Ikaw ba’y Nababahala Tungkol sa Iyong mga Anak?
SIYEMPRE pa! Ang sakit, pag-aabuso sa droga, at delingkuwensiya ang tatlo lamang sa mga problema na alam mong nagsasapanganib ng iyong mga anak. Normal lamang para sa mga magulang ang maging palaisip tungkol sa kanilang mga anak—ang mabahala pa nga tungkol sa kanila.
Ganiyan ang nadama ng karamihan ng mga magulang sa buong nalakarang kasaysayan, gaya ng ipinakikita ng Bibliya. Tandaan na pinapunta ni Jacob si Jose upang alamin kung ano na ang nangyayari sa kaniyang mga kapatid sapagkat si Jacob ay may pagmamalasakit sa kanila. (Genesis 37:13, 14) Si Job, din naman, ay nag-alala, kahit na ang kaniyang mga anak ay nasa edad na at may kani-kaniyang pamilya. Naisip niya: “Baka ang aking mga anak ay nagkasala at kanilang isinumpa ang Diyos sa kanilang puso.”—Job 1:4, 5.
Oo, maging si Jose man at si Maria ay naging palaisip tungkol sa kanilang sakdal na anak na si Jesus! Sa katunayan, minsan nang si Jesus ay 12 taong gulang, sila’y lalong higit na nabahala tungkol sa kaniya, sapagkat natuklasan nila na siya’y nawawala. Gayunman, ang kanilang anak na si Jesus ay naging isang kapurihan sa kanila, at sila’y walang dahilan na maisisisi sa kanilang sarili. Tingnan natin kung ano ang talagang nangyari noong di-malilimot na okasyong iyon at pag-isipan kung anong mga aral ang maaaring makuha roon ng mga magulang sa ngayon.
Isang Anak na Nawala
Kung ikaw ay isang magulang, marahil ay magkakaroon ka ng simpatiya kay Maria sa kaniyang nadama nang kaniyang pagalitan si Jesus: “Anak, bakit mo naman ginawa ito sa amin? Ang iyong ama at ako ay balisang-balisa ng paghahanap sa iyo.” Si Jose at si Maria ay napahiwalay kay Jesus nang may tatlong araw. Maiintindihan mo kung bakit sila nag-aalala kung saan kaya naroon ang 12-anyos na anak.—Lucas 2:48, Today’s English Version.
Bakit napahiwalay kina Jose at Maria si Jesus? Isang kilalang komentarista ang pumintas sa kanila dahil dito, at sumulat: “Yamang alam nila na taglay nila ang isang malaking kayamanan, paano nga napahiwalay sa kanila ito nang napakatagal nang hindi nila hinahanap ito? Nasaan ang pagmamalasakit at malumanay na pag-aasikaso ng ina?” Ngunit sa totoo, gaya ng makikita natin, ang maingat na pagsusuri sa ulat ay nag-aalis kina Jose at Maria ng malaking kapintasan.
Ang totoo ay na ipinakikita ng Bibliya na si Maria’y isang mabuting babae at isang mabuting ina. Ang anghel Gabriel, nang ito’y pumaroon upang patiunang ipaalam ang pagsilang ni Jesus, ay nagsabi na si Maria’y “nakasumpong ng biyaya sa harap ng Diyos.” (Lucas 1:28, 30) Kaniyang malugod na tinanggap ang atas na pagsisilang sa natatanging sanggol na lalaking ito, kalakip ang mahalagang pananagutan na palakihin at sanayin siya. Siya’y isang babaing mapagpakumbaba at may matibay na pananampalataya sa Diyos. Pagkatapos maisilang si Jesus, ginawa niya ang lahat na hinihiling ng Kautusan ni Jehova, “gaya ng nasusulat.”—Lucas 1:38, 45-48; 2:21-23, 39.
Si Jose, ang lalaking napakasal kay Maria at naging amain ni Jesus, ay isa ring mabuti at matuwid na lalaki na nagkaroon ng pakikipagtalastasan sa anghel ni Jehova nang makaapat na pagkakataon. (Mateo 1:19, 20; 2:13, 19, 22) Tandaan, pinili ni Jehova si Jose at si Maria upang siyang magpalaki sa Kaniyang mahal at bugtong na Anak. Mayroon kayang pagkukulang ang Diyos sa pagpili ng mag-asawa na makagaganap na mabuti ng pagtulong sa anak na ito upang lumaki ayon sa makalangit na karunungan?
Mangyari pa, ang mga magulang sa ngayon ay malamang na nababahala tungkol sa kanilang mga anak dahilan sa mapanganib at delingkuwenting kapaligiran nila. At batid nila na ang kanilang mga anak ay hindi sakdal di gaya ni Jesus. Gayumpanan, tayo’y maaaring makinabang sa halimbawa ni Jose, ni Maria, at ni Jesus.