Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w87 7/1 p. 26-31
  • Pananatiling Malapit sa Organisasyon ni Jehova

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pananatiling Malapit sa Organisasyon ni Jehova
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mahalaga ang Maagang Pagsasanay
  • Hinarap Ko ang Isang Personal na Problema
  • Naapektuhan Ako ng Isang Trahedya sa Pamilya
  • Pagpasok sa Buong-Panahong Paglilingkod
  • Mga Pribilehiyo ng Paglilingkod
  • Nagbalik sa Paglilingkod sa Bethel
  • Mahalagang mga Relasyon
  • Paglilingkod sa Pandaigdig na Punung-Tanggapan
  • Pitumpung-Taóng Pagtangan sa Laylayan ng Isang Judio
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2012
  • “Hanapin Muna ang Kaharian”
    Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos
  • Pagbuo ng Kaayusang Pang-organisasyon
    Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos
  • Tinuruan ni Jehova Mula sa Aking Pagkabata
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2003
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
w87 7/1 p. 26-31

Pananatiling Malapit sa Organisasyon ni Jehova

Ibinida ni John Barr

AKO noon ay nasa huling bahagi ng pagdalaw ko sa amin isang taon na ang lumipas noong nakaraang Hunyo, sakay ng eruplano mula sa Glasgow hanggang Aberdeen. Samantalang ang aming eruplano ay umaakyat nang buong taas sa ibabaw ng luntiang kabukiran ng Scotland at doon sa ibabaw ng mahinay na umaagos na ilog ng Clyde, ang aking kaisipan ay nagbalik sa mga pangyayari noong taóng 1906 at sa munting nayon na iyon ng Bishopton, na mistulang nakasalagmak doon sa gawing timog ng ilog.

Alam mo, iyon ang taon at lugar nang ang aking lola, si Emily Jewell, ay nagsimulang bumasa ng aklat ni Charles T. Russell na The Divine Plan of the Ages. Kapagdaka ay nabuksan ang kaniyang mga mata sa katotohanan na ang Bibliya’y hindi nagtuturo ng doktrina ng apoy ng impierno. Hindi nagtagal at ang kaniyang dalawang malalaki nang anak na babae na sina Bessie at Emily (itong huli ang naging aking ina) ay namulat din sa liwanag ng katotohanan na sumisikat at naglalagos sa ulap ng huwad na doktrinang itinuturo ng United Free Church of Scotland. Noong 1908 si Lola ay nabautismuhan bilang sagisag ng kaniyang pag-aalay na gawin ang kalooban ng Diyos at hindi nagtagal, napabautismo rin ang kaniyang mga anak na babae.

Ang aking ama ang session clerk sa United Free Church ding iyon sa Bishopton. Sa tuwina’y nahihirapan siyang tanggapin ang doktrina ng Trinidad, kaya ang ministro ng simbahan ay nag-alok na mangangaral ng isang natatanging sermon para sa kaniya minsan noong isang araw ng Linggo. Malaki ang nagawa niyaon! Nang marinig ang tinangkang ipaliwanag, ngayon ay kumbinsido na ang aking ama na ang doktrina ng Trinidad ay walang katotohanan. Siya’y nagbitiw sa simbahan at nabautismuhan noong 1912 bilang sagisag ng kaniyang pag-aalay kay Jehova. Hindi nagluwat pagkatapos nito ang aking mga magulang ay lumipat sa hilaga doon sa Aberdeen kasama ang kanilang dalawang anak, si Louie at si James, at ako’y isinilang doon noong 1913.

Ang aking alaala tungkol sa mga unang taon na iyon at tungkol sa pagsisikap ng aking mga magulang na kaming tatlong anak ay palakihin “sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova” ang nanariwa sa akin habang ang eruplano ay pababa sa mga burol, ilog, at libis na kabisado ko na mula pa sa aking pagkabata. (Efeso 6:4) Noong magandang umagang ito na maaraw, anong laki ng nadama kong utang na loob kay Jehova dahil sa pagsasanay na iyan sa akin ng aking mga magulang! Batid ko na may nagawa iyon sa aking laging pananatiling malapit sa organisasyon ni Jehova.

