Ang Bibliya—Isang Aklat na Dapat Basahin
ANG Bibliya ang aklat na pinakamalaganap ang sirkulasyon sa buong kasaysayan. Ito ang aklat na may pinakamaraming salin, pinagsipian ng pinakamaraming sinipi, at pinakamatandang aklat. Oo, at ito rin ang aklat na nakaligtas at umiiral pa hanggang ngayon sa kabila ng pinakamahigpit na pagsalansang dito. Subalit, nakalulungkot sabihin, hindi ang Bibliya ang baka may pinakamaraming mambabasa sa daigdig.
Gayunman ang Bibliya ay dapat na basahin. Pag-usapan natin ang mga ilang katotohanan tungkol dito.
Bakit Dapat Basahin Nang Palagian?
Ang ating salitang Tagalog na “Bibliya’’ ay galing sa terminong Griego na bi·bliʹa, na ang ibig sabihin “maliliit na aklat.’’ Ipinagugunita nito sa atin na ang Bibliya ay binubuo ng maraming aklat—bagamat ang iba ay hindi gaanong “maliliit’’! Ang mga ito ay isinulat sa loob ng yugto ng panahon na mahigit na isang libong taon. Bagamat isinulat ng mga tao, isang nakatataas na Autor ang may kasi nito. Kahit na ngayon, angaw-angaw ang sumasang-ayon na “lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at mapapakinabangan.’’ (2 Timoteo 3:16) Oo, ang “maliliit na aklat’’ na ito ay punô ng mga kaisipan ng Diyos na Jehova. mismo. (Isaias 55:9) Hindi katakatakang ang mga ito ay mamalagi hangga ngayon nang pagkatagal-tagal!
Ang nakasanayan nang pagbabasa ng Kasulatan nang palagian ay tunay na naging kapaki-pakinabang noong lumipas na mga panahon. Ang mga hari ng Israel ay inutusan na gumawa ng sulat-kamay na mga kopya ng Kautusan, na ngayo’y isang mahalagang bahagi ng Bibliya. Kailangang basahin nila iyon sa araw-araw, bilang palagiang tagapagpaalaala na maglingkod nang may kababaang-loob at sumunod sa mga utos ng Diyos. (Deuteronomio 17:18-20) Oo, tayo ay tunay na magtatamo ng katulad na mga pakinabang sa regular na pagbabasa ng Bibliya.
At anong halaga nga na magbigay-pansin sa hula ng Bibliya! Dahilan sa personal na pag-aaral ni propeta Daniel ng Kasulatan, naunawaan niya na ang isang mahalagang hula sa aklat ni Jeremias ay matutupad na noon.—Daniel 9:1, 2; Jeremias 29:10.
Nang si Juan Bautista ay nangangaral, “ang mga tao’y nagsisipaghintay’’ sa Mesiyas. (Lucas 3:15) Ito’y nagpapahiwatig na marami sa kanila ang may kaalaman sa mga hula tungkol sa Kristo na nakasulat sa Kasulatan. Ito’y pambihira, sapagkat hindi ka naman agad-agad makakakuha ng mga aklat noong mga kaarawang iyon. Ang mga aklat ng Bibliya ay kinailangan pang kopyahin sa pamamagitan ng sulat-kamay. Kayat papaano nagkaroon ng kaalaman ang mga tao tungkol dito?
Malimit na sa pamamagitan ng pakikinig sa pagbabasa sa madla. Ang alagad na si Santiago ay nagsabi: “Si Moises mula noong unang panahon ay mayroon sa bawat bayan na nangangaral tungkol sa kaniya, palibhasa’y binabasa sa mga sinagoga sa bawat sabbath.’’—Gawa 15:21.
