Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g97 6/22 p. 4-7
  • Kapag Hindi Mabuti ang Malaki

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kapag Hindi Mabuti ang Malaki
  • Gumising!—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mas Mataba, Mas Mapanganib
  • Bagong mga Batayan ng Timbang
  • Paano Tayo Lumaki Nang Husto?
  • Magtagumpay Kaya Tayo?
  • Natatalo ba ang Pagpapapayat?
    Gumising!—1989
  • Sobrang Katabaan—Ano ang mga Sanhi Nito?
    Gumising!—2004
  • Bakit Napakataba Ko?
    Gumising!—1994
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—2005
Iba Pa
Gumising!—1997
g97 6/22 p. 4-7

Kapag Hindi Mabuti ang Malaki

“Hindi na magkasiya ang aking mga damit,” ang daing ni Rosa, 35 anyos. “Mga 86 na kilo na ako ngayon, at hindi ko sukat akalain na lalakí ako nang husto!”

HINDI nag-iisa si Rosa sa pag-aalala tungkol sa kaniyang pagtaba. Sa Estados Unidos, kung saan siya nakatira, halos sangkatlo sa bansa ay sobrang-taba.a Ang proporsiyon ng mga nasa hustong gulang na sobrang-taba sa Britanya ay dumoble sa loob ng sampung taon. At sa Hapon​—kung saan bihira ang sobra sa timbang noon​—ay nagiging pangkaraniwan ang sobrang pagtaba.

Dumaraming bata ang mas mabigat kaysa nararapat. Mga 4.7 milyong kabataang Amerikano sa pagitan ng mga edad na 6 at 17 ang sobra-sobra sa timbang, samantalang ang halos 20 porsiyento ng mga batang taga-Canada ay sobra ang taba. Nitong nakalipas na mga taon ay tatlong ulit na dumami ang sobrang pagtaba sa mga bata sa Singapore.

Sa ilang bansa, ang pagiging mataba ay itinuturing na katibayan ng kasaganaan at kalusugan, higit na kanais-nais na kalagayan kaysa karalitaan at kakulangan sa pagkain. Subalit sa mga bansa sa Kanluran, kung saan maraming nakukuhang pagkain, ang pagtaba ay karaniwang hindi itinuturing na kanais-nais. Sa kabaligtaran, ito ay karaniwang dapat ikabahala. Bakit?

“Bagaman ang karamihan ay naniniwalang ang sobrang pagtaba ay isang problema sa hitsura,” sabi ni Dr. C. Everett Koop, dating surgeon general ng Estados Unidos, “ito sa katunayan ay isang malubhang sakit.” Ang endokrinologong si F. Xavier Pi-Sunyer ng New York ay nagpapaliwanag: “[Ang pagpapataba sa Amerika ay] nagsasapanganib sa mas maraming tao sa pagkakaroon ng diyabetis, alta presyon, atake serebral, sakit sa puso, at ilang anyo pa nga ng kanser.”

Mas Mataba, Mas Mapanganib

Isaalang-alang ang isang pagsusuri na isinagawa sa 115,000 Amerikanong babaing nars, na sinubaybayan sa loob ng 16 na taon. Natuklasan ng pagsusuri na nang ang mga nasa hustong gulang ay bumigat ng kahit na 11 hanggang 18 libra, ito’y nagbunga ng higit na panganib sa pagkakaroon ng sakit sa puso. Ipinakikita ng pagsusuring ito, na inilathala sa The New England Journal of Medicine ng Setyembre 14, 1995, na sangkatlo ng mga namatay dahil sa kanser at kalahati ng mga namatay dahil sa sakit sa puso ay dahilan sa sobra sa timbang. Ayon sa isa pang sulat sa The Journal of the American Medical Association (JAMA) ng Mayo 22/29, 1996, “78% ng alta presyon sa kalalakihan at 65% sa kababaihan ay maaaring tuwirang masisisi sa sobrang pagtaba.” Sinasabi ng American Cancer Society na yaong mga “lubhang sobra sa timbang” (mabigat ng 40 porsiyento o higit pa sa tamang timbang) “ay mas nanganganib sa kanser.”

Subalit hindi lamang ang pagdaragdag ng ekstrang timbang ang panganib; apektado rin ng pagkalat ng taba sa katawan ang panganib ng pagkakasakit. Yaong mga taong may labis na taba sa tiyan ay aktuwal na higit na nanganganib kaysa roon sa lumalaki ang balakang at hita. Ang taba sa tiyan ay iniuugnay sa malaking panganib ng diyabetis, sakit sa puso, kanser sa suso, at kanser sa matris.

Sa katulad na paraan, ang mga kabataang sobra sa timbang ay pinahihirapan ng mataas na presyon ng dugo, mataas na mga antas ng kolesterol sa dugo, at mga kalagayan ng malapit magkaroon ng diyabetis. At kadalasang sila’y nagiging sobrang taba na mga nasa hustong gulang. Ang The New York Times, na gumagamit ng impormasyong nailathala sa babasahing pangmedisina sa Britanya na The Lancet, ay nag-ulat na ang “mga taong mataba noong bata ay namatay nang mas maaga at mas maraming karamdaman sa batang edad kaysa mga tao sa pangkalahatan.”