Mahalaga ang Maagang Pagsasanay

Ang aming pamilya ay sa tuwina isang maligayang nagkakaisang sambahayan. Sakali mang nagkaroon ng anumang pagkakaiba ang punto-de-vista ni Itay at ni Inay, kanilang sinikap na kailanman ay huwag mahalata ito naming mga anak. Kaya naman ito’y lumikha para sa amin hindi lamang ng respeto sa aming mga magulang kundi rin naman ng isang kapaligiran na may tunay na kapayapaan at katiwasayan sa loob ng aming tahanan.

Ang ilan sa aking matatamis na alaala ay tungkol sa aming pagsasalu-salong mag-anak kung gabi. Kami na rin ang gumagawa ng aming sariling libangan, anupa’t kami’y nagkakantahan na sinasaliwan iyon ng aming sariling instrumento sa musika at naglalaro kami ng mga libangang laro na gaya ng Monopoly. At, anumang dami ng gawain ni Itay, hindi siya pumapalya kailanman ng paggugol ng kaunting panahon halos araw-araw, binabasa sa amin nang malakas ang Bibliya at ang mga lathalain ng Watch Tower, at gayundin buhat sa iba pang mga literatura na magaang basahin at sa lalong may kabigatang mga babasahin. Lahat ng bagay na ito ay naging tagabuklod sa aming pamilya samantalang kami’y lumalaki.

Kami ang tanging pamilyang nasa “katotohanan” sa hilagang panig na iyon ng Scotland sa maagang mga taóng iyon. Kaya naman, ang aming tahanan ay naging popular sa maraming naglalakbay na mga kinatawan ng Samahang Watch Tower (pilgrims, ang tawag noon sa kanila), tulad baga ni Albert Lloyd, Herbert Senior, at Fred Scott. Ang iba ay doon pa nanggaling sa punung-tanggapan ng Samahan sa Brooklyn, New York, kasali na si W. E. Van Amburgh at si A. H. Macmillan. Ang mga pagdalaw na ito ay mga pambihirang pangyayari sa aking kamusmusan.

Magpahanggang sa araw na ito ako’y napasasalamat dahil sa tunay na espiritu ng pagpapatuloy na ipinakita ng aking mga magulang. Ito’y nagpayaman sa aming buhay pampamilya, at bagaman nasa kabataan pa ako’y nagkaroon na ng malawak na pagkakilala at pagpapahalaga sa buong samahan ng magkakapatid. Oh, anong laki ng nagagawa ng mga magulang upang mapagyaman ang mainit na buklod ng pag-iibigan sa gitna ng kanilang mga anak at sa pambuong-daigdig na samahan ng kanilang mga kapatid!

Hinarap Ko ang Isang Personal na Problema

Habang ako’y nagiging isang tin-edyer, lalo naman akong nagiging mahiyain at mapag-isa. Habang ako’y nagkakaedad, lalo namang nahihirapan akong makisalamuha sa mga tao at makipag-usap sa kanila. Ang pagkamahiyaing ito ang naging malaking sagwil sa maraming paraan ngunit lalo na nga nang sumapit ang panahon na kailangang patunayan ko ang aking pananampalataya sa pamamagitan ng pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian.

Hindi nagtagal pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I, ang aking lola at ang aking ina ay naging ang mga unang Saksi sa Aberdeen na nakibahagi sa ministeryo ng pagbabahay-bahay. Kaming mga bata ay nakibahagi sa pamamahagi ng tracts, subalit ngayon ang aktuwal na pakikipag-usap sa mga tao sa kanilang mga tahanan​—aba, iba na iyon! Iyon ay isang tunay na hamon. Subalit sa wakas ay hinarap ko rin iyon. Hindi ko malilimot kailanman ang Linggo ng hapon na iyon noong Nobyembre 1927 nang sabihin ko sa aking ama na sasama ako sa kaniya sa ministeryo ng pagbabahay-bahay. Noon ko lamang nakita na tumulo ang luha ng aking ama​—mga luha ng kagalakan!