Sa ngayon ay madali para sa kaninuman na mag-ari ng isang kopya ng Bibliya, at pati yaong “maliliit na aklat’’ ay maaaring makuha ngayon sa mga wika ng 97 porsiyento ng populasyon ng daigdig. Kayat nakalulungkot sabihin na marami ang hindi gaanong interesado sa pagbabasa upang malaman kung ano ang sinasabi ng Bibliya.
Hinihimok ang Iba na Basahin Ito
Mahalagang bahagi ng gawain ng mga Saksi ni Jehova na himukin ang iba na regular na magbasa ng Bibliya. Nakakaratula sa isa sa kanilang mga palimbagan sa kanilang pandaigdig na headquarters sa Brooklyn, New York, ang pangungusap na “READ GOD’S WORD THE HOLY BIBLE DAILY.’’
Sa mahigit na 46,000 kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig, mayroong lingguhang Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro. Ang pangmadlang pagbabasa ng isang iniatas na bahagi ng Bibliya linggu-linggo ay kasali sa kurso. Lahat ng dumadalo ay may lingguhang atas na basahin ang mga ilang kabanata ng Bibliya sa kanilang tahanan, at yaong patuluyang sumusunod sa iskedyul na ito ay nakababasa ng buong Bibliya pagdating ng panahon.
Ito ay kasuwato ng Giya sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro, isa sa mga aklat-aralan na ginagamit sa kursong ito. Sinasabi nito: “Dapat isali sa iyong sarilinang iskedyul ang oras ng pagbabasa ng Bibliya mismo. Malaking totoo ang pakinabang sa pagbabasa nito mula sa umpisa hanggang katapusan. . . . Gayunman, gawing tunguhin hindi lamang ang mabasa ang materyal, kundi ang maunawaan iyon nang husto upang matandaan. Bulay-bulayin ang sinasabi nito.’’—Pahina 21.
Ang mga Saksi ni Jehova ay naniniwala na ang modernong-panahong mga Kristiyano ay dapat na may kaalaman sa Bibliya. Taglay ang ganitong katotohanan, sila’y nagtataguyod ng ika-20 siglong aktibidad na ito kagaya noong una. Sila’y nagsaplaka ng marami sa “maliliit na aklat’’ ng Bibliya sa cassette tapes. Kaya naman ang mga taong kapos ng panahon upang umupo at magbasa nito nang mahabang mga oras ay maaaring makinig ngayon sa mga isinaplakang aklat ng Bibliya habang sila’y nagtatrabaho sa bahay, samantalang nagmamaneho, o anuman ang ginagawa nila. Mangyari pa, ang mga tapes ay malaking tulong din pagka tayo’y aktuwal na uupo upang magbasa ng Bibliya. Nakalulugod na makinig sa pagbabasa ng Kasulatan habang sinusubaybayan mo ang pagbasa sa iyong sariling kopya ng Bibliya.
Sa lahat ng paraan, lubusang samantalahin ninyo ang pakinabang na dulot ng mga tunay na publikasyong Kristiyano na inilaan ng Diyos sa pamamagitan ng “tapat at matalinong alipin.’’ (Mateo 24:45-47) Subalit bakit hindi ninyo ugaliin na basahin ang Bibliya araw-araw? Pagkalaki-laki ang mapapakinabang ninyo, tulad ng napakinabang ng Israelitang si Josue noong unang panahon nang iutos sa kaniya ang ganito: “Ang aklat na ito ng kautusan ay huwag mahihiwalay sa iyong bibig, at iyong may pagbubulay-bulay na babasahin araw at gabi, upang iyong masunod na gawin ang ayon sa lahat ng nakasulat dito; sapagkat kung magkagayo’y iyong pagtatagumpayin ang iyong lakad at kung magkagayo’y kikilos ka nang may karunungan.’’—Josue 1:8.
[Larawan sa pahina 30]
Sa maraming taon, isang karatula sa palimbagan ng Watchtower Society sa 117 Adams Street, Brooklyn, New York, ang humihimok sa mga nagdaraan na magbasa ng Banal na Kasulatan