Bagong mga Batayan ng Timbang

Palibhasa’y kumbinsido ng malubhang problema sa pagtaba, hinigpitan ng pamahalaan ng Estados Unidos ang iminungkahi nitong mga batayan ng timbang noong 1995. (Tingnan ang kahon sa susunod na pahina.) Kinilala ng binagong mga batayan ang “tamang timbang,” “medyo sobra sa timbang,” at “sobra-sobra sa timbang.” Ang mga batayan ay kumakapit kapuwa sa mga lalaki’t babaing nasa hustong gulang, anuman ang edad.

Ang mga batayan noong 1990 ay nagbigay ng palugit para sa paglaki ng baywang sa kalagitnaang gulang, kadalasang tinatawag na paglapad sa kalagitnaang-gulang. Hindi ginagawa ng bagong batayan ang palugit na ito, yamang may mga pahiwatig na ang mga nasa hustong gulang ay hindi dapat tumaba sa paglipas ng panahon.b Kaya nga, maaaring masumpungan ng isang taong dating itinuturing ang kaniyang sarili na may normal na timbang na nasa kategoryang sobra sa timbang. Halimbawa, ang isang tao na sandaa’t animnapu’t walong centimetro ang taas na nasa pagitan ng edad na 35 at 65 na tumitimbang ng 75 kilo ay nasa hanay ng tamang timbang sa ilalim ng mga batayan noong 1990. Subalit sa ilalim ng bagong mga batayan, siya ay limang kilo na sobra sa timbang!

Paano Tayo Lumaki Nang Husto?

Ang henetikong mga katangian ay nakaaapekto sa pagtaba ng isang tao, subalit hindi ito ang dahilan ng pagtaba sa mga bansa sa Kanluran. May iba pang dahilan sa problema.

Sumasang-ayon ang mga propesyonal sa kalusugan na ang pagkain ng taba ay nakapagpapataba sa atin. Ang maraming karne, mga produktong galing sa gatas, mga pagkaing niluto sa hurno, mga fast food, mga meryenda, pagkaing pinirito, mga sarsa, mga gravy, at mantika ay maraming taba, at ang pagkain nito ay maaaring humantong sa sobrang pagtaba. Paano?

Buweno, ang pagkonsumo ng higit na calorie sa pagkain na ating kinakain kaysa magagamit ng ating katawan ay nagpapataba sa atin. Ang taba ay may siyam na calorie sa bawat gramo, kung ihahambing sa apat na calorie bawat gramo ng protina o isang gramo ng carbohydrate. Kaya mas maraming calorie tayong nakukuha kapag kumakain tayo ng taba. Subalit may iba pang mahalagang salik​—ang paraan ng paggamit ng katawan ng tao sa enerhiya na inilalaan ng mga carbohydrate, protina, at taba. Unang sinusunog ng katawan ang mga carbohydrate at protina, pagkatapos ang taba. Ang hindi nagamit na mga calorie ng taba ay ginagawang taba ng katawan. Kaya ang pagbawas sa matatabang pagkain ay isang mahalagang paraan upang pumayat.

Subalit, nasusumpungan ng ilan na nag-aakalang nabawasan na nila ang kanilang pagkain ng taba na lumalapad pa rin ang kanilang mga katawan. Bakit? Ang isang dahilan ay na sila’y kumakain nang marami. Ganito ang sabi ng isang dalubhasa sa nutrisyon sa Estados Unidos: “Marami tayong kinakain sapagkat napakaraming inihahanda. Kapag may makakain, kinakain natin ito.” Mahilig ding kumain ang mga tao ng maraming pagkaing may kaunting taba o walang taba. Subalit ganito ang paliwanag ng isang dalubhasa sa isang sangguniang kompanya may kinalaman sa industriya ng pagkain sa Estados Unidos: “Karaniwang pinasasarap ng mga produktong mababa sa taba ang lasa sa pamamagitan ng pagdaragdag ng [mataas-sa-calorie na] asukal.” Kaya, ang The New York Times ay nag-ulat: “Ang dalawang kausuhan ng dekada 90​—ang pagsusulit nang husto sa salaping ginasta at ang pagkain ng mga pagkaing may kaunting-taba, o walang-taba​—ay siyang humihimok sa katakawan,” na patungo naman sa pagtaba.