Naapektuhan Ako ng Isang Trahedya sa Pamilya

Ang katahimikan ng buhay ng aming pamilya ay nasira noong gabi ng Hunyo 25, 1929, nang ako’y 16 anyos. Pagkatapos ng maghapong paglilingkod sa ministeryo, ang aking ina at ang aking kapatid na babae ay nagdudumali ng pag-uwi upang maihanda ang hapunan ni Itay. Biglang-bigla, isang mabilis na motorsiklo ang nakasagasa kay Inay, at nakaladkad siya sa kalye sa layong mga 40 yarda (37 m). Ang kapinsalaan sa kaniyang ulo ay totoong malubha kung kaya’t hindi inaasahan noon na siya’y mabubuhay. Subalit salamat na lamang sa maraming buwan ng mapagmahal na pangangalaga sa kaniya ng aking kapatid na babaing si Louie, at siya’y nakaligtas. Samantala, si Inay ay nagkaroon ng normal na buhay hanggang sa kaniyang kamatayan noong 1952.

Ang kalunus-lunos na karanasang iyan ay gumawa ng isang bagay na napakahalaga para sa akin​—iyan ang nagtulak sa akin na gumawa ng isang mahalagang pagmamasid sa aking buhay at sa ginagawa ko rito. Nang tag-araw na iyon ay nagsimula akong mag-aral ng Bibliya nang lalong taimtim kaysa dati​—ang katotohanan ay ginawa kong akin. Ito ang punto ng malaking pagbabago para sa akin, at aking inialay ang aking buhay sa paglilingkod kay Jehova. Gayunman, pagkalipas lamang ng mga ilang taon nagkaroon ako ng pagkakataon na sagisagan ang aking pag-aalay sa pamamagitan ng bautismo sa tubig.

Pagpasok sa Buong-Panahong Paglilingkod

Sa pag-alis ko sa paaralan noong 1932, pinasimulan ko ang isang kurso ng pagsasanay sa mekanikal at elektrikal na inhenyeria. Sa Britaniya noong mga araw na iyon, walang gaanong pampalakas-loob na di-gaya ngayon para sa mga kabataan upang sila’y pumasok sa buong-panahong gawaing pangangaral bilang mga payunir. Gayunman, habang lumilipas ang mga taon, batid ko kung saan nararapat na gugulin ko ang aking lakas​—sa buong-panahong ministeryo.

Malinaw na natatandaan ko pa ang isang bagay na aming pinag-aralan noong may pasimula ng 1938 na nagdiin sa akin ng mga makakamit na pagpapala sa pananatiling malapit sa organisasyon ni Jehova at personal na pagkakapit ng mga instruksiyon nito. Ang mga labas ng magasing Watchtower tungkol kay Jonas ang nagpaliwanag ng mga karanasan na dinanas niya sa pagtakas niya buhat sa iniatas sa kaniya na paglilingkod. Aking lubhang dinibdib ang leksiyong ito at binuo ko sa aking isip na kailangang kailanman ay huwag kong tanggihan ang anumang atas na dumating sa akin sa pamamagitan ng organisasyon ni Jehova. Bahagya man ay hindi ko natanto noon kung ilang mga atas teokratiko ang darating sa akin upang subukin ang aking pasiya.

Dumalangin ako na ako’y patnubayan, at ang sagot ay dumating sa pamamagitan ng isang sorpresang liham buhat sa punung-tanggapan ng Samahan sa London, na humihiling sa akin na pag-isipan ko ang pagiging isang miyembro ng pamilyang Bethel. Buong pananabik na sinunggaban ko ang pagkakataon na pumasok sa malaking pintuang iyan na patungo sa lalong dakilang mga pribilehiyo ng paglilingkod. Kaya naman, noong Abril 1939 ako’y naroo’t gumagawang kapiling ni Harold King, na nang maglaon ay nagsilbing isang misyonero sa Tsina at, dahilan sa kaniyang gawain sa pangangaral, gumugol ng mga taon sa isang bilangguang komunista. Kami’y nagtrabaho sa pagbuo ng transcription machines at pati mga ponograpo na ginagamit sa pagpapatugtog sa isinaplakang mga sermon sa mga pinto ng mga tahanan ng mga tao.

Aming ginuguniguni ni Harold ang lahat ng iba’t ibang uri ng mga tao na sa wakas ay makikinig sa mensahe ng Kaharian sa pamamagitan ng kagamitan na aming ginagawa. Sa ganitong paraan kailanman ay hindi namin nakakalimutan ang magiging resulta ng aming trabaho. Sapol na noon, sa lahat ng iba’t ibang mga atas na tinanggap ko sa Bethel, sinikap kong panatilihin ang ganitong pangmalas. Kaya naman ang aking trabaho ay naging isang tunay na kagalakan at sa tuwina’y makabuluhan kung may kaugnayan sa gawaing pangangaral ng Kaharian.

Mga Pribilehiyo ng Paglilingkod

Hindi nagtagal pagkatapos na dumating ako sa London Bethel, ako’y inatasan na lingkod ng kompaniya (ngayo’y tinatawag na punong tagapangasiwa) ng isang kongregasyon na may mahigit na 200 mamamahayag. Dati, naging tagapangasiwa ako ng isang kongregasyon na mayroong sampung mamamahayag lamang! Pagkatapos ay pinapangasiwa ako sa Sound Department sa isang kahanga-hangang kombensiyon sa bandang lalawigan at ginanap sa Leicester noong 1941. Hanggang sa panahong ito, limitado lamang ang karanasan ko sa tunog.

Nang maglaon ay inatasan ako sa gawaing paglalakbay bilang isang lingkod sa mga kapatid, ngayo’y tinatawag na tagapangasiwa ng sirkito. Mayroong anim lamang na gayong mga lingkod sa Britaniya nang pasimulan ang gawaing iyan noong Enero 1943. Ang aking atas ay para lamang sa loob ng isang buwan, ngunit ito’y natapos sa aking pagdalaw sa mga kongregasyon ng mahigit na tatlong taon. Sa loob ng mahihirap na mga taong iyon ng Digmaang Pandaigdig II, ako’y inatasan na maging tagapangasiwa ng tatlong malalaking kombensiyon​—isang bagay na noon ko lamang naranasan.

Ang gawaing paglalakbay noong mga araw na iyon ay may malaking pagkakaiba sa gawain ngayon. Lagi kaming lumilipat, at ang paglalakbay sa buong Britaniya noong mga taóng iyon ng digmaan ay kung minsan napakahirap. Hindi lamang miminsan, kinailangan na ako’y gumagamit ng bisikleta sa isang bahagi ng pagbibiyahe sa pagitan ng mga kongregasyon. Imbis na dumalaw sa isang kongregasyon ng isang linggo, gaya ng ginagawa ng mga naglalakbay na mga tagapangasiwa sa ngayon, kung ang mga kongregasyon ay maliit, kami’y dumadalaw hanggang sindami ng anim sa mga ito sa loob ng isang linggo!

Narito ang isang karaniwang iskedyul sa maghapon: Gumigising ng alas-singko-media ng umaga; at pagkaalmusal, naglalakbay patungo sa susunod na kongregasyon upang magsimulang magsuri sa mga rekord ng kongregasyon sa ganap na alas-otso. Ang hapon ay karaniwan nang ginugugol sa ministeryo sa larangan, at ito’y sinusundan sa gabi ng isang-oras na pakikipagpulong sa mga lingkod ng kongregasyon at pagkatapos ay magbibigay ng pahayag sa kongregasyon. Pambihira na ako’y nahihiga bago mag-ika-11, o nang mas atrasado pa riyan kung isinusulat ko ang report sa maghapon sa kongregasyon nang gabi ring iyon. Ang bawat Lunes ay iniuukol sa pagkompleto sa mga report para sa sanlinggo, para sa personal na pag-aaral, at para sa anumang gawang paghahanda para sa susunod na linggo.

‘Isang napakamagawaing sanlinggong iskedyul,’ sasabihin mo? Oo, ganoon nga, ngunit, oh, anong laking kasiyahan ang madama na kami’y nagpapatibay-loob sa mga kapatid noong mga taóng iyon ng digmaan na sa tuwina’y wala nang ganoon ding malapit na pakikipag-ugnayan sa organisasyon! Sa isang napakaliteral na diwa, taglay namin ang kasiyahan ng pagkadama na aming tinutulungan ang mga kongregasyon “upang maging matatag sa pananampalataya.”​—Gawa 16:5.

