman ay saganang pinagpala ni Jehova, gaya ng mapatutunayan sa mga ulat na nakalathala sa pahina 8, 9, at 25 sa magasing ito. Sa buong daigdig, ang pamamahagi sa larangan ng ating mga magasin noong 1984 ay sumulong ng 11.1 porsiyento tungo sa kabuuang 287,358,064, samantalang ang nakuhang mga suskripsiyon ng magasin ay sumulong ng 3.2 porsiyento tungo sa 1,812,221. Tiyak na parami nang paraming mga tao ang nagnanais na makaalam kung bakit ang mga bansa ay nanggigipuspos, ‘hindi alam ang daang lulusutan.’ (Lucas 21:25, 26) Nais ng mga magulang na maging maligaya ang kinabukasan ng kanilang mga anak​—mas maigi kaysa isang lupa na ipinahamak ng isang digmaang nuklear. Ang ating mga magasin ay nagbibigay ng buháy na pag-asa!​—Mateo 12:18, 21; Roma 15:4.

17. Paano tayo matutulungan na ating mga magasin upang mapaglabanan ang Diyablo?

17 Kumusta naman ang 1985? Ang mensahe sa Ang Bantayan at Gumising! ay nagiging lalong kapuna-puna. Ito ang dapat asahan habang patapos ang sanlibutan ni Satanas sa kaniyang mga huling araw. (Apocalipsis 12:12) Huwag magkakamali! Ibig ng Diyablo na tayo’y manghina at huwag makibahaging palagian sa paglilingkod kay Jehova. Oo, ibig ni Satanas na tayo’y ihiwalay sa kongregasyon ng bayan ng Diyos at sa gawain nito, at sa gayo’y sakmalin tayo. (1 Pedro 5:8) Subalit mapaglalabanan natin siya sa pamamagitan ng regular na pakikipagpulong upang kumuha tayo ng tumpak na kaalaman, at gamitin natin ang karagdagang kaalamang ito sa paglilingkod kay Jehova.​—Efeso 6:11, 14-16; Colosas 1:9-11.

18. (a) Gaano kalaki ang iyong pananagutan bilang mamamahayag ng Kaharian? (b) Paano natin maikakapit ang payo ng Roma 12:10, 11 at 15:5, 6?

18 Isa ka bang mamamahayag ng Kaharian? Kung gayon, ikaw ay may mahalagang puwesto sa modernong lipunang teokratiko. Bilang isang nag-alay na Kristiyano, marahil ay mayroon kang mga iba pang pananagutan sa kongregasyon. Gayunman, upang makapamuhay na kasuwato ng pangalan ni Jehova, kailangang ikaw ay isang masigasig na ministro sa larangan. Taglay ang pag-ibig pangmagkakapatid at ang malumanay na pagmamahal sa isa’t-isa, tayong lahat ay patuloy na maging maningas sa espiritu samantalang tayo’y naglilingkod bilang “alipin ni Jehova.” (Roma 12:10, 11) Anumang kagipitan ang maranasan natin buhat kay Satanas at sa kaniyang sanlibutan, tayo’y magpatuloy bilang isang lipunan, oo, ‘may isang pag-iisip at isang bibig,’ na niluluwalhati si Jehova sa pamamagitan ng pagbabalita ng kaniyang mga layunin sa Kaharian.

19. (a) Paano natin mapagtatagumpayan ang mga pag-uusig at iba pang problema? (b) Ano ang payo sa atin ng Zefanias 3:8, 9?

19 Marami sa atin ang napapaharap sa pag-uusig o gumagawa sa mga teritoryo na malamig ang pagtugon sa ating pangangaral. Gayunman, patuloy na magpakita tayo ng kaparehong kaisipan ni Kristo Jesus. (Juan 16:33; 1 Pedro 4:1, 2) Bilang isang lipunan magpakita tayo ng tunay na tibay ng loob​—ang panloob na espirituwal na lakas na nagpapatuloy at hindi napadadaig sa ilalim ng kagipitan. (Awit 27:14; Filipos 1:14) Huwag nating panghinain ang ating loob sa paghahanap ng mga taong tulad-tupa. Tayo’y manatiling “naghihintay” kay Jehova at sa kaniyang araw ng pakikipagtuos, na naglilingkod sa kaniya nang nagkakaisa samantalang nananawagan tayo sa kaniyang pangalan at tayo’y nagsasalita ng “dalisay na wika” ng katotohanan.​—Zefanias 3:8, 9.

20. (a) Paano tayo makakasumpong ng tunay na kaligayahan? (b) Ang Isaias 11:6-9 ay mayroong anong kahanga-hangang katuparan?

20 May pagkakaisa-isa, lahat tayong lumuluwalhati sa Diyos ay “magbihis ng bagong pagkatao na nilikha ayon sa kalooban ng Diyos sa tunay na kabanalan at katapatan.” (Efeso 4:24) Ang resulta nito ay tunay na kaligayahan. Ito’y ipinaghahalimbawa sa Isaias 11:6-9, na naglalahad tungkol sa espirituwal na paraiso na umiiral ngayon sa gitna ng ibinalik na bayan ni Jehova. Anong laking kapayapaan at pagkakasuwato! Wala ang masasakim at nakapipinsalang mga pagkatao! Bilang pantapos sa malaparaisong paglalarawang ito, ganito ang sinasabi: “Sila’y hindi mananakit o lilikha ng anumang pinsala sa aking buong banal na bundok; sapagkat ang lupa ay mapupuno nga ng kaalaman tungkol kay Jehova gaya ng tubig na tumatakip sa mismong dagat.” Ang “banal na bundok” ni Jehova ng nagkakaisang pagsamba ay matatag na nakatayo ngayon sa buong lupa. Bakit? Sapagkat pinakilos ni Jehova ang kaniyang mga saksi na luwalhatiin ang kaniyang pangalan ‘nang may isang pag-iisip at may isang bibig.’ Sa gayon “ang lupa,” ang espirituwal na kalagayan ng Kaniyang bayan, ay punô ng “kaalaman kay Jehova.”

21. Bakit dapat nating palawakin hangga’t maaari ang pamamahagi ng ating mga magasin?

21 Sa lakas na ibinibigay sa atin ni Jehova, palawakin natin hangga’t maaari ang pamamahagi ng Ang Bantayan at ng kasamang magasing Gumising! at gawin sana natin ito sa pag-asang ang lahat hanggang sa kadulu-duluhan ng lupa at lahat ng pami-pamilya sa mga bansa ay “makagunita at magbalik-loob kay Jehova.”​—Awit 22:27; Apocalipsis 15:4.

[Talababa]

a Ang mga wikang ito ay: Aprikano, Danes, Olandes, Ingles, Pinlandes, Pranses, Aleman, Italyano, Hapones, Norwego, Portuges, Kastila, Sweko at Thai; ang Aprikanong mga diyalekto: Sepedi, Sesotho, Tsonga, Tswana, Venda, Xhosa, at Zulu; at dalawang mga wika sa mga lupain kung saan ang gawain ng mga Saksi ni Jehova ay ipinagbabawal.

Bilang Repaso​—

◻ Paano umandar ang kongregasyon noong unang siglo?

◻ Anong mga pakinabang ang resulta ng sabay-sabay na paglalathala ng Ang Bantayan?

◻ Anong pagsisikap ang ginawa noong 1984 tungkol sa mga magasin?

◻ Paano tayo uunlad sa espirituwal, kahit sa mga panahon ng pagsubok?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share