Ang palaupong istilo ng buhay ay pinagmumulan din ng pagtaba. Natuklasan ng isang pagsusuri sa Britanya na mahigit sa sangkatlo ng mga nasa hustong gulang sa bansang iyon ang nag-eehersisyo nang katamtaman linggu-linggo nang wala pang 20 minuto. Wala pang kalahati ang kailanma’y nakikibahagi sa aktibong isport. Ang pagbibiyahe sakay ng kotse ay humalili sa paglakad sa maraming bansa sa Kanluran, at pinasisigla ng higit na panonood ng telebisyon kapuwa ang katamaran at katakawan. Sa Estados Unidos, ang mga bata ay nauupo at nanonood ng telebisyon ng tinatayang 26 na oras sa bawat linggo, huwag nang banggitin pa ang panahong ginugol sa paglalaro ng video. Samantala, mga 36 na porsiyento lamang ng mga paaralan ang mayroon pang edukasyon sa pagpapalakas ng katawan.

Mayroon ding sikolohikal na mga dahilan sa pagiging sobra sa timbang. “Tayo’y kumakain dala ng emosyonal na mga pangangailangan,” sabi ni Dr. Lawrence Cheskin, ng Johns Hopkins Weight Management Center. “Kumakain tayo kapag tayo’y masaya, kumakain tayo kapag tayo’y malungkot. Lumaki tayo sa paniniwalang ang pagkain ay isang kahalili para sa maraming iba pang bagay.”

Magtagumpay Kaya Tayo?

Ang mga isyu tungkol sa sobra sa timbang ay masalimuot. Sa bawat taon tinatayang 80 milyong Amerikano ang nagdidiyeta. Subalit halos lahat ay bumabalik sa kanilang dating paraan ng pagkain karaka-raka pagkatapos na pumayat nang kaunti. Sa loob ng limang taon, 95 porsiyento ang balik-muli sa dating timbang na naiwala nila.

Ang kailangan upang pumayat at mapanatili ito ay mga pagbabago sa istilo ng buhay. Nangangailangan ng pagsisikap at determinasyon ang gayong mga pagbabago, pati ng tulong mula sa pamilya at mga kaibigan. Sa ilang kaso ang tulong ng mga propesyonal sa kalusugan ay baka kailanganin.c Gayunman, upang magtagumpay ang iyong mga pagsisikap, kailangan ang positibong pangganyak. Makabubuting tanungin ang iyong sarili, ‘Bakit gusto kong pumayat?’ Ang iyong mga pagsisikap na pumayat ay mas malamang na magtagumpay kung ang pagnanais na iwasan ang mga panganib sa kalusugan ay sinasamahan ng pagnanais na bumuti ang pakiramdam at gumanda at mapasulong ang kalidad ng iyong buhay.

Makakakain ka ng maraming masarap at katakam-takam na pagkain na kapuwa masustansiya at mababa sa calorie. Subalit bago mo isaalang-alang ang mga pagkain na makatutulong sa iyo na pumayat, suriin natin kung paanong ang ilang elemento sa pagkain ay maaaring maging mga panganib sa kalusugan.

[Mga talababa]

a Ang sobrang pagtaba ay kalimitang binibigyang-kahulugan bilang labis ng 20 porsiyento o higit pa sa inaakalang tamang timbang.

b Ang mga batayan ng 1995 ay kumakapit sa karamihan ng mga pangkat ng edad subalit hindi sa lahat. “Ang karamihan ay sumasang-ayon na ang bagong mga batayan ng timbang ay malamang na hindi kapit sa mga taong mahigit nang 65 taong gulang,” sabi ni Dr. Robert M. Russell sa JAMA ng Hunyo 19, 1996. “Ang kaunting paglabis ng timbang ng mas matandang mga tao ay maaaring mabuti dahil sa naglalaan ito ng reserbang lakas para sa mga panahon ng karamdaman at sa pagtulong upang mapanatili ang laki ng kalamnan at buto.”

c Para sa mga mungkahi tungkol sa pagpapapayat, tingnan ang Gumising! ng Mayo 8, 1994, mga pahina 20-​2; Enero 22, 1993, mga pahina 12-​14; at Gumising! Disyembre 8, 1989, mga pahina 3-12.

[Chart sa pahina 6]

Ikaw ba’y nasa hanay ng “tamang timbang,” “medyo sobra sa timbang,” o “sobra-sobra sa timbang”? Ang talangguhit na ipinakikita rito ay tutulong sa iyo na sagutin ang tanong na iyan

1995 Batayan ng Timbang Para sa Kapuwa mga Lalaki at Babae

(Para sa aktuwal ng format, tingnan ang publikasyon)

Taas *

6ʹ 6ʺ

6ʹ 0ʺ

5ʹ 6ʺ TAMANG TIMBANG MEDYO SOBRA SA TIMBANG SOBRA-SOBRA SA TIMBANG

5ʹ 0ʺ

50 lb 75 100 125 150 175 200 225 250

Timbang†

Estadistika salig sa: U.S. Department of Agriculture, U.S. Department of Health and Human Services

* Walang sapatos.

† Walang damit. Ang mas mabigat na timbang ay kumakapit sa mga tao na mas malalaki ang kalamnan at buto, gaya ng karamihan sa mga lalaki.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share