Nagbalik sa Paglilingkod sa Bethel

Ako’y hinilingan na bumalik sa paglilingkod sa Bethel noong Abril 1946. Natutuwa naman akong gawin iyon, subalit nadama ko na ang aking buhay ay naging mayaman sa espirituwal dahil sa tatlo at kalahating taon na iyon sa gawaing paglalakbay. Ang organisasyon ay may lalong higit na kabuluhan sa akin ngayon, at nadama ko na para bang ginagawa ko ang sinasabi sa Awit 48:12, 13: “Libutin ninyo ang Sion, at inyong ligirin siya, bilangin ninyo ang kaniyang mga moog. . . . Inyong masdan ang kaniyang mga bahay-hari.” Pagkatapos na ako’y malimit na makaligid sa bayan ng Diyos ang aking pag-ibig ay lumago ukol sa “buong samahan ng mga kapatid.”​—1 Pedro 2:17.

Pagkatapos na makabalik na ako sa Bethel, ako’y nagkapribilehiyo na mag-asikaso ng karamihan ng pag-iimprentang ginagawa sa aming imprentahan sa London at nang maglaon ay nagtrabaho rin ako sa paggawa ng mga klitse. Pagkatapos, noong Setyembre 1977 binigyan ako ng pambihirang pribilehiyo na maging isa sa mga miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, na naroon sa Brooklyn, New York, E.U.A.

Aaminin ko na kung minsan para bang ibig kong ‘tumakas’ buhat sa ilan sa lalong mahihirap na mga atas na ibinigay sa akin. Subalit nagugunita ko si Jonas at ang kaniyang nagawang pagkakamali, at uulitin ko sa aking sarili ang kahanga-hangang pangako na nasa Awit 55:22: “Ilagay mo kay Jehova ang iyong pasanin, at siya mismo ang aalalay sa iyo. Hindi niya tutulutang gumiray-giray ang matuwid.” Napatunayan kong totoong-totoo ang mga salitang ito!

Sinuman sa atin ay hindi hinihilingan ni Jehova ng isang bagay na batid niyang hindi natin makakaya. Gayunman, tanging sa pamamagitan ng kaniyang lakas nagagawa natin ang kaniyang hinihiling sa atin. At isa pa​—kung talagang iniibig mo ang iyong mga kapatid na gumagawang kasama mo, kanilang susuportahan ka at aalalayan ka, gagawang “kabalikat” mo upang tulungan ka na pasanin ang pinapasan mong iniatas na gawain sa iyo.​—Zefanias 3:9.

Mahalagang mga Relasyon

Siempre, sa tuwina’y may mga kapatid na Kristiyano na may natatanging kaugnayan sa iyo. Isa na rito ay si Alfred Pryce Hughes, na namatay noong 1978. Ang salaysay ng kaniyang buhay ay napalathala sa labas ng The Watchtower noong Abril 1, 1963. Sa loob ng maraming taon ay naglingkod siya bilang lingkod ng sangay, at pagkatapos ay miyembro ng Branch Committee. Siya’y napamahal na lubha sa mga kapatid sa larangang Britaniko dahilan sa kaniyang malaking paggalang sa organisasyon ni Jehova at sa kaniyang katapatan dito at sa kaniyang pag-ibig sa lahat ng mga kapatid. Ang isa pang bagay ay ang kaniyang pag-ibig sa ministeryo sa larangan. Ito’y hindi kailanman umurong sa tanang buhay niya, anuman ang pananagutan na kinailangan niyang balikatin. Ang paggawang kasama ng tapat na mga kapatid na gaya ni Pryce ay nakaapekto nang malaki sa akin, at pinatibay ang aking determinasyon na manatiling malapit sa organisasyon ni Jehova at mamalaging aktibo sa ministeryo.

Noong Oktubre 29, 1960, pumasok ako sa isang natatanging mahalagang relasyon sa isang malaon nang masigasig na payunir at misyonero na kabilang sa ika-11 klase ng Gilead, na nang panahong iyon ay naglilingkod sa Ireland. Nang petsang iyan ako at si Mildred Willett ay ikinasal, at mula noon siya ay naging tapat na alalay sa akin sa paglilingkuran sa Bethel.

Bago namatay ang ina ni Mildred noong 1965, ipinayo nito sa kaniyang anak na kailanman ay huwag “maninibugho kay Jehova.” Sa tuwina’y tinandaan naman ni Mildred ang sinabi ng kaniyang ina, at dahil dito’y hindi siya naging diskontento kung sakaling malimit na nagtatrabaho ako ng obertaym. Malaki ang naitulong nito sa akin upang masayang asikasuhin ang anumang karagdagang trabaho na kailangang gawin ko. Kami kapuwa ay nasasayahan sa pagbibidahan ng maraming nakatutuwang karanasan sa ministeryo.

Isang kabataang mag-asawa na aming inaralan ng Bibliya, halimbawa, ang mabilis na sumulong hanggang sa punto ng pag-aalay at bautismo at regular na nakibahagi na sa ministeryo. Tuwang-tuwa kami! Pagkatapos, biglang-bigla, sa walang nakikitang dahilan, sila’y huminto ng pakikisama. Si Mildred at ako ay nalungkot sa nangyari, at sa tuwina’y pinag-isipan namin kung saan kami nagkamali sa aming pagsasanay sa kanila. Palaging nananalangin kami noon kay Jehova na sana’y buksan pa rin ang kanilang mga puso upang patunayan ang kanilang pag-ibig sa katotohanan. Maguguniguni mo ba ang aming katuwaan nang tumanggap kami ng liham sa mag-asawang ito mga sampung taon na ang nakalipas at sinabing sila’y aktibo na naman uli na naglilingkod at na ang kanilang tahanan ay isa na ngayong sentro para sa Pag-aaral ng Aklat?

Ang asawang lalaki na si Will ay sumulat: “Ibig kong pasalamatan kayo sa lahat ng tulong at maibiging konsiderasyon sa amin . . . Ang aking paglayo ay kasalanan ko, hindi pala tama ang saloobin ng aking puso . . . Kami’y nakasumpong ng malaking kagalakan sa pagbabalik sa organisasyon ni Jehova . . . Nagbalik sa akin ang magagandang alaala samantalang isinusulat ko ang liham na ito ngayong gabi, harinawang patuloy na pagpalain kayo ni Jehova sa inyong paglilingkod sa kaniya.”

Sa isa pa ring liham, isang ina ang sumulat sa amin tungkol sa kaniyang anak na lalaking si Mike: “Galak na galak ako at siya’y iniupo ng mga anghel sa tabi ninyo.” Ano ba ang ibig niyang sabihin? Bueno, si Mike ay sumama sa kombensiyon sa kaniyang ina at bunsong kapatid, ngunit hindi naman siya talagang interesado sa katotohanan. Napansin ni Mildred na ang bata’y nakaupong nag-iisa kaya kaniyang kinausap ito. Pagkatapos ay kapuwa namin inanyayahan siya at ang kaniyang kapatid upang mamasyal sa London Bethel at magmasid sa aming gawain doon.

Nang maglaon, si Mike ay pumaroon nga, at ang kaniyang nakita roon ang pumukaw ng kaniyang interes upang magpatuloy ng pag-aaral ng Bibliya. Ang resulta? Siya ngayon ay isang hinirang na matanda sa kongregasyon, at ang kaniyang maybahay at dalawang anak na lalaki ay pawang aktibo sa ministeryo. Minsan noong nakaraan ang maybahay ni Mike ay sumulat: “Malimit na binabanggit [ni Mike] na nais niyang makita kayong dalawa . . . Ganiyan na lang ang kaniyang paghanga sa inyong kabaitan at interes sa kaniya.”

Pagka ako at ang aking maybahay ay tumanggap ng pagpapasalamat buhat sa isang katulad ni Will o ni Mike na nagkapribilehiyo kami na tulungan, ang aming mga puso ay labis-labis na nagpapasalamat kay Jehova! Anong laking kagantihan na walang maitutumbas na halaga ang gayong buháy na “mga liham ng rekomendasyon”​—pawang bahagi ng kagalakan na likha ng pananatiling malapit sa organisasyon ni Jehova.​—2 Corinto 3:1-3.

Paglilingkod sa Pandaigdig na Punung-Tanggapan

“Isang bansa sa kaniyang sarili.” Ganiyan ang pagkasabi ng editor ng isang pahayagan sa Brooklyn Heights tungkol sa malaking pamilya ng mahigit na 3,500 mga Saksi na namumuhay sa pandaigdig na punung-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York, at sa Watchtower Farms, na naroon sa layong mga isang daang milya (160 km) sa upstate New York. Totoo naman, ang mga pinahiran ni Jehova ay isang espirituwal na bansa sa paningin ni Jehova! Sa ngayon, pagkarami-raming mga tao sa maraming makasanlibutang mga bansa ang lumalapit at nagsasabi sa mga nasa bansang ito: “Kami’y sasama sa inyo, sapagkat aming nabalitaan na ang Diyos ay sumasa-inyo.”​—Zacarias 8:23; 1 Pedro 2:9.

Natatalos ba ninyo, kung gayon, kung anong laki ang aming kagalakan ng aking maybahay na maging permanenteng bahagi ng malaking pamilyang ito ng Bethel? Masasabi ko nang walang anumang pag-aatubili na ang nakalipas na walong taon ng aking buhay ang hanggang sa ngayon siyang pinakanamumukod-tangi sa lahat ng aking karanasang teokratiko. Dito’y nadarama mo ang pintig ng nakikitang organisasyon ni Jehova; dito inihahanda ang espirituwal na pagkain at pagkatapos ay ipinadadala sa apat na sulok ng lupa; dito’y nasasaksihan mo ang espiritu ni Jehova na gumagana sa pag-akay at pagpatnubay sa mahalagang mga disisyon na kailangang gawin; at dito’y nadarama mo higit saanman ang natipong ebidensiya ng pagpapala ni Jehova sa gawain na pangangaral ng Kaharian at paggawa ng mga alagad. Lahat ng kamakailang mga karanasan at mga impresyong ito ay nagbigay sa akin ng karagdagang pampasigla upang manatiling laging malapit sa bayan ni Jehova.

Mga ilan-ilan lamang sa karanasan ko sa aking buhay ang naikuwento ko. Gayunman, baka makatulong ito sa inyo na maunawaan kung bakit, nang sa wakas lumapag na ang sinasakyan kong eruplano sa Paliparan ng Aberdeen sa maaliwalas na umagang iyon ng Hunyo, ganiyan na lamang ang pasasalamat ko kay Jehova na ako’y isang bahagi pa rin ng ating nag-iibigang pambuong-daigdig na samahan ng magkakapatid. Ginugol ko ang mga oras ng pagbibiyahe sa paggunita sa aking nakalipas na mga taon sa katotohanan, at nagpaalaala ito sa akin muli kung gaano kapaki-pakinabang na paminsan-minsan ay saysayin natin ang maraming pagpapala na tinanggap natin sa kamay ni Jehova.​—Awit 40:5.

Ang aking kapatid na babaing si Louie ay naroon upang sumalubong sa akin​—nagpapatuloy pa rin, masigasig, at tapat pagkaraan ng mahigit na 60 taon ng paglilingkuran kay Jehova bilang isang nag-alay. Pinasasalamatan ko si Jehova sa karagdagang pagpapalang iyon, sapagkat hindi ba sinabi ni apostol Pablo na ang katapatan ang hinahanap ni Jehova sa lahat ng kaniyang “mga katiwala”? (1 Corinto 4:2) Anong laking pampatibay-loob ang maibibigay ng isang miyembro ng pamilya sa pamamagitan ng pananatiling tapat!

Minsa’y dumalangin si Moises: “Ituro mo sa amin ang pagbilang ng aming mga araw upang kami ay magtamo sa amin ng pusong may karunungan.” (Awit 90:12) Habang kami ni Mildred ay tumatanda, aming natatanto ang pangangailangan na laging sumandig sa karunungan ni Jehova upang magamit ang aming buhay sa paraan na nagpapakita ng aming pag-ibig sa kaniya at sa aming mga kapatid. Maibiging ipinakikita sa amin ni Jehova ang paraang iyan kung kami’y mananatiling malapit sa kaniyang organisasyon.

[Larawan sa pahina 28]

Si John Barr (nasa harap sa kaliwa) humigit-kumulang noong taóng 1930, kasama ang kaniyang kapatid na babae, kapatid na lalaki, at mga magulang

[Larawan sa pahina 31]

Si John Barr sa ngayon, kapiling ng kaniyang maybahay na si Mildred

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share