Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w86 5/1 p. 31
  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2004
  • Kapag Hindi Mabuti ang Malaki
    Gumising!—1997
  • Matakaw
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Paano Ako Papayat?
    Gumising!—1994
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
w86 5/1 p. 31

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

◼ Ang mga Saksi ni Jehova ba ay may kasintatag na paninindigan sa kanilang mga miyembro laban sa katakawan gaya ng paninindigan nila laban sa bisyong paggamit ng tabako?

Ang mga Saksi ni Jehova ay may salig-Bibliyang paninindigan laban sa tabako, at kanila ring pinaniniwalaan ang turo ng Kasulatan laban sa katakawan.

Sila’y naniniwala na ang paninigarilyo ay labag sa mga simulain ng Bibliya. Sa paninigarilyo, ay kasangkot ang pagkasugapa sa nikotina. At, hindi likas sa atin na lumanghap ng usok. Ang paninigarilyo ay nagpaparumi sa katawan, sanhi ng mga karamdaman, at pampaikli ng buhay na dapat sanang ginagamit sa ikapupuri ng Diyos. Pinarurumi rin nito ang hangin na hinihinga ng iba; tunay na iyan ay hindi pag-ibig sa kapuwa.​—2 Corinto 7:1; Roma 12:1; Marcos 12:33.

Kumusta naman ang katakawan at labis na pagkain? Tahasan, ang Bibliya ay laban sa katakawan, na kasakiman sa pagkain, o pagmamalabis sa pagkain. Ang isang anak na Israelita na pusakal na “matakaw at lasenggo” ay dapat na patayin. (Deuteronomio 21:18-21) Ang Kawikaan ay nagbababala laban sa “pagiging kasama ng mga matatakaw.” (Kawikaan 28:7; 23:20, 21) Ang katakawan ay masama rin naman sapagkat sa ati’y sinasabi na ang “masasakim” ay hindi magmamana ng Kaharian ng Diyos. (1 Corinto 6:9, 10; ihambing ang 1 Pedro 4:3; Filipos 3:18, 19.) Ang mga tagapangasiwang Kristiyano ay kailangang “may pagpipigil sa sarili,” hindi “tamad na matatakaw.” (Tito 1:8, 12) Ito’y totoong kailangan kung kaya’t may mga tagapangasiwa na inalis dahilan sa kanilang walang patumanggang pagkain.

Datapuwat, hindi madali na tiyakin kung ang isa nga baga’y nahuhumaling sa katakawan. Ang pagkain, na naiiba sa paglanghap ng usok ng tabako, ay natural at nararapat. Ang pagiging mataba ay hindi siyang tanging pagkakakilanlan sa katakawan; ang isang taong payat na payat ay baka isang matakaw. Hindi ang pagiging mataba ang sinisensura ng Bibliya, kundi ang pagmamalabis sa pagkain, na baka humantong sa pagtaba o kaya’y hindi naman.

May mga tao na mataba dahilan sa isang sakit o diperensiya sa glandula, bagama’t sinasabi ni Propesor Judith Rodin na mayroon lamang “5 porsiyento ng lahat ng kaso ng katabaan ang dahilan sa medikal na mga problema.” May matipunong katawan ang isang tao baka dahilan sa nasa lahi nila iyon. Si Dr. William Bennett ay nagkomento: “Maraming matataba ang napananatili ang kanilang katabaan sa pamamagitan ng pagkain ng gaya ng isang taong may katamtamang pangangatawan. . . . Ang metabolismo nila ay naiiba.” May mga siyentipiko na naniniwala na kung ang isang taong mataba ay kakain nang kaunti lamang, ang kaniyang katawan ay bumabagal ang metabolismo kung kaya’t bumabagal ang pagkasunog ng mga calories. Subalit kahit na hindi matakaw ang isang taong mataba sa diwa na pagiging salabusab sa pagkain, kailangang ikapit niya nang lalong dibdiban ang payo ng Diyos.

Halimbawa, dapat pasulungin ng mga Kristiyano ang pagpipigil sa sarili, na kapit din sa pagkain. (Galacia 5:22, 23; 2 Pedro 1:5-8) Ipinayo ni apostol Pablo sa Kristiyano na tumulad sa isang mananakbo na “nagpipigil sa sarili sa lahat ng bagay.” ‘Hinampas [ni Pablo] ang kaniyang katawan at sinupil yaon na tulad sa isang alipin upang siya’y huwag matakwil.’ (1 Corinto 9:24-27) Ang isang taong mataba ay baka may dahilan na ‘hampasin ang kaniyang katawan’ kung tungkol sa kung gaano, ano, kailan, at paano siya kumakain.a

Mapanganib ang pagiging mataba. Ayon sa mga ulat ang katabaan ay maaaring maging sanhi ng lalong mataas na presyon ng dugo at antas ng kolesterol, diabetes, iba’t ibang klase ng kanser, sakit sa puso at sa pantog, artritis, at diperensiya sa paghinga. “Ang isang tao na 20 porsiyento ang kalabisan sa timbang ay nakaharap sa peligrong mamatay na isang katlong mas mataas kaysa katamtaman; para sa mga 30 at 50 porsiyento ang labis na timbang, ang katumbasan ay 50 at 100 porsiyentong mas mataas, ayon sa pagkakasunod.” (The New York Times, Pebrero 27, 1985) Nahahawig na mga ulat sa mga problema ng kalusugan ang nanggaling sa Inglatera, Alemanya, at Italya.

Ang isang Kristiyano ay nagnanais na ‘ibigin si Jehova ng kaniyang buong puso, kaluluwa [o, buhay], isip, at lakas.’ (Marcos 12:30) Marami, pagkatapos matutunan ang pagka-Kristiyano, ang huminto na ng paninigarilyo upang maingatan ang kanilang kalusugan at buhay. Hindi baga ang mga Kristiyano ay dapat ding mabahala na baka sila tumaba dahilan sa pagmamalabis sa hilig ng kanilang katawan na nagsasapanganib ng kanilang kalusugan at buhay na nakaalay kay Jehova?

May mga tao na malakas kumain pagka sila’y nalulungkot, nabigo, nag-iisa, o nagagalit. Bagaman ang pagiging Kristiyano ay hindi lubusang hadlang sa gayong mga bagay, imbis na humanap ng ginhawa sa labis na pagkain, ang Kristiyano ay dapat lumapit sa Diyos at sa kaniyang mga kapatid. Sa bagay na ito basahin ang Filipos 4:6, 7, 11-13. Kahit na ang mga siyentipiko na naniniwala na ang isang tao ay may likas na hilig sa pagkakaroon ng timbang na ibig niya ay umaamin na ito’y maaaring baguhin. Kanilang ipinapayo na bawasan ang pagkain na masebo at dagdagan ang pagbabatak ng katawan. Kapuna-puna, sa maraming lugar ang isang Kristiyano na palagiang nakikibahagi sa ministeryo ng pagbabahay-bahay ay naglalakad at umaakyat at ito’y nagdudulot ng kalusugan sa kaniya. Si Pablo man naman ay ‘gumawa at nagpagal’ sa ministeryo.​—2 Corinto 11:26, 27.

Samakatuwid, ang mga Saksi ni Jehova ay di sang-ayon sa katakawan dahilan sa sinasabi ng Bibliya. Anuman ang kanilang timbang, sinisikap nila na ‘magpigil sa sarili sa lahat ng bagay,’ kasali na ang pagkain. Ito’y hindi dahil sa pagsunod nila sa kausuhan kundi dahil sa ibig nilang mamuhay ayon sa mga simulain ng Bibliya at maging masisipag na Kristiyano na may pagsang-ayon ng Diyos.

[Talababa]

a Gaano karami: patuloy na pagkain nang kakaunti tuwing kakain. Ano: bawasan ang starchy “junk foods” at mga inuming de bote, at ang matatamis at masesebo na pagkain, tulad baga ng mantikilya at aseite, at halinhan ito ng isang masustansiya, balanseng pagkain. Kailan: huwag nang magmerienda sa pagitan ng pagkain o nang lihim. Paano: kumain nang mas mabagal